Pagmamasid sa Daigdig
“Pandaigdig na Pagkabahala”
Sa Summit on AIDS na ginanap sa Paris noong ikapitong taunang World AIDS Day, sinabihan ng kalihim-panlahat ng UN, si Boutros Boutros-Ghali, ang mga pinuno ng estado at ang mga minister ng kalusugan mula sa 42 bansa at 5 kontinente na “magpahayag ng kalagayan ng pandaigdig na pagkabahala” tungkol sa nakatatakot na paglaganap ng AIDS sa buong mundo. Sa pagitan ng Hulyo 1993 at Hulyo 1994, sa kabila ng pambuong daigdig na mga pagsisikap na sugpuin ang pagkalat ng AIDS, ang kabuuang bilang ng mga kaso ng AIDS sa daigdig ay lumago nang 60 porsiyento, umaabot ng halos apat na milyon. Sa isang kahindik-hindik na ulat, nagbabala ang World Health Organization na sa kasalukuyang bilis ng pagdami, ang paglanap ng AIDS sa buong mundo ay totoong “nagbabanta sa hinaharap ng lahat ng lipunan,” at hinulaan nito na kasing-aga sa taóng 2000, sa pagitan ng 30 milyon at 40 milyon katao ang mahahawahan ng nakamamatay na sanhi ng AIDS na virus ng HIV.
“Ang Pinakamasamang Droga”
Ang pinakahuling ulong-balita sa pahayagang Jornal do Brasil sa Brazil ay naglarawan sa mga sigarilyo na “ang pinakamasamang droga.” Ayon sa patnugot ng National Cancer Institute ng Brazil, si Dr. Marcos Moraes, tinatarget ng industriya ng sigarilyo ang mga kabataan. Ipinaliwanag niya na mientras “mas maagang manigarilyo ang isang kabataan, mas matagal siyang magpapatuloy sa paninigarilyo. At mientras mas lantad siya sa paninigarilyo, mas malaki ang panganib niya sa kalusugan.” Sinasabi ni Dr. Moraes na sa gitna ng 30 milyong maninigarilyo sa Brazil, “2.4 milyon ang mga bata at mga kabataan.” Sinabi pa niya na “ang mga sigarilyo ay pumapatay nang mas marami[ng tao] kaysa AIDS, cocaine, heroin, alak, sunog, mga aksidente sa kotse at pagpapatiwakal kahit pagsama-samahin pa.”
Higit na Karahasan Laban sa mga Babae
“Ang mga pandarahas sa mga babae ng kanilang mga asawa o mga lalaking kapareha ang pinakakaraniwang anyo ng karahasan sa mundo,” sabi ng pahayagang The Australian sa isang artikulo tungkol sa ulat ng UN. Ipinaliliwanag ng artikulo na “hanggang sa sangkapat ng kababaihan sa mundo ang may kalupitang inaabuso.” Sa ilang bansa, gaya ng Chile, ang Republika ng Korea, Pakistan, Papua New Guinea, at Thailand, ang bilang na ito ay mas mataas pa. Sa isang bansa, halos 80 porsiyento ng populasyon ng mga babae ang inabuso, sabi ng isa pang pahayagan, ang The Sydney Morning Herald, sa pagtalakay sa ulat ding iyon ng UN. Marami sa biktima ang nagtitiis din ng patuloy na pag-abuso sa emosyon. Ang karahasan sa loob ng tahanan ay napakahirap lutasin sapagkat halos lagi itong nagaganap sa loob ng tahanan. Kalimitan ang mga kaibigan, mga kapitbahay, at mga kamag-anak ay bantulot na mag-ulat nito.
