Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 3/22 p. 3-5
  • Panghuhuwad—Isang Pandaigdig na Problema

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Panghuhuwad—Isang Pandaigdig na Problema
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinadaling Panghuhuwad
  • Mga “Credit Card” at mga Tseke ng Peyrol—Tunay o Huwad?
    Gumising!—1996
  • Subalit Tunay ba Ito?
    Gumising!—1992
  • Mga Mamimili Mag-ingat! Ang Panghuhuwad ay Maaaring Makamatay
    Gumising!—1996
  • Ang Euro—Bagong Pera Para sa Isang Lumang Kontinente
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 3/22 p. 3-5

Panghuhuwad​—Isang Pandaigdig na Problema

Hanggang noong dakong huli ng ika-18 siglo, ang mga lalaki sa Pransiya ay pinakukuluan nang buháy sa salang panghuhuwad. Ito’y isang krimen na may parusang kamatayan sa Inglatera mula noong 1697 hanggang noong 1832, at ang panghuhuwad ay itinuturing na kataksilan. Mahigit na 300 Ingles ang binigti dahil dito, samantalang napakaraming ipinatapon sa kolonyang parusahan sa Australia upang magtrabaho ng mabibigat na trabaho bilang parusa dahil dito.

SA LOOB ng mahigit na 130 taon, ikinukulong ng pamahalaan ng Estados Unidos ang nagkasala ng panghuhuwad nang hanggang 15 taóng pagkabilanggo sa mga piitang pederal. Karagdagan pa, libu-libong dolyar na mga multa ang idinagdag sa parusa. Kahit na ngayon ito ay pinarurusahan pa rin ng kamatayan sa Russia at Tsina.

Sa kabila ng grabeng mga parusa na ipinag-utos para dito sa maraming bansa, nagpapatuloy pa rin ang krimen. Kahit na ang takot ng kamatayan ay hindi sapat upang hadlangan ang biglang-yaman na mga plano niyaong may mahalagang teknikal na mga kasanayan. Ang mga opisyal ng pamahalaan ay nalilito. “Mahirap masumpungan ang isang mahusay na panghadlang,” anila, “kung paanong mahirap itong masumpungan sa loob ng mga dantaon.”

Panghuhuwad! Isa sa pinakamatandang krimen sa kasaysayan. Sa panahong ito ng ika-20 siglo, ito ay naging isang pandaigdig na problema at patuloy na tumitindi. Ganito ang sabi ni Robert H. Jackson, kasamang hukom sa Korte Suprema ng E.U., tungkol dito: “Ang panghuhuwad ay isang pagkakasalang hindi kailanman ginagawa nang di-sinasadya, ni sa kawalang-alam, ni sa silakbo ng damdamin, ni sa matinding karukhaan. Ito’y isang krimen na may pagkadalubhasang dinisenyo ng isa na nagtataglay ng teknikal na kasanayan at gumagasta ng malaking halaga para sa kagamitan.”

Halimbawa, ang perang Amerikano ay ilegal na ginagawa sa buong daigdig at mas marami higit kailanman. “Ang pera ng E.U.,” sabi ng isang tagapagsalita sa Kagawaran ng Pananalapi, “ay hindi lamang ang pinakakanais-nais na pera sa daigdig. Ito rin ang pinakamadaling palsipikahin.” Ang nakalilito pa sa pamahalaan ng Amerika ay na ang karamihan ng palsipikadong perang papel ay ginagawa sa labas ng Estados Unidos.

Isaalang-alang: Noong 1992, $30 milyon na halaga ng huwad na dolyar ay nasamsam sa ibang bansa, ulat ng magasing Time. “Noong nakaraang taon ang kabuuan ay umabot ng $120 milyon, at inaasahang hihigitan pa ang pinakamataas na bilang na iyan sa 1994. Mas marami pa riyan ang kumakalat nang hindi natutuklasan,” ulat ng magasin. Ang mga bilang na ito ay bahagi lamang ng ulat. Inaakala ng mga dalubhasa tungkol sa panghuhuwad na sa katunayan ang bilang ng palsipikadong dolyar na kumakalat sa labas ng Estados Unidos ay maaaring kasintaas ng sampung bilyong dolyar.

