Disiplina ang Nagligtas sa Akin
NANG ako’y apat na taóng gulang, ipinasok ako ng aking mga magulang sa calisthenics class. Nangailangan ito ng ensayo, at kailangan kong gumawang kaisa ng iba pang mga batang babae. Di-nagtagal, nagsimula akong magsanay bilang isang mananayaw. Ang disiplina ay naging bahagi ng aking buhay.
Ang mga magulang ko ay tunay na mga tagapagdisiplina at inaasahan nilang ang kanilang mga anak ay maging mapitagan, may mabuting ugali, at magalang. Kung minsa’y iniisip kong hindi sila makatuwiran, subalit ngayon kapag ginugunita ko—dahil sa nagpalaki ako ng tatlong mga anak ko mismo—naunawaan ko ang kahalagahan ng disiplina. Tunay nga, pinasasalamatan ko ang aking mga magulang sa lubusan nilang pangangalaga.
Ang maagang pagsasanay sa akin sa disiplina sa sarili, gayundin ang paggawang kasama ng iba, ang tumulong sa akin sa dakong huli ng buhay.
Ang Pagharap sa mga Hamon
Sa edad na walo, ako’y nagkaroon ng rheumatic fever, isang sakit na nagparatay sa akin. Nakaranas ako ng matinding kirot sa dalawang tuhod ko, at hindi ako pinahintulutang lumakad sa loob ng 12 buwan. Ang maibigin kong pamilya ang bumubuhat sa akin saanman. Walang nag-aakala na ako’y makapagsasayaw pang muli. Subalit pangunahin nang dahil sa pangangalaga na tinanggap ko mula sa aking mga magulang, lakip ang kakayahan at pagtitiyaga ng doktor ng aming pamilya, lubusan akong gumaling at nakabalik sa aking pagsasayaw na determinado higit kailanman na maging pinakamahusay na mananayaw.
Pinahintulutan ako ng aking mga magulang na huminto ako sa karaniwang pag-aaral sa edad na 16 upang maipagpatuloy ko ang aking karera bilang isang mananayaw. Ginawa ko ito taglay ang sigasig at sigla. Nang maglaon, nagsimula akong magsanay sa classical ballet. Hiniling nito ang higit na disiplina sa sarili. Sa loob ng tatlo at kalahating taon, ako’y nag-aral at nagsanay ng anim na araw sa loob ng isang linggo.
Nang ako’y 19, ang mga audisyon para sa Australian Ballet School ay idinaos. Ang kompetisyon para sa pagtanggap sa kilalang paaralang ito ay napakahigpit. Kakaunti lamang ang napili mula sa buong Australia. Ako’y galak na galak sapagkat isa ako sa napili. Kaya, nagsimula ako ng 18 buwan ng mahigpit na pagsasanay. Ang paaralan ay naglakip ng mga klase sa ballet, mime (sining sa pagganap ng isang katauhan), drama, at sining. Ang ballet ay isang napakagandang uri ng sayaw, subalit humihiling ito ng tunay na lakas upang magtingin itong tila ba walang kahirap-hirap. Kaya upang mapalakas ang aming mga binti, nagsagawa kami ng iprinogramang mga workout sa isang himnasyo.
Sa wakas, noong Hunyo 1970, ang mga audisyon para sa Australian Ballet Company ay idinaos. Ako’y napili muli, at sa loob ng isang linggo ako’y napasali sa samahan.
Ang Buhay sa Kakaibang Daigdig
Bago ko pa man mabatid kung ano ang nangyayari, ako’y lumisan na sa aming tahanan sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay at napadpad sa totoong kakaibang kapaligiran. Naglakbay ang aming samahan sa Australia, at pagkatapos ay nagtungo kami sa Asia. Para bang nakatira ka sa ibang daigdig na may sarili nitong mga alituntunin at mga pamantayan. May napakahaba’t nakapapagod na mga araw at mga gabi ng ensayo, lakip pa ang pamamaga, pagdurugo, at pamamaltos ng mga paa. Subalit sulit naman ang pagpapagal sa mga pagtatanghal. Totoong nakatutuwa kapag ikaw ay nasa entablado.
