Inaabot sa Pamamagitan ng mga Senyas ng Kamay
SIMULA noong Hunyo 1995 at patu-patuloy sa buong tag-araw ang mga Saksi ni Jehova, sa teritoryo ng sangay sa Estados Unidos, ay nagdaos ng 181 pandistritong mga kombensiyon na may temang “Maliligayang Tagapuri.” Sa dalawa rito—isa sa silangan at ang isa sa kanluran—ang buong programa ay iniharap nang tuwiran sa Amerikanong Sign Language. Kaya ang kalinawan ng programa ay lubhang nadagdagan—sapagkat ang tuwirang paghaharap sa mga bingi sa pamamagitan ng sign language ay mas naiintindihan kaysa pagpapakahulugan mula sa binigkas na salita.
Ang mga delegado ay naroroon mula sa 11 kongregasyon ng sign-language at mga 30 grupo ng sign-language sa ibayo ng Estados Unidos. Subalit naroroon din ang mga delegado mula sa Britanya, Canada, Denmark, ang Dominican Republic, Ecuador, Alemanya, Hapón, Mexico, Norway, Puerto Rico, at Russia. Kaya naman, may internasyonal na atmospera.
Naglagay ng mga video monitor upang ang programa ay makita sa closed-circuit na telebisyon. Subalit, ang ilang delegado ay bingi at bulag. Paano makikinabang sa programa ang mga taong ito? Talagang nakaaantig ng damdamin na mamasdan ang mahigit na isang daang boluntaryo na naghahali-halili upang ipakipagtalastasan sa kanila ang programa sa bawat araw sa pamamagitan ng tactile (paghipo) na pagbibigay-kahulugan.
Sa dalawang kombensiyong ito, sinagisagan ng 36 ang kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo. Ang isa pang tampok na bahagi ay ang drama. Pagpaparangal sa mga Karapat-dapat sa Kanilang Katandaan. Tunay na kapana-panabik ngang maitanghal ang buong drama na ito sa sign language, pinahihintulutan ang mga miyembrong bingi na magkaroon ng malaking bahagi sa pagtatanghal!
Pagkatapos ay dumating ang paglalabas ng bagong pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang mga kombensiyonista ay lalo nang naligayahang malaman na isang bersiyon ng aklat na ito sa sign-language ay makukuha sa videotape! Ang Tomo 1, na inilabas sa kombensiyon, ay naglalaman ng unang tatlong kabanata. Lima pang tomo ang susunod. “Kay-laking pasasalamat namin para sa bagong video na ito,” sabi ng isang delegado mula sa Ohio. “Tutulong ito sa amin na pabilisin ang gawain sa gitna ng mga bingi.”
Ang 2,621 na dumalo sa dalawang kombensiyong ito ay umuwi na espirituwal na napanariwa. Higit kailanman, sila’y determinadong sabihin ang mga salita ng salmista: “Lahat ng bagay na may hininga—purihin si Jah. Purihin si Jah, ninyo bayan!”—Awit 150:6.