Mga “Credit Card” at mga Tseke ng Peyrol—Tunay o Huwad?
NAPAKAKUMBINYENTE nito! Napakaliit, napakadaling dalhin. Ang mga ito ay kasiyang-kasiya sa pitaka ng lalaki o sa kartera ng babae. Maaari kang mamili ng napakaraming bagay nang wala ni isang kusing sa iyong bulsa. Ang paggamit ng isang credit card ay hinihimok at inaanunsiyo ng mga kompanya ng eruplano, mga kompanya ng mga barkong nagliliwaliw-dagat, mga otel, at mga bakasyunan sa buong daigdig. Ang mga tao’y pinapayuhan: “Huwag umalis ng bahay nang wala nito.” Mas tinatanggap pa nga ng ilang negosyo ang mga ito kaysa pera. Di-gaya ng pera, kung ito’y manakaw o mawala, ito’y maaaring palitan. Ito ang sarili mong personal na salapi, na may pangalan mo at tanging numero ng kuwenta mo na nakaembos sa harap ng credit card.
Kilala mo ito bilang perang plastik—ang mga credit at charge card. Noong 1985 ipinakilala ng ilang bangko ang kanila mismong masalimuot, gawang-laser na mga hologram na parang tatlong-dimensiyon, at iba pang tanda na panseguridad, mula sa pantanging mga kodigo sa magnetikong guhit sa likod hanggang sa isang di-nakikitang marka na nakikita sa ilalim ng liwanag na ultraviolet. Ang lahat ng ito ay bilang isang hadlang sa panghuhuwad! Tinatayang mahigit na 600 milyong credit card ang ginagamit sa buong globo.
Inaakalang sa buong daigdig ang mga pagkalugi mula sa iba’t ibang anyo ng palsipikadong credit-card noong unang mga taon ng dekada ng 1990 ay hindi kukulangin sa isang bilyong dolyar. Sa iba’t ibang anyo nito, ang panghuhuwad ay iniulat na siyang pinakamabilis lumago—sa paano man 10 porsiyento ng kabuuang pagkalugi.
Noong 1993, halimbawa, ang panghuhuwad ay nagkahalaga ng $133.8 milyon sa mga kaanib na bangko ng isa sa pinakamalaking kompanya ng credit card, 75-porsiyento ang itinaas sa nakalipas na taon. Isa pang nangungunang kompanya ng credit card, internasyonal ang sakop, ang nag-ulat din ng nakagugulat na pagkalugi dahil sa panghuhuwad. “Ginagawa niyan ang panghuhuwad ng credit card na isang malaking problema hindi lamang para sa mga bangko, mga kompanya ng card at mga negosyante na kumikilala sa mga ito kundi rin naman para sa mga mamimili sa buong daigdig,” sulat ng isang pahayagan sa New Zealand. Bagaman ang lehitimong mga may-ari ng card ay hindi siyang may pananagutan sa mga pagkalugi, ang halaga ay hindi maiiwasang naipapasa sa mga mamimili.
Kumusta naman ang tinatawag na built-in security na mga tanda nito na tumatayo bilang isang hadlang sa mga manghuhuwad—gaya ng mga hologram na gawa sa laser at pantanging may kodigong magnetikong mga guhit? Pagkaraan ng isang taon matapos na ipakilala ang mga tanda na ito, lumitaw ang unang hindi mahusay na mga panghuhuwad. Di-nagtagal pagkatapos nito, lahat ng mga tanda na panseguridad ay kinopya o pinasamâ. “Kailangan mong pagbutihin ito sa tuwina,” sabi ng isang opisyal ng bangko sa Hong Kong. “Laging sisikapin ng masasamang-loob na malinlang ka.”
Kapansin-pansin, kalahati ng lahat ng pagkalugi mula sa panghuhuwad ng credit card noong mga unang taon ng dekada ng 1990 ay nangyari sa Asia, ayon sa mga dalubhasa, at halos kalahati nito ay matutunton sa Hong Kong. “Ang Hong Kong ay kilala sa panghuhuwad ng mga credit card kung paanong ang Paris ay kilala sa paglikha ng mga moda sa damit,” sabi ng isang eksperto. Pinararatangan ng iba ang Hong Kong ng pagiging sentro ng panghuhuwad ng mga credit card sa daigdig—“isang sangandaan ng ‘plastic triangle’ ng panghuhuwad ng mga credit card na kinabibilangan din ng Thailand, Malaysia at ang timugang Tsina ngayon.” “Sinasabi ng pulisya sa Hong Kong na ang mga sindikato roon na nakaugnay sa organisadong kriminal na samahan ng mga Intsik ay nag-uukit, nag-eembos at naglalagay ng kodigo ng palsipikadong mga card na ginagamit ang mga numero na ibinibigay ng tiwaling mga negosyante. Saka nila basta ipinadadala ang palsipikadong mga card sa ibang bansa,” ulat ng pahayagan sa New Zealand.
“Isang makinang nag-eembos ng credit-card, na binili [sa Canada] ng mga miyembro ng gang na taga-Asia, ay ginagamit ngayon upang gumawa ng palsipikadong mga credit card. Ang makina ay nakapaglilimbag ng 250 credit card sa isang oras, at naniniwala ang pulisya na ito ay ginamit na sa isang multi-milyong dolyar na panghuhuwad,” ulat ng pahayagang Globe & Mail ng Canada. Nitong nakalipas na mga taon, ang mga Intsik sa Hong Kong ay dinakip sa paggamit ng palsipikadong mga credit card sa hindi kukulanging 22 bansa mula sa Austria hanggang Australia, kasali na ang Guam, Malaysia, at Switzerland. Ang Hapones na mga credit card ay lalo nang hinahangad, yamang ang mga ito’y nagbibigay ng pinakamataas na kredito sa mga gumagamit nito.
Ang biglang pagdami ng katiwalian at panghuhuwad sa mga credit-card ay nangangahulugan na “ang mga kompanyang nagbibigay ng mga credit card ay napipilitang ipasagot sa mga gumagamit ng credit card ang halaga ng dumaraming panghuhuwad,” sabi ng isang opisyal ng bangko sa Canada. At ito nga ang nangyayari. Ang credit card ay maaari ngang maging isang kaalwanan at isang tagapagligtas-buhay kapag ang gumagamit nito ay walang sapat na pera. Subalit, tandaan na ang tanging bagay na kailangan ng mga manghuhuwad ay ang iyong numero ng kuwenta at ang petsa ng pagtatapos ng card at taglay na nila ang lahat ng bagay na kailangan nila upang mapalsipika ang iyong card. “Ito’y perang plastik,” babala ng pangrehiyon na hepe ng seguridad para sa American Express International, “subalit ang mga tao ay hindi pa rin nag-iingat sa pakikitungo rito na gaya ng pag-iingat nila sa pera.”
“Ang sistema ay punô ng depekto,” sabi ng isang superintendente ng pulisya. “At nasumpungan ng mga kontrabida ang bawat depekto sa sistema. At naku, walang-awang pinagsamantalahan nila ang mga depektong ito,” sabi niya tungkol sa mga manghuhuwad.
Panghuhuwad ng Tseke
Dahil sa pagdating ng paglilimbag sa ibabaw ng mesa na maaaring kopyahin ang anumang perang papel nang walang kadepe-depekto, ang sumunod ay hindi maiiwasan. Maaari na ngayong kopyahin ng mga manghuhuwad ang maraming dokumento: mga pasaporte, sertipiko ng kapanganakan, mga kard sa pandarayuhan, sertipiko ng sapi, mga pididong bibilhin, mga reseta, at marami pang iba. Subalit ang pinakamalaking pakinabang ay aanihin mula sa pagkopya ng mga tseke ng peyrol.
Ang pamamaraan ay napakasimple. Minsang bumagsak sa kamay ng isang manghuhuwad ang isang tseke ng peyrol mula sa isang malaking kompanya na may depositong milyun-milyong dolyar sa lokal o sa pambuong estadong mga bangko, handa na siyang manghuwad. Sa pamamagitan ng kaniyang desktop printer, optical scanner, at iba pang elektronikong kagamitan na madaling makukuha, maaari niyang baguhin ang tseke upang matugunan ang kaniyang sariling layunin—pagpapalit ng petsa, pag-aalis sa pangalan ng nagbabayad at pinapalitan ito ng pangalan niya, pagdaragdag ng mga sero sa halaga ng dolyar. Saka niya inililimbag ang binagong tseke sa kaniya mismong laser printer, na ginagamit ang papel na binili niya sa pinakamalapit na tindahan ng mga papel na kasingkulay ng tseke. Sa paglilimbag ng dose-dosena o higit pang palsipikadong pera sa isang panahon, maipapalit niya ito nang pera sa alinmang sangay ng bangko sa anumang lungsod.
Ang pagsagana ng panghuhuwad ng mga tseke sa pamamagitan ng simple at murang pamamaraan ay napakalaki, sabi ng mga opisyal ng bangko at ng nagpapatupad ng batas, anupat ang halaga sa ekonomiya ay maaaring umabot ng $1 bilyon. Sa isang partikular na pangahas na kaso, iniulat ng The New York Times, isang gang na naka-base sa Los Angeles ang naglakbay sa bansa na nagpapapalit ng libu-libong palsipikadong mga tseke ng peyrol sa mga bangko, na nagkakahalaga ng mahigit na $2 milyon. Tinataya ng mga tagasuri ng industriya na ang kabuuang taunang halaga ng panghuhuwad ng tseke ay $10 bilyon na ngayon sa Estados Unidos lamang. “Ang No. 1 problemang kriminal para sa pinansiyal na mga institusyon,” sabi ng isang opisyal ng FBI, “ay ang palsipikadong naipagbibiling mga pamamaraan, gaya ng panghuhuwad sa tseke at panghuhuwad sa money order.”
[Blurb sa pahina 7]
Ang pinakamalaking dibidendo ay nanggagaling sa pagkopya ng mga tseke ng peyrol