Seksuwal na Panliligalig—Isang Pangglobong Problema
ANG trabaho ay naging isang masamang panaginip para sa isang batang sekretaryang nagngangalang Rena Weeks. Totoo, ang bupete na pinapasukan niya ay may prestihiyosong pangalan at mga opisina sa mahigit na dalawang dosenang bansa. Subalit siya’y nagtatrabaho sa isang lalaki na, ayon sa sabi niya, ay ayaw tumigil sa kasusunggab at kahihipo sa kaniya. Ang nanghihiyang pang-iinsulto ay sinasalitán ng bastos, nagpapahiwatig ng mahalay na pananalita.
Mga taon ang nakalipas, ang mga babae sa ganitong kalagayan ay walang gaanong magawa—maliban marahil sa magbitiw sa trabaho. ‘Ang kaniyang sinabi laban sa lalaki’ ay maaaring hatulan ng pangasiwaan na walang sapat na katibayan. At maging yaong mga maaaring maniwala sa kuwento ng babae ay malamang na waling-bahala ang problema sa pagsasabing, ‘Bakit mo pinalalaki ang problema?’ Subalit nagbago na ang panahon. Si Rena Weeks ay hindi lamang nagalit at nagbitiw sa trabaho. Siya’y nagdemanda.
Isang hurado sa E.U. ang nagkaloob sa kaniya ng $50,000 bayad-pinsala para sa kaniyang emosyonal na kaigtingan, pati na ang $225,000 bayad-pinsalang parusa mula sa kaniyang dating amo. Pagkatapos, sa isang pagkilos na nakatawag-pansin sa mga negosyo at mga bupete sa buong daigdig, ipinag-utos ng hurado na ang bupete ay magbayad ng napakalaking halaga na $6.9 milyon bilang bayad-pinsalang parusa dahil sa hindi paglutas sa problema!
Ang kaso ni Weeks ay hindi isang nabubukod na pangyayari. Isa pang kaso kamakailan ang nagsasangkot sa isang pambansang kawing ng mga tindahang may diskuwento (sa E.U.). Isang empleadong nagngangalang Peggy Kimzey ang nagsabing siya’y pinagwikaan ng kaniyang superbisor ng bastos na seksuwal na pananalita. Noong 1993, si Peggy Kimzey ay nagbitiw sa kaniyang trabaho at nagdemanda. Siya’y pinagkalooban ng $35,000 para sa kahihiyan at mental na hapis kasama ang isang makasagisag na $1 sa nawalang sahod. Naipasiya rin ng hurado na ang kaniyang dating amo ay lumikha ng isang masamang kapaligiran sa pagpapahintulot sa panliligalig. Ang parusa? Limampung milyong dolyar na bayad-pinsala!
Ganito ang sabi ng magasing Men’s Health: “Ang mga kaso ng seksuwal na panliligalig ay dumarami na gaya ng baktirya. Noong 1990, ang EEOC [Equal Employment Opportunity Commission] ay humawak ng 6,127 gayong mga demanda; noong nakaraang taon [1993] ang taunang kabuuang bilang ay halos nadoble tungo sa 11,908.”
Isang Pag-abuso ng Kapangyarihan
Bagaman ang napakalaking gantimpala ng hurado ay nagiging ulo ng mga balita, ang katotohanan ay na iilang kaso lamang ang nakararating sa hukuman. Karamihan ng mga biktima ay tahimik na nagtiis ng kanilang kahihiyan—mga pawn sa isang nakasusuklam na laro ng kapangyarihan at pananakot na nangyayari sa mga opisina, sa mga lansangan, sa mga bus, sa mga karinderya, at sa mga pabrika. Kung minsan, may tahasang panggigipit na makipagtalik. Subalit, kadalasan ang pagmolestiya ay kinabibilangan ng mas tuso, gayunma’y may kabastusan at nakasusuya, na mga kilos: kinaiinisan o di-angkop na mga paghipo, malaswang pananalita, mahalay na mga titig.
Totoo, tinatanggihan ng ilan na tawagin ang gayong paggawi na panliligalig, nangangatuwirang ito’y asiwang pagsisikap lamang sa bahagi ng ilang kalalakihan upang matawag ang pansin ng babae. Subalit ang marami, gaya ng manunulat na si Martha Langelan, ay tumatanggi sa gayong mga pagsisikap upang bigyan dahilan ang nakasusuyang paggawi. Sulat niya: “Hindi ito asiwang panliligaw, o bruskong panliligaw, o biru-birong panliligaw, o ‘maling pagkaunawang’ panliligaw. Hindi ito ginagawa upang makaakit sa kababaihan; ito’y paggawi na may lubusang naiibang layunin. Tulad ng panghahalay, ang seksuwal na panliligalig ay nilayon upang puwersahin ang mga babae, hindi upang akitin sila. . . . [Ito] ay isang kapahayagan ng kapangyarihan.” Oo, kadalasan ang gayong masamang pagtrato ay isa lamang malupit na paraan kung saan “dominado ng tao ang tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9; ihambing ang Eclesiastes 4:1.
Ang karaniwang reaksiyon ng kababaihan sa seksuwal na panliligalig ay, hindi kaluguran, kundi mga damdamin na mula sa pagkasuya at galit tungo sa panlulumo at pagkapahiya. Ganito ang gunita ng isang biktima: “Ang kalagayan ay nakasira sa akin. Naiwala ko ang aking tiwala, ang aking kumpiyansa, ang aking paggalang-sa-sarili, at ang aking mga ambisyon sa karera. Biglang nagbago ang aking personalidad. Dati akong masayahin. Ako’y naging mapait, lumalayo, at nahihiya.” At kung ang maysala ay isang amo o isa na nasa kapangyarihan, ang panliligalig ay lalo nang nakasusuklam.
Hindi kataka-taka, kung gayon, na sinimulang parusahan ng mga hukuman ang mga maysala at bayaran ang mga biktima. Mula nang bigyan-kahulugan ng Korte Suprema ng E.U. ang gayong masamang pagtrato bilang isang paglabag sa mga karapatang sibil, ang mga maypatrabaho ay mahigpit na hinilingan ng batas na magpanatili ng isang kapaligiran sa trabaho na hindi “masama o nakayayamot.”
Ang mga kompanya na nagpapahintulot ng seksuwal na panliligalig ay maaaring dumanas ng mababang moral ng mga empleado, mas maraming pagliban sa trabaho, mas mababang produksiyon, at maraming pagpapalit ng empleado—huwag nang banggitin pa ang pinansiyal na pinsala kung ang mga biktima ay magpasiyang magdemanda.
Gaano Kalaganap?
Gaano ba kalaganap ang seksuwal na panliligalig? Ipinahihiwatig ng mga surbey na mahigit na kalahati ng mga babaing nagtatrabaho sa Estados Unidos ang nakaranas nito. Kaya nga ganito ang sabi ng isang aklat: “Ang seksuwal na panliligalig ay isang malaganap na problema. Nangyayari ito sa mga babae sa lahat ng propesyon mula sa serbidora hanggang sa ehekutibo ng korporasyon. Nagaganap ito sa bawat antas ng herarkiya ng korporasyon at sa bawat uri ng negosyo at industriya.” Subalit, ang problema ay hindi natatakdaan sa Estados Unidos. Ang aklat na Shockwaves: The Global Impact of Sexual Harassment, ni Susan L. Webb, ay bumabanggit sa sumusunod na mga estadistika:a
CANADA: “Ipinakita ng isang surbey na 4 sa 10 kababaihan ang nag-ulat na seksuwal na niligalig sa trabaho.”
HAPÓN: “Ipinakita ng isang surbey noong Agosto 1991 na 70 porsiyento ng kababaihang tumugon ang nakaranas” ng panliligalig sa trabaho. “Nobenta porsiyento ang nagsabi na sila’y seksuwal na niligalig pagpasok sa trabaho at pag-uwi mula sa trabaho.”
AUSTRIA: “Ipinakita ng isang surbey noong 1986 na halos 31 porsiyento ng kababaihan ang nag-ulat ng malubhang mga insidente ng panliligalig.”
PRANSIYA: “Natuklasan ng isang pag-aaral noong 1991 . . . na 21 porsiyento ng 1,300 kababaihang sinurbey ang nagsabi na sila’y personal na nakaranas ng seksuwal na panliligalig.”
NETHERLANDS: Ipinakita ng isang pag-aaral na “58 porsiyento ng kababaihang tumugon [sa surbey] ang nagsabi na personal na naranasan nila ang seksuwal na panliligalig.”
Isang Tanda ng mga Panahon
Mangyari pa, ang pagmolestiya at panliligalig sa dako ng trabaho ay hindi na bago. Ang mga babae—at kung minsan ang mga lalaki—ay dumaranas ng gayong masamang pagtrato kahit na noong panahon ng Bibliya. (Genesis 39:7, 8; Ruth 2:8, 9, 15) Subalit ang gayong maling paggawi ay tila ba lalong palasak sa ngayon. Bakit nga gayon?
Sa isang bagay, nitong nakalipas na mga taon napakaraming kababaihan ang nagtrabaho. Mas maraming babae kung gayon ang nalantad sa mga kalagayan na doon maaaring mangyari ang gayong mga pag-abuso. Subalit, mas mahalaga ang malaon nang inihula ng Bibliya: “Tandaan mo ito! Magkakaroon ng mahihirap na panahon sa mga huling araw. Ang mga tao’y magiging makasarili, masakim, mayabang, at palalo; sila’y mang-iinsulto . . . ; sila’y hindi magiging mabait, walang-awa, maninirang-puri, mararahas, at mabagsik.” (2 Timoteo 3:1-3, Today’s English Version) Ang paglaganap ng seksuwal na panliligalig ay isa lamang madulang patotoo na ang mga salitang ito ay natutupad sa ngayon. Kapansin-pansin, binabanggit ng isang artikulo sa magasing Men’s Health na “ang pagdami ng mga demanda sa seksuwal na panliligalig ay sinamahan pa ng nakagugulat na pagbaba ng pangkalahatang pagkamagalang. Ