Pagmamasid sa Daigdig
Inamin ng mga Relihiyong Aleman ang Kasalanan sa “Holocaust”
Ang Enero 1995 ang nagtanda sa 50 taon mula sa pagpapalaya sa kampong piitan sa Auschwitz, Poland, kung saan ang mga Nazi ay nagsagawa ng sistematikong pag-uusig sa mga Judio, Slavo, Hitano, mga Saksi ni Jehova, at iba pa. Tinatanggap ng ilang relihiyon sa Alemanya ang bahagi nila rito. Ang Süddeutsche Zeitung ay nag-ulat na inilarawan ng Komperensiya ng mga Obispong Aleman ang “punô ng kasalanan na kasaysayan ng ating bansa at gayundin ng ating simbahan,” inaamin na “maraming pagkakamali at pagkadama ng pagkakasala sa gitna ng mga Katoliko. Hinayaan ng maraming Katoliko ang kanilang mga sarili na mahikayat ng ideolohiya ng Pambansang Sosyalista at nanatiling hindi nababahala sa mga krimen.” Ang tagapamanihala sa Konseho ng mga Relihiyong Protestante sa Alemanya ay umamin na “sa pagkilala sa pagkakamali at pagkadama ng pagkakasala, natanto namin na maging ang teolohiyang Kristiyano at ang simbahan ay nakibahagi sa mahabang kasaysayan ng paglayo ng damdamin at pagkapoot sa mga Judio.”
Isang Dambana Para sa mga Paghihiwalay
Ang mga taong umaasa para sa isang diborsiyo o paghihiwalay sa ibang di-naiibigang mga kaugnayan ay dumaragsa sa isang dambanang Shinto sa Ashikaga, 80 kilometro sa hilaga ng Tokyo. Kilala bilang ang Dambanang Pumuputol sa Tali, ipinahihiwatig nito na ito ang tanging templong Shinto sa Hapón na tumatanggap ng mga kahilingan para sa diborsiyo, sabi ng pahayagang Asahi Evening News. Araw-araw, maraming mananamba ang dumarating. Bawat isa ay sumusulat ng kaniyang pagsamo sa isang ema, isang manipis na sulatang kahoy, ibinibitin ito sa mga silid, at nananalangin na sasagutin ito ng mga diyos. Ang pahayagan ay nagpapaliwanag na mga sandaang taon na ang nakalipas, nang itatag ang dambana, “ang mga asawang babae ng mayayamang lokal na mga negosyante ay sumulat ng mga panalangin na humihiling na iwan ng kani-kanilang asawa ang kanilang mga kalaguyo at magbalik sa kanila.” Subalit, sa ngayon ang masugid na mga pagsamong ibinibigay ay hindi na para sa muling pagkakasundo.
Dobleng Trabaho ng mga Mata
Ang mata ng tao ay higit pa sa isa ang gawain, sabi ng mga mananaliksik. Ang isa, mangyari pa, ay upang tayo’y makakita. Ang isa pa, na natuklasan kamakailan at iniulat sa The New England Journal of Medicine, ay upang magtala ng mga impulso ng liwanag na umaayos sa panloob na araw-araw na orasan ng katawan. Dahil sa ikalawang gawain na ito na kumikilos nang hiwalay sa kakayahang makakita, kahit na ang mga taong ganap na bulag at walang kabatiran sa liwanag ay maaaring magkaroon ng normal na pagkilos ng biyolohikal na mga orasan. Ang tuklas ay maaaring humantong sa mga pagbabago sa paggamot sa bulag. Halimbawa, ang isang karaniwang paggamot ay alisin ang mga mata ng mga taong ganap na bulag at palitan ito ng artipisyal na mga mata na mas magandang tingnan. Gayundin, ang mga taong ganap na bulag ay karaniwang hindi sinusuri para sa mga kalagayang gaya ng glaucoma, na humahadlang sa kakayahan ng retina na magtala ng liwanag. Bunga nito, sabi ni Dr. Charles A. Czeisler, ang puno ng pangkat ng mananaliksik, karamihan sa mga taong ito ang hindi na naaayos ang kanilang panloob na mga orasan sa 24-oras na siklo ng araw-at-gabi, na nagbubunga ng isang permanenteng sakit sa pagtulog na katulad ng jet lag.
Isang “Santong Patron” Para sa mga Pelikula
Ang industriya ng pelikula ay malapit nang magkaroon ng sarili nitong “santong patron,” ulat ng El País, isang pahayagan sa Madrid, Espanya. Upang gunitain ang unang sentenaryo ng industriya ng pelikula, tinatasa ng Vatican ang posibleng mga kandidato. Ang paborito ay si Francis ng Assisi, ang nag-imbento ng tanawin ng natividad, na itinuturing ng ilang gumagawa ng pelikula na siyang pinakaunang eksena ng “Hollywood set.” Isa pang pangalan na iminungkahi ay si Juan Bosco, isang Salesianong pari na ginamit ang libangan bilang isang kasangkapan sa pagtuturo sa mga bata. Iminungkahi ng isang direktor sa pelikula si “Santo Domingo de Guzmán, na nag-imbento ng Inkisisyon, isa sa unang malaking pagtatanghal.” Ang telebisyon, isang mas bagong kababalaghan, ay mayroon nang “Santa” Clara bilang “santong patron.” Siya’y nahirang sapagkat ugali niyang dumalo ng Misa sa pamamagitan ng pagtingin mula sa bintana ng selda kung saan siya nakakulong. Subalit, walang katibayan na ang mga santo ay may kapangyarihan sa paggawa ng programa.
Kabilang-Buhay o Halusinasyon?
Kadalasang inilalathala ng media ang mga ulat tungkol sa “mga karanasan ng malapit-nang-mamatay,” na doon ang mga pasyente na naghihingalo ay nagsasabi sa dakong huli na nasilayan nila ang kabilang-buhay. Ang mga eksperimento ng isang pangkat ng mga neurologong Aleman kamakailan ay nagpapahiwatig na ang mga karanasang iyon ay dahil sa kawalan ng oksiheno, na nagiging dahilan ng mga halusinasyon o guniguni. Ayon sa pahayagang Olandes na De Gooi en Eemlander, pinag-aralan ng pangkat ang 42 malulusog na kabataan na nawalan ng malay sa loob ng pinakamatagal na 22 segundo dahil sa sobrang bentilasyon. Pagkatapos, inilarawan ng mga kabataan ang mga pakiramdam at mga pangitain na kahawig na kahawig ng “mga karanasan ng malapit-nang-mamatay.” Iniulat ng ilan ang pagkakita ng matitingkad na kulay at liwanag, nakikita ang kanilang mga sarili mula sa itaas, nakikita ang mga mahal sa buhay sa isang kaayaayang tagpo, at iba pa. Inilarawan ng karamihan ng mga kabataan ang mga pakiramdam na kasiya-siya at mapayapa—nang gayon na lamang anupat ayaw na nilang magkamalay pa.
Iláng Pa ang Kalahati ng Lupa
“Sa kabila ng pinakamabuting pagsisikap ng tao, mahigit pa sa kalahati ng ibabaw ng planetang Lupa ang iláng pa,” ulat ng magasing New Scientist. “Natuklasan [ng isang bagong pagsusuri] na 90 milyong kilometro kudrado [35,000,000 milya kudrado] ng lupa, halos 52 porsiyento ng kabuuang sukat ng lupa, ang iláng pa.” Bakit napakataas nito kaysa mga resulta ng isang surbey noong 1989, na nagtala na sangkatlo lamang ng planeta bilang iláng? Sapagkat kabilang sa pinakabagong pagsusuring ito, ni Lee Hannah ng Conservation International, ang mga dako na kasinliit ng 1,000 kilometro kudrado, sa halip ng 4,000 kilometro kudrado na ginamit dati. “Malamang na matuklasan pa rin ng isang mas masusing pagsusuri ang mas malaki pang porsiyento ng planeta na iláng pa,” sabi ng artikulo. Gayunman, binanggit ni Hannah na ang malaking bahagi ng iláng na lupa ay “bato, yelo at humihihip na buhangin,” hindi maaaring tirhan kapuwa ng mga tao at buhay-iláng. “Ang likas na tirahan ay nasira dahil sa pakikialam ng tao sa mahigit na halos tatlong-kapat na bahagi ng maaaring tirhan na ibabaw ng planeta,” aniya. Ang tatlong kategorya ng surbey ay: iláng (52 porsiyento), bahagyang iláng (24 na porsiyento), at okupado (24 na porsiyento).
Mga Sugarol Para sa Diyos?