Pagbalik namin sa Australia, isang epidemya ng trangkaso ang kumalat sa aming samahan, na nagpangyari na hindi makapagtanghal ang marami sa amin. Hindi ako nakapagsayaw sa loob ng tatlong buwan. Pagbalik ko sa kompanya ng ballet, nagsimula akong magkaproblema sa buhay ng isang mananayaw—laging nagsisikap para sa kasakdalan sa pagsasayaw at nalilimitahan ang pakikisalamuha maliban sa ballet, yamang ang panahon at pagkahapo ang humahadlang sa pakikisalamuha sa iba. Pagkatapos ng mga taon ng aking pagsasanay, ito ba ang magiging katapusan ng aking karera?
Ako’y naging hindi makatuwiran, may magkakahalong damdamin. Naging labis akong tahimik at inihiwalay ko ang aking sarili. Sa wakas, pagkalipas ng isang taon, nagkasakit ako ng malubhang alerdyi na tinatawag na urticaria. Bilang resulta, ang buong katawan ko ay tinadtad ng namamaga, makati, at mapulang mga bukol na nagkasama-sama hanggang sa mamula ang buong katawan ko. Ito ang pinakasukdulan—ako’y nagbitiw mula sa Australian Ballet Company. Lumipas ang maraming buwan bago ako gumaling. Ang mga magulang ko muli ang nag-alaga sa akin hanggang sa ako’y gumaling.
Ang Pag-aasawa at Pagpapamilya
Noong 1974, nakilala ko ang isang mahusay na lalaki. Siya’y isang aktor na nagmamay-ari ng isang negosyo. Kami’y napakasal at naglakbay sa buong Europa. Pagbalik namin sa Australia, ang aming panganay na anak, si Justin, ay isinilang noong 1976. Nang maglaon, kami’y lumipat sa Perth, ang kabisera ng Kanlurang Australia, at bumili ng isang otel. Anong laking pagbabago sa istilo ng buhay ito!
Napakaraming trabaho, yamang kami mismo ang nagpapatakbo ng otel. Ako’y bumabangon ng alas kuwatro ng umaga at kung minsan ay nagtatrabaho pa ako hanggang sa susunod na umaga. Karagdagan pa sa kaigtingang ito, may malakas na impluwensiya ng demonyo sa otel. Unti-unti nitong naapektuhan ang aming buhay, lalo na ang buhay ng aking mahal na asawa. Kaya pagkalipas ng tatlong taon, dahil sa mga problema sa aming pag-aasawa at salapi, ipinasiya naming ipagbili ang otel at mag-ipon upang maisalba ang aming pagsasama.
Nadagdagan ang aming pamilya hanggang sa maging lima dahil sa pagsilang ko sa dalawa naming anak na babae, sina Bianca at Victoria. Hindi agad naipagbili ang otel, at iyon ang panahon na napag-isipan kong humingi ng tulong sa Diyos. Natandaan ko ang panalanging Ama Namin na isinaulo ko nang ako’y bata pa. Iyon ang laging nasa isip ko, at lagi kong sinasambit iyon.
Sa wakas, naipagbili ang otel. Gayunman, namatay ang aking asawa dahil sa aneurysm tatlong linggo lamang bago kami umalis sa Perth papuntang Melbourne. Siya’y 32 lamang. Labis-labis ang paghihinagpis ko, at hindi ito naibsan nang sabihan ako ng Katolikong pari sa Melbourne na dahil sa naging problema ng aking asawa sa mga demonyo, ang masamang impluwensiya ng mga ito ay tiyak na nasa akin din. Kaya niwisikan niya ang buong katawan ko ng “agua bendita” at ang mga anak ko at bawat kuwarto ng bahay ng nanay ko, kung saan kami nakatira.
Mga Katanungang Nanatiling Hindi Nasagot
Ilang taon ang lumipas, at patuloy akong nagtatanong tungkol sa Diyos, subalit hindi ako nakatanggap ng anumang nakasisiyang mga sagot mula sa relihiyong Katoliko. Kaya ako’y nagpasiya na ilipat ang aming pamilya mula sa Melbourne tungo sa mas mainit ang klima na Queensland. Doon, sa Brisbane, kami naging abala sa mga gawain sa simbahan. Ang mga bata ay pumasok sa Katolikong mga paaralan, at lahat kami ay nagsisimba nang palagian, nag-aayuno, nagrorosaryo, at ginawa naming lahat ang inaakala naming kahilingan ng Diyos sa amin.
