Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 4/8 p. 3-4
  • Nasaan ang mga Tapat?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nasaan ang mga Tapat?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Nangyayari sa mga Nagsisimba?
  • Inuuna Muna ang Kaluguran at Naisin Kaysa Kabanalan
  • Bakit Nawawalan ng Impluwensiya ang Simbahan?
    Gumising!—1996
  • Ang Iglesya Katolika sa Espanya—Bakit ang Krisis?
    Gumising!—1990
  • Nagbabagong Iglesya sa Pransiya
    Gumising!—1993
  • Espirituwal na mga Pamantayan—Saan Kaya Patungo ang mga Ito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 4/8 p. 3-4

Nasaan ang mga Tapat?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA

“Wala nang lubhang nakamamatay sa relihiyon na gaya ng kawalan ng interes.”

EDMUND BURKE, BRITANONG ESTADISTA NG IKA-18 SIGLO.

SA ISANG kapatagan na animo’y niwalis ng hangin sa hilagang bahagi ng Espanya ay naroon ang maliit na bayan ng Caleruega. Nangingibabaw sa bayang Edad Medya ang isang maringal na kumbentong Romanesque. Ito’y itinayo 700 taon na ang nakalipas sa karangalan ni Domingo de Guzmán, ang nagtatag ng ordeng Dominicano, na isinilang dito. Sa loob ng pitong dantaon ang kumbento ay tinirhan ng mga madreng piniling mamuhay sa katahimikan at nakabukod.

Ang bubong ng kumbento ay tumutulo, at ang sinaunang mga dingding ay nagsisimulang gumuho. Subalit ang madre superyora ay nababahala tungkol sa mas malaking pagkasira​—ang gumuguhong relihiyon mismo. “Nang pumasok ako sa kumbento halos 30 taon na ang nakalipas, may 40 madre rito,” sabi niya. “Ngayon ay 16 na lamang kami. Walang mga batang madre. Ang relihiyosong bokasyon ay para bang isang bagay nang nakalipas.”

Ang nangyayari sa Caleruega ay nangyayari sa maraming lugar sa Europa. Walang daluyong ng damdaming laban sa relihiyon, basta isang tahimik, matatag na pag-alis. Ang kilalang mga katedral sa Europa ay naglilingkod sa mga turista sa halip na akitin ang mga “tapat” sa dakong iyon. Ang dating matatag na simbahan​—ito man ay Protestante o Katoliko​—ay nadaraig ng kawalan ng interes. Sekular sa halip na relihiyosong mga pagkabahala ang nangingibabaw sa buhay ng mga tao​—isang hilig na tinatawag ng mga tagapagsalita ng simbahan na sekularisasyon. Wari bang hindi na mahalaga ang relihiyon. Maaari kayang ang relihiyosong kapaligiran sa Europa ay isang pahiwatig ng nahahawig na paghina na darating sa iba pang bahagi ng daigdig?

Ano ang Nangyayari sa mga Nagsisimba?

Ang bagay na ito ay hindi bago sa hilagang Europa. Tanging 5 porsiyento lamang ng mga Lutherano sa Scandinavia ang regular na nagsisimba. Sa Britanya 3 porsiyento lamang ng nag-aangking Anglicano ang dumadalo sa serbisyo kung Linggo. Subalit ngayon, ang mga Katoliko sa gawing timog ng Europa ay tila ba sumusunod sa halimbawa ng mga Katoliko sa mga bansa sa hilagang Europa.

Sa Pransiya, pangunahin nang isang bansang Katoliko, 1 lamang sa bawat 10 mamamayan ang nagsisimba minsan sa isang linggo. Sa nakalipas na 25 taon, ang porsiyento ng mga Kastila na itinuturing ang kanilang mga sarili na “aktibong mga Katoliko” ay bumaba mula sa 83 porsiyento tungo sa 31 porsiyento. Noong 1992, ang Kastilang arsobispo na si Ramon Torrella ay nagsabi sa isang press conference na “hindi na umiiral ang Katolikong Espanya; ang mga tao’y nagtutungo sa mga prusisyon kung Semana Santa at sa Misa kung Pasko​—ngunit hindi nagtutungo [sa Misa] linggu-linggo.” Noong panahon ng pagdalaw ng papa sa Madrid noong 1993, si John Paul II ay nagbabala na “ang Espanya ay kailangang bumalik sa Kristiyanong pinagmulan nito.”

