Bakit Nawawalan ng Impluwensiya ang Simbahan?
“Ang bawat Istoiko ay isang Istoiko; subalit sa Sangkakristiyanuhan nasaan ang Kristiyano?”
RALPH WALDO EMERSON, AMERIKANONG MANUNULAT NG SANAYSAY AT MAKATA NOONG IKA-19 NA SIGLO.
“AKO’Y isang Katoliko—subalit hindi aktibo,” paliwanag ng isang may kabataang ina. “Hindi ko gaanong iniintindi ang relihiyon,” susog pa ng isang tin-edyer. Ang kanilang mga komento ay karaniwan sa nakababatang salinlahi ng mga Europeo. Bagaman ang kanilang mga magulang—o mas malamang ang kanilang mga lolo’t lola—ay mga palasimba pa rin, ang relihiyosong pananampalataya ay hindi naipasa sa nakababatang salinlahi.
Bakit tinalikdan na ang pinahahalagahang relihiyosong mga kaugalian ng mga salinlahi ng mga Europeo?
Hindi Na Isang Salik ang Takot
Sa loob ng mga dantaon ang takot sa apoy ng impiyerno o purgatoryo ay may malakas na impluwensiya sa mga Europeo. Ang maapoy na mga sermon at mga larawang iginuhit sa simbahan na detalyadong naglalarawan ng isang di-mapapatay na nag-aapoy na impiyerno ay humimok sa lego na tanging ang banal na pagsisimba ang makapagliligtas sa kanila mula sa paghatol. Binabanggit pa ng Catechism of the Catholic Church na “ang Simbahan ay nag-oobliga sa tapat na ‘makibahagi sa Banal na Liturhiya kung Linggo at mga araw ng kapistahan.’ ”a Sa mga lalawigan ang sosyal na panggigipit ay napakatindi rin—ang lahat ay inaasahang magsimba kung Linggo.
Ngunit nagbago na ang panahon. Ang mga tao ngayon ay nakadarama ng kalayaan na gawin ang balang maibigan nila. Hindi na isang salik ang takot. Ang impiyerno ay hindi na gaanong idiniriin, yamang ang karamihan ng mga Katoliko sa Europa ay hindi naman naniniwala rito.
Sa katunayan, ang “kasalanan” ng hindi pagdalo ng Misa kung Linggo ay hindi gaanong itinuturing na isang malubhang kasalanan. Si Tirso Vaquero, isang paring Katoliko sa Madrid, Espanya, ay nagsasabi: “Kung ang isang Katoliko ay hindi dadalo sa Misa kung Linggo, kami’y totoong nalulungkot sapagkat naiwala niya ang sandaling ito ng pakikipag-usap sa Diyos at sa kaniyang mga kapatid, hindi dahil sa siya’y nakagawa ng isang kasalanan. Iyan ay pangalawa lamang.”
Kaya ang takot ay hindi na nagkikintal ng debosyon. Kumusta naman ang tungkol sa moral na awtoridad ng simbahan at ng mga lider nito—makahihiling ba sila ng katapatan ng kanilang mga kawan?
Isang Krisis ng Awtoridad
Ang wakas ng relihiyosong pagkatakot ay kasabay ng lubhang pagsamâ ng moral na katayuan ng simbahan. “Sa loob ng mga dantaon tayo’y nagkaroon . . . ng napakaraming guro tungkol sa wastong asal at lubhang kakaunting gurong may wastong asal,” reklamo ng Italyanong mananalaysay na si Giordano Bruno Guerri. Ang kakulangang ito ng liderato sa moral ay itinampok ng dalawang digmaang pandaigdig na nagwasak sa Sangkakristiyanuhan. Ang mga simbahan sa Europa ay walang nagawa upang hadlangan ang mga mananampalataya sa pakikibahagi sa pagbububo ng dugo. Masahol pa, ang mga simbahan ay aktibong nasangkot sa pagsisikap sa digmaan—sa magkabilang panig.
“Ang Unang Digmaang Pandaigdig, isang gera sibil sa gitna ng mga sektang Kristiyano, ay nagbukas sa isang panahon ng trahedya at kahihiyan para sa Kristiyanismo,” sabi ng mananalaysay na si Paul Johnson. “Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagdulot ng higit pang pagsalakay sa moral na katayuan ng pananampalatayang Kristiyano kaysa noong Una. Inilantad nito ang kawalan ng laman ng mga simbahan sa Alemanya, ang pinagmulan ng Repormasyon, at ang karuwagan at kasakiman ng Santa Sede.”
Ang mga kasunduan ng Batikano sa rehimeng Nazi ni Hitler at sa mga pamahalaang Pasista ni Mussolini sa Italya at ni Franco sa Espanya ay sumira rin sa moral na awtoridad ng simbahan. Sa katapusan, ang relihiyosong kabayaran ng gayong pulitikal na kapakinabangan ay ang pagkawala ng kredibilidad.
Simbahan at Estado—Pagkalas sa Pagkakabuhol
Noong ika-20 siglo, kinalas sa wakas ng karamihan ng mga bansa sa Europa ang buhol na nagbuklod sa Simbahan at Estado. Sa katunayan, walang malaking bansa ngayon sa Europa ang kumikilala sa Katolisismong Romano bilang ang opisyal na relihiyon nito.
Bagaman ang nangingibabaw na mga simbahan ay maaaring tinutulungan sa pananalapi ng estado, naiwala nila ang pulitikal na impluwensiya na dating taglay nila. Hindi matanggap ng lahat ng klerigo ang bagong katotohanang ito. Ang kilalang Jesuitang Kastila na si José María Díez-Alegría ay naniniwala na “ang mga lider ng simbahang [Katoliko] ay nag-iisip—marami sa kanila ay taimtim na nag-iisip—na hindi nila maisasagawa ang kanilang pastoral na tungkulin nang walang pagtangkilik ng ‘pamahalaan’ ng tao.”
Subalit ang “pagtangkilik ng ‘pamahalaan’ ng tao” na ito ay gumuho na. Inilalarawan ng Espanya, na nagkaroon ng isang “pambansang-Katolikong” pamahalaan hanggang noong 1975, ang kalagayang ito. Nito lamang nakalipas na mga taon ang herarkiyang Kastila ay nagkaroon ng patuloy na pakikipaglaban sa pamahalaang Sosyalista tungkol sa paglalaan ng salapi sa simbahan. Ang obispo ng Teruel, Espanya, ay nagreklamo kamakailan sa kaniyang mga miyembro ng parokya na nadarama niyang siya’y “pinag-uusig bilang isang Katoliko” dahil sa ang pamahalaan ng Espanya ay hindi nagbibigay ng sapat na pinansiyal na tulong sa simbahan.
Noong 1990 ipinahayag ng mga obispong Kastila na isang “malaking krisis ng budhi at moralidad” ang nakaaapekto sa lipunan ng Espanya. Sino ang sinisisi nila sa ‘krisis sa moral’ na ito? Sinasabi ng mga obispo na ang isa sa pangunahing dahilan ay ang “di-tiyak na mentalidad na madalas na itinataguyod ng administrasyong bayan [ang pamahalaan ng Espanya].” Maliwanag, inaasahan ng mga obispo na itataguyod ng pamahalaan ang ideolohiyang Katoliko gayundin ay maglalaan ng pinansiyal na tulong.
Isinasagawa ba ng mga Klerigo ang Kanilang Ipinangangaral?
Ang pagkalaki-laking kayamanan ng Iglesya Katolika ay laging isang kahihiyan sa mga paring nagtatrabaho sa mahihirap na parokya. Lalo pa ngang nakahihiya nang ang Vatican Bank ay masangkot sa tinatawag ng magasing Time na “ang pinakagrabeng pinansiyal na iskandalo sa Italya pagkatapos ng digmaan.” Noong 1987, ang hukuman ng Italya ay naglabas ng mga mandamyento para sa pagdakip sa isang arsobispo at sa dalawa pang opisyales ng bangko sa Batikano. Subalit, dahil sa pantanging soberanong katayuan ng Batikano, ang mga akusadong klerigo ay hindi nadakip. Iginiit ng Vatican Bank na walang pagkakasalang nagawa subalit hindi nito nabura ang palagay na hindi isinasagawa ng simbahan ang ipinangangaral nito.—Ihambing ang Mateo 23:3.
Higit pang pinsala ang nagawa ng lubhang nailathalang seksuwal na maling paggawi. Noong Mayo 1992 isang obispong taga-Ireland, kilala sa kaniyang pagtataguyod sa hindi pag-aasawa ng pari, ay humiling sa kaniyang diyosesis na “patawarin siya” at “ipagdasal siya.” Siya’y napilitang magbitiw pagkatapos mabunyag na siya ang ama ng isang 17-anyos na lalaki at ginamit niya ang mga pondo ng simbahan upang ibayad sa kaniyang edukasyon. Isang buwan ang aga rito isang paring Katoliko ang lumabas sa telebisyon sa Alemanya na kasama ang kaniyang “kinakasama” at ang kanilang dalawang anak. Sinabi niyang nais niyang “simulan ang isang diyalogo” tungkol sa lihim na imoral na mga kaugnayan na isinasagawa ng maraming pari.
Ang mga iskandalo ay tiyak na nag-iiwan ng kanilang tanda. Ang mananalaysay na si Guerri, sa kaniyang aklat na Gli italiani sotto la Chiesa (Ang mga Italyano sa Ilalim ng Simbahan), ay nagsasabi na “sa loob ng mga dantaon iniskandalo ng Simbahan ang mga Italyano.” Ang isang resulta, sabi niya, ay ang “pagkakaroon ng malaganap na saloobin laban sa mga klero, kahit sa gitna ng mga tapat.” Maaaring matuksong tanungin ng galít na mga Katoliko ang kanilang klero ng katulad na mga tanong na itinanong ni apostol Pablo sa mga Romano: “Halimbawa, kayo’y nangangaral laban sa pagnanakaw, ngunit nakatitiyak ba kayo sa inyo mismong katapatan? Binabatikos ninyo ang gawaing pangangalunya, ngunit nakatitiyak ba kayo sa inyo mismong kalinisan?”—Roma 2:21, 22, Phillips.
Ang Agwat sa Pagitan ng Klero at Lego
Ang di-gaanong halata subalit malamang na mas nakapanghihinang problema ay ang agwat sa pagitan ng klero at ng lego. Ang pastoral na mga liham mula sa mga obispo ay waring nakayayamot sa halip na nakapagtuturo sa mga miyembro ng parokya. Sa isang surbey sa Espanya, 28 porsiyento lamang ng mga nakapanayam ang “sumasang-ayon sa mga pananalita ng mga obispo.” Isang katulad na bilang “ang lubusang walang interes,” at 18 porsiyento ang nagsabing “hindi nila nauunawaan ang sinasabi ng kanilang [mga obispo].” Ang arsobispo na si Ubeda ng Majorca, Espanya, ay umamin: “Dapat na tanggapin din naming mga obispo ang aming pananagutan sa paglayo ng marami sa Kristiyanismo—na isang katotohanan.”
Ang kawalan ng isang maliwanag na mensahe buhat sa Kasulatan ay lalo pang nagpapalayo sa lego. Ayon sa Catholic Herald, “maraming pari [sa Pransiya] ang nagpasiyang masangkot sa pulitikal na mga bagay upang magkaroon ng ‘silbi,’ ” kahit na mas gugustuhin ng karamihan ng mga miyembro ng kanilang parokya na sila’y magtuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay. Ang paring Italyano at sosyologong si Silvano Burgalassi ay nagsasabi: “Marahil sila [mga kabataan] ay lumayo sa Diyos dahil sa aming masamang halimbawa. Binigyan namin sila ng isang ‘halu-halong’ kompromiso, relihiyon at negosyo, kasakiman at pagbabanto.” Hindi kataka-taka, naiwawala ng mga pari ang kanilang sosyal na katayuan. “Ako’y isang Katoliko, subalit hindi ako naniniwala sa mga pari” ay isang bukambibig na malimit marinig sa mga Katolikong Kastila.
