Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 11/8 p. 19-25
  • Ang Iglesya ng Mormon—Isa Bang Pagsasauli ng Lahat ng Bagay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Iglesya ng Mormon—Isa Bang Pagsasauli ng Lahat ng Bagay?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Iglesya ni Joseph Smith Ngayon
  • Ang mga Mormon at ang Bibliya
  • “Kung Ano ang Diyos Ngayon, Magiging Gayon ang Tao”
  • The Book of Mormon​—Saligan ng Pananampalataya
  • Makasaysayang mga Hiwaga
  • Ang Saligan Para sa Pagsasauli
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Ang Paghahanap ng Isang Binatilyo ng mga Kasagutan
    Gumising!—1995
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1996
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 11/8 p. 19-25

Ang Iglesya ng Mormon​—Isa Bang Pagsasauli ng Lahat ng Bagay?

ANG Templo ng Mormon sa Salt Lake City, Utah, ay, para sa LDS (Latter-day Saints), isang maranyang sagisag ng kanilang pananampalataya. Ang kasipagan, mga pagpapahalagang pampamilya, at pinansiyal na pagsasarili ang sawikain ng mga Mormon. Ang mga misyonerong Mormon, na may mga lapel badge ng kanilang pangalan, ay isang pamilyar na tanawin sa buong daigdig. Ngunit ang ilang panloob na mga pangyayari na sagrado sa mga Mormon ay itinatago sa mga tagalabas. Kaya ang iglesya ay nananatiling tudlaan ng kahindik-hindik na mga usap-usapan. Subalit, ang makatuwirang pagsusuri ay dapat na nakasalig, hindi sa mapanirang mga kuwento, kundi sa mga katotohanan. Ano ang matututuhan natin tungkol sa pananampalatayang ito na labis na sinisiraan?

Ang Iglesya ni Joseph Smith Ngayon

Ang mga Mormon ay naniniwala na ang kanilang relihiyon ang pagsasauli ng tunay na iglesya kasama ang pagkasaserdote at mga ordinansa nito. Kaya, ang opisyal na pangalan nito ay, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. Sa Iglesya ng Mormon, walang pagkakabaha-bahaging umiiral sa pagitan ng klero at lego. Bagkus, mula sa gulang na 12, ang bawat karapat-dapat na lalaking miyembro ay maaaring masangkot sa iba’t ibang tungkulin ng iglesya, nakakamit ang pagkasaserdote sa gulang na 16.

Ang karamihan sa mga nasa tungkulin sa iglesya ay walang sahod, at ang mga pamilya ng LDS ay sumasali sa maraming programang itinataguyod ng kanilang lokal na kongregasyon, o ward. Sa kongregasyonal na antas, ang mga elder, obispo, at mga pangulo ng stake (distrito) ay nangangasiwa sa organisadong mainam na mga gawain ng iglesya. Isang konseho ng 12 apostol sa Salt Lake City ang may pambuong daigdig na nasasakupan. Sa sukdulan, ang pangulo ng iglesya​—pinagpipitaganan bilang propeta, tagakita, at tagapagsiwalat​—at dalawang tagapayo ang bumubuo sa namamahalang awtoridad ng iglesya, tinatawag na Quorum of the Presidency, o ang First Presidency.

Apektado ng ilang ordinansa ang buhay ng debotong mga Mormon. Ang bautismo, na nangangahulugan ng pagsisisi at pagsunod, ay maaaring mangyari pagtuntong sa edad na walong taon. Ang paghuhugas at ang pagpapahid ng langis ay lumilinis at nagtatalaga sa mananampalataya. Ang seremonya sa kaloob na salapi o ari-arian sa templo para pagkakitaan ay nagsasangkot ng isang serye ng mga tipan, o mga pangako, at isang pantanging panloob na kasuotan sa templo na isusuot kahit na pagkatapos nito, bilang isang proteksiyon mula sa masama at bilang isang paalaala ng mga panata ng paglilihim na isinagawa. Gayundin, maaaring idaos ng lalaki’t babaing Mormon ang kanilang kasal sa loob ng templo “sa habang panahon at sa kawalang-hanggan,” upang ang kanilang pamilya ay manatiling buo sa langit, na doon ang mag-asawa ay maaaring patuloy na mag-anak.

