Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/8 p. 11-14
  • Sa Pakinig ng Isang Paslit

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sa Pakinig ng Isang Paslit
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pananabik sa Relihiyon
  • Pag-aasawa at Isang Pamilya
  • Pag-alis sa Simbahan
  • Pagkatuto ng Katotohanan ng Bibliya
  • Pagsalansang ng Pamilya
  • Isang Hindi Malilimot na Pagtatagpo
  • Maging Malapít sa Dumirinig ng Panalangin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • “Jehova, Natagpuan Mo Ako!”
    Gumising!—2004
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Ang Malaon Ko Nang Pakikipagbaka Upang Masumpungan ang Tunay na Pananampalataya
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 6/8 p. 11-14

Sa Pakinig ng Isang Paslit

ISANG araw, nang ako’y paslit na batang babae pa, isang ginoo ang dumalaw sa aming tahanan sa Coeburn, Virginia, E.U.A., at habang siya’y nakikipag-usap sa tatay ko, kinausap naman ako ng kaniyang kasama upang ako’y panatilihing abala. Inilarawan ng kaniyang mga salita ang isang lupang paraiso, kung saan makakalaro ko ang maiilap na hayop na hindi ako sasaktan. (Isaias 11:6-9) Ipinaliwanag niya na hindi pa nga ako mamamatay kundi maaari akong mabuhay magpakailanman dito mismo sa lupa. Wari bang kamangha-mangha ang kinabukasan! Ang sinabi ng lalaki tungkol sa pamumuhay sa lupa ay tumimo nang husto sa isip ko.​—Isaias 25:8; Apocalipsis 21:3, 4.

Isang Pananabik sa Relihiyon

Ang aking mga magulang, na nagkaroon ng maraming problema ang pagsasama, ay nagdiborsiyo pagkaraan ng ilang taon, at ako’y tumira kay Inay. Wala siyang interes sa relihiyon. Kaya ako lamang ang nagpupunta sa Sunday school sa anumang simbahan na malapit sa aming bahay. Di-nagtagal ay muling nag-asawa si Inay, at kami’y lumipat sa Indiana kasama ng aking amain. Gayunman, tuwing tag-init ako ay bumabalik sa Virginia upang dalawin ang aking tatay.

Si Tatay ay naging isang Mormon karaka-raka pagkatapos ng diborsiyo, at sinikap niyang ikintal sa akin ang kaniyang bagong nasumpungang relihiyon. Noong tag-init ng 1960, nang ang edad ko’y walo, binautismuhan niya ako. Subalit, kapag ako’y nasa Indiana, dumadalo ako sa anumang simbahan na malapit sa bahay. Silang lahat ay nagtuturo na kung tayo’y mabait, tayo ay pupunta sa langit at kung tayo’y masama, tayo’y pupunta sa impiyerno na doon tayo pahihirapan. Yamang inaakala kong walang sinuman ang makauunawa sa aking mga damdamin tungkol sa pagnanais kong mabuhay sa lupa sa halip na sa langit, hindi ko kailanman sinabi kaninuman ang tungkol dito.

Nang ako’y 11 anyos, lumipat si Tatay sa Oregon. Ako’y nabalisa at nagdamdam. Ang aking amain ay isang ateista at isang alkoholiko, at pinahirapan niya ako dahil sa aking pananampalataya. Tinatawag niya akong munting Binibining Relihiyosa, at kapag ako’y iiyak, sasabihin niya: “Bakit hindi mo tawagin ang Diyos mo upang tulungan ka?” Wari bang walang sinuman sa bahay ang interesado tungkol sa Diyos. Yaon ay malungkot, mahirap na mga taon. Ako’y pisikal, berbal, at seksuwal na inabuso. Nakasumpong ako ng kaaliwan sa pakikipag-usap sa Diyos sapagkat maraming beses na nadarama kong siya lamang ang nagmamalasakit sa akin.

Iniwan ni Inay ang aking amain, at huminto ang pag-abuso. Ngunit, napakahirap namin, anupat hindi kaya ni Inay na maglaan ng aming ikabubuhay. Nang ako’y 13 anyos, nagbalik kami sa Virginia upang dalawin ang aking tiya. Siya’y mabait, taimtim na Baptist. Mahal na mahal ko siya. Nang makiusap siyang samahan ko siya sa simbahan, sumama ako. Sumama pa nga si Inay, at natatandaan ko kung gaano kabuti ng pakiramdam na kasama ko ang aking pamilya doon. Nang matapos na ang aming pagdalaw, natatakot na akong umuwi ng bahay. Natatakot ako na kung uuwi ako, masasangkot ako sa imoralidad. Kaya nagsumamo ako sa aking tiya na kunin na ako, at pumayag naman si Inay na maiwan ako.

Ibinili ako ng aking tiya ng isang King James na bersiyon ng Bibliya. Ipinagmamapuri ko ito nang husto at binabasa ko ang bahagi nito gabi-gabi. Nabasa ko sa huling kabanata ng Bibliya na “kung ang sinuman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Diyos ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito.” (Apocalipsis 22:18, 19, King James Version) Kaya ako’y nangatuwiran, ‘Paano ako makapaniniwala na ang Aklat ng Mormon ay bahagi ng banal na Kasulatan?” Sa gayon, nagpasiya akong maging isang Baptist.

Bagaman natitiyak kong nasaktan si Itay nang ako’y sumulat at sinabi ko sa kaniya ang tungkol sa aking pasiya, ang komento lamang niya ay na natutuwa siya na ako’y nagsisimba. Madalas akong sumasama sa aming ministrong Baptist sa mga tahanan ng mga tao upang anyayahan sila sa aming mga tent revival. Inaakala kong ginagawa ko ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagdalaw sa mga tao sa kanilang mga tahanan at pakikipag-usap sa kanila gaya ng ginawa ni Jesus.

Gayunman, lagi pa ring sumasagi sa isip ko ang aking pagnanasang mabuhay sa isang makalupang paraiso sa halip na sa langit. Pagkatapos ay nabasa ko ang sumusunod na sipi mula sa Bibliya, at nagbigay ito sa akin ng pag-asa: “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan: sapagka’t ang bawa’t humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.”​—Mateo 7:7, 8, KJ.

Pag-aasawa at Isang Pamilya

Nang sumunod na taon lumipat ako at tumira sa aking Inay sa Indiana. Nang ako’y edad 15 lamang, ako’y may-asawa, nagdadalang-tao, at naglalakbay sakay ng bus patungo sa gawing timog ng California. Hindi ko gaanong kilala ang pamilya ng aking asawa, subalit gusto kong tanggapin nila ako. Sila’y mga Pentecostal, at sinabi sa akin ng aking hipag ang tungkol sa kaloob ng pagsasalita sa mga wika. Kaya nang sumama ako sa kanila sa kanilang serbisyo sa pananalangin isang gabi, nanalangin ako na ako’y pahintulutang magsalita sa mga wika.

Walang anu-ano, isang kakaibang damdamin ang lumukob sa akin sa serbisyo. Nangatal ang aking buong katawan, at walang-tigil ang aking dila sa kangangawa. Ang mangangaral ay sumigaw na ang espiritu ay dumarating sa pamamagitan ko, at tinapik niya ako sa likod. Pagkatapos, niyapos ako ng lahat at sinabi sa akin kung gaano kamangha-manghang ginagamit ako ng Diyos sa ganitong paraan. Subalit ako’y nalito at natakot. Wala akong kamalay-malay sa kung ano ang sinabi ko.

Sandaling panahon pagkatapos nito, nagkaroon ng mga komplikasyon sa panahon ng aking pagdaramdam sa panganganak sa aming unang anak. Sinabi ng pastor ng simbahan sa aking asawa na dinaragdagan ng Diyos ang aking mga kirot sa panganganak sapagkat siya ay hindi isang Kristiyano. Ang aking asawa ay pumunta sa akin na luhaan ang mga mata at sinabi niya na kung inaakala kong makatutulong sa akin, siya’y magpapabautismo. Sinabi ko sa kaniya na natitiyak kong hindi nananakot ang Diyos ng mga tao upang maglingkod sa kaniya.

Pag-alis sa Simbahan

Isang Linggo, pagkatapos ng kaniyang sermon, ang pastor ay humingi ng abuloy sa kongregasyon. Ang simbahan ay kailangang kumpunihin dahil sa pinsalang dala ng lindol kamakailan. Nang ipasa ang pinggan para sa koleksiyon, inilagay ko ang lahat ng perang taglay ko. Pagkatapos bilangin ang pera, sa halip na pasalamatan ang kongregasyon, hinimok sila ng pastor na buksan ang kanilang mga bulsa at ang kanilang mga puso para sa mahalagang layuning ito. Saka niya ipinasang muli ang pinggan. Wala na akong pera, kaya sa laki ng aking hiya dali-dali kong ipinasa ang pinggan. Mabilis na binilang ng pari ang pera minsan pa at, muli ay hindi nagpasalamat sa kanila, sinabi na hindi pa ito sapat. “Tiyak na walang aalis hanggang makuha natin ang perang kailangan upang gawin ang gawain ng Diyos,” aniya.

Naghihintay sa labas ang asawa ko, at alam kong naiinip na siya. Hindi lamang siya ang naiinip. Hindi ko na natiis ang kawalan ng utang-na-loob ng pastor. Kaya karga ang aking sanggol at mga luhang tumutulo sa aking mukha, lumabas ako ng simbahan sa harap ng lahat. Sumumpa ako noon na hinding-hindi na ako muling masasangkot sa isang relihiyon. Bagaman huminto na ako sa pagsisimba, hindi ako huminto sa paniniwala sa Diyos. Binabasa ko pa rin ang Bibliya at sinisikap kong maging isang mabuting asawa.

Pagkatuto ng Katotohanan ng Bibliya

Pagkatapos maisilang ang aming ikalawang anak, kinausap ng mga kaibigan namin na lilipat sa Texas ang kanilang may-ari ng lupa na ipaupa sa amin ang bahay na tinitirhan nila. Habang paalis na ang kaibigan kong si Pat, sinabi niyang may isang babaing may utang na pera sa kaniya at pupunta roon na dala ang pera. Hiniling sa akin ni Pat na ipadala ko na lang ito sa kaniya sa Texas sa pamamagitan ng koreo. Pagkaraan ng ilang araw, dalawang babae ang kumatok sa pinto. Dahil sa iniisip kong naroon sila na dala ang pera, agad ko silang pinatuloy. Ipinaliwanag ko na lumipat na si Pat subalit sinabi niya sa akin na pupunta sila. “Buweno, ang bait naman ni Pat,” ang sabi ni Charlene Perrin, isa sa mga babae. “Talagang nasiyahan kami sa pakikipag-aral sa kaniya.”

“Ano?” ang tanong ko. “Nag-aaral? Baka nagkakamali kayo.” Ipinaliwanag ni Charlene na napasimulan nilang aralan ng Bibliya si Pat. Pagkatapos malaman na lumipat na si Pat, tinanong ako ni Charlene kung gusto ko bang mag-aral ng Bibliya. “Aba oo,” may pagtitiwalang tugon ko. “Tuturuan ko kayo ng lahat ng bagay na nais ninyong malaman.” Ipinagmamapuri ko ang nagawa kong pagbabasa ng Bibliya, at inaakala kong mapatitibay-loob ko sila.

Ipinakita sa akin ni Charlene ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, at binasa namin ang Awit 37:9: “Ang mga manggagawa ng masama mismo ay mahihiwalay, ngunit yaong umaasa kay Jehova ay magmamana ng lupa.” Nagulat ako. Naroon, sa sarili kong Bibliya, sinasabi nitong mamanahin ng tao ang lupa. Pagkatapos niyan, marami akong itinanong, nang sunud-sunod. Ngumiti si Charlene at nagsabi: “Ups, sandali lang! Isa-isa nating sagutin ang iyong mga tanong.” Ipinaliwanag niya sa akin ang pangangailangan para sa isang regular at sistematikong pag-aaral sa Bibliya. Karaka-raka, inanyayahan niya ako sa Kingdom Hall, ang pangalan ng dakong pinagtitipunan ng mga Saksi ni Jehova.

Sinabi ko kay Charlene ang karanasan ko sa koleksiyong pinggan at na ayaw ko nang bumalik sa simbahan. Ibinahagi niya sa akin ang Mateo 10:8, na nagsasabing: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” Ipinaliwanag niyang walang ipinapasang koleksiyong pinggan sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova at na ang lahat ng abuloy ay kusang-loob. Sinabi rin niya na may isang kahon para sa abuloy sa bulwagan at na maaaring ilagay ng mga taong nais mag-abuloy ang abuloy rito. Nagpasiya akong bigyan ng isa pang pagkakataon ang relihiyon.

Habang ako’y nag-aaral, nalaman ko kung bakit ako naasiwa nang magsalita ako sa mga wika sa simbahan ng Pentecostal. Ang kaloob ng Diyos na pagsasalita ng iba’t ibang wika ay ipinagkaloob sa sinaunang mga Kristiyano upang magbigay ng katibayan na taglay nila ang kaniyang banal na espiritu. Ang makahimalang kaloob na ito ay nagsilbi rin sa praktikal na layuning ipaalam ang mga katotohanan ng Bibliya sa mga tao ng iba’t ibang lupain na nagkakatipon noong Pentecostes 33 C.E. (Gawa 2:5-11) Gayunman, binabanggit ng Bibliya na ang kaloob ng Diyos na pagsasalita sa mga wika ay hihinto, na maliwanag na huminto ito pagkamatay ng mga apostol. (1 Corinto 13:8) Ngunit upang bulagin ang isipan ng mga tao, pinangyari ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang ilan na magngangawa ng hindi maintindihang mga salita, sa isang paraan na nagpangyari sa marami na maniwalang ang mga ito’y may banal na espiritu ng Diyos.​—2 Corinto 4:4.

Pagsalansang ng Pamilya

Di-nagtagal, naunawaan ko ang layunin ng Diyos para sa lupa at na ako ay hindi dapat maging bahagi ng balakyot na sanlibutan. (Juan 17:16; 18:36) Natutuhan ko rin na kailangang putulin ko ang lahat ng kaugnayan sa Babilonyang Dakila, na isang sagisag na ginagamit sa Bibliya para sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:2, 4) Nang sabihin ko kay Itay na ako’y magpapabautismo, sa pagkakataong ito bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, nabalisa siya. Nakiusap siya sa akin na huwag akong maging Saksi. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita ko siyang umiyak. Umiyak din ako, sapagkat talagang ayaw ko siyang saktan. Subalit alam kong nasumpungan ko ang katotohanan at hindi ko kailanman maaaring talikuran si Jehova.

Salansang ang buong pamilya ko sa aking pagiging isang Saksi ni Jehova. Pansamantalang huminto ako sa pagdalo sa mga pulong. Nabawasan nito ang pagsalansang mula sa mga miyembro ng pamilya, subalit ako’y miserable. Alam kong matatahimik lamang ako kung ginagawa ko ang kalooban ni Jehova. Isang araw habang nagpapahinga sa tanghali, nagpunta ako sa bahay ni Charlene at sinabi ko sa kaniya na kailangan kong magpabautismo. “Hindi kaya kailangan mo munang dumalong muli sa mga pulong?” ang tanong niya. Sinabi ko sa kaniya na determinado ako ngayon na wala nang makahahadlang sa akin sa paglilingkod ko kay Jehova. Ako’y nabautismuhan noong Setyembre 19, 1973.

Mahigit nang 23 taon ang nakalipas. Mabuti na lang, mula noon ay iginalang ng aking pamilya ang aking pasiya, at wala ni isa man sa kanila ang gumigipit sa akin na iwan ang katotohanan, na labis kong pinahahalagahan. Subalit, ang aking panganay na anak na babae, si Kim, ang siya pa lamang naging Saksi. Ang matapat niyang paglilingkod kay Jehova ay pinagmumulan ng malaking pampatibay-loob sa akin sa nakalipas na mga taon.

Isang Hindi Malilimot na Pagtatagpo

Noong 1990, nang ako’y bumalik sa Coeburn, Virginia, upang dumalaw, hiniling ko kay Inay na huminto sa Kingdom Hall upang makita ko kung anong oras magsisimula ang mga pulong sa Linggo. Nang papasok na kami sa driveway, sinabi niyang dati kaming nakatira sa isang bahay sa likod mismo ng bulwagan, sa kabila ng riles ng tren. Matagal nang nasunog ang bahay, at tanging ang tsiminea na lamang ang natitira. “Paslit na bata ka pa lamang noon,” ang sabi niya, “mga tatlo o apat na taong gulang.”

Ako’y mainit na tinanggap noong Linggo sa Kingdom Hall. Nang kausap ko si Stafford Jordan, nabanggit ko na noong ako’y bata pa nakatira ako sa bahay na dating nakatayo sa likod ng Kingdom Hall. Tinitigan niya ako nang husto. “Natatandaan kita!” ang bulalas niya. “Ikaw ang paslit na batang babae na mga ganito kalaki [sinukat niya sa pamamagitan ng kaniyang kamay]. Ginagawa namin ang teritoryong ito nang makipag-usap ang kasama ko sa iyong tatay. Sinikap ko namang panatilihin kang abala sa pakikipag-usap sa iyo tungkol sa Paraiso.”

Hindi ako makapagsalita. Nanginginig ang tinig ko nang sabihin ko sa kaniya ang tungkol sa paghahanap ko sa katotohanan ng Bibliya. “Nang ako’y batang paslit lamang, itinanim ninyo ang mga binhi ng katotohanan sa aking munting puso!” ang sabi ko. Saka niya sinabi sa akin na mayroon akong kamag-anak sa lolo ko, si Stephen Dingus, na naging isang tapat na Saksi. Hindi kailanman nabanggit ng pamilya ang tungkol sa kaniya, sapagkat sila’y totoong salansang. “Talagang maipagmamalaki ka niya!” sabi ni Brother Jordan.

Habang ginugunita ko ang mga taon ko sa organisasyon ni Jehova, ako’y talagang nagpapasalamat sa pag-ibig at kabaitan na ipinakita sa akin. Oo, may mga panahon pa rin na medyo nalulungkot ako kapag ako’y nasa Kingdom Hall at nakikita ko ang mga pamilyang magkakasamang naglilingkod kay Jehova, sapagkat madalas na nag-iisa lamang ako. Subalit agad kong naaalaala na kasama ko si Jehova. Lagi siyang nagbabantay, at nang matanggap ng aking puso ang katotohanang sinalita sa mga pakinig ng isang batang paslit matagal na panahon nang nakalipas, hinayaan niya itong sumibol at mamulaklak.

“Salamat, Brother Jordan,” sabi ko, “sa paggugol ng panahon upang ipakipag-usap ang tungkol sa Paraiso sa isang masiglang paslit na batang babae!”​—Gaya ng inilahad ni Louise Lawson.

[Larawan sa pahina 13]

Kasama si Stafford Jordan nang makita ko siyang muli noong 1990

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share