Yamang labis na hinahangad ng maraming bansa ang perang Amerikano​—mas pinipili pa nga ito kaysa kanila mismong pera​—at palibhasa’y hindi gaanong masalimuot na gayahin, pinagsasamantalahan ito ng maraming bansa at masasamang-loob. Sa Timog Amerika, ang mga kartel ng droga sa Columbia ay nanghuhuwad ng perang Amerikano sa loob ng mga taon upang palakasin ang kanilang ilegal na kita. Ngayon ang ilang bansa sa Gitnang Silangan ay nagiging pangunahing mga kalahok din sa pangglobong negosyo ng panghuhuwad, ulat ng U.S.News & World Report. Idinagdag pa ng magasin na isa sa mga bansang iyon “ay gumagamit ng makabago’t masalimuot na mga proseso sa paglilimbag na gayang-gaya yaong mga ginagamit ng Kagawaran ng Pananalapi ng E.U.,” ulat ng magasin. “Bunga nito, [ito] ay makagagawa na ng halos hindi mahalatang palsipikadong $100 na perang papel, kilala bilang ‘super perang papel.’”

Ang mga tao sa Russia, Tsina, at sa iba pang bansa sa Asia ay sumasali rin sa paggawa ng palsipikadong pera​—karamihan ay sa pera ng E.U. May hinalang 50 porsiyento ng pera ng E.U. na kumakalat ngayon sa Moscow ay huwad.

Pagkatapos ng Digmaan sa Gulpo, noong 1991, nang kumalat ang daan-daang milyon ng dolyar ng E.U., “ang internasyonal na negosyante ng bangko ay nagulat na masumpungan na 40 porsiyento ng $100 perang papel ay mga huwad,” sabi ng Reader’s Digest.

Ang Pransiya ay may sarili nitong problema sa pera, na gaya ng maraming iba pang bansa sa Europa. Ang panghuhuwad ng pera ay hindi lamang problema sa Amerika, gaya ng mapatutunayan ng mga bansa sa palibot ng globo.

Pinadaling Panghuhuwad

Hanggang nitong nakalipas na mga taon, kinailangan ng lihim na mga artisano​—mga dalubsining, bihasang mga tagaukit, etcher, at mga tagalimbag​—ang maraming oras ng napakaingat na trabahong gayahin ang pera ng anumang bansa, na ang resulta, sa pinakamabuti, ay isang medyo kahawig ng tunay na pera. Subalit, sa ngayon, dahil sa modernong maraming-kulay na mga makinang tagakopya, mga laser printer na nag-iimprenta nang kabilaan, at mga scanner na magagamit sa mga opisina at sa bahay, sa teknikal na paraan posible para sa halos sinuman na gayahin ang pera na gusto niyang gayahin.

Ang panahon ng panghuhuwad na ginagawa sa ibabaw ng mesa ay narito na! Kung ano ang dati’y humihiling ng mga kasanayan ng propesyonal na mga tagaukit at mga tagapaglimbag ay nagagawa na ngayon ng mga manggagawa sa opisina at mga taong may computer sa kanilang bahay. Ang mga sistema ng paglilimbag na personal-computer-base na nagkakahalaga ng wala pang $5,000 ay makagagawa ngayon ng palsipikadong pera na mahirap makilala kahit ng bihasang mga dalubhasa. Ito’y maaaring mangahulugan na ang sinumang nangangailangan ng pera ay maaaring hindi na magtungo sa pinakamalapit na automatic teller machine (ATM) sa pamamagitan ng paglilimbag ng kaniya mismong pera​—at sa denominasyong makasisiya sa kaniyang mga pangangailangan! Sa ngayon ang mga sistemang ito ay mabisang mga kagamitan na nasa kamay ng mga manghuhuwad sa ngayon. “Sa paggawa nito, ang mapamaraang mga kriminal na ito ay patuloy na nakalulusot sa mga awtoridad na nagpapatupad ng batas at balang araw ay maaaring maging isang banta sa pangunahing mga pera ng daigdig,” sulat ng U.S.News & World Report.