Ang Iglesya ng Mormon ay pinapurihan dahil sa programa nito sa kagalingang panlipunan, na itinatag upang “maalis ang sumpa ng katamaran.” Ito’y tinutustusan ng lokal na mga miyembro nito na isinasakripisyo ang dalawang pagkain sa isang buwan at iniaabuloy ang halaga nito sa simbahan. Bukod pa rito, ang mahigpit na pagbibigay ng ikapu ng kanilang kita ay hinihiling. Ang pamilya at mga kaibigan ang nagtutustos ng pondo upang suportahan ang mga misyonerong Mormon. Ang mga ito ay karaniwang mga kabataang lalaki at babae, na gumugugol ng dalawang taon sa paglilingkod misyonero.

Ang sakripisyo-sa-sarili, malapít na mga pamilya, at pananagutang sibiko ay mga tampok ng buhay ng mga Mormon. Ngunit kumusta naman ang mga paniniwala ng mga Mormon?

Ang mga Mormon at ang Bibliya

“Kami’y naniniwala sa Bibliya na siyang salita ng Diyos kung ito ay isinalin nang wasto,” sabi ng ikawalong artikulo ng Articles of Faith ng mga Mormon. Subalit dagdag pa nito: “Naniniwala rin kami sa Book of Mormon na salita ng Diyos.” Gayunman, marami ang nagtatanong, bakit kailangan pa ang ibang kasulatan?

Ganito ang sabi ni Elder Bruce R. McConkie: “Walang tao sa lupa na may gayon na lamang ang pagpapahalaga sa Bibliya na gaya ng [mga Mormon]. . . . Subalit hindi kami naniniwala na . . . ang Bibliya ay naglalaman ng lahat ng mahalagang bagay para sa kaligtasan.” Ang Pangulong Gordon B. Hinckley ay sumulat sa pulyetong What of the Mormons? na ang maraming iba’t ibang sekta at mga relihiyon “ay nagpapatotoo sa di-kasapatán ng Bibliya.”

Ang mga manunulat ng LDS ay nagpahayag ng labis na pag-aalinlangan sa pagkamaaasahan ng Bibliya dahil sa sinasabing mga pagkaltas at mga pagkakamali sa pagsasalin. Ang apostol ng Mormon na si James E. Talmage, sa kaniyang aklat na A Study of the Articles of Faith, ay humihimok: “Hayaan kung gayon na ang Bibliya ay basahin nang may pagpipitagan at may kasamang taimtim na panalangin, masikap na hinahanap ng mambabasa ang liwanag ng Espiritu upang maunawaan niya ang pagkakaiba sa pagitan ng katotohanan at ng mga pagkakamali ng tao.” Si Orson Pratt, isang naunang apostol ng Mormon, ay nagsabi pa: “Sino ang nakaaalam ng kahit na isang talata sa buong Bibliya na hindi nadungisan?”

Gayunman, tungkol sa usaping ito, lumilitaw na hindi nalalaman ng mga Mormon ang lahat ng mga katotohanan. Totoo, ang teksto ng Bibliya ay paulit-ulit na kinopya at isinalin sa nakalipas na mga taon. Subalit, ang katibayan tungkol sa kadalisayan nito ay napakarami. Libu-libong sinaunang mga manuskritong Hebreo at Griego ang maingat na sinuri at inihambing sa mas bagong kopya ng Bibliya. Halimbawa, ang Dead Sea Scroll ng Isaias, na may petsang mula pa noong ikalawang siglo B.C.E., ay inihambing sa manuskritong may petsang mahigit na sanlibong taon na mas huli. Pumasok ba ang malubhang mga pagkakamali? Sa kabaligtaran, binanggit ng pagsusuri ng isang iskolar na ang ilang pagkakaibang nasumpungan “ay pangunahin nang binubuo ng maliwanag na maliliit na pagkakamali sa pagsulat at mga pagkakaiba sa pagbaybay.”a

Pagkatapos ng mahabang panahong masusing pag-aaral, ang dating patnugot ng Britanong Museo na si Sir Frederic Kenyon ay nagpatunay: “Maaaring hawakan ng Kristiyano ang buong Bibliya at sabihing walang takot o pag-aatubili na tangan niya ang tunay na Salita ng Diyos, ipinasa sa sali’t salinlahi nang walang malaking pagbabago sa lahat ng mga dantaon.” Kaya, ang mga salita ng salmista ay totoo pa rin sa ngayon: “Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita: na gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa, na makapitong dinalisay.” (Awit 12:6, King James Version) Nangangailangan ba tayo ng higit pa?

