Pagmamasid sa Daigdig
Umuunti ang Miyembro ng Simbahan
Ipinalalagay na sa Estados Unidos, wala pa sa kalahati ng mga pinalaki sa pangunahing mga simbahang Protestante sa nakalipas na 30 taon ang nananatili sa kanilang denominasyon bilang mga adulto. Tinataya na 78 milyon katao sa Estados Unidos ang mga Protestante na “nasa alanganing kalagayan.” Ito’y nangangahulugan na kanilang ipinakikilala ang kanilang mga sarili bilang mga Baptist, Episkopaliyano, Metodista, Presbiteryano, o mga miyembro ng iba pang simbahang Protestante, subalit hindi sila kabilang o nagsisimba sa lokal na simbahan.
Mga Nagbebenta ng Buto
“Ang mga taong nawawalan ng pag-asa na naninirahan sa Kabul na ginigiyagis ng digmaan ay naghuhukay ng mga buto ng tao upang ipagbili para gamiting patuka sa manok,” ang ulat ng Reuters news service. Ang buto, na sagana sa kalsiyum, phosphate, at carbonate, ay ginagamit upang gumawa ng pakain sa hayop, sabon, at mantikang panluto. Ang isang kalansay na tumitimbang ng halos 6 na kilo ay maaaring magkahalaga ng 50 sentimo, na malaki-laking halaga ng salapi sa napakahirap na lunsod na iyan. “Ito’y mahusay na negosyo,” ang sabi ng 14-na-taóng-gulang na si Faizdeen. “Bagaman malimit akong mamulot ng mga buto ng hayop, mas madaling makakita ng mga buto ng tao rito.” Nakalulungkot naman, ang gera sibil sa Afghanistan na tumagal ng mga taon ang nagpangyari na madaling makakuha ng bilihing ito na mayaman sa mineral.
Mga Relo na Hindi Lamang Oras ang Sinasabi
Sa Rio de Janeiro, 77 estudyante ang hindi naging kuwalipikado pagkatapos na masumpungang may mga relong digital na ginagamit sa pandaraya sa isang pagsusulit sa pagpasok sa pamantasan, ang ulat ng pahayagang O Globo. Ang mga relo ay gumaganang tulad ng isang telephone pager; subalit sa halip na tumanggap ng mga numero sa telepono, ang mga ito’y nagbibigay ng tamang mga sagot sa mga tanong sa pagsusulit. Sinabi ng pahayagan na ang mga estudyante ay nagbayad ng kasinlaki ng $14,000 bawat isa para sa mga relo. Kapansin-pansin, noon pang 1987, ang mga grupong nangangasiwa sa pagsusulit sa paaralan sa Inglatera at Wales ay nagbabala sa mga guro na bantayan ang mga nandaraya na gumagamit ng mga relong may computer.
May Diperensiyang Paningin
Tinatanggap ng karamihan ng mga taong tumitingin sa salamin ang kanilang nakikita sa salamin—ang kanilang mga sarili. Subalit nakikita ng mga taong tumitingin sa salamin na dumaranas ng sakit na kilala bilang body dysmorphic disorder ang kanilang mga sarili na may diperensiya. “Ito’y isang kalagayan kung saan laging iniisip ng mga tao ang isang bahagi ng katawan, anupat ginuguni-guni na ito’y napakapangit, samantalang, ang totoo, ito’y normal naman,” ang sabi ng The Province, ng British Columbia, Canada. Sinasabi ng sikayatrista sa New York na si Eric Hollander na ang kabalisahan sa naiisip na diperensiya ay gayon na lamang katindi anupat halos 25 porsiyento ng pinahihirapan ng sakit na ito ay nagtatangkang magpatiwakal.
Mga Panalangin sa “E-Mail”
Ang relihiyosong mga Judio ay matagal nang nagtitipon sa Wailing Wall sa Jerusalem upang doon umiyak at manalangin. Malimit na isinusulat ng mga sumasamba ang mga panalangin sa maliit na piraso ng papel at isinisingit ito sa mga bitak ng pader. Gayunman, ang mga Judio sa buong mundo sa ngayon ay makapagpapadala ng E-mail na mga panalangin sa pamamagitan ng Internet. Ayon sa magasing Computerworld, ang mga kawani mula sa Virtual Jerusalem Web site ang nagtitipon ng mga panalangin, nag-iimprenta ng mga ito, at nagdadala ng mga ito sa Wailing Wall, kung saan, “maaaring kunin ng Diyos ang mga ito, ayon sa tradisyong Judio.”