Sa Pransiya, halimbawa, 18 porsiyento ng Fr30 milyon ($5 milyon, U.S.) ng palsipikadong perang nasamsam noong 1992 ay ginawa sa mga makina sa opisina. Itinuturing ito ng isang opisyal ng Banque de France na isang banta hindi lamang sa sistema ng ekonomiya kundi sa pagtitiwala rin ng publiko sa pamahalaan. “Kapag nalaman ng mga tao na maaari mong gayahin ang isang perang papel sa pamamagitan ng teknolohiya na makukuha ng maraming tao, maaaring mawala ang pagtitiwala,” panangis niya.

Bilang bahagi ng pagsisikap na labanan ang pagbaha ng palsipikadong pera sa Amerika at sa iba pang mga bansa, ang bagong mga disenyo ng mga pera ay ginagawa na, at sa ibang bansa ang bagong mga pera ay nasa sirkulasyon na. Halimbawa, tungkol sa perang Amerikano, ang larawan ni Benjamin Franklin sa $100 perang papel ay lalakihan nang kalahati ng laki nito at iuusod ng mga tatlong-ikaapat ng isang pulgada pakaliwa. “Labing-apat na iba pang pagbabago sa pag-ukit at mga tanda na panseguridad ay ipakikilala rin,” ulat ng Reader’s Digest. Marami pang ibang pagbabago, gaya ng mga watermark at tinta na nagbabago ng kulay kapag minasdan sa iba’t ibang anggulo, ay isinasaalang-alang din.

Inilalakip ng Pransiya sa loob ng ilang taon ang bagong mga panghadlang sa disenyo nito ng mga perang papel, anupat, inaasahang sa paano man ay hahadlangan nito ang mga manghuhuwad. Gayunman, isang tagapagsalita para sa Banque de France ang umamin na “wala pa ring di-nagkakamaling teknikal na pamamaraan para hadlangan ang potensiyal na mga manghuhuwad, subalit,” dagdag pa niya, “napagsasama na namin ang napakaraming sagwil sa pera mismo anupat ito ay isang [mahirap] na trabaho, at totoong magastos.” Inilarawan niya ang mga sagwil na ito bilang “ang unang linya ng depensa laban sa panghuhuwad.”

Ang Alemanya at Gran Britanya ay gumagawa ng mga pagbabagong pangkaligtasan sa kanilang perang papel sa loob ng ilang panahon na ngayon sa pamamagitan ng pagdagdag ng hiblang panseguridad na gagawang mas mahirap na gayahin ang kanilang perang papel. Ang $20 na perang papel ng Canada ay may maliit at makintab na parisukat na tinatawag na isang optikal na kagamitang panseguridad, na hindi maaaring kopyahin sa mga makinang tagakopya. Sinimulan na ng Australia ang paglilimbag ng plastik na mga pera noong 1988 upang maglagay ng mga tanda na panseguridad na hindi posibleng gawin sa papel. Ang Finland at Austria ay gumagamit ng diffraction foils sa perang papel. Ang mga ito’y kumikinang at nagbabago ng kulay na gaya ng pagbabago ng isang hologram. Gayunman, ikinatatakot ng mga awtoridad ng pamahalaan na hindi matatagala’t makagagawa rin ang mga manghuhuwad ng kinakailangang mga pagbabago upang ipagpatuloy ang kanilang kriminal na gawain​—anumang mga hakbang ng pagbabago ang gawin, ang mga pagsisikap ng pamahalaan na pagbabago ay maaaring maging di-mabisa gaya ng kanilang mga pagsisikap noon. “Ito’y gaya ng matandang kasabihan,” sabi ng isang opisyal sa Kagawaran ng Pananalapi, “ikaw ay nagtatayo ng isang 8-piye na pader, at ang masasamang tao ay nagtatayo ng isang 10-piye na hagdan.”

Ang paglilimbag ng palsipikadong pera ay isa lamang bahagi ng kahusayan sa paggawa ng mga manghuhuwad, gaya ng ipakikita ng susunod na mga artikulo.

[Blurb sa pahina 4]

Ang mga sistema sa paglilimbag na personal computer-base na nagkakahalaga ng wala pang $5,000 ay makagagawa ngayon ng palsipikadong pera na mahirap makilala kahit ng bihasang mga dalubhasa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share