Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Asamblea ng Saksi Salamat sa karanasang pinamagatang “Isang Araw na Bumago sa Kaniyang Buhay.” (Marso 22, 1995) Ang karanasan ng isang kabataang babae na may tiyahin na nag-anyaya sa kaniya sa isang pantanging asamblea ng mga Saksi ni Jehova ay nagpagunita sa akin na ang bagay na iyon ay nangyari rin sa akin. Nadaluhan ko ang aking unang asamblea noong tag-araw ng 1985, pagkatapos na maanyayahan ng aking kuya. Ang pag-aalinlangan ko noong una di-nagtagal ay napalitan ng init ng damdamin; nadama ko na para bang ako’y nasa gitna ng isang malaking pamilya. Ipinasiya ko na ipagpatuloy ang pag-aaral ng Bibliya, at sa ngayon ako’y isang regular pioneer, isang buong-panahong ebanghelisador.
E. F., Italya
Utang Salamat sa inyong artikulong “Sulit ba ang Mangutang?” (Hunyo 8, 1995) Ako’y 13 taóng-gulang lamang, subalit hindi ko napangangasiwaang mabuti ang aking pera. Sa palagay ko’y malaki ang maitutulong ng artikulong ito sa akin.
C. A., Estados Unidos
Pagkaalipin Bilang isang babaing Aprikano-Amerikano, labis kong pinahalagahan ang Hunyo 8, 1995, serye ng artikulong “Mga Tanikala at Luha ng Pang-aalipin.” Napaiyak ako sa larawan ng pabalat. Nabagbag ako ng bagay na nagkaroon kayo ng lakas ng loob na talakayin ang mga kahiya-hiyang makasaysayan at makatotohanang bagay na ito. Nailahad ang artikulo taglay ang higit na pagkaunawa at totoong nakapagtuturo.
B. M., Estados Unidos
Dumating ang artikulo sa tamang panahon yamang tinatalakay namin ang paksa sa klase sa kasaysayan. Ginamit ko ang artikulo para kumpletohin ang pantanging opsyonal na gawaing-bahay, at nakakuha ako ng mabuting marka. Nalungkot din ako sa kalagayan ng mga alipin.
M. C., Alemanya
Salaysay ng Buhay Ang artikulong “Ang Matagumpay na Paghahanap Ko ng Layunin sa Buhay” (Mayo 22, 1995) ay totoong nakaaantig. Ang salaysay ni Harold Dies ay tumulong sa akin na magpasiya kung ako ba’y papasok sa buong-panahong ministeryo. Nagkaroon din ako ng pagkakataon na makadalaw sa Bethel, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, at gayon na lamang ang paghanga ko. Wala nang alinlangan ang tungkol sa aking pagpasok ngayon sa buong-panahong ministeryo!
A. C., Estados Unidos
Magpatawad at Lumimot Salamat sa ekselenteng artikulo na “Ang Pangmalas ng Bibliya: Magpatawad at Lumimot—Posible Ba?” (Hunyo 8, 1995) Iniisip ko noon kung ang Bibliya ay humihiling ng isang bagay na imposible para sa di-sakdal na mga tao. Subalit ngayon ay nauunawaan ko na kung ano ang ibig sabihin ng magpatawad at lumimot. Ang artikulo ay nakatulong sa aking paninindigan na ang mga utos ng Diyos ay hindi pabigat.
C. I. C., Nigeria
Kailangan kong sumulat at ipaalam sa inyo kung gaano ko pinahalagahan ang artikulo. Noong ako’y nasa murang gulang pa, ako’y seksuwal na pinagsamantalahan ng dalawa sa aking mga tiyuhin. Sa dakong huli, ako’y inabuso at pinagmalupitan bilang isang asawang babae. Nang ako’y maging isang Kristiyano, sinikap kong magpakita ng pag-ibig at maging mapagpatawad. Gayunman, hindi ko kailanman masasabi nang may katapatan na napatawad ko ang tatlong tao na lumikha ng malalim na sugat sa akin sa loob ng maraming taon. Natanto ko ngayon na may mga bagay na kailangang ipaubaya na lamang sa mga kamay ni Jehova, at kailangang ipagpatuloy ko ang aking buhay. Ang Apocalipsis 21:4 ay tumitiyak sa akin na ang malalim na sugat na ito na nakaapekto sa akin di-magtatagal ay mawawala na.
A. B., Estados Unidos
Katatapos ko pa lamang basahin ang artikulo, at hindi ko kailanman nadama ang gayon na lamang kalapít sa Diyos na Jehova kaysa nadarama ko sa mismong mga oras na ito. Hindi pa natatagalan ako ay nakagawa ng isang mabigat na pagkakasala na inihingi ko ng tulong sa mga elder sa kongregasyon. Bagaman tumanggap ako ng mabait, mapagmahal na payo mula sa kanila, napipigilan pa rin ako sa pakikipag-usap kay Jehova sa panalangin. Ang artikulong ito ay nagbigay sa akin ng mas malinaw na pagkaunawa na totoong kailangang-kailangan ko sa kung paano ang ating makalangit na Ama ay nagpapatawad at lumilimot. Nagawa nitong malayang makalapit ako sa kaniya sa taos-pusong pananalangin—isang pribilehiyo na may kahangalang iniiwasan ko. Salamat kay Jehova dahil sa pagbibigay sa akin ng aking “pagkain sa tamang panahon.”—Mateo 24:45.
D. J. S., Estados Unidos