Lumalaki ang Agwat sa Kita
Ayon sa kamakailang ulat ng United Nations hinggil sa panlipunang pag-unlad, 83 porsiyento ng kinikita sa daigdig ay nasa pinakamayayaman na bumubuo ng 20 porsiyento ng populasyon. Sa ibang salita, ang sama-samang kayamanan ng 358 bilyonaryo sa daigdig ay katumbas ng sama-samang kita ng pinakamahihirap na tao na may bilang na 2,400,000,000. Noong 1960 ang katamtamang taunang kita ng mga tao na nakatira sa bansang industriyal ay mas malaki ng $5,700 kaysa kita ng mga taong nakatira sa nagpapaunlad na mga bansa. Gayunman, noong 1993 ang diperensiya sa katamtamang taunang kita ng bawat tao sa pagitan ng mga bansang industriyal at nagpapaunlad na mga bansa ay tumaas ng $15,400.
Makasaysayang Pag-aani
“Nadaig ng mga makina ang ginagawa ng tao sa mga bukirin ng trigo sa Tsina sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa,” ang ulat ng Reuters news service. Diumano’y mahigit na 800,000 makinang pang-ani ang ginamit. Ang trigo ay unang nakilala sa Tsina noong panahong bago 1300 B.C.E. at matagumpay na sinasaka sa maliliit na pampamilyang bukirin—karamihan sa manu-manong paraan—sapol noon. Subalit dahil sa kinakatawan ng Tsina ang mahigit na 20 porsiyento ng populasyon sa daigdig, ngunit nagtataglay lamang ng 7 porsiyento ng masasakang lupain, “sabik na pasulungin ng mga opisyal sa agrikultura ang paggamit ng mga makina sa mga bukirin ng bansa,” ang sabi ng ulat.
Mga Problema sa Seguro ng mga Klero
Ang karamihan ng mga simbahan ay karaniwang may seguro para sa pagbabayad ng pinsala upang maingatan sila laban sa paghahabol dahil sa kapinsalaang nagawa sa iba. Gayunman, nagsimulang alisin ng ilang kompanya ng seguro sa Estados Unidos ang seguro para sa “lisyang paggawi sa sekso” ng mga klero, ang ulat ng National Underwriter. Si John Cleary, ang pangkalahatang abogado ng Church Mutual Insurance Company, ay nagsabi: “Hindi kasali sa maraming . . . polisa sa pagbabayad ng pinsala ang lisyang paggawi sa sekso sapagkat ito’y sinasadyang gawa, ito’y talagang isang krimen.” Isa pa, sinabi ni Donald Clark, Jr., ang abogado na kumakatawan sa iba’t ibang relihiyosong grupo, na ang mga pagbabagong ito sa seguro ay nagpapahiwatig na “ang posibleng panganib ng masamang mga kahihinatnan sa kabuhayan para sa ganitong mga kasakunaan na gawa ng tao ay marahil mas mapangwasak kaysa mga bunga ng mga kasakunaan dahil sa kalikasan.” Sapol noong 1984, ang Church Mutual, isa sa pangunahing nagseseguro ng simbahan sa Estados Unidos, ay nagkaroon ng mga paghahabol dahil sa lisyang paggawi sa sekso sa pagitan ng 1,500 at 2,000, ayon kay G. Cleary.
Nangunguna ang mga Estudyante sa Singapore
Mahigit na kalahating milyon ng mga estudyante mula sa 41 iba’t ibang bansa ang kumuha ng 90-minutong pagsusulit upang paghambingin ang mga pamantayan ng edukasyon sa buong mundo. Ang mga resulta? Ipinakikita ng mga iskor sa pagsusulit na ang Singapore ang may pinakamahuhusay na estudyante kapuwa sa matematika at siyensiya. Kasunod ng Singapore, ang sampung nangungunang bansa na mataas ang iskor sa matematika ay ang Timog Korea, Hapon, Hong Kong, Belgium, Czech Republic, Slovak Republic, Switzerland, Netherlands, at Slovenia. Ang may pinakamataas na iskor sa siyensiya ay pinangungunahan ng Singapore, Czech Republic, Hapon, Timog Korea, Bulgaria, Netherlands, Slovenia, Austria, Hungary, at Inglatera. Paano nadaig ng isang bansa na halos 3,400,000 lamang ang mamamayan ang buong daigdig? Marahil dahil sa masikhay na pagsisikap. Ang mga estudyante sa Singapore ay gumugugol ng katamtamang 4.6 oras sa isang araw sa paggawa ng takdang-aralin, samantalang ang internasyonal na pamantayan ay 2 hanggang 3 oras, ang ulat ng Asiaweek.
