Kung Paano Titingnan ang Kagandahan sa Paligid Natin
“Sa lahat ng wika, ang isa sa ating pinakanaunang kasabihan ay ‘tingnan ko nga!’”—William White, Jr.
ANG batang paslit na nakatitig sa palipad-lipad na paruparo, ang may-edad nang mag-asawa na nakamasid sa marilag na paglubog ng araw, ang asawang babae na humahanga sa kaniyang ayos ng mga rosas—lahat ay saglit na nagtuon ng kanilang pansin sa kagandahan.
Yamang nasa lahat ng dako ang kagandahan ng mga nilalang ng Diyos, hindi na kailangang maglakbay pa ng daan-daang kilometro upang ito’y mapagmasdan. Maaaring nasa malayo ang kahanga-hangang tanawin, ngunit ang maringal na sining ay maaaring matagpuan sa inyong lugar kung hahanapin mo ito at—higit na mahalaga—kung marunong kang maghanap nito.
Noon pa man ay madalas nang sinasabing “ang kagandahan ay nasa mata ng tumitingin.” Ngunit, bagaman naroroon ang kagandahan, hindi lahat ay nakakakita nito. Maaaring kailangan pa ang isang larawang-guhit o litrato upang tayo’y pukawin sa pagkamangha. Sa katunayan, maraming dalubsining ang nananalig na ang kanilang tagumpay ay depende lalo na sa kanilang kakayahang magmasid kaysa gumuhit. Ang aklat na The Painter’s Eye, ni Maurice Grosser, ay nagpapaliwanag na “ang pintor ay gumuguhit sa pamamagitan ng kaniyang mga mata, hindi ng kaniyang mga kamay. Anumang nakikita niya, kung nakikita niya ito nang maliwanag, ay nailalarawan niya. . . . Ang maliwanag na paningin ang siyang mahalaga.”
Mga dalubsining man tayo o hindi, matututo tayong makakita nang mas maliwanag, upang mapansin ang kagandahang nasa paligid natin. Sa ibang pananalita, kailangan nating lumabas at tingnan ang mga bagay sa isang panibagong anggulo.
Hinggil sa bagay na ito idiniin ni John Barrett, isang manunulat ng kasaysayan ng kalikasan, ang kahalagahan ng pagkasangkot ng ating sarili. “Wala nang maipapalit pa sa bagay na ikaw mismo ang nakakita, nakahipo, nakaamoy at nakarinig sa mga hayop at pananim habang sila’y namumuhay ayon sa bawat puwersa ng kalikasang pinamumugaran nila,” ayon sa kaniya. “Hayaang tumining ang kagandahan . . . Saanman naroroon ang isa, tumingin muna, masiyahan at tumingin muli.”
Ngunit ano ba ang ating hahanapin? Maaari tayong magsimula kung matututuhan nating pag-ukulan ng pansin ang apat na pangunahing elemento ng kagandahan. Ang mga elementong ito ay maaaninag sa halos bawat pitak ng nilalang ni Jehova. Habang dumadalas ang ating sandaling paghinto upang pagmasdan ang mga ito, lalo tayong masisiyahan sa kaniyang sining.
Pagkilala sa mga Elemento ng Kagandahan
Hugis at Disenyo. Tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na kinapapalooban ng maraming hugis. Ang ilan ay mga pahabang gaya ng hanay ng isang kumpol ng kawayan o heometrikong gaya ng bahay ng gagamba, samantalang ang iba naman ay walang hugis na gaya ng ulap na dagliang nagbabago. Maraming hugis ang kaakit-akit, ang mga ito man ay isang naiibang orkidyas, mga ikid ng isang susô, o maging mga sanga ng isang punungkahoy na nalagas na ang mga dahon.
Kapag ang hugis ding iyon ay pinaulit-ulit, ito’y lumilikha ng isang disenyo na maaari ring maging kaakit-akit sa paningin. Halimbawa, ilarawan sa isip ang hanay ng mga puno ng kahoy sa isang kagubatan. Ang hugis ng mga ito—bawat isa’y iba-iba, gayunma’y magkakahawig—ay lumilikha ng isang kaayaayang disenyo. Ngunit upang maaninag ang hugis at disenyong nililikha ng mga ito, dapat na may liwanag.
Liwanag. Ang pagsabog ng liwanag ay nagbibigay ng isang pantanging kalidad sa mga hugis na nasusumpungan nating kaakit-akit. Napatitingkad ang kaliit-liitang bahagi nito, nagkakakulay ang kayarian nito, at lumilikha ng isang kondisyon ng kalooban. Nagbabagu-bago ang liwanag depende sa oras ng maghapon, sa panahon ng santaon, sa lagay ng panahon, at maging sa lugar na ating tinitirhan. Ang isang maulap na araw na may kalat na liwanag ay tamang-tama upang masiyahan sa malamlam na kulay ng mga ligaw na bulaklak o mga dahon ng taglagas, samantalang ipinagpaparangalan naman ng matatarik na dalisdis at mga taluktok ng nakahanay na mga bundok ang kanilang nakabibighaning hugis kapag nilililok ng pagsikat at paglubog ng araw. Ang mahinhin at mabining sikat ng araw ng Hilagang Hemispiro ay nagdaragdag ng lambing sa isang tanawin sa kabukiran. Sa kabilang dako naman, ang matinding sikat ng araw sa Tropiko ay nagpapabago sa mababaw na dagat tungo sa isang malinaw na daigdig ng mga pangarap para sa mga manlalangoy sa ilalim ng tubig.
Ngunit mayroon pang isang mahalagang elementong nawawala.
Kulay. Ito’y nagbibigay ng buhay sa iba’t ibang bagay na ating nakikita sa ating paligid. Bagaman nakikilala ang pagkakaiba ng mga ito dahil sa hugis, ang kanilang kulay ay nagtatampok ng kanilang pagkabukod-tangi. Isa pa, ang paghahati-hati ng kulay sa magkakabagay na disenyo ay lumilikha ng sarili nitong kagandahan. Maaaring ito’y matingkad na kulay gaya ng pula o kulay kahel na naghuhumiyaw upang tawagin ang ating pansin, o isang nakapagpapahingalay na kulay gaya ng asul o berde.
Gunigunihin ang isang maliit na hardin ng dilaw na mga bulaklak sa isang malinis na lugar. Nabibihag ng liwanag ang dilaw na mga bulaklak, na wari’y nagbabaga sa simoy ng hanging pang-umaga, habang ang madidilim na katawan ng puno na may palawit ng sinag ng araw sa umaga ay bumubuo ng isang sakdal gandang tanawin sa gawing likuran. Ngayon ay may larawan na tayo. Ang kailangan na lamang natin ay ang “ikuwadro” ito, na dito’y papasok ang pagbubuo.
Pagbubuo. Ang paraan ng pagsasama-sama ng tatlong pangunahing elemento—hugis, liwanag, at kulay—ay nagpapakita ng pagbubuo. At narito, bilang mga tagapagmasid, tayo ay may napakahalagang papel na gagampanan. Sa pamamagitan lamang ng bahagyang pagkilos pasulong, paurong, patabi, pataas, o pababa, maiaayos natin ang mga elemento o ang liwanag sa ating larawan. Maaaring paliitin natin ang larawan anupat ang naroroon ay yaon lamang mga elementong nais natin.
Madalas, kusang binubuo natin ang isang larawan kapag tayo’y nakakakita ng isang kahanga-hangang tanawin, na napaliligiran ng kalapit na mga punungkahoy o mga halaman. Ngunit marami sa maririkit na larawan, sa isang mas maliit na sukat, ay maaaring nasa ilalim ng ating mga paa.
Pag-uukol ng Pansin sa Maliit at sa Malaki
Sa gawang-kamay ng Diyos kapuwa ang malaki at maliit ay maganda, at ang ating kasiyahan ay madaragdagan kung matututo tayong makita ang mga detalye, na kaayaaya ring nagkakasama-sama. Ang mga ito’y bumubuo ng maliliit na larawan na nakakalat sa malaking kuwadro ng kalikasan. Upang mapahalagahan ang mga ito, wala tayong gagawin kundi ang yumuko at tuminging mabuti.
Ang mga larawang ito na nasa loob ng isang litrato ay inilalarawan ng litratistang si John Shaw sa kaniyang aklat na Closeups in Nature: “Hindi ako kailanman tinatantanan ng paghanga anupat ang malapitang pagtingin sa isang likas na detalye ay palagi nang umaakit sa akin upang lalo pa itong titigan. . . . Sa pasimula’y nakikita natin ang malaking tanawin, pagkatapos ay isang bahid ng kulay sa isang sulok ng larawan. Kapag tinitigan natin ay mayroon palang mga bulaklak at, sa isang bulaklak, ay may paruparo. Ang mga pakpak nito’y naghahantad ng isang natatanging disenyo, ang disenyo ay ginagawa ng isang eksaktong pagkakaayos na mga kaliskis ng pakpak, at ang bawat kaliskis ay sakdal sa ganang sarili nito. Kung tunay na mauunawaan natin ang kasakdalan ng pagkakabuo ng isang kaliskis ng pakpak ng paruparung iyon, malamang na simula na ito upang maunawaan natin ang kasakdalan ng pagkakadisenyo ng tinatawag na kalikasan.”
Bukod sa kalugurang idinudulot sa atin ng kagandahang ito, ang sining ng kalikasan—kapuwa malaki at maliit—ay makapaglalapit sa atin sa ating Maylalang. “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo,” ang payo ni Jehova. Kung tayo’y hihinto upang tumingin, tumitig, at humanga, itinutuon man natin ang ating paningin sa mabituing kalangitan o sa anumang ibang nilalang ng Diyos, ipinaaalaala sa atin ang Isa “na lumikha ng mga bagay na ito.”—Isaias 40:26.
Ang mga Lalaking Natutong Tumingin
Noong panahon ng Bibliya ang mga lingkod ng Diyos ay nagkaroon ng pantanging interes sa mga nilalang. Ayon sa 1 Hari 4:30, 33, “ang karunungan ni Solomon ay mas malawak kaysa sa karunungan ng lahat ng mga taga-Oryente . . . Siya ay nagsasalita tungkol sa mga punungkahoy, mula sa sedro na nasa Lebanon hanggang sa isopo na lumalabas sa pader; at siya’y nagsasalita tungkol sa mga hayop at tungkol sa mga lumilipad na nilalang at tungkol sa mga gumagalaw na bagay at tungkol sa mga isda.”
Marahil ang interes ni Solomon sa kagandahan ng paglalang ay maaaring dahil sa halimbawa ng kaniyang ama. Si David, na gumugol ng kaniyang kabataan bilang isang pastol, ay madalas na nagbubulay-bulay sa gawang-kamay ng Diyos. Ang kagandahan ng kalangitan ang lalo nang nakaakit sa kaniya. Sa Awit 19:1, isinulat niya: “Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at sinasabi ng kalawakan ang gawa ng kaniyang mga kamay.” (Ihambing ang Awit 139:14.) Maliwanag, ang kaniyang kaugnayan sa mga nilalang ang nagpalapit sa kaniya sa Diyos. Ganiyan din ang maaaring gawin nito sa atin.a
Gaya ng alam ng maka-Diyos na mga lalaking ito, ang pagkilala at pagpapahalaga sa gawang-kamay ng Diyos ay nagpapasigla sa espiritu at nagpapayaman ng ating buhay. Sa ating modernong daigdig na sinasalot ng mga panoorin na kadalasan ay masasagwa, ang pagbibigay-pansin sa mga nilalang ni Jehova ay makapaglalaan sa ating sarili at sa ating pamilya ng isang kapaki-pakinabang na gawain. Para sa mga nananabik sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, ito ay isang libangang may tinatanaw na kinabukasan.—Isaias 35:1, 2.
Kapag ang sining na nasa paligid natin ay hindi lamang natin nakikita kundi naaaninag din ang mga katangian ng Dakilang Dalubsining na gumawa ng lahat ng ito, walang-pagsalang mauudyukan tayong ulitin ang pananalita ni David: “Walang gaya mo . . . , O Jehova, ni walang mga gawang gaya ng sa iyo.”—Awit 86:8.
[Talababa]
a Ang iba pang manunulat ng Bibliya, gaya nina Agur at Jeremias, ay masisigasig na tagapagmasid din sa kasaysayan ng kalikasan.—Kawikaan 30:24-28; Jeremias 8:7.
[Mga larawan sa pahina 10]
Mga halimbawa ng disenyo at hugis, liwanag, kulay, at pagbubuo
[Credit Line]
Godo-Foto