Taun-taon, mga 29 na milyong tao ang humuhugos sa Las Vegas, Nevada, E.U.A., mula sa buong daigdig. Mangyari pa, ang karamihan ay naroon upang magsugal, ngunit ang marami sa kanila ay nais ding magdasal at sumamba. Kaya ang diyosesis ng Katoliko sa rehiyong iyon ay nagtayo kamakailan ng isang $3.5 milyong simbahang may 2,200 upuan isang bloke lamang ang layo sa apat na pinakamalalaking otel-sugalan ng lungsod, ulat ng The New York Times. Yamang mga 80 porsiyento ng mga mananamba sa simbahan ay mga turista, karamihan sa kanila ay naroon upang magsugal, ang simbahan ay nag-aanyaya sa kanila na maglagay ng mga chip ng sugalan sa platong koleksiyon. Ang simbahan ay mayroon ding tindahan, na doon ang mga parokyano ay inaanyayahang gamitin ang kanilang mga chip bilang pera. Ang tindahan ay nag-aalok pa nga ng subenir na chip na gamit sa pagsusugal na may larawan ni Jesu-Kristo. Sa loob ng ilang panahon inupahan ng simbahan ang isang prayleng Franciscano upang lumibot linggu-linggo sa lahat ng sugalan upang palitan ng pera ang mga chip na inabuloy sa simbahan. Siya’y binansagang chip monk.
Mga Disbentaha ng Pahinga sa Kama
“Ang matagal na pahinga sa kama ay mas makapipinsala kaysa makabubuti sa mga pasyente,” sabi ng The Times ng London. Mga 50 taon na ang nakalipas, tinutulan ng manggagamot na si Sir Richard Asher ang karaniwang gawaing ito sa paggamot at itinawag-pansin ang mga panganib sa kalusugan na gaya ng thrombosis, pagkaubos ng kalamnan, pagkawala ng kalsiyum sa mga buto, bató sa bató, hindi pagkadumi, at panlulumo. Pinatunayan ng maingat na pagsusuri ang babalang ito, at ipinakikita ng mga awtopsiya na ang panganib ng thrombosis kasunod ng isang nakamamatay na pulmonary embolism ay tuwirang nauugnay sa haba ng pahinga sa kama bago ang kamatayan. Sa kabilang dako naman, iminumungkahi ng mga doktor ang pahinga sa kama sa mga kaso ng grabeng kirot sa likod dahil sa sciatica at mga komplikasyon sa dakong huli ng pagbubuntis. Tunay, sa ibang grabe o malubhang karamdaman, maaaring walang ibang mapagpipilian kundi ang magpahinga. Naniniwala ang mga doktor na minsang lumampas na ang krisis, ang pagbangon at pagkilos ay nagpapabilis sa paggaling.
Ang Pinakamayayamang Bansa sa Daigdig
Ang Switzerland ang pinakamayamang bansa sa daigdig, ayon sa ulat ng World Bank. Ang kabuuang produktong pambansa ng bawat tao nito—ang halaga ng lahat ng mga bilihin at mga serbisyong nagawa—ay $36,410 noong 1993. Ito ay may halos $12,000 kahigitan kaysa sa Estados Unidos, na ikapito sa listahan. Kasunod ng Switzerland ay ang Luxembourg, Hapón, Denmark, Norway, Sweden, ang Estados Unidos, Iceland, Alemanya, at Kuwait. Ang Mozambique ay nanatiling ang pinakamahirap na bansa sa daigdig, gumagawa lamang ng $80 bawat tao. Kapansin-pansing wala sa listahang ito ng pangunahing sampung pinakamayamang mga bansa ang maraming bansang gumagawa ng langis sa Gitnang Silangan, ipinahihiwatig ang pagbaba ng mga presyo ng langis. Gayunman, ang listahan ay nagbabago kung isasaalang-alang mo ang kakayahang makabili. Sapagkat ang mga presyo ay mas mababa sa Estados Unidos kaysa karamihan ng mayayamang bansa, mas malaki ang halaga ng pera ng mga Amerikano kaysa anumang ibang bansa maliban sa Luxembourg. Ang listahan sa gayon ay nagiging: Luxembourg, ang Estados Unidos, Switzerland, ang United Arab Emirates, Qatar, Hong Kong, Hapón, Alemanya, Singapore, at Canada.