Nakalalasong mga Usok
Ang mga opisyal ng kalusugan sa Estados Unidos ay nababahala sa pagdami ng nalalason ng carbon monoxide (CO). Sinasabi ng MMWR (Morbidity and Mortality Weekly Report) na “sa bansa, halos 590 ang namamatay taun-taon mula sa di-sinasadyang pagkalason sa CO.” Hindi kasali rito ang maraming di-nakamamatay na mga kaso ng pagkalason ng CO. Dahil sa ang nakamamatay na gas ay walang-kulay, walang-amoy, at walang-lasa, mahirap na matutop ito. Sinisira ng gas ang kakayahan ng dugo na magdala ng oksiheno sa mga selula, na sanhi ng pagsakit ng ulo, pagsusuka, mga diperensiya sa sistema ng nerbiyo, coma, at kamatayan. Ayon sa MMWR, ang “pagkatipon ng CO ay maaaring nauugnay sa anumang pagbuga na nagaganap sa loob ng bahay (gaya ng pagpapainit sa loob ng bahay, pagluluto, o umaandar na sasakyan o kagamitang pinaaandar ng gasolina)—lalo na kapag di-sapat ang bentilasyon.”
Mas Ligtas ba ang “Four-Wheel Drive”?
Marami ang naniniwala na laging ligtas na magmaneho ng isang sasakyang four-wheel drive, lalo na sa niyebe at yelo. Gayunman, “pagdating sa paghinto, ang mga sasakyang four-wheel drive ay walang bentaha laban sa mga sasakyang two-wheel-drive,” ulat ng The Wall Street Journal. Ayon sa mga opisyal ng seguro, ang ilang pinakapopular na mga modelo sa totoo ay may “higit na malalaki kaysa pangkaraniwang mga inaangkin sa seguro ng sakuna at banggaan.” Maliwanag, mas maraming tsuper ang lubusang nagtitiwala at nakikipagsapalaran kapag nagmamaneho ng mga sasakyang four-wheel-drive. Si Marc Schoen, isang mananaliksik sa UCLA Medical Center sa Los Angeles, ang nagsabi na “sa pamamagitan ng mga pelikula at TV, iniuugnay ng mga tao ang mga sasakyang four-wheel-drive sa diwa ng pagiging independiyente at malaya.” Ang diwa ng kapangyarihan at pagiging di-nalulupig ay maaaring makahadlang sa matinong paghatol, na siyang sukdulang pinakamabuting patakaran sa ligtas na pagmamaneho.
Mga Laruan na Humihimok ng Karahasan
Isang programa sa TV tungkol sa mga tin-edyer na nagbabagong-anyo, na tila madyik, na nagiging mga mandirigma ng martial-arts ang kinahuhumalingan ng mga bata sa Estados Unidos. Ang mga karakter sa TV ay kilala bilang Mighty Morphin Power Rangers. Nababahala ang mga awtoridad sa paaralan sa waring ugali ng pagkahumaling na ipinamamalas ng maliliit na bata na gumagaya sa mararahas na kilos ng mga Power Ranger. Iniuulat ng The Wall Street Journal na sa kamakailang pagsusuri, 96 na porsiyento “ng mga guro na sinurbey ang nagsabi na kanilang nasaksihan ang mabalasik na tinularang kilos ng Morphin.” Sa ilang kalagayan ang mga bata ay kasimbata ng tatlong taóng gulang. “Ang maliliit na bata ay biglang nagiging magugulo, tila mga boksingerong nagsusuntukan,” sabi ng Journal. Ang pagiging popular ng programa ay nakikinikinita sa inaasahang $300 milyon na kikitain sa isang taon sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga laruang Power Ranger.
Bagong Kagamitan na Nagbababala sa Panganib ng Atake sa Puso
Nakagawa ang mga siyentipiko sa Victoria, Australia, ng bagong kagamitan na kapag ipinatong sa balat sa ibabaw ng pangunahing arterya sa leeg ay nakahuhula ng panganib ng sakit sa puso. Dahil sa hindi nangangailangan ng operasyong may ipinapasok na gamit, nasusukat nito ang bilis ng takbo ng dugo at pag-iiba-iba ng presyon ng dugo pagkatapos ng bawat tibok ng puso. Sa gayon magagamit ang computer upang kalkulahin “ang sukat ng buong sistemang cardiovascular ng pasyente,” sabi ng ulat sa pahayagang The Sydney Morning Herald. Tinitiyak ng kagamitan ang higit na pagiging angkop nito kaysa pangkaraniwang mga paraan ng pagtiyak sa panganib ng tao sa sakit sa puso. Bagaman ang mataas na antas ng cholesterol at mataas na presyon ng dugo ay matinding tagapagpahiwatig ng panganib, “maraming tao sa kategoryang ito ay hindi kailanman inatake sa puso,” sabi ng ulat, na nagsasabi pa na “sa pamamagitan ng paggamit ng pansuring ito, [sila’y] maliliban mula sa mahal na mga gamot na nagpapababa ng cholesterol o pagsunod sa mahihigpit na diyeta na hindi nila kailangan.”