“Ikaw na mangmang,” ang tutol ng The Book of Mormon sa 2 Nephi 29:6, “na magsasabing: Isang Bibliya, mayroon na kaming Bibliya, at hindi na namin kailangan ng higit pang Bibliya.” Subalit, pinag-iisipan ng maraming Mormon ang mahigpit na pananalita ni apostol Pablo sa Bibliya sa Galacia 1:8 (KJ): “Datapuwat kahima’t kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakwil.”

Ang mga iskolar na LDS ay nagpapaliwanag na ang bagong kasulatan ay hindi lumalampas sa kung ano ang ipinahayag sa Bibliya kundi isa lamang paglilinaw at kapupunan nito. “Walang pagkakasalungatan sa pagitan ng dalawa,” sulat ni Rex E. Lee, pangulo ng Brigham Young University. “Kapuwa ang Bibliya at ang Book of Mormon ay nagtuturo ng iisang plano ng kaligtasan.” May pagkakasuwato ba sa pagitan ng mga aklat na ito? Isaalang-alang ang plano sa kaligtasan ng mga Mormon.

“Kung Ano ang Diyos Ngayon, Magiging Gayon ang Tao”

“Bagaman hindi natin natatandaan ito,” paliwanag ni Lee, “tayo’y umiral bilang mga espiritu bago tayo umiral sa buhay na ito.” Ayon sa paniniwalang ito ng LDS tungkol sa walang-hanggang pagsulong, sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod ang isang tao ay maaaring maging isang diyos​—isang maylikha na gaya ng Diyos. “Ang Diyos mismo ay dating gaya natin ngayon, at isang itinaas na Tao, at nakaluklok sa trono doon sa langit,” sabi ni Joseph Smith. “Kailangan ninyong matutuhan kung paano kayo magiging mga Diyos mismo, . . . katulad ng ginawa ng lahat ng mga Diyos na nauna sa inyo.” Ang propeta ng Mormon na si Lorenso Snow ay nagsabi: “Kung ano ang tao ngayon, gayon dati ang Diyos; kung ano ang Diyos ngayon, magiging gayon ang tao.”

Inihaharap ba ang gayong kinabukasan sa mga pahina ng Bibliya? Ang tanging alok ng pagkadiyos na kailanma’y napaulat doon ay ang walang-saysay na pangako ni Satanas na Diyablo sa halamanan ng Eden. (Genesis 3:5) Ipinakikita ng Bibliya na nilalang ng Diyos sina Adan at Eva upang mabuhay sa lupa at tinagubilinan sila na gumawa ng isang sakdal na sambahayan ng tao na mamumuhay dito sa kaligayahan nang walang-hanggan. (Genesis 1:28; 3:22; Awit 37:29; Isaias 65:21-25) Ang kusang pagsuway ni Adan ay nagdulot ng kasalanan at kamatayan sa sanlibutan.​—Roma 5:12.

Ang The Book of Mormon ay nagsasabi na kung ang dating mga espiritu nina Adan at Eva ay nanatiling walang kasalanan, sila sana ay walang anak at walang kaligayahan, nag-iisa sa Paraiso. Kaya ang paglalarawan nito tungkol sa kasalanan ng unang mag-asawa ay may kinalaman sa pagtatalik at pag-aanak. “Si Adan ay nagkasala upang magkaroon ng mga tao; at umiral ang mga tao, upang sila’y magkaroon ng kagalakan.” (2 Nephi 2:22, 23, 25) Sa gayon ang mga espiritu sa langit ay sinasabing naghihintay ng pagkakataon na mamuhay sa makasalanang lupa​—isang mahalagang hakbang tungo sa kasakdalan at pagkadiyos. Ganito ang sabi ng magasin ng LDS na Ensign: “Minamalas namin ang ginawa nina Adan at Eva na taglay ang malaking pagpapahalaga sa halip na paghamak.”

“Ang doktrinang ito [na ang tao’y umiral sa espiritung paglalang],” sabi ni Joseph Fielding Smith, apo sa pamangkin ni Joseph Smith, “sa Bibliya ay bahagya lamang maunawaan . . . sapagkat maraming maliwanag at mahalagang bagay ang inalis mula sa Bibliya.” Sinabi pa niya: “Ang paniniwalang ito ay salig sa isang kapahayagan na ibinigay sa Iglesya, noong Mayo 6, 1833.” Samakatuwid, bagaman tinatanggap ang awtoridad ng Bibliya, kung magkaroon ng pagkakasalungatan ang doktrina ng LDS ay higit na nagpapahalaga sa mga salita ng kanilang mga propeta.

