Mula sa Aming mga Mambabasa
Kabataang Matibay ang Loob Ako’y 15 taóng gulang, at nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang Pananampalataya ni Joshua—Isang Tagumpay Para sa mga Karapatan ng mga Bata,” ng Enero 22, 1995. Talagang makabagbag-damdaming mabasa ang tungkol sa isa na kasinggulang ko na nagtataglay ng gayong pananampalataya at pag-ibig kay Jehova! Ang pagbasa sa artikulong ito ay nagpangyari sa akin na matalos na kailangan kong pakadibdibin ang kaugnayan ko kay Jehova.
M. S., Estados Unidos
Ako’y 16 at nahihirapan akong makasumpong ng panahon upang basahin ang lahat ng ating magasin. Ngunit nabasa ko ang artikulo tungkol kay Joshua, at kailanma’y hindi pa naantig ang damdamin ko na gaya nito. Ang kaniyang paninindigan laban sa pagpapasalin ng dugo ay napakatatag! Napaiyak ako. Talos ko na ngayon na kailangan kong basahin ang lahat ng mababasa ko na nanggagaling sa organisasyon ni Jehova.
T. S., Britanya
Ako’y isang Anglikano, subalit nasisiyahan ako sa pagbabasa ng Gumising! Napaiyak ako sa naranasan ni Joshua at kasabay nito ay pinuri ko ang Diyos sapagkat may mga taong nagtataglay ng gayong pananampalataya sa Kaniya.
P. O., Nigeria
Ako’y 17-taóng-gulang na buong-panahong ministro, at pinahihirapan ng isang sakit na sanhi ng grabeng anemia. Nais ng doktor ko na magreseta ng dugo, ngunit napakikitunguhan ko ang problemang ito. Binasa ko ang artikulo nang ilang ulit, at lalo akong napatitibay-loob sa tuwing binabasa ko ito.
I. L. M., Brazil
Kahit na ang kamatayan ng mga mahal sa buhay ay hindi nakabagbag ng aking damdamin hanggang sa punto na ako’y maiyak. Ngunit ako’y napaiyak habang binabasa ko ang karanasan ni Joshua. Ang kaniyang pananampalataya, tibay ng loob, at katapatan ay nakaantig sa aking damdamin.
T. M., Zimbabwe
Pagtulog na Kasama ng Sanggol Napansin namin sa inyong labas ng Hulyo 22, 1994, ang isang halaw na nag-uulat sa pananaliksik ni Dr. James McKenna. (“Pagmamasid sa Daigdig”) Binanggit nito na mababawasan ng mga inang natutulog na kasama ng kanilang mga sanggol ang SIDS (Sudden Infant Death Syndrome). Ipinakita ng pagsusuri na New Zealand Cot Death na lubhang dumami ang panganib ng SIDS kung katabi ng mga magulang ang sanggol sa kama kapag sila’y natulog.
Dr. S. L. T., New Zealand
Salamat sa impormasyong ito. Nilinaw kamakailan ni Dr. McKenna ang opinyon niya at kinilala ang mga panganib ng di-sinasadyang pagkainis (hindi makahinga) ng sanggol kapag ang ina ay natutulog na katabi ng kaniyang anak. (Ihambing ang 1 Hari 3:19.) Kaya nga hindi hinihimok ng karamihan ng mga doktor ang pagtulog na katabi ng sanggol at iminumungkahi ang pagpapatulog sa sanggol sa isang kuna na walang mga unan o makakapal na kumot.—ED.
Pukyutan Laban sa Computer Kailangan kong ipahayag ang aking pasasalamat sa artikulong “Pukyutan Laban sa Computer.” (Pebrero 8, 1995) Ang artikulo ay lubhang nakaantig sa akin. Ginawa pa nga ng ating Dakilang Maylikha ang maliliit na nilalang na gaya ng pukyutan na maging kahanga-hanga at natatangi.
C. K., Alemanya
Autismo Maraming salamat sa artikulong “Autismo—Pagharap sa mga Hamon ng Isang Nakalilitong Karamdaman.” (Pebrero 8, 1995) May autistikong batang lalaki sa aking kongregasyon, at siya’y napamahal na sa akin. Tinulungan ako ng artikulo na maunawaan ang autismo. Ngayon ay alam ko nang ako’y makatutulong sa pamamagitan lamang ng paggugol ng panahon na kasama niya at ng kaniyang ina.
A. F., Hapón
Ang aming anak na babae ay hindi autistiko, ngunit siya ay may kahawig na mga katangian. Kami’y nagagalak na ipinaaalam ninyo sa mga tao ang tungkol sa mga problema ng maraming bata. Nakapagpapatibay-loob kapag pinakikitunguhan ng mga tao ang mga batang iyon bilang mga tao na karapat-dapat sa buhay. Ang mga komentong gaya ng ‘Kawawa ka naman’ o ‘Hindi ko kailanman magagawa ang ginagawa mo’ ay hindi nakapagpapatibay. Ang aming anak na babae ay maligaya, at kung minsan ang iba naming anak ang mas nagbibigay pa sa amin ng problema. Hindi namin pinagsisisihan ang kaniyang pagsilang.
L. H., Estados Unidos