Ang hindi relihiyosong saloobin ay nakaapekto sa klero gayundin sa lego. Ang bilang ng kahihirang na mga pari sa Pransiya ay bumaba sa 140 noong 1988 (wala pang kalahati ng bilang noong 1970), samantalang sa Espanya ay may 8,000 ang tumalikod na sa pagkapari upang mag-asawa. Sa kabilang panig naman, ang ilan na nagpapatuloy na maglingkod sa kanilang mga kawan ay nag-aalinlangan tungkol sa kanilang mensahe. Mga 24 na porsiyento lamang ng mga klerigong Lutherano sa Sweden ang nakadarama na maaari silang mangaral tungkol sa langit at sa impiyerno “nang may malinis na budhi,” samantalang ang sangkapat naman ng mga paring Pranses ay hindi pa nga nakatitiyak tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus.

Inuuna Muna ang Kaluguran at Naisin Kaysa Kabanalan

Ano ang humahalili sa relihiyon? Sa maraming tahanan ang paglilibang ay humalili sa pagsamba. Kung Linggo ang mga pamilya ay nagtutungo sa mga dalampasigan o sa mga kabundukan sa halip na sa simbahan. “Ang pagtungo sa Misa ay nakababagot,” ang kibit-balikat ni Juan, isang karaniwang tin-edyer na Kastila. Ang relihiyosong mga serbisyo ay hindi makakompitensiya sa mga laro ng soccer o mga konsiyertong pop, mga pangyayaring umaakit sa maraming tao anupat napupunô ang mga istadyum.

Ang pagbaba ng mga dumadalo sa simbahan ay hindi siyang tanging katibayan ng paghina ng relihiyon. Pinipili ng maraming Europeo ang relihiyosong mga ideang gusto nila. Sa ngayon ang opisyal na doktrina ng simbahan ay maaaring may kaunting pagkakahawig sa personal na paniniwala niyaong nag-aangking naniniwala sa partikular na relihiyong iyon. Karamihan ng mga Europeo​—sila man ay mga Katoliko o Protestante​—ay hindi na naniniwala sa kabilang buhay, samantalang mahigit na 50 porsiyento ng mga Katolikong Pranses, Italyano, at Kastila ang hindi rin naniniwala sa mga himala.

Ang herarkiya ay para bang walang kapangyarihang hadlangan ang mabilis na pagdaming ito ng hindi pagsang-ayon. Kitang-kita ito lalo na sa kampanya ng papa laban sa mga pagpigil sa pag-aanak. Noong 1990, hinimok ni Papa John Paul II ang mga parmasyutikang Katoliko na huwag magbenta ng mga kontraseptibo. Sinabi niya na ang mga produktong ito “ay salungat sa likas na mga batas sa ikapipinsala ng dignidad ng tao.” Sa katulad na paraan, iginigiit ng Catechism of the Catholic Church na ang “pag-ibig na pangmag-asawa ng lalaki at babae sa gayon ay nasa ilalim ng dalawahang pananagutan ng pagiging tapat at pagiging mabunga.”

Sa kabila ng mahigpit na mga utos na ito, ang karaniwang mag-asawang Katoliko ay pumipili ng kanilang sariling landasin ng pagkilos. Ang mga pamilyang may higit sa dalawang anak ay kataliwasan ngayon sa mga bansang Katoliko sa gawing timog ng Europa. Sa Espanya, ang mga kondom​—na halos isang produktong black market mga dalawang dekada ang nakalipas​—ay regular na iniaanunsiyo sa telebisyon, at 3 porsiyento lamang ng mga babaing Katoliko sa Pransiya ang nagsasabing sinusunod nila ang opisyal na kapasiyahang Katoliko tungkol sa pagpigil sa pag-aanak.

Maliwanag, tinatalikuran ng mga Europeo ang mga simbahan at ang kanilang mga turo. Detalyadong inilarawan ng Anglicanong arsobispo ng Canterbury na si George Carey ang kalagayan sa kaniyang simbahan: “Kami’y unti-unting namamatay,” aniya, “at iyan ay isang napakaapurahang isyu na dapat naming harapin.”

Ang relihiyosong mga gusali sa Europa ay hindi pa nagmukhang masyadong mabuway mula noong kaguluhan ng Repormasyon. Bakit maraming Europeo ang nawawalan ng interes sa relihiyon? Ano ba ang kinabukasan ng relihiyon?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share