Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang Katatanggap ko lamang ng aking Oktubre 8, 1995, Gumising! at binasa ko ang seryeng “Mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang—Gaano Sila Katagumpay?” Hindi ko alam kung paano kayo pasasalamatan sa mga artikulong ito. Talagang napapanahon ang mga ito. Ako’y nagsosolong magulang sa loob ng pito at kalahating taon na, at talagang napakahirap niyaon. Ako’y may 15-taóng-gulang na anak na babae na dumaraan sa yugto na may kahirapan at pagiging suwail. Gayundin, hindi matatag ang aking trabaho. Gayunman, ako’y nagpapasalamat na maging bahagi ng isang matulungin at mapagmahal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Kailanma’t kailangan ko ang tulong sa aking kotse o basta nangangailangan ng isang makikinig sa akin, ang aking espirituwal na mga kapatid ay laging naroroon para sa akin.
D. R., Estados Unidos
Ako’y naging isang nagsosolong magulang sapol noong 1978. Bunga ng paghihirap ko dahil sa bipolar depression, hindi ako laging naging isang mabuting magulang. Gayunman, lagi akong nakikinig sa mga magasin na naka-tape. Dalawang ulit ko nang napakinggan ang labas na ito, at nakasalang ngayon ito sa aking stereo. Hangga’t ang mga magasin ay naglalaman ng gayong kahanga-hangang impormasyon, sa palagay ko ay magiging matagumpay ang aking pamilya!
T. O., Estados Unidos
Mahirap Paluguran ang Diyos? Ako’y nagsosolong magulang, at nang makita ko ang pabalat ng labas ng Oktubre 8, 1995, na may mga artikulo tungkol sa mga nagsosolong magulang, umiyak ako. Subalit ang unang artikulo na nabasa ko ay “Ang Pangmalas ng Bibliya: Napakahirap Bang Abutin ang mga Pamantayan ng Diyos?” Oo, bilang isang ina na waring nagkukulang, isang malaking kaginhawahan ang artikulong ito. Ipinakita nito sa akin na hindi ako talunan. Pagkakataon ko na ito upang patunayan na si Satanas ay isang sinungaling. Salamat kay Jehova dahil sa napakagandang artikulong ito!
R. N., Estados Unidos
Ito ang artikulong nakaantig nang lubos sa aking damdamin. Nakatutuwang isipin na bagaman si Jehova ang makapangyarihan-sa-lahat, handa siyang magpatawad sa atin sa mga pagkakamali na nagawa natin. Ang artikulong ito ang nakatulong sa akin na pahalagahan na tayo’y maaaring maging maligaya sa pamamagitan ng pamumuhay sa mga pamantayan ng Diyos, bagaman tayo’y nagkukulang kung minsan.
D. C., Estados Unidos
River Blindness Ipinamahagi kamakailan ng isang ahensiya ng pamahalaan ang mga tableta upang mahadlangan ang river blindness sa aming nayon. Hindi nagtagal ay natanggap ko ang labas ng Oktubre 8, 1995, na may artikulong “River Blindness—Paggapi sa Isang Nakatatakot na Salot.” Naibahagi ko ito sa aking mga kapitbahay. Nang makita ng isang tauhan ng pamahalaan ang artikulo, nasabi niya: “Ang inyong organisasyon ay higit pa kaysa isang relihiyon lamang!” Isa pa, ang doktor sa lugar na iyon ay kumuha ng suskrisyon ng parehong Ang Bantayan at Gumising! Marami sa aming teritoryo ang kumuha ng mga magasin. Natutuwa silang makita na ang mga ito ay bumabanggit ng kung ano ang nangyayari sa Nigeria.
A. A., Nigeria
Iditarod Katatapos ko pa lamang basahin ang artikulong “Ang Iditarod—Sampung Siglong Ginawa” (Oktubre 8, 1995), at naudyukan akong pasalamatan kayo para sa labis na nakapagtuturo at nakapagpapasigla ng isip na artikulo! Ipinakita nito ang isang malinaw na larawan para masiyahan ang mambabasa. Talagang nadama ko na para bang ako ay isa sa mga musher sa 1,800-kilometrong takbuhang ito! Naudyukan din akong magkaroon ng mas malalim na pagpapahalaga kay Jehova—na ang mga katangian ay naipamamalas sa kaniyang paglalang kapuwa sa tao at hayop.
J. H., Estados Unidos
Legal na Tagumpay Nabasa ko ang artikulong “Isang Tagumpay Para sa Minorya—Sa Isang Lupain ng Pagkakatulad.” (Oktubre 8, 1995) Nang ako ay nasa haiskul pa, hindi ako nakikibahagi sa mga klase ng judo. Napalakas ang aking loob nang mabasa ko ang mga kapatid sa Kobe ay nakikipaglaban sa usaping ito sa mga korte upang maingatan ang kanilang kalayaan sa pagsamba at ang kanilang karapatan na magtamo ng edukasyon. Ngayon na ang paaralan ay umapela sa Korte Suprema, ipinananalangin ko na sana’y tumanggap ang mga kapatid ng pabor na paghatol.
Y. K., Hapón