Mula sa Aming mga Mambabasa
Pinakamagaling na Dalubsining Salamat sa inyong serye na “Sa Paghahanap ng Pinakamagaling na Dalubsining.” (Nobyembre 8, 1995) Dahil sa ako’y isa ring dalubsining, pinahalagahan ko nang lubusan ang mga artikulo. Ipinakikita ng napakaraming pagkasari-sari ng nilikha ng Diyos, ng matulaing pagkakaakda ng mga Awit, at ng lahat ng iba pang magagandang pananalita ng mga sipi sa Bibliya na hindi lamang nilikha ni Jehova ang sining kundi nasisiyahan din dito!
B. R., Estados Unidos
Dahil sa ako’y naging dibdiban sa sining sa loob ng mahigit na 30 taon, ibig kong bigyan ng komendasyon ang lahat ng may bahagi sa paghahanda ng napakahusay na artikulo! Iyon ay siyam na pahina ng napakagaling na lohiko at pangangatuwiran tungkol sa ating dakilang Diyos, si Jehova, at ang kaniyang makapangyarihang kakayahan sa paglikha.
P. M., Estados Unidos
Mga Mormon May pananabik kong binasa ang artikulong “Ang Iglesya ng Mormon—Isa Bang Pagsasauli ng Lahat ng Bagay?” (Nobyembre 8, 1995) Ako’y pinalaki sa isang sambahayang Mormon at nabautismuhan at naordina sa pagkapari bilang isang Mormon bago naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Subalit, may isang bagay na sinabi na nakatawag ng aking pansin. Sinabi ninyo na ang “paglalarawan [ng Mormon] tungkol sa kasalanan ng unang mag-asawa ay may kinalaman sa pagtatalik at pag-aanak.” Gaya ng natatandaan ko, itinuro sa amin na sina Adan at Eva ay nagkasala dahil sa pagkain ng literal na prutas.
D. A., Estados Unidos
Ikinalulungkot namin kung ang pangungusap na ito ay naging sanhi ng kalituhan. Hindi namin ibig sabihin na ang mga Mormon ay naniniwala na ang kasalanan mismo ay ang pagtatalik, bagaman maaaring ito ang mauunawaan ng isa mula sa ulat ng “Book of Mormon.” (2 Nephi 2:22, 23, 25) Sa halip, sinabi namin na “kasali” sa pagkakasala ang sekso. Paano? Sa bagay na, ayon sa teolohiya ng Mormon, ito ang nagbigay daan para sa pagsilang ng tao. Ayon sa aklat na “Mormon Doctrine,” ni Bruce R. McConkie, bago pa siya magkasala, si Adan “ay maaaring walang anak. . . . Ayon sa itinakdang plano, si Adan ay magkakasala . . . Dahil sa pagiging mortal maaari na siya ngayong magkaanak.” Kabaligtaran naman, ang Bibliya ay hindi nagtuturo na kailangang magkasala ni Adan upang magkaanak. (Genesis 1:28) Ni sinasabi man nito na ang kanilang pagkakasala ay dahil sa itinakdang plano ng Diyos. Sa halip, sinasabi nito na ito’y dahil sa kanilang sariling pagnanais na maging indipendiyente. (Eclesiastes 7:29) Kaya bagaman iginagalang natin ang mga karapatan ng mga Mormon sa pinili nilang paniniwala, ipinakikita ng bagay na ito na ang mga turo ng “The Book of Mormons” ay hindi talaga kasuwato ng Bibliya.—ED.
Para sa isa na talagang hindi alam kung ano ang ipakikipag-usap sa mga Mormon, masasabi ko na ako’y totoong napabatiran tungkol sa kanila sa ngayon, dahil sa mga artikulong ito. Paano masasabi ng mga Mormon na naniniwala sila na ang Bibliya at ang The Book of Mormons ay kapuwa mula sa Diyos subalit hindi nauunawaan na ang mga ito’y nagkakasalungatan sa isa’t isa?
J. M., Estados Unidos
Pornograpya sa Computer Ibig ko kayong pasalamatan sa tudling ng “Pagmamasid sa Daigdig” na “Pornograpya sa Computer na Makikita ng mga Bata.” (Nobyembre 8, 1995) Nabasa ko ito, at halos huminto sa pagtibok ang aking puso! Ipinakita talaga nito kung gaano kapanganib ang mga programang ito at kung gaano kadaling makuha ng mga bata ang mga ito. Ang artikulong ito ay makatutulong sa mga Kristiyano na timbang-timbangin ang positibo at ang negatibong mga salik na kaugnay ng gayong teknolohiya ng computer.
D. P., Estados Unidos
Sakit na Dala ng Pagkain Nasiyahan ako sa inyong artikulo na “Ingatan ang Iyong Sarili Mula sa Sakit na Dala ng Pagkain.” (Nobyembre 22, 1995) Ang aking trabaho ay punong tagapagluto, at may ibig akong idagdag na bagay. Kung ibig ng isa na kumain ng malasadong karne, hindi ito posible kung nababahala sa pag-iwas sa sakit na dala ng pagkain. Totoo, ang pagluluto ng karne sa mataas na temperatura ay makapagpapatuyot lamang sa karne at gagawin itong matigas para tunawin. Ang isang mabuting paraan sa pagluluto nang mabuti sa karne at pagpapanatili ng katas nito ay ilaga o kulubin ito sa mahinang apoy.
J. P. K., Estados Unidos
Salamat sa tip para sa pagluluto.—ED.