Salapi Mula sa Langit?
Ang mga residente ng Overtown, isang lugar na may kakaunting tao sa Miami, Florida, ay tuwang-tuwa nang waring nahulog ang salapi mula sa langit. Gayunman, lumabas na ito’y hindi isang manna mula sa langit kundi bahagi ng $3.7-milyong bulto ng salapi na nahulog sa lansangan sa ibaba nang mabunggo ang isang armored truck sa overpass sa itaas ng purok. Tinataya ng pulisya na hindi kukulanging 100 katao ang nagkagulo upang dumampot ng salapi, subalit malamang na mas marami pa. Ayon sa The New York Times, “binigyan ng pulisya ng Miami ng 48 oras ang mga nakakuha ng salapi na ibalik ito nang hindi kakasuhan ng pagnanakaw.” Subalit bago matapos ang amnestiya, tatatlong tao lamang ang nagbalik ng ilang salapi, at ang halos $500,000 ay nawawala pa rin. Isang 18-taóng-gulang na kabataan ang ibinalitang nagsabi: “Pare, nahulog ito sa bakuran ng mga tao. Ano ang inaasahan mong gagawin nila?”
Pinanatiling Mainit ang mga Pasyente sa Panahon ng Operasyon
Ang mga silid sa ospital para sa operasyon na pinanatiling malamig upang masugpo ang pagdami ng mga baktirya sa hangin ay tatlong ulit na mas mapanganib sa pagkakaroon ng impeksiyon, ang sabi ng bagong pagsusuri ng anesthesiologist ng University of California na si Daniel Sessler. “Hindi talaga baktirya na lumulutang sa hangin ang sanhi ng impeksiyon sa sugat,” ang sabi ni Dr. Sessler, “kundi ang bumabang resistensiya ng pasyente sa baktirya sa balat o sa loob ng katawan.” Maaaring pababain ng malamig na mga silid para sa operasyon ang temperatura ng katawan ng pasyente na kasimbaba ng 4 na digri Fahrenheit. At binabawasan ng mababang temperatura ng katawan ang pagdaloy ng oksiheno sa dugo, na mahalaga sa paglaban sa impeksiyon. Sinabi ni Sessler na “ang mga selula at enzyme na siyang may pananagutan sa imyunidad ay mahina kapag ang katawan ay malamig.” Natuklasan ni Sessler at ng kaniyang mga kasamahan na karagdagan pa sa pagbawa sa pagkakaroon ng impeksiyon, nababawasan ng halos tatlong araw ang pananatili sa ospital ng mga pasyente na ang temperatura ng katawan ay pinanatiling normal sa panahon ng operasyon kaysa sa mga pasyente na malamig ang katawan.
Hindi Para sa Kapakinabangan ng Publiko
Sa Hapon, 49 na porsiyento ng mga tao na kinapanayam ang nagsabi na ang mga opisyal ng kanilang pamahalaan ay pangunahin nang nagtatrabaho para sa kanilang mga sarili lamang, ang ulat ng Mainichi Daily News. Tanging 7 porsiyento ng mga tumugon ang nag-isip na ang burukrasya ay gumagawa para sa “kapakinabangan ng publiko,” at 3 porsiyento lamang ang nagsabi na sila’y gumagawa para sa bansa. Kakaunting Hapones ang nagsabi na ang kanilang burukrasya ay masikap o taimtim. Ang surbey ay ginanap noong nakaraang Disyembre, kasunod ng taon kung saan ang ilang iskandalo na nagsasangkot sa ilang naglilingkod sa bayan na may mataas na posisyon sa Hapon ay nabunyag.