Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 8/8 p. 12-15
  • “Premenstrual Syndrome”—Alamat o Katotohanan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Premenstrual Syndrome”—Alamat o Katotohanan?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang PMS?
  • Ang mga Pasimula ng PMS
  • Ang Siklo ng Buwanang Pagkakaroon
  • Labanan ng mga Hormone?
  • Ang Pangamba sa Idinudulot na Kahihiyan
  • Paghahanap ng Lunas
  • Nagpapatuloy ang Pagtatalo
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1996
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1985
  • Pagkakaroon ng Higit na Pagkaunawa
    Gumising!—1995
  • Pagbibigay-Pansin sa mga Babala ng Katawan
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 8/8 p. 12-15

“Premenstrual Syndrome”​—Alamat o Katotohanan?

Ang kaniyang pag-uugali ay pabagu-bago at di-maintindihan. Sa isang sandali makakasundo mo siya; sa susunod ay nakikipagtalo na siya. Siya’y nagpapahayag ng kawalang pag-asa. Sa kabila ng iyong mga salitang nakaaaliw, gayon na lamang ang kaniyang reaksiyon sa iyong sinasabi at ginagawa. Ang maliit na usapin ay malamang na lumaki at nauuwi sa mainitang pagtatalo. Pagkalipas ng ilang araw, o halos isang linggo, ang “ibang” babaing ito ay biglang naglalaho, at minsan pa’y nagbabalik siya sa normal niyang sarili . . . pansamantala.

ANG totoo, hindi lahat ng babae ay nakararanas ng gayon na lamang mga pagbabago ng ugali. Gayunman, bago dumating ang buwanang pagkakaroon (regla), nababatid ng ilang babae sa kanilang mga sarili ang katumbas sa babae ng Dr. Jekyll at Mr. Hyde. Ano ang sanhi ng gayong mga pagbabago ng ugali? Ang gayon bang pag-uugali ay totoong bunga ng mga pagbabago sa panahon ng siklo ng buwanang pagkakaroon?

Ano ang PMS?

Ayon sa American Journal of Psychiatry, ang mga babae na nakararanas ng “siklong pagkakaroon ng mga sintoma na may kasidhian na humahadlang sa ilang aspekto ng buhay” at lumilitaw nang patuluyan bago ang buwanang pagkakaroon ay maaaring nakararanas ng PMS (premenstrual syndrome). Bagaman walang mga pagsusuri sa laboratoryo na maaaring sumuri sa PMS, ang mga babae na may PMS ay nakararanas ng walang sintoma na yugto sa loob ng isa o dalawang linggo sa panahon ng bawat siklo ng buwanang pagkakaroon. Sa pagpapakahulugan na ito, tinataya ng mga doktor na 10 porsiyento lamang ng mga babae ang nakararanas ng PMS.

Ang iba pang clinician ay may ibang pangmalas sa PMS. Ikinakatuwiran nila na ang mas malaking porsiyento ng babae, sa pagitan ng 40 at 90 porsiyento, ay nakararanas ng PMS. Kasali sa kanilang paglalarawan ng kataga ang nararanasang iba’t ibang reklamo, gaya ng pagtaba, pagkahapo, pananakit ng kasu-kasuan, pananakit ng puson, pagsakit ng ulo, pagkamayayamutin, pananakit ng suso, paminsan-minsang pag-iyak, masidhing paghahangad ng pagkain, at pag-iiba-iba ng ugali. Mahigit na 150 sintoma ang kaugnay sa PMS. Ang mga babae, kasali na yaong hindi na dinaratnan, ay maaaring makaranas ng anuman o ilan sa mga sintomang ito. Gayunman, pangkaraniwan nang nararanasan ng isang babae ang PMS sa mga edad niyang 30. Para sa karamihan ng babae, ang mga sintoma ng PMS ay nakababalisa subalit nasusupil naman. Sa artikulong ito itutuon natin ang pansin sa mga nakararanas nito na di-gaanong masidhing PMS.

Iniulat ni Nancy Reame, isang mananaliksik sa University of Michigan, na ang PMS ay itinuturing na “isang di-tiyak na suliranin sa kalusugan” sa Estados Unidos, subalit sa ibang bansa maraming pagkakaiba sa uri at kasidhian ng mga sintoma. “Ang ilan ay nag-uulat ng higit na kapansin-pansing pisikal na sintoma, at ang ibang kultura ay nag-uulat ng higit na emosyonal na mga sintoma,” aniya. Si Reame, na nagsagawa ng pananaliksik sa Tsina, ay bumanggit sa mga Intsik bilang halimbawa. “Sa kulturang Intsik hindi mabuti ang pagkakaroon ng emosyonal na mga sintoma.” Gaya ng resulta, sabi niya, itutuon ng kababaihan ang pansin sa pangangalay kapag tinatanong tungkol sa mga suliranin sa buwanang pagkakaroon.

Ang mga Pasimula ng PMS

Ang PMS ay unang tinalakay ni Dr. Robert T. Frank ng New York noong 1931 sa kaniyang isinulat na “The Hormonal Causes of Premenstrual Tension.” Napansin niya ang mga babae na nakararanas ng pagkahapo, kawalan ng pagtutuon ng isip, at pagkabalisa bago ang buwanang pagkakaroon.

Pagkalipas lamang ng 22 taon na nailathala nina Katharina Dalton at Raymond Greene, mga Ingles na manggagamot, ang ulat sa isang medikal na babasahin na doo’y kanilang nilikha ang katagang “premenstrual syndrome.” Tinagurian ni Dr. Dalton ang PMS bilang “ang pinakakaraniwan, at malamang na pinakamatanda, na sakit sa daigdig.” Ang kaniyang mga natuklasan na maaaring epekto ng PMS sa paggawi ng babae ay naipaalam sa madla noong 1980. Siya at ang iba pang doktor ay ipinatawag upang suriin ang dalawang babaing taga-Britanya na ipinagsakdal sa salang pagpatay. Ipinalalagay nila na ang paggawi ng babae ay maaaring apektado ng mga pagbabago ng mga hormone sa panahon ng kaniyang siklo ng buwanang pagkakaroon. Salig sa kanilang pagsusuri sa PMS, ang mga demandang pagpatay sa dalawang kaso ay pinababa. Sa isang pagpapasiya ang nasasakdal ay tumanggap ng mas mababang pagsasakdal sa salang pagpatay sa mga kadahilanang “sakit sa isip.”

Ang mga kaganapan ng nakapipinsalang paggawi sa bahagi ng kababaihan, gaya ng nabanggit, ay waring bibihira. Ang sanhi ng gayong paggawi at di-gaanong malubhang nakababalisang mga sintoma na nararanasan ng karamihan ng kababaihan sa panahon ng buwanang pagkakaroon ay patuloy na pinagtatalunan sa mga pahina ng mga babasahing pangmedisina at di-ukol sa medisina.

Ang gayon bang paggawi ay talagang resulta ng siklong pagbabagu-bago ng hormone sa katawan ng babae? O ang idea ng pagbugso ng hormone at ng mahirap pakitunguhang katawan ng babae ay isang alamat lamang? May mga pagkakaiba ng opinyon sa kung ano ang epekto, kung mayroon man, ng mga pagbabago ng hormone sa paggawi ng babae. Maraming mananaliksik at doktor ang sumasang-ayon na ang mas mabuting pagkaunawa sa pagitan ng pagkilos ng utak at mga hormone sa obaryo sa panahon ng buwanang pagkakaroon ang susi sa pagkabatid kung bakit ang ilang babae ay nakararanas ng PMS.

Ang Siklo ng Buwanang Pagkakaroon

Halos minsan sa bawat apat na linggo, ang katawan ng babae ay pumapasok sa lubhang masalimuot na siklo ng mga pagbabago ng hormone. Tinagurian ng marami bilang “sumpa,” ang salitang Ingles na “menstruation” ay mula sa salitang Latin na mensis, nangangahulugang “buwan.”

Sa pagsisimula ng siklo, ang hypothalamus ng utak ay nagpapadala ng mensahe sa glandulang pituitary. Kapag natanggap ang mensahe, ang pituitary ay naglalabas ng FSH (follicle-stimulating hormone). Ang FSH ay dumadaloy sa dugo patungo sa mga obaryo at nagpapasimula sa paglikha ng estrogen. Habang dumarami ang estrogen, ang pituitary ay tumutugon sa pamamagitan ng pagpapadala ng LH (luteinizing hormone). Pinababagal ng LH ang paglalabas ng FSH. Isang itlog na selula ang nahihinog at dumadaloy sa matris. Pagkatapos na mailabas ang itlog na selula, ang hormone na progesterone ay inilalabas. Kung ang itlog ay hindi naging pertilisado, mabilis na nababawasan ang mga antas ng progesterone at estrogen.

Kung walang hormone na tutulong dito, ang sapin ng bahay-bata ay humihina, kasama ng dugo, likido, at ng ibang himaymay na inilalabas sa kaluban. Gumugugol ng halos tatlo hanggang pitong araw para lubusang mailabas ang sapin ng bahay-bata ng babae, na siyang pagtatapos ng isang siklo ng buwanang pagkakaroon. Kapag nagtapos na ang isang siklo ng buwanang pagkakaroon, ang utak ay naglalabas muli ng mga hormone, na humuhudyat sa pagpapasimula ng bagong siklo.

Labanan ng mga Hormone?

Ikinakatuwiran ng ilan na ang di-timbang na estrogen at progesterone ay siyang sanhi ng mga sintoma bago ng buwanang pagkakaroon ng isang babae. Iginigiit nila na ang mga hormone ay normal na sama-samang gumagawa upang maabot ang isang ganap na pagkatimbang. Kapag lumabis ang nailabas ng isa sa alinman sa dalawa, nagaganap ang labanan, at ang pinsala ay naiiwan sa katawan ng babae.

Ang pinataas na antas ng estrogen ay maaaring magpangyari sa babae na maging mayayamutin. Para sa iba, nangingibabaw ang progesterone, na siyang nagpapangyari sa kanila na makadama ng panlulumo at pagkahapo.

Ang ibang mananaliksik ay di-sumasang-ayon sa teoriya na ang pagiging di-timbang ng hormone ang sanhi ng PMS. Nangangatuwiran sila na ang mga salik na pangkaisipan at panlipunan ay may malaking bahaging ginagampanan sa pagkakaroon ng mga sintoma bago ng buwanang pagkakaroon sa ilang babae. Sinasabi ng Patient Care, na nag-uulat sa mga sanhi ng PMS, na “walang maliwanag na pagkakaiba ang nasumpungan sa mga takbo, proporsiyon, bilang, o tiyempo ng mga gonadal na hormone sa mga babae mayroon man o walang matinding PMS.”

Halimbawa, ang kaigtingan ay maaaring magpabilis, magpaantala, o magpatindi ng mga sintoma ng PMS. Ganito ang sabi ng aklat na PMS​—Premenstrual Syndrome and You: Next Month Can Be Different: “Ang kaigtingan ang humahadlang sa paglalabas ng mga hormone at ang kulang na suplay ng mga hormone ay maaaring humantong sa uri ng di-timbang na hormone na nagpapalubha sa mga sintoma ng PMS.” Ang mga suliranin ukol sa medisina, pananalapi, o pamilya ay waring tumitindi at di-gaanong mapakitunguhan bago ang buwanang pagkakaroon.

Ang Pangamba sa Idinudulot na Kahihiyan

Iginigiit ng ilang mananaliksik na ang isang babae ay maaaring malasin bilang di-kaayaayang manggagawa o nagpapasiya kung siya’y makitaan ng mga sintoma na may kaugnayan sa kaniyang buwanang pagkakaroon. “Sa ganiyang dako inilalagay ng lipunan ang kababaihan. Kung hindi ka makapagtrabaho minsan sa isang buwan, nangangahulugan iyan na hindi ka dapat gumawa ng seryoso, mabibigat, maimpluwensiyang mga bagay na ito,” ang pangangatuwiran ni Barbara Sommer, isang sikologo.

Iginigiit ng ibang mananaliksik na sinasang-ayunan ng kababaihan ang PMS dahil sa pinahihintulutan sila nito na gamitin ang kanilang kalagayan bilang isang dahilan sa kanilang paggawi. Sa isang panayam sa magasing Redbook, sinabi ni Dr. Carol Tavris, awtor ng The Mismeasure of Woman, na ang PMS “ay nagpapahintulot sa mga babae na magbunton ng sisi at magsabi, ‘Anong masamang nangyayari sa akin sa medikal na paraan?’ hindi, ‘Anong mali sa buhay ko na nagpapamiserable sa akin?’ ”

Noong 1985, tumutol ang mga babaing sikayatrista sa Committee on Women of the APA (American Psychiatric Association) laban sa paglalakip ng PMS sa Diagnostic and Statistical Manual ng APA. Bagaman binanggit sa apendise ng pinakahuling manwal (1987) bilang “late luteal phase dysphoric disorder,” isang grupo ng mga lider ng APA ang nagmungkahi na itala itong “premenstrual dysphoric disorder” (PMDD) sa pangunahing aklat sa susunod na edisyon nito. Ang pagtatala nito sa manwal ang magpapangyari rito na ito’y maging kinikilalang sakit sa isip.

“Hindi ito makikita saanman sa aklat sapagkat hindi ito sakit sa isip,” sabi ni Dr. Paula Kaplan, dating tagapayo sa grupo. “Sa susunod na maihalal ang isang babae para maging attorney general, tatanungin siya: “Nagkaroon ka na ba ng PMDD?’ ” aniya.

Paghahanap ng Lunas

Ang mga nasa larangan ng paggamot ay patuloy na nagtatalo sa usapin ng PMS. Maraming teoriya ang lumilitaw sa tunay na sanhi at paggamot ng PMS. Inaakala ng ilang doktor na may 18 uri ng PMS, bawat isa ay nagdudulot ng ibang mga sintoma. Iniulat ng isang kamakailang pagsusuri na ang zinc ay baka may ginagampanang bahagi sa pagkakaroon ng mga sintoma ng PMS. Sinabi pa ng isang pagsusuri na ang kakulangan sa bitamina B6 ay maaaring ang ugat ng suliranin, na sanhi ng di-gaanong malubhang panlulumo kung minsan.

Ang mga paggamot gaya ng banayad na terapi, masaheng pampatulog, pamamaraan ng lubusang pagrerelaks, mga drogang panlaban sa panlulumo, at mga supositoryong progesterone ay sinubukan ng mga babae na naghahanap ng lunas sa pabalik-balik na mga sintoma ng PMS. Hanggang sa ngayon, walang patuluyang mabisang paggamot ang natuklasan.

Ang mga babae na nakararanas ng mahirap-pakitunguhang mga sintoma bago ang buwanang pagkakaroon ay dapat na magpatingin sa doktor. Ang bawat kaso ng PMS ay kakaiba, at ang bawat babae ay karapat-dapat sa mabuting medikal na payo at wastong pangangalaga. Dahil sa ang PMS ay maaaring mapagkamalang ibang malubhang sakit, gaya ng sakit sa thyroid, endometriosis, at panlulumo, ang pisikal na pagsusuri ay mahalaga.

Iminumungkahi na bago ang unang pagpapatingin sa doktor, ang isang babae ay dapat na mag-ingat ng detalyadong talaarawan o kalendaryo ng pisikal at emosyonal na mga sintoma na nararanasan niya bago ang buwanang pagkakaroon. Ang kabatiran sa mga araw na siya’y mas madaling maging sumpungin, mayayamutin, o nanlulumo ay makatutulong sa kaniya na maisaayos nang mabuti ang kaniyang iskedyul. Makatutulong din sa kaniya na matiyak kung siya nga’y nakararanas ng PMS.

Maaaring maimungkahi ng mga doktor na bawasan ang mga salik na nagdudulot ng kaigtingan sa kaniyang buhay. Ang masustansiyang pagkain at regular na ehersisyo ay maaari ring humadlang sa PMS. Ang pagkaing mayaman sa carbohydrate, mababa sa protina ay nakatutulong sa pabagu-bagong pag-uugali ng ilang nanlulumong mga babae bago datnan, sabi sa isang pagsusuring isinagawa sa pamantasan. Ang regular na ehersisyo o mabilis na paglalakad kung araw ay makatutulong din sa paglaban sa pagkahapo at mga sumpong.

Mangyari pa, makatutulong ang mga miyembro ng pamilya, lalo na ang asawang lalaki. Dapat nilang pagsumikapang maging lalong mabait, makonsiderasyon, at maunawain kung panahon ng buwanang pagkakaroon ng babae na sanhi ng kaniyang mga paghihirap.

Nagpapatuloy ang Pagtatalo

Sinasabi ng ilan na ang tagurian ang normal na emosyonal at pisikal na mga pagbabago ng isang babae na kaniyang nararanasan sa panahon ng kaniyang siklo ng buwanang pagkakaroon bilang “syndrome” ay mali. At ayaw paniwalaan ng iba ang PMS, sinasabi na ito’y nagdudulot ng kahihiyan sa kababaihan.

Gayunman, para sa maraming babae, ang PMS ay totoo. Buwan-buwan, nararanasan ang mga sintoma na nagpapahirap sa pakikitungo sa pamilya at trabaho. Ang paghahanap ng lunas at pag-unawa rito ay totoong nakasisiphayo habang ang maraming nasa larangan ng medisina at karaniwang mga tao ay patuloy na nagtatalo sa pagiging totoo ng PMS.

[Larawan sa pahina 15]

Ang mga miyembro ng pamilya ay makatutulong sa pamamagitan ng pagiging lalong mabait at makonsiderasyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share