The Book of Mormon​—Saligan ng Pananampalataya

Pinapurihan ni Joseph Smith ang The Book of Mormon bilang “ang pinakatumpak sa anumang aklat sa lupa, at ang saligan ng ating relihiyon.” Ang isang set ng gintong klitse ay sinasabing siyang pinagmulan ng kaniyang mga isinulat. Labing-isang Mormon ang nagpatunay na nakita nila ang mga klitse. Gayunman, nang matapos ang dokumento, sinabi ni Smith na ang mga klitse ay dinala sa langit. Kaya nga, ang mga ito ay hindi na magagamit para suriin ang teksto.

Ang The Pearl of Great Price (tingnan ang kahon, pahina 20) ay nagsasabi tungkol sa isang Propesor Charles Anthon na pinagpakitaan ng isang kopya ng mga inskripsiyon at ipinahayag ang mga ito na totoo at ang salin ay tumpak. Subalit nang sabihan tungkol sa pinagmulan ng mga klitse, ang ulat ay nagsasabi na binawi niya ang kaniyang palagay. Gayunman, ang kuwentong ito ay lumilitaw na salungat sa sinasabi ni Smith na siya lamang ang may kaloob na isalin ang nasusulat sa mga klitse, “ang kaalaman tungkol dito ay hindi alam ng sanlibutan.” Mapatutunayan ba ni Propesor Anthon ang isang teksto na tama kung hindi niya ito mabasa at sa gayo’y hindi ito maisalin?

Ang The Book of Mormon ay madalas na sumisipi mula sa King James Version ng Bibliya, na naisulat sa Ingles na ginamit noong panahon ni Shakespeare, na itinuturing na hindi na ginagamit noong panahon ni Joseph Smith. Nakalito sa ilang mambabasa na ang The Book of Mormon, ang “pinakatumpak” sa mga aklat na ito, ay kumukopya ng di-kukulanging 27,000 salita nang tuwiran mula sa bersiyon ng Bibliya na sinasabing punô ng mga pagkakamali at nang maglao’y binago ni Smith.​—Tingnan ang kahon, pahina 24.

Ang paghahambing ng unang edisyon ng The Book of Mormon sa bagong mga edisyon ay nagsisiwalat sa maraming Mormon ng isang nakagugulat na katotohanan​—na ang aklat na sinasabing “isinalin . . . sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” sa ganang sarili nito ay sumailalim ng maraming pagbabago sa balarila, pagbaybay, at kahulugan. Halimbawa, may maliwanag na kalituhan tungkol sa pagkakakilanlan ng “Walang-hanggang Ama.” Ayon sa unang edisyon sa 1 Nephi 13:40, “ang Kordero ng Diyos ay ang Walang-hanggang Ama.” Ngunit ang mas bagong mga salin ay nagsasabi na “ang Kordero ay ang Anak ng Walang-hanggang Ama.” (Amin ang italiko.) Umiiral pa rin ang dalawang orihinal na mga manuskrito ng The Book of Mormon ng 1830. Ang isa sa dalawang orihinal, na nasa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, ay nagdagdag ng mga salitang “ang Anak” sa pagitan ng mga linya.

Kung tungkol naman sa kasulatan ng Mormon na Doctrine and Covenants, ang aklat na The Revelations of the Prophet Joseph Smith, ng iskolar ng LDS na si Lyndon W. Cook, ay nagpapaliwanag sa paunang-salita: “Yamang ang ilang kapahayagan ay binago na niyaong mga komite na inatasan upang ayusin ito para sa paglalathala, napansin ang maraming pagdaragdag at pagbabawas sa teksto.” Ang isa sa pagbabagong iyon ay masusumpungan sa Book of Commandments 4:2, na nagsasabi tungkol kay Smith: “Siya ay may kaloob na isalin ang aklat . . . Hindi ko na siya pagkakalooban ng ibang kaloob.” Subalit nang ang kapahayagan ay muling inilimbag noong 1835 sa Doctrine and Covenants, ito’y kababasahan: “Sapagkat hindi na kita pagkakalooban ng ibang kaloob hanggang sa ito’y matapos.”​—5:4.

Makasaysayang mga Hiwaga

Ang ilan ay nahihirapan na pagtugmain ang ulat na halos 20 Judio ang sinasabing umalis ng Jerusalem at nagtungo sa Amerika noong 600 B.C.E. gayunman sa loob ng wala pang 30 taon, sila ay dumami at nahati sa dalawang bansa! (2 Nephi 5:28) Sa loob ng 19 na taon mula sa kanilang pagdating, ang maliit na pangkat na ito ay ipinalalagay na nagtayo ng isang templo “na katulad ng templo ni Solomon . . . , at ang pagkakagawa niyaon ay napakahusay”​—isang mabigat na gawain nga! Ang pitong-taóng pagtatayo ng templo ni Solomon sa Jerusalem ay gumamit ng halos 200,000 manggagawa, artisano, at mga tagapangasiwa.​—2 Nephi 5:16; ihambing ang 1 Hari 5, 6.

Ang maingat na mga mambabasa ng Book of Mormon ay nalito sa ilang pangyayari na waring wala sa tamang kronolohikal na pagkakasunud-sunod. Halimbawa, ang Gawa 11:26 ay nagsasabi: “Ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Kristiyano sa Antioquia.” (KJ) Subalit ang Alma 46:15, sinasabing inilalarawan ang mga pangyayari noong 73 B.C.E., ay nag-uulat tungkol sa mga Kristiyano sa Amerika bago pa man dumating si Kristo sa lupa.

Ipinakikita mismo ng The Book of Mormon na ito’y higit na isang makasaysayang salaysay kaysa isang kasulatan ng mga doktrina. Ang pariralang “at nangyari” ay lumilitaw ng halos 1,200 ulit sa bagong edisyon​—halos 2,000 ulit sa edisyon ng 1830. Maraming lugar na binabanggit sa Bibliya ang umiiral pa rin, subalit ang mga kinaroroonan ng halos lahat ng lugar na binabanggit sa The Book of Mormon, gaya ng Gimgimno at Zeezrom, ay hindi kilala.

Ang kuwento ng Mormon ay nagsasaysay tungkol sa pagkalaki-laking paninirahan sa kontinente ng Hilagang Amerika. Ang Helaman 3:8 ay kababasahan ng ganito: “At nangyari na sila ay dumami at kumalat . . . upang punuin ang ibabaw ng buong lupa.” Ayon sa Mormon 1:7, ang lupain “ay napunô ng mga gusali.” Maraming tao ang nagtatanong kung nasaan ang mga labí ng malawak na sibilisasyong ito. Nasaan ang mga gamit ng mga Nephite, gaya ng mga baryang ginto, tabak, kalasag, o baluti?​—Alma 11:4; 43:18-20.

Isinasaalang-alang ang mga katanungang iyon, makabubuting pag-isipang mabuti ng mga miyembro ng relihiyong Mormon ang mga salita ni Mormon Rex E. Lee: “Ang pagiging totoo ng Mormonismo ay mapatutunayang totoo o huwad batay sa aklat na doo’y hinango ng Iglesya ang palayaw nito.” Ang pananampalatayang salig sa matatag na kaalaman sa Kasulatan, sa halip na sa emosyonal na karanasan lamang sa panalangin, ay naghaharap ng isang hamon sa taimtim na mga Mormon​—gayundin sa lahat ng nag-aangking Kristiyano.

Ang Saligan Para sa Pagsasauli

Ang espirituwal na kaguluhan sa paligid niya ang nagpangyari kay Joseph Smith na tanggihan ang naglalabanang mga sekta noong kaniyang panahon. Hinangad ng ibang mapitagang mga lalaki bago, noong panahon niya, at mula noong panahon niya na magbalik sa tunay na pananampalataya.

Ano ang huwaran para sa tunay na Kristiyanismo? Hindi ba si Kristo ang nagbigay ng “halimbawa, upang kayo’y mangagsisunod sa mga hakbang niya”? (1 Pedro 2:21, KJ) Ang buhay ni Jesu-Kristo ay malayung-malayo sa teolohiya ng LDS. Bagaman si Jesus ay hindi asetiko, ang kaniyang simpleng buhay ay walang anumang ambisyon na magkamal ng kayamanan, kaluwalhatian, o pulitikal na kapangyarihan. Siya’y pinag-usig sapagkat siya’y “hindi taga sanlibutan.” (Juan 17:16, KJ) Ang pangunahing layunin ng ministeryo ni Kristo ay luwalhatiin ang kaniyang Ama, si Jehova, at pakabanalin ang Kaniyang pangalan. Totoo rin ito sa tunay na mga alagad ni Jesus. Itinuturing nila ang kanila mismong kaligtasan na pangalawahing bagay lamang.

Itinuro ni Jesus ang Salita ng Diyos, malayang sumisipi rito, at namuhay na kasuwato nito. Ganito ang sabi ni Brigham Young tungkol sa Bibliya: “Ginagamit natin ang aklat na ito para sa ating patnubay, para sa tuntunin natin sa pagkilos; ginagamit natin ito bilang saligan ng ating pananampalataya. Itinuturo nito ang daan tungo sa kaligtasan.” (Journal of Discourses, Tomo XIII, pahina 236) Kaya ang himok niya: “Kunin mo ang Bibliya, ihambing mo rito ang relihiyon ng Latter-day Saints, at tingnan mo kung makatatayo ito sa pagsubok.” (Discourses of Brigham Young) Hindi lamang ang pananampalatayang Mormon kundi ang lahat ng mga relihiyong nag-aangking Kristiyano ay dapat sumailalim ng pagsubok na ito, sapagkat sinabi ni Jesus: “Sasambahin ng tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan.”​—Juan 4:23, KJ.

[Talababa]

a Para sa higit pang impormasyon tingnan Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon sa pahina 20]

Banal na mga Akda ng Mormon

BUKOD pa sa Bibliya at The Book of Mormon, kinikilala ng Latter-day Saints ang marami pang ibang akda.

Doctrine and Covenants: Ito’y pangunahin nang isang kalipunan ng tinatawag ni Joseph Smith na mga kapahayagan mula sa Diyos. Ang mga ito ay iniwawasto paminsan-minsan kung kinakailangan sa pagbubuo ng doktrina at kasaysayan.

The Pearl of Great Price: Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pagwawasto ni Joseph Smith sa aklat ng Bibliya na Genesis, ang ika-24 na kabanata ng Mateo, at ng personal na kasaysayan ni Smith. Narito rin ang salin ni Smith ng isang papiro na binili niya noong 1835. Ipinahayag niya na ito ang sulat mismo ni Abraham na nagsasabi kung paanong iniligtas siya ng isang anghel nang siya’y sikaping ihain ng isang saserdote sa isang dambana. Ang papiro ay muling nakita noong 1967 at sinuri ng maraming Ehiptologo. Nasumpungan nila, sabi ng isang ulat, na “wala isa mang salita ng sinasabing salin ni Joseph Smith ang may anumang pagkakahawig sa nilalaman ng dokumentong ito.” Lumalabas na ito ang Book of Breathings, isang dokumento sa libing sa Ehipto na inilibing na kasama ng patay. Ipinakikita ng orihinal na manuskrito ni Smith na siya’y gumamit ng 136 na salitang Ingles upang isalin ang Ehipsiyong hieroglyph para sa “lawa.”

Ang Salin ng Bibliya ni Joseph Smith: Noong 1830, sinimulan ni Smith ang pagwawasto sa King James Version ng Bibliya, na hindi niya kailanman natapos. Iniwasto niya ang mga 3,400 talata at nagdagdag ng maraming bagay, kasali na ang isang hula sa katapusan ng Genesis tungkol sa kaniya mismong pagdating bilang “isang piniling tagakita.” Yamang ang manuskrito ay naiwan sa biyuda ni Smith, na hindi sumunod kay Brigham Young, bihirang sumipi mula rito ang iglesya ng Salt Lake, bagaman ito ay tinatanggap na tumpak.

Iba pang “kinasihang” mga doktrina: Ang mga ito’y maaaring ipasa ng nabubuhay na propeta ng iglesya sa anumang panahon at may katulad na awtoridad ng Banal na Bibliya. Ang diskurso ni King Follett noong 1844 ay isang halimbawa. Ibinigay ni Smith ang sermon na ito sa libing para kay Elder King Follett na doo’y ipinaliwanag niya ang doktrina ng taong ginawang diyos at ng Diyos na ginawang tao. Lumilitaw ito sa Journal of Discourses, isang kalipunan ng mga lektyur nina Smith, Young, at ng iba pang awtoridad sa Mormon noong ika-19 na siglo.

[Kahon sa pahina 21]

Ang Pamilya ng mga Diyos ng Mormon

Diyos: Ama ng lahat ng Diyos, siya ay may laman-at-butong katawan.​—Doctrine and Covenants 130:22.

Elohim: Tumutukoy kung minsan sa isang indibiduwal. Inilalarawan din bilang isang konseho ng mga Diyos na nag-organisa sa lupa.​—Doctrine and Covenants 121:32; The Pearl of Great Price, Abraham 4:1; Journal of Discourses, Tomo I, pahina 51.

Jesus: Diyos at Maylikha ng buong lupa, ang Tagapagligtas.​—3 Nephi 9:15; 11:14.

Jehova: Ang pangalan ni Jesus sa Matandang Tipan.​—Ihambing ang Mormon 3:22; Moroni 10:34; at indise ng Book of Mormon.