Ang ilang Katoliko ay nahihirapang magtapat sa mga klero, at ang iba ay seryosong nag-aalinlangan tungkol sa doktrina ng simbahan—lalo na yaong mga turo na inaakala nilang di-makatuwiran o hindi praktikal.
Hindi Maunawaang mga Doktrina
Ang kitang-kitang halimbawa ay ang opisyal na turong Katoliko tungkol sa paksang impiyerno. Ganito ang sabi ng Catechism of the Catholic Church: “Pinaninindigan ng turo ng Simbahan ang pag-iral ng impiyerno at ang pagkawalang-hanggan nito.” Gayunpaman, ipinakikita ng mga surbey kamakailan na sangkapat lamang ng mga Katolikong Pranses at sangkatlo ng mga Katolikong Kastila ang naniniwala na umiiral ang impiyerno.
Sa katulad na paraan, pagdating sa moral na mga isyu, ang mga Europeo ay may hilig na maging “sariling-gawang mga Kristiyano.” Si Mimmi, isang Lutheranong tin-edyer mula sa Sweden, ay naniniwalang ang moral na mga katanungan, gaya ng pagkakaroon ng mga anak sa pagkadalaga, ay “isang bagay na pagpapasiyahan ng isa.” Karamihan sa mga Katolikong Pranses ay sasang-ayon sa kaniya. Kapag nakakaharap ang mahahalagang desisyon sa buhay, 80 porsiyento ang nagsabi na susundin nila ang patnubay ng kanilang budhi sa halip niyaong sa simbahan.
Dati ang awtoridad ng simbahan ay sapat na upang sugpuin ang anumang salungat na tinig. Mula sa pangmalas ng Batikano, kaunti lamang ang nagbago. Matatag na binabanggit ng Catechism na “lahat ng nasabi na tungkol sa paraan ng pagpapakahulugan sa Kasulatan ay sukdulang nasa paghatol ng Simbahan.” Subalit, ang authoritarian approach ay walang gaanong suporta. “Ang pagtatalo tungkol sa awtoridad ay patuloy na hindi nasusugpo,” reklamo ni Antonio Elorza, isang Kastilang propesor tungkol sa pulitikal na mga pag-aaral. “Pinipili ng Simbahang magtayo ng napapaderang tore, hindi nilalabag ang bisa ng kaniyang tradisyon sa harap ng kasaysayan.” Sa labas ng “napapaderang tore,” ang impluwensiya ng simbahan at ang awtoridad nito ay patuloy na humihina.
Bukod pa sa espirituwal na panghihina, ang sosyal na mga dahilan ay isa pang mahalagang salik sa kawalang interes sa relihiyon. Ang lipunan ng mga mamimili ay naglalaan ng maraming libangan at mga pagkakataon sa paglilibang—at karamihan ng mga Europeo ay may pagnanais at paraan upang lasapin ang mga ito. Kung ihahambing, ang pagsisimba ay para bang isang nakababagot na paraan upang gugulin ang Linggo ng umaga. Isa pa, ang mga serbisyo sa simbahan ay waring bihirang makaunawa at makatugon sa espirituwal na mga pangangailangan ng tao.
Wari bang hindi na maibabalik ng tradisyonal na relihiyon ang pangangasiwa nito sa kawan sa Europa. Ang relihiyon ba ay isang lipás nang puwersa—nakataan na malipol na gaya ng dinosauro?
[Talababa]
a Ang Catechism of the Catholic Church ay unang inilathala noong 1992 at nilalayong maging isang opisyal na kapahayagan ng doktrina para sa mga Katoliko sa buong daigdig. Sa pambungad ay inilarawan ito ni Papa John Paul II bilang isang “tiyak at totoong reperensiyang aklat sa pagtuturo ng doktrinang katoliko.” Ang huling panahong inilabas ang gayong pandaigdig na katekismong Katoliko ay noong 1566.
[Blurb sa pahina 6]
Ang kulto ng paglilibang ay dumaig sa mahalagang bahagi ng Sangkakristiyanuhan
[Larawan sa pahina 7]
Kapag pinapipili sa pagitan ng isang sermon o isang suntan, walang pag-aatubiling pipiliin ng karamihan ng mga Europeo ang tabing-dagat