Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/8 p. 2-5
  • Ang Salot ng Kawalan ng Trabaho

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Salot ng Kawalan ng Trabaho
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Walang-Tinag na Martsa
  • Ang Mataas na Halaga ng Kawalan ng Trabaho
  • ‘Mga Bilanggo ng Isang Napakasamang Sistema’
  • Mga Hula at mga Kabiguan
  • Kawalan ng Trabaho—Bakit?
    Gumising!—1996
  • Paglaya Mula sa Kawalan ng Trabaho—Paano at Kailan?
    Gumising!—1996
  • Ano Na ang Nangyari sa “Panghabang-Buhay na Trabaho”?
    Gumising!—2000
  • “Puwede Ka Nang Maghanap ng Bagong Trabaho”
    Gumising!—2010
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/8 p. 2-5

Ang Salot ng Kawalan ng Trabaho

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA

Ito ay isang kagipitan sa ilang mauunlad na bansa​—subalit pinag-aalala rin nito ang nagpapaunlad na mga bansa. Ito’y humampas kung saan dati’y hindi ito umiiral. Apektado nito ang daan-daang angaw na tao​—marami sa kanila ay mga ina at mga ama. Subalit para sa dalawang-katlo ng mga Italyano, ito ang “numero unong banta.” Lumilikha ito ng bagong mga sakit panlipunan. Sa ilang bahagi, ito ang ugat ng mga problema ng maraming kabataan na nasangkot sa mga droga. Ginagambala nito ang tulog ng angaw-angaw, at para sa angaw-angaw pang iba, malapit na nila itong danasin . . .

“ANG kawalan ng trabaho ay malamang na siyang pinakamalaganap na kinatatakutang pangyayari ng ating panahon,” sabi ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD). “Ang lawak at mga kalalabasan ng pangyayaring ito ay nalalaman,” sulat ng Commission of European Communities, subalit ang “paglutas nito ay mahirap.” Ito’y “isang multo,” sabi ng isang dalubhasa, na “nagbabalik upang dalawing lagi ang mga lansangan ng Matandang Kontinente.” Sa European Union (EU), ang mga walang trabaho ngayon ay umaabot ng halos 20 milyon, at noong Oktubre 1994, sa Italya lamang ang opisyal na bilang ng mga ito ay 2,726,000. Ayon sa palagay ng komisyonado ng European Union na si Padraig Flynn, “ang paglutas sa problema ng kawalan ng trabaho ang pinakamahalagang panlipunan at pangkabuhayang hamon na nakakaharap natin.” Kung ikaw ay walang trabaho o nanganganib na mawalan ng trabaho, alam mo ang takot na dulot nito.

Subalit ang kawalan ng trabaho ay hindi lamang isang problema sa Europa. Pinahihirapan nito ang lahat ng mga bansa sa Amerika. Wala itong patawad kahit sa Aprika, Asia, o Oceania. Nakakaharap ng mga bansa sa Silangang Europa ang problema ng kawalan ng trabaho nitong nakalipas na mga taon. Tunay, hindi ito humahampas sa magkakatulad na paraan sa lahat ng dako. Subalit ayon sa ilang ekonomista, ang dami ng walang trabaho sa Europa at Hilagang Amerika ay mananatiling mas mataas kaysa nakalipas na mga dekada sa loob ng mahabang panahon.a At ang kalagayan ay “pinalalala pa ng pagdami ng hindi sapat na trabaho at ng pangkalahatang paghina ng kalidad ng mga makukuhang trabaho,” sabi ng ekonomistang si Renato Brunetta.

Isang Walang-Tinag na Martsa

Ang kawalan ng trabaho ay nakaaapekto sa lahat ng bahagi ng kabuhayan nang sunud-sunod: una’y sa agrikultura, dahil sa higit na paggamit ng mga makina, anupat ang mga tao’y nawawalan ng trabaho; pagkatapos ay ang industriya, na naapektuhan ng krisis ng langis mula noong dekada ng 1970 patuloy; at ngayon, ang bahaging naglilingkod​—komersiyo, edukasyon​—isang bahagi ng dati-rati’y itinuturing na di-masalakay. Dalawampung taon na ang nakalipas ang dami ng walang trabaho na mahigit sa 2 o 3 porsiyento ay maaaring pagmulan ng malaking pagkabahala. Ngayon ang isang industriyalisadong bansa ay mahusay kung ang kawalan ng trabaho ay napananatiling mababa sa 5 o 6 na porsiyento, at maraming maunlad na mga bansa ang mayroong mas mataas na bilang.

Ayon sa International Labor Organization (ILO), ang isang taong walang trabaho ay isa na walang trabaho, handang magtrabaho, at masigasig na naghahanap ng trabaho. Subalit kumusta naman ang isang tao na walang permanenteng buong-panahong trabaho o isa na nagtatrabaho ng ilang oras lamang sa isang linggo? Iba-iba ang turing sa part-time na trabaho sa iba’t ibang bansa. Sa ilang bansa ang ilan na sa katunayan ay walang trabaho ay opisyal na ibinibilang na may trabaho. Ang hindi maliwanag na mga kalagayan sa pagitan ng trabaho at kawalan ng trabaho ay gumagawang mahirap na matiyak kung sino ang walang trabaho, at sa kadahilanang ito inilalarawan ng mga estadistika ang bahagi lamang ng katotohanan. “Kahit na nga ang opisyal na bilang na 35 milyon na walang trabaho [sa mga bansa sa OECD] ay hindi naglalarawan sa ganap na lawak ng kawalan ng trabaho,” sabi ng isang pagsusuri sa Europa.

Ang Mataas na Halaga ng Kawalan ng Trabaho

Subalit ang bilang ay hindi nagsasabi ng buong kuwento. “Ang halaga sa kabuhayan at lipunan ng kawalan ng trabaho ay napakalaki,” sabi ng Commission of European Communities, at ang mga ito’y resulta “hindi lamang mula sa tuwirang gastos ng tulong ng pamahalaan na ibinabayad sa mga walang trabaho kundi rin naman sa pagkalugi mula sa piskal na buwis na dapat sana’y ibinibigay ng walang trabaho kung sila’y nagtatrabaho at nagbabayad ng buwis.” At ang pinansiyal na tulong sa mga walang trabaho ay higit at higit na bumibigat hindi lamang sa mga pamahalaan kundi rin naman sa mga nagtatrabaho, na nagbabayad ng dumaming buwis.

Ang kawalan ng trabaho ay hindi lamang mga impormasyon at mga bilang. Ang indibiduwal na mga madulang kalagayan ang resulta, sapagkat ang salot na ito ay humahampas sa mga tao​—mga lalaki, babae, at mga kabataan ng lahat ng katayuan sa buhay. Kung isasama sa lahat ng iba pang problema sa “mga huling araw” na ito, ang kawalan ng trabaho ay mapatutunayang isang napakabigat na pasanin. (2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 6:5, 6) Lalo na kung tinamaan ng “pangmatagalang kawalan ng trabaho,” kung walang ibang salik na nakaaapekto sa kalagayan, ang taong nawalan ng trabaho sa loob ng mahabang panahon ay mas mahihirapang makakita ng trabaho. Nakalulungkot nga, ang ilan ay maaaring hindi na kailanman muling makapagtatrabaho.b

Nasusumpungan ng mga sikologo na sa gitna ng mga walang trabaho ngayon, ang mga suliraning pangkaisipan ay dumarami, gayundin ang kawalang katatagan ng damdamin, kabiguan, at lumalalang kawalang-malasakit, at kawalan ng paggalang-sa-sarili. Kapag ang isang taong may mga anak na pangangalagaan ay nawalan ng trabaho, ito’y isang katakut-takot na personal na trahedya. Ang daigdig sa palibot nila ay gumuho. Naglaho na ang seguridad. Sa katunayan, napansin ng ilang eksperto ang paglitaw ngayon ng isang “inaasahang kabalisahan” na nauugnay sa posibilidad na mawalan ng trabaho. Ang kabalisahang ito ay maaaring lubhang makaapekto sa mga ugnayang pampamilya at maaaring magkaroon ng kalunus-lunos na mga resulta, gaya ng maaaring ipahiwatig ng mga pagpapatiwakal kamakailan ng mga taong walang trabaho. Isa pa, ang hirap ng paghanap ng unang trabaho ay kabilang sa malamang na mga sanhi ng karahasan at paglayo sa lipunan ng mga kabataan.