“Kumain Kayo ng mga Prutas at Gulay”
Sa loob ng mga dekada iminungkahi ng mga siyentipiko ang pagkain ng mga carotenoid bilang mga suplementong pagkain. Ang beta-carotene ay kilalang carotenoid, at ito’y iniuugnay sa pag-iwas sa mga atake sa puso, atake serebral, at ilang uri ng kanser. Gayunman, pinag-aalinlanganan ng bagong mga pagsusuri ang mga kapakinabangan ng mga suplementong beta-carotene. Ayon sa The New York Times, ang siyentipiko sa pagkain na si Dr. Paul LaChance ay “nagbabala laban sa pag-inom ng mga suplemento ng isa-isang carotenoid.” Ipinaliwanag niya na “sa likas na pagkain ay nakakukuha tayo ng magkakahalong mga carotenoid, at hindi pa natin alam kung gaano kahalaga na makuha ang halong ito.” Isa pang mananaliksik, si Dr. Regina Ziegler, ang nagmungkahi na “hanggang sa ating makilala ang nag-iingat na mga katangian ng mga prutas at gulay, hindi natin maaaring ikapsula ang mga ito at gawing mga pildoras.” Sinabi ng Times na “karamihan sa mga dalubhasa ay nagbalik sa dating payo na ibinibigay ng mga ina: ‘Kumain kayo ng mga prutas at gulay.’”
Mga Pagbibitiw sa Simbahan
Ayon sa Katolikong pahayagan na Christ in der Gegenwart, 28 milyon katao sa Alemanya, o sangkatlo ng populasyon, ay Katoliko. Noong mga taon ng 1992 at 1993, isang kabuuan ng halos 350,000 katao ang nagbitiw mula sa Iglesya Katolika. Ikinababahala ni Obispo Karl Lehmann, chairman ng German Bishops Conference, na ang bagong buwis pederal, na ipakikilala sa 1995, ang aakay sa higit na pagdami ng mga pagbibitiw, ulat ng Süddeutsche Zeitung. Ang mga miyembro ng simbahan sa Alemanya ay hinihilingang magbayad ng buwis sa simbahan. Kaya, inakala na ang ilang Katoliko ay iiwas sa bagong buwis pederal sa pamamagitan ng basta pagbibitiw sa simbahan.
Ang Buhay sa Malaking Lungsod
Bagaman ang London, Inglatera, ang pinakamalaking lungsod sa Europa, ayon sa pahayagang The Independent, ang pitong milyong naninirahan dito ay hindi na sama-samang nasisiyahan na mamuhay rito. Sa mga taga-London na kinapanayam, 6 mula sa 7 ang nag-aakala na ang buhay sa kabisera ay lumala sa nakalipas na limang taon, kabilang na ang polusyon at nagsisikip na trapiko ang kanilang malalaking ikinababahala. Nang tanungin kung sinong mga tao ang kanilang pinagtitiwalaan, 64 na porsiyento ang bumanggit sa mga doktor, na ang mga pulis at mga guro ang hindi gaanong pinagtitiwalaan. Tanging 2 porsiyento ang nag-aakala na hindi nila kayang pagtiwalaan ang mga negosyanteng nagtatrabaho sa pampinansiyal na distrito sa London. Ipinalalagay ng halos 60 porsiyento na ang lugar na ito ay “punung-puno ng mga tao na nagpapayaman sa sarili na nagsasamantala sa iba nang hindi talaga lumilikha ng tunay na kayamanan.”