Yamang wala akong natanggap na kasagutan sa aking mga katanungan, nagpasiya ako na magbasa ng isang bahagi ng Bibliya sa sarili ko upang suriin kung makasusumpong ako ng mga sagot sa ganang sarili ko. Sa wakas nabasa ko ang Mateo 7:7, na nakamangha sa akin. Basta sinabi roon na patuloy na humingi at patuloy na maghanap. ‘Madali lang ito,’ nasa isip ko. Kaya ginawa ko ang gayon. Patuloy kong hiningi sa Diyos na tulungan akong makakuha ng sagot sa aking mga katanungan.
Nagkaroon ng mga Kasagutan sa Wakas
Kung babalikan, nauunawaan ko na hindi lamang nagkataon ang pagkatok ng mga Saksi ni Jehova sa aking pinto di pa natatagalan pagkatapos niyan. Ang kanilang sinabi ay kahanga-hanga. Bagaman nakinig ako taglay ang interes, hindi ko natanto na ito na pala ang hinahanap ko. Kaya pagkalipas ng ilang pagdalaw, sinabi ko sa mga babae na dumadalaw sa akin na huwag na silang bumalik pang muli.
Abalang-abala ako noong pasimula ng 1987. Ang bahay ko ay nasa huling mga yugto ng pagkukumpuni, at isang mahusay na pintor ang kailangan upang tapusin ang lahat. Iminungkahi ng tagapagtayo ang isang palakaibigan, magalang, at matulungin at may kabataang pintor ng bahay na nagngangalang Peter. May pagmamahal na ipinakipag-usap ni Peter ang tungkol sa kaniyang maybahay at mga anak, at siya’y may kaayaaya at malinis na hitsura. Ibig kong taglayin ang gayong kaanyuan, kaya tinanong ko siya isang umaga samantalang pumapanhik siya sa andamyo: “Saan ka nagsisimba?”
Sa pagkaalam na isa siya sa mga Saksi ni Jehova, inulan ko siya ng mga tanong mula sa panahong dumating siya sa trabaho noong umaga hanggang sa pag-uwi niyang pagod noong hapon. At nasagot niyang lahat ang tanong ko. Nagsimula akong mag-aral araw at gabi, at naging makatotohanan ang Bibliya. Dahil sa galak na galak ako, pumayag ako sa isang pag-aaral ng Bibliya para sa buong pamilya ko. Iyon ang pinakamasayang yugto sa aming buhay dahil sa kagalakan ng pagkaalam na nasumpungan namin ang katotohanan.
Inalis namin ang lahat ng basura—ang mga kaisipan namin at mga ari-arian na may kaugnayan sa idolatriya. Napakaraming bag ng basura ang inalis namin sa aming tahanan at ibinasura ito. Hindi pa natatagalan may pagpipitagang sinabihan ang aking mga anak na lisanin ang mga paaralang Katoliko. Ang kanilang pagpapatotoo tungkol kay Jehova ay hindi naibigan.
Nagkakaisa sa Tunay na Pagsamba
Kaming apat sa ngayon ay bautisadong mga Saksi na. Sina Justin at Bianca ay katatapos pa lamang mag-aral at nasa buong-panahong ministeryo na naglilingkod bilang mga payunir. Si Victoria ay 16 at nag-aaral pa. At ako ay nasa aking ikaanim na taon bilang isang payunir.
Gumugol kami ng anim na taon sa isang kongregasyon sa Brisbane, kung saan ako’y nakatulong sa dalawang mahal na matatandang babae, na di-nagtagal ay nag-alay ng kanilang mga buhay sa Diyos na Jehova. Noong 1994 lumipat kami kung saan may higit na pangangailangan para sa mga mangangaral ng Kaharian. Ngayon kami ay naglilingkod sa maliit na bayan na tinatawag na Charleville sa timog-kanluran ng Queensland. Ang pinangangaralan naming teritoryo ay napakalaki ng saklaw, halos kasinlaki ng isla-estado ng Tasmania sa Australia!
Kung gugunitain ko ang panahon ng aking pagkabata at pagsasanay, natanto ko kung gaano ako kalaki nakinabang mula sa disiplina. Nakatulong ng malaki ito sa akin na ikapit ang mga simulain ng Bibliya at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago sa buhay. Totoo, ang disiplinahin ni Jehova sa ngayon ay nagdudulot ng tunay na kagalakan at ng pag-asa ng walang-hanggang mga pagpapala para sa akin at sa aking mahal na pamilya.—Kawikaan 6:23; 15:33.—Gaya ng inilahad ni Sue Burke.
[Larawan sa pahina 21]
Kasama ng aking tatlong anak