Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 2/22 p. 10-11
  • Ano ang Lunas?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Lunas?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Lunas
  • Sinalot ng Nakamamatay na Virus ang Zaire
    Gumising!—1996
  • Paghihiganti ng mga Mikrobyo
    Gumising!—1996
  • Kung Bakit ang AIDS ay Lubhang Nakamamatay
    Gumising!—1988
  • Ang Salot sa Ika-20 Siglo
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 2/22 p. 10-11

Ano ang Lunas?

“MAY lumalagong paniniwala na ang kapakanan ng sangkatauhan, at marahil pati na ang ating kaligtasan bilang isang uri, ay dedepende sa ating kakayahang matuklasan ang lumilitaw na mga sakit. . . . Ano na ang mangyayari sa atin kung ang HIV ay maging isang baktirya na dinadala ng hangin? At anong katiyakan mayroon tayo na ang isang katulad na impeksiyon ay hindi lumaganap sa hinaharap?” sabi ni D. A. Henderson​—na gumanap ng mahalagang bahagi sa paglipol ng bulutong​—sa isang pangkat ng mga siyentipiko sa Geneva, Switzerland, noong 1993.

Paano maaaring matuklasan ang paglitaw ng mga sakit? Ang maagang sistema ng pagbababala para sa epidemya ng tropikal ng mga sakit ay isang pangglobong samahán ng 35 laboratoryo na nag-uulat sa World Health Organization (WHO). Gayunman, isang surbey ng mga laboratoryong ito ay nagpakita na wala pang kalahati sa mga ito ang nasasangkapan upang makilala ang Japanese encephalitis, mga hantavirus, at Rift Valley fever​—pawang nakamamatay na sakit. Tanging 56 na porsiyento lamang ang nakatutuklas sa yellow fever, isang virus na dala ng lamok na nagiging sanhi ng pagsusuka, paghina ng atay, at panloob na pagdurugo. Noong 1992 hindi kukulangin sa 28 katao ang namatay sa Kenya dahil sa yellow fever bago natuklasan ng mga doktor ang dahilan. Sa loob ng anim na buwan inakala nilang sinusugpo nila ang malarya.

Ang isa pang kahinaan ng mga programang masusing nagsisiyasat ay na hindi nito makilala ang paglitaw ng mabagal-kumilos na mga sakit na dala ng virus. Ang HIV, halimbawa, ay maaaring magtago sa loob ng isang tao, kumalat sa iba, at pagkatapos ay lumitaw mismo bilang AIDS pagkalipas ng hanggang sampung taon. Ang kasalukuyang salot ng AIDS ay lumitaw nang halos magkakasabay sa tatlong kontinente at agad na sumalakay sa 20 iba’t ibang bansa. Maliwanag, walang maagang babala para diyan!

Sa kabila ng mga problema, umaasa pa rin ang maraming siyentipiko sa hinaharap, punô ng pag-asang nagsasalita tungkol sa malalaking tuklas at mga pagsulong sa kaalaman na tiyak na darating sa hinaharap na mga taon. Ang International Herald Tribune ay nag-uulat: “Ang pinakamainam na pag-asa para sa tunay na mga pagsulong sa kaalaman, sabi ng maraming siyentipiko, ay ang biyoteknolohiya, ang manipulasyon ng namamanang bagay sa buháy na mga selula. Ang mga siyentipiko at mga kompanyang biotech ay umaasang makagawa ng mga selula na pumapatay-mikrobyo, yaon ay, isang bagong salinlahi ng genetically engineered na mga antibiotic.”

Subalit, may hindi kanais-nais na aspekto rito. Ginawang posible ng henetikong inhenyeriya na magpasok ng mga gene sa isang hindi nakapipinsalang virus upang maihatid ng virus ang mga gene sa tao. Ang teknolohiyang ito ay maaaring gamitin sa kapaki-pakinabang na paraan, marahil aktuwal na ginagawang posible ang paggawa ng tinatawag na genetically engineered na mga antibiotic. Ngunit ang teknolohiyang ito ay maaari ring gamitin sa masasamang layunin.

Halimbawa, maaaring ang mga gene mula sa Ebola ay di-sinasadya o sadyang ipasok sa isang virus, gaya sa virus ng trangkaso o tigdas. Pagkatapos ang nakamamatay na virus na iyon ay maaaring ikalat sa pamamagitan ng isang pag-ubo o pagbahin. Si Dr. Karl Johnson, na ginugol ang buong buhay niya sa pagsusuri sa mga virus na gaya ng Machupo at Ebola, ay nagsabi na maaaring malapit nang dumating ang panahon kapag ang “sinumang hangal na may ilang libong dolyar na aparato at nakapag-aral ng biyolohiya sa kolehiyo ay maaaring gumawa ng mga mikrobyo na pinagmumulan ng sakit anupat ang Ebola ay waring hindi nakapipinsala kung ihahambing dito.” Ganito rin ang pagkabahala ng iba pang biyologo.

Ang Lunas

Ang paglutas sa mga problema ng nakahahawang sakit ay hindi lamang ang paggawa ng bagong mga gamot. Kasangkot dito ang paglutas sa mga problemang nauugnay sa sakit na gaya ng karalitaan, digmaan, mga takas, pag-abuso sa droga, siksikang mga lungsod, di-mabuting mga istilo ng buhay, polusyon, at pagwasak ng kapaligiran. Maging tapat sa iyong sarili. Sa palagay mo kaya’y malulutas ng mga tao ang masalimuot na mga problemang ito?

Ang Salita ng Diyos ay nagbababala: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.” Kanino, kung gayon, tayo dapat magtiwala? Ang kasulatan ay nagpapatuloy: “Maligaya ang isa na ang Diyos ni Jacob ang kaniyang pinakatulong, na ang pag-asa ay nasa kay Jehova na kaniyang Diyos, ang Maygawa ng langit at ng lupa.” Tanging si Jehova, ang Maylikha ng sangkatauhan, ang makalulutas sa mga problema na nakakaharap ng sangkatauhan.​—Awit 146:3-6.

Sa pagtatala ng dakilang hula ni Jesus tungkol sa “tanda . . . ng katapusan ng sistema ng mga bagay,” inihula ng kinasihang Salita ni Jehova, ang Bibliya, ang mga kahirapan ukol sa medisina na sasalot sa ating salinlahi. Sinabi ni Jesus: “Magkakaroon . . . sa iba’t ibang dako ay mga salot.”​—Mateo 24:3-8; Lucas 21:10, 11.

Subalit, itinuturo rin ng Bibliya ang tungkol sa darating na panahon sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos kapag “walang mamamayan ay magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ” (Isaias 33:24; Mateo 6:9, 10) Sa gayon yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay may matibay na dahilan na maniwala na ang masunuring sangkatauhan ay malapit nang tumanggap ng permanenteng paglaya hindi lamang mula sa nakamamatay na mga sakit na sumasalot sa mga tao kundi rin naman sa mga problema na sanhi ng pagkakasakit. Ang tunay na mga Kristiyano ay nagpapahalaga sa mga pagsisikap ng mga nasa larangan ng medisina sa pakikipagbaka laban sa nakamamatay na mga mikrobyo. Subalit nalalaman nila na ang nagtatagal na lunas sa sakit at kamatayan ay nakasalalay sa Diyos, ang isa “na nagpapagaling sa lahat ng iyong mga karamdaman.”​—Awit 103:1-3; Apocalipsis 21:1-5; 22:1, 2.

[Larawan sa pahina 10]

Ang Bibliya ay nangangako ng isang panahon kapag walang sinuman ang magsasabing, “Ako’y may sakit”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share