‘Mga Bilanggo ng Isang Napakasamang Sistema’

Kinapanayam ng Gumising! ang maraming tao na nawalan ng kanilang trabaho. Ang limampung-taóng-gulang na si Armando ay nagsabi na para sa kaniya ito’y nangahulugan ng “pagkakita sa pagkabigo ng 30 taóng pagsisikap sa trabaho, kailangan mong magsimulang muli,” at nakadarama akong “parang isang bilanggo sa isang napakasamang sistema.” ‘Nakita [ni Francesco] ang daigdig na gumuho sa ibabaw niya.’ Si Stefano ay “nakadama ng matinding pagkasiphayo sa kasalukuyang sistema ng buhay.”

Sa kabilang dako naman, si Luciano, na naalis sa trabaho pagkatapos magtrabaho sa teknikal na pangangasiwa sa isang malaking industriya ng kotse sa Italya sa loob halos ng 30 taon, “ay nakaranas ng galit at kakatwang mga guniguni sa pagkakita na ang kaniyang mga pagsisikap, katapatan, at pagkamaaasahan sa loob ng napakaraming taon ng pagtatrabaho ay nawalang-saysay.”

Mga Hula at mga Kabiguan

Ang ilang ekonomista ay umasa ng lubhang kakaibang mga pangyayari. Noong 1930 ang ekonomistang si John Maynard Keynes ay punô ng pag-asang humula ng “trabaho para sa lahat” sa loob ng susunod na 50 taon, at mga dekada ng ganap na trabaho ay itinuring na isang maaabot na tunguhin. Noong 1945 inilagay ng Karta ng organisasyon ng United Nations bilang tunguhin ang mabilis na pagtatamo ng ganap na pagkakaroon ng trabaho. Nito lamang kamakailan na pinaniwalaang ang pag-unlad ay mangangahulugan ng isang trabaho at mas kaunting oras ng trabaho para sa lahat. Subalit ang mga bagay-bagay ay hindi nagkagayon. Ang malubhang resesyon noong nakaraang dekada ay nagpangyari sa “pinakamalubhang pangglobong krisis sa trabaho mula noong Malaking Depresyon noong dekada ng 1930,” sabi ng ILO. Sa Timog Aprika hindi kukulangin sa 3.6 na milyong tao ang walang trabaho, kasali na ang mga 3 milyong itim na mga Aprikano. Kahit na ang Hapón​—na may mahigit na dalawang milyong walang trabaho noong nakaraang taon​—ay dumaranas ng krisis.

Bakit gayon na lamang kalawak na salot ang kawalan ng trabaho? Anu-anong lunas ang iminungkahi upang lutasin ito?

[Mga talababa]]

a Ang dami ng walang trabaho ay ang porsiyento ng kabuuang manggagawa na walang trabaho.

b Ang “pangmatagalang walang trabaho” ay yaong mga nawalan ng trabaho sa loob ng mahigit na 12 buwan. Sa EU halos kalahati ng mga walang trabaho ay nasa kategoryang ito.

[Mapa sa pahina 2, 3]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Canada​—9.6 porsiyento

E.U.A.​—5.7 porsiyento

Colombia​— 9 porsiyento

Ireland​—15.9 porsiyento

Espanya​—23.9 porsiyento

Finland​—18.9 porsiyento

Albania​—32.5 porsiyento

Timog Aprika​— 43 porsiyento

Hapón​—3.2 porsiyento

Pilipinas​—9.8 porsiyento

Australia​— 8.9 porsiyento

[Credit Line]

Mountain High Maps™ copyright © 1993 Digital Wisdom, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share