Sino ang Makapagdadala ng Namamalaging Kapayapaan?
“At kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”
ANG nabanggit na teksto ay mula sa Isaias kabanata 2, talatang 4, sa King James na salin ng Bibliya. Sinipi ng Human Development Report 1994, na inilathala ng United Nations Development Programme (UNDP), ang mga salitang ito at saka isinusog pa: “Wari ngang ang panahon para sa hulang ito ay dumating sa pagtatapos ng cold war [noong 1990]. Subalit hanggang sa kasalukuyan ito ay naging isang mailap na pag-asa.”
Pagbawas sa Militar
Ang isang salik na nagpapadilim sa pag-asa para sa kapayapaan ay na ang pagbabago sa internasyonal na pulitikal na kapaligiran ay hindi sinabayan ng malaking pagbawas sa militar na paggasta. Totoo, nagkaroon ng mga pagbawas. Ayon sa bilang ng UN, ang pangglobong paggasta sa militar ay bumaba mula sa pinakamataas na bilang na $995 bilyon noong 1987 tungo sa $815 bilyon noong 1992. Gayunpaman, ang $815 bilyon ay napakalaki pa rin. Ito’y halos katumbas ng pinagsamang kita ng kalahati ng populasyon ng daigdig!
Ang isa pang salik na kumikilos laban sa pag-aalis ng armas ay ang pangmalas na ang lakas militar ay nagdudulot ng katiwasayan. Kaya nga, kahit na tapos na ang Cold War, maraming industriyalisadong bansa ang nangangatuwiran na ang paggasta para sa pambansang seguridad ay dapat na manatili sa mataas na mga antas. Si James Woolsey, nang siya’y direktor ng Central Intelligence Agency ng E.U., ay nagsabi sa Kongreso noong Pebrero 1993: “Napatay natin ang isang malaking dragon [ang U.S.S.R.], subalit tayo’y nabubuhay ngayon sa isang gubat na punô ng nakatatarantang iba’t ibang klase ng makamandag na mga ahas.”
Sa nagpapaunlad na mga bansa ang mataas na gastusing militar ay binibigyang-matuwid din bilang isang paraan upang hadlangan ang pagsalakay mula sa mga bansang inaakalang posibleng mga dragon at makamandag na mga ahas. Subalit sa katunayan, sabi ng UNDP, “ang nagpapaunlad na mga bansa ay nakipagbaka ng ilang internasyonal na mga digmaan, at ginamit ng marami ang kanilang sandatahang lakas upang supilin ang kanilang bayan.” Sa katunayan, ang ulat ng UNDP ay nagsasabi: “Sa nagpapaunlad na mga bansa, ang tsansang mamatay mula sa kapabayaang panlipunan (mula sa malnutrisyon at maiiwasang mga sakit) ay 33 ulit na mas malaki kaysa tsansang mamatay sa isang digmaan mula sa panlabas na pagsalakay. Gayunman, sa katamtaman, may halos 20 sundalo sa bawat manggagamot. Sa paano man, mas malamang na bawasan ng mga sundalo ang personal na seguridad kaysa dagdagan ito.”
Ang Internasyonal na Kalakalan ng Armas
Noong panahon ng Cold War, ang dalawang superpower ay nagbenta ng mga sandata sa mga kaanib upang pagtibayin ang mga alyansa, magkaroon ng mga base militar, at mapanatili ang kapangyarihan. Ang mga hukbo ng maraming bansa ay lumakas. Sa kasalukuyan, halimbawa, 33 bansa ang nagmamay-ari ng mahigit na 1,000 tangke de gera bawat isa.
Ngayong tapos na ang Cold War, ang pulitikal at estratehikong dahilan para sa pagbebenta ng mga armas ay naglaho. Subalit, ang mga pangganyak na pangkabuhayan ay nananatiling malakas. May pagkakataon na kumita! Kaya, habang humihina ang pangangailangan para sa mga sandata sa sariling bansa, hinihimok ng mga gumagawa ng sandata ang kanilang mga pamahalaan na ang paraan upang maingatan ang mga trabaho at mapanatiling malakas ang ekonomiya ay ipagbili ang mga armas sa ibang bansa.
Ang magasing World Watch ay nagkokomento: “Balintuna nga, kung paanong inaalis ng mga superpower ang kanilang malalaking nuklear na missile, apurahan naman silang naghahanap ng mga paraan upang ipagbili ang higit pa sa kanilang hindi nuklear na mga bomba at baril sa halos lahat ng bibili nito.” Ang bilang? Ayon sa Stockholm International Peace Research Institute, ang halaga ng hindi nuklear na mga sandatang ipinagbili sa internasyonal na pamilihan noong mga taon mula 1988 hanggang 1992 ay $151 bilyon. Ang pinakamalaking tagapagluwas ay ang Estados Unidos, sinusundan ng mga bansa ng dating Unyong Sobyet.
Nananatili ang Bantang Nuklear
Kumusta naman ang tungkol sa bantang nuklear? Ang Estados Unidos at ang Unyong Sobyet (o ang kahaliling mga estado nito) ay lumagda sa Intermediate-Range Nuclear Forces Treaty noong 1987 at sa dalawang Strategic Arms Reduction Treaties (START) noong mga taóng 1991 at 1993.
Ipinagbawal ng mga kasunduang START ang base-sa-lupa na mga missile na may mahigit sa isang warhead at ipinag-utos ang pag-aalis, sa taóng 2003, ng halos tatlong sangkapat ng nuklear na mga warhead sa lahat ng aparato na nagdadala ng isang warhead. Subalit bagaman naglaho na ang banta ng isang nuklear na Digmaang Pandaigdig III, may natitira pang malaking arsenal ng mga sandatang nuklear—sapat upang puksain ang lahat ng buhay sa lupa nang ilang ulit.
Ang pagkakalas sa mga sandatang ito ay nagdaragdag din ng mga pagkakataon para sa nuklear na pagnanakaw. Ang Russia, halimbawa, ay nagkakalas at nag-iimbak ng halos 2,000 warhead sa isang taon, nakukuha mula rito ang sinlaki ng kamao na mga bilog na plutonium na tinatawag na mga pit. Ang isang pit ng warhead, na nangangailangan ng napakalaking gastos at teknolohiya upang gawin, ang pinakamahalagang sangkap sa isang bombang nuklear. Yamang ang mga pit ay karaniwang nakabalot sa isang suson ng bakal na humahadlang sa radyaktibidad, maaaring itago ng isang magnanakaw ang pagdadala ng isa nito sa kaniyang bulsa. Ang isang teroristang nakakuha ng isang gawa nang pit ay maaaring palibutan ito ng pampasabog na enggranahe upang muling lumikha ng isang pagkalakas-lakas na bomba.
Isa pang nakababahala ay ang banta ng pagkalat ng mga sandatang nuklear sa parami nang paraming bansa. Limang bansa ang kinikilalang mga kapangyarihang nuklear—Tsina, Pransiya, Russia, ang United Kingdom, at ang Estados Unidos—at ang ilan pang bansa ay nag-iisip na rin na magkaroon ng kakayahang paramihin agad ang mga sandatang nuklear.
Habang parami nang paraming bansa ang nagkakaroon ng mga sandatang nuklear, ang posibilidad na maaaring gamitin ang mga ito ng isa ay sumisidhi. Ang mga tao’y may dahilang matakot sa paggamit sa napakaraming mga sandata. Gaya ng pagkakasabi rito ng aklat na The Transformation of War, “napakatindi ng lakas ng mga sandatang nuklear anupat ginagawa nito na gayon na lamang kaliit na bagay ang hindi nuklear na sandata.”
Pagbawas ng Sandata at Kapayapaan
Subalit ano naman kung alisin ng mga bansa ang kanilang masalimuot na mga sandatang pamuksa? Tinitiyak ba niyan ang isang mapayapang daigdig? Hindi nga. Ang militar na mananalaysay na si John Keegan ay nagsasabi: “Mula noong 9 ng Agosto 1945, walang napatay ni isa man ang mga sandatang nuklear. Ang 50,000,000 namatay sa digmaan mula nang petsang iyan ay, sa kalakhang bahagi, napatay sa pamamagitan ng mura, maramihan ang pagkakagawang mga sandata at mababang-kalibreng munisyon, na mataas lang ng kaunti sa halaga ng mga radyong transistor at mga batirya na dumagsa sa daigdig sa magkasabay na panahon.”
Ang isang halimbawa kamakailan ng paggamit ng mga sandatang low-tech ay ang pagpatay sa Rwanda, isang bansa na tungkol dito ay ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia (1994): “Karamihan ng mga tao ay mga Romano Katoliko . . . Ang Romano Katoliko at ang iba pang mga relihiyong Kristiyano ang nagpapatakbo sa karamihan ng mga paaralang elementarya at haiskul.” Subalit, hanggang kalahating milyon ang napatay sa Rwanda ng mga taong nasasandatahan ng mga itak. Maliwanag, upang magdala ng kapayapaang pandaigdig, higit pa ang kinakailangan kaysa pagbawas lamang ng mga sandatang hindi nuklear at nuklear. At, mayroon pang kailangan bukod pa sa mga turong inilalaan ng mga relihiyon ng daigdig.
Dumaraming Etnikong Labanan
Si Sadako Ogata, ang mataas na komisyonado ng UN para sa mga takas o refugee, ay nagsabi kamakailan: “Pagkatapos ng Cold War, akala namin ay malulutas na ang lahat ng problema. Hindi namin natalos na ang Cold War ay may iba pang aspekto—na ang mga superpower ang naglalaan ng kaayusan o iginigiit ang kaayusan sa kani-kanilang mga sona ng impluwensiya. . . . Kaya ngayon, pagkatapos ng Cold War, nakikita natin ang pagsabog ng higit na tradisyunal, tahimik, marahil ang mga uri ng etnikong labanan bago ng Digmaang Pandaigdig I.”
Gayundin ang sinabi ni Arthur Schlesinger, isang nagwagi ng premyong Pulitzer na mananalaysay at manunulat: “Isang kalipunan ng pagkapoot ang humahalili sa isa pa. Nakalagan naman dahil sa pag-aalis ng sunggab na bakal ng ideolohikal na panunupil sa Silangang Europa at ng dating Unyong Sobyet ang nakuyom na etniko, makabayan, relihiyoso, at linggwistang labanan na nagkaugat nang malalim sa kasaysayan at sa alaala. . . . Kung ang ika-20 siglo ay naging dantaon ng labanan ng mga ideolohiya, ang ika-21 siglo ay nagsisimula bilang ang dantaon ng labanan ng mga lahi.”
Sa pagitan ng 1989 at 1992, ayon sa isang bilang ng United Nations, may 82 armadong labanan, karamihan dito ay ipinaglaban sa mga nagpapaunlad na mga bansa. Noong 1993, 42 bansa ang nagkaroon ng malalaking labanan at 37 iba pang bansa ang dumanas ng pulitikal na karahasan. Samantala, ang United Nations—na ang badyet ay nasagad nang husto—ay nakipagpunyagi nang walang gaanong tagumpay upang magdulot ng kapayapaan sa 17 misyon lamang. Maliwanag, ang sangkatauhan ay dapat na umasa sa ibang dako para sa isang mapayapang daigdig.
Unti-Unting Paglitaw ng mga Problema
Sa halip na tumingin sa hinaharap taglay ang optimismo, parami nang parami ang nag-aagam-agam. Ang pabalat ng labas ng The Atlantic Monthly noong Pebrero 1994 ay bumubuod sa isang hula tungkol sa darating na mga dekada: “Ang mga bansa ay nagkakawatak-watak dahil sa pagdagsa ng mga refugee dahil sa kapahamakang pangkapaligiran at panlipunan. . . . Ang mga digmaan ay ipinakikipaglaban dahil sa salát nang mga yaman, lalo na ang tubig, at ang digmaan mismo ay nagpapatuloy na kasabay ng krimen, habang ang nasasandatahang mga pangkat ng mandarambong ay nakikipaglaban sa pribadong mga hukbong panseguridad ng mayayaman.”
Nangangahulugan ba ito na ang namamalaging kapayapaan ay hindi matatamo? Mangyari pa hindi! Ipinakikita ng susunod na artikulo ang mga dahilan kung bakit tayo’y makaaasa sa hinaharap na may pagtitiwala.
[Kahon sa pahina 5]
Relihiyon—Isang Puwersa sa Kapayapaan?
Kapag ang mga bansa ay nakikipagdigma, tinatalikdan ng mga relihiyon ng daigdig ang mga turo ng kapayapaan at kapatiran. Tungkol sa kalagayan noong panahon ng Digmaang Pandaigdig I, ang Britanong brigadyer heneral na si Frank P. Crozier ay nagsabi: “Ang mga Simbahang Kristiyano ang pangunahing mga promotor ng pagbububo ng dugo na mayroon tayo, at malaya nating ginamit ang mga ito.”
Ang papel ng relihiyon sa digmaan ay pareho sa lahat ng panahon. Ganito ang inamin ng Katolikong mananalaysay na si E. I. Watkin: “Masakit mang aminin, alang-alang sa maling kaliwanagan o magdarayang katapatan, hindi natin maaaring ikaila o waling-bahala ang makasaysayang katotohanan na walang pagbabagong sinuportahan ng mga Obispo ang lahat ng mga digmaang ipinakipaglaban ng mga pamahalaan ng kanilang bansa.” At ganito ang sabi ng isang editoryal sa Sun ng Vancouver, Canada: “Marahil isang kahinaan ng lahat ng organisadong relihiyon na ang simbahan ay sumusunod sa bandila . . . Ano bang digmaan ang kailanma’y ipinakipagbaka na doo’y hindi sinasabing ang Diyos ay nasa magkabilang panig?”
Maliwanag, sa halip na maging isang puwersa sa kapayapaan, ang mga relihiyon ng daigdig ay nagtaguyod ng mga digmaan at pagpatay—gaya ng inilalarawang mainam ng pagpatay sa Rwanda.
[Kahon sa pahina 6]
Ang Pagkawalang-Saysay ng Digmaan
Sa aklat na I Found No Peace, inilathala noong 1936, ang dayuhang kabalitaang si Webb Miller ay sumulat: “Kataka-taka, ang kapaha-pahamak na kakilabutan ng [Digmaang Pandaigdig I] ay hindi nakaapekto sa akin taglay ang lahat ng labis na kahalayan at kawalang-saysay nito hanggang noong eksaktong walong taon pagkatapos nito.” Noong okasyong iyon muli niyang dinalaw ang larangan ng digmaan ng Verdun, kung saan sinabi niyang 1,050,000 lalaki ang namatay.
“Noong panahon ng digmaan ako’y nadaya, kasama ng milyun-milyong iba pa,” sulat ni Miller. “Ang Digmaang Pandaigdig ay nagtagumpay lamang sa paglikha ng bagong mga digmaan. Walo at kalahating milyong lalaki ang namatay nang walang kabuluhan, sampu-sampung milyon ang dumanas ng hindi maipaliwanag na mga kakilabutan, at daan-daang milyon ang dumanas ng dalamhati, karukhaan, at kalungkutan. At lahat ng ito ay nangyari sa ilalim ng kagulat-gulat na panlilinlang.”
Tatlong taon pagkatapos mailathala ang aklat na ito, nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II. Ganito ang sabi ng The Washington Post: “Ang ating mga digmaan ng ika-20 siglo ay naging ‘lubusang mga digmaan’ kapuwa laban sa nakikipagdigma at mga sibilyan. . . . Ang malupit na mga digmaan ng nakalipas na mga siglo ay walang gaanong sinabing mga alitan kung ihahambing.” Ayon sa isang tantiya ng isang awtoridad, 197 milyon ang namatay mula noong 1914 sa mga digmaan at mga paghihimagsik ng bayan.
Subalit, lahat ng mga digmaan at paghihimagsik ng tao ay hindi nagdala ng kapayapaan o kaligayahan. Gaya ng sinabi ng The Washington Post, “walang sistemang pulitikal o pangkabuhayan ang hanggang sa ngayon sa siglong ito ang nakapagpatahimik o nagbigay-kasiyahan sa balisang milyun-milyon.”
[Larawan sa pahina 7]
Ang inang ito ay isa sa daan-daang libong tao na pinatay sa Rwanda—ang marami ay pinatay ng mga tao na karelihiyon nila mismo
[Credit Line]
Albert Facelly/Sipa Press