Trinidad: Ang pagkadiyos ng tatlong magkahiwalay, magkaibang espiritung persona, Ama at Anak, na laman at buto, at Espiritu Santo.​—Alma 11:44; 3 Nephi 11:27.

Adan: Katulong ni Jesus sa paglalang. Ganito ang sabi ni Brigham Young: “Ang ating amang si Adan ay dumating sa halamanan ng Eden . . . at dinala si Eva, isa sa kaniyang mga asawa. . . . Siya ang ating Ama at ang ating Diyos.” (Journal of Discourses, Tomo I, pahina 50, Edisyon ng 1854) Pagkatapos niyang magkasala, si Adan ang naging unang Kristiyano sa lupa. (The Pearl of Great Price, Moses 6:64-66; Ensign, Enero 1994, pahina 11) Siya “ang Matanda sa mga araw” (Doctrine and Covenants 116) at ang literal na pisikal na Ama ni Jesus.​—Journal of Discourses, Tomo I, pahina 51.

Miguel: Ibang pangalan ni Adan, ang arkanghel.​—Doctrine and Covenants 107:54.

[Kahon sa pahina 23]

Ang mga Mormon, Nasyonalismo, at Pulitika

SI Joseph Smith​—propeta, tagakita, tagasiwalat, ayon sa paniniwalang Mormon—​ay isa ring alkalde, tesorero, tenyente-heneral, at kandidato sa pagka-presidente ng E.U. Tumutulad sa kaniyang pangunguna, maraming Mormon ang masisigasig na aktibista sa pulitika. Ipinagmamalaki ng simbahan ang pamanang Amerikano nito at iginigiit na pinangasiwaan ng Diyos ang pagsulat ng Konstitusyon ng E.U. Si Brigham Young ay nagsabi: “Kapag . . . namahala ang Kaharian ng Diyos, ang watawat ng Estados Unidos ay matayog na wawagayway nang walang-dungis sa tagdán ng Kalayaan at pantay-pantay na karapatan, nang walang bahid.”

Ganito ang sabi ng Artikulo 12 ng Articles of Faith: “Kami’y naniniwala sa pagpapasakop sa mga hari, pangulo, pinuno, at mga mahistrado, sa pagsunod, paggalang, at pagtanggap sa batas.” Hanggang saan ang kanilang pagpapasakop? Nang lumahok sa Digmaang Pandaigdig I ang Estados Unidos, ganito ang pinanindigan ni Elder Stephen L. Richards: “Wala nang mas matapat na tao sa pamahalaan ng Estados Unidos kaysa Church of Jesus Christ of the Latter-day Saints.” “Kapag tayo’y nakipagbaka, tayo’y mananaig sa pamamagitan ng lakas ng Diyos,” sabi ng isa pang elder.

Ang Artikulo 12 ay kapit din sa kabilang panig ng larangan ng digmaan. Si Propesor Christine E. King ng Staffordshire University ay sumulat: “Ang mga Mormon na Aleman ay hinimok na makipagdigma para sa kanilang bayan at ipanalangin ang kaniyang tagumpay.” Sinabi ng iglesya na sila ay nakikipagdigma, hindi sa Britano at Amerikanong mga kapatid na Mormon, kundi sa mga kinatawan ng pamahalaan. “Ang gayong pagkakaiba, bagaman naaaninaw, ay nagsilbi upang palubagin ang moral at relihiyosong mga pag-aalinlangan ng mga Mormon na Aleman.”

Nang maging makapangyarihan si Hitler, ang patakaran ng Mormon na buong-pusong pagsuporta ay nagpatuloy. “Ang mga Nazi ay hindi tinutulan o binatikos ng iglesya ng Mormon,” sulat ni Dr. King. Idiniin ng Mormon na ang kadalisayan ng lahi at ang pagkamakabayan ay kapaki-pakinabang sa iglesya, at para sa maraming Mormon, “ang mga ugnayan sa pagitan ng kanilang pananampalataya at ng pulitika ng Third Reich ay maliwanag.” Nang mangahas ang ilang Mormon na lumaban kay Hitler, hindi sila tinangkilik ng mga opisyal ng Mormon. “Ang iglesya ay makabayan at matapat at pinulaan ang sinumang umatake sa pamahalaan ng Nazi.” Itiniwalag pa nga ng simbahan ang isang disidente pagkamatay nito pagkatapos na siya ay patayin ng mga Nazi.b

Ibang-iba nga ito sa mga pinapurihan sa The Book of Mormon sa Alma 26:32: “Mamatamisin pa nilang isakripisyo ang kanilang buhay kaysa patayin ang kanilang kaaway; at kanilang ibinaon nang malalim sa lupa ang kanilang mga sandata ng digmaan, dahil sa kanilang pag-ibig sa kanilang mga kapatid.”

Si Jesus ay nangatuwiran kay Pilato: “Kung ang kaharian ko ay sa sanglibutang ito, ang aking mga alipin nga ay makikipagbaka, upang ako’y huwag maibigay sa mga Judio.” (Juan 18:36, King James Version) Ang kaniyang mga alagad ay hindi humawak ng sandata upang ipagtanggol ang Anak mismo ng Diyos, huwag nang sabihin pa sa isang digmaan sa pagitan ng mga pamahalaan. Dapat pa nga nilang ibigin ang kanilang mga kaaway.​—Mateo 5:44; 2 Corinto 10:3, 4.

May mga tunay na Kristiyano sa ngayon na mahigpit na nananatiling neutral bilang indibiduwal at bilang isang grupo. Ganito ang sabi ng aklat na Mothers in the Fatherland: “Mula sa kanilang pagkatatag ang mga Saksi ni Jehova ay nanindigang matatag na hindi bahagi ng anumang estado.” Kaya nga, noong kakila-kilabot na pamamahala ni Hitler, sila, “halos ang bawat isa sa kanila, ay maliwanag na tumangging mag-ukol ng anumang anyo ng pagsunod sa estado ng Nazi.”

Bagaman libu-libo sa kanila ay namatay na martir, isinapuso ng mga Saksi ni Jehova ang mga salita ni Jesus: “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:35, KJ.

[Mga talababa]

b Si Helmut Hübener ay naibalik-muli noong 1948.

[Kahon sa pahina 24]

Ang Bibliya at ang mga Akdang Mormon​—Isang Malaking Pagkakaiba

Bibliya: Bagaman ang eksaktong lugar ay hindi alam, ang halamanan ng Eden ay malamang na nasa rehiyon ng Mesopotamia sa tabi ng Ilog Eufrates.​—Genesis 2:11-14.

Doctrine and Covenants: Ang halamanan ng Eden ay nasa Jackson County, Missouri, E.U.A.​—Doctrine and Covenants 57, gaya ng ipinaliwanag ng Pangulong J. F. Smith.

Bibliya: Ang kaluluwa ay namamatay.​—Ezekiel 18:4; Gawa 3:23.

The Book of Mormon: “Ang kaluluwa ay hindi kailanman namamatay.”​—Alma 42:9.

Bibliya: Si Jesus ay isinilang sa Betlehem.​—Mateo 2:1-6.

The Book of Mormon: Si Jesus ay isinilang sa Jerusalem.​—Alma 7:10.

Bibliya: Si Jesus ay inianak ng banal na espiritu.​—Mateo 1:20.

Journal of Discourses: Si Jesus ay hindi inianak ng banal na espiritu. Siya ay inianak sa laman sa pamamagitan ng pakikipagtalik ni Adan kay Maria.​—Journal of Discourses, Tomo I, mga pahina 50-1.

Bibliya: Ang Bagong Jerusalem ay sa langit.​—Apocalipsis 21:2.

The Book of Mormon: Ang Bagong Jerusalem, makalupa, ay itatayo ng mga tao sa Missouri, E.U.A.​—3 Nephi 21:23, 24; Doctrine and Covenants 84:3, 4.

Bibliya: Ang mga manunulat ng Bibliya ay kinasihan upang isulat ang mga kaisipan ng Diyos.​—2 Pedro 1:20, 21.

The Book of Mormon: Ang mga propeta nito ay sinasabing sumulat ayon sa kanilang sariling kaalaman.​—1 Nephi 1:2, 3; Jacob 7:26.

Bibliya: Ang Batas Mosaiko, kasali ang pagbibigay ng ikapu, ay niwakasan sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus. Ang mga abuloy ay kusang-loob, hindi sapilitan.​—2 Corinto 9:7; Galacia 3:10-13, 24, 25; Efeso 2:15.

Doctrine and Covenants: “Katotohanang ito ay . . . isang araw para sa pagbibigay ng ikapu ng aking bayan; sapagkat siyang nagbigay ng ikapu ay hindi susunugin (sa kaniyang [ang Panginoon] pagdating).”​—Doctrine and Covenants 64:23.

[Larawan sa pahina 25]

Estatuwa ni Moroni sa itaas ng Templo ng Mormon sa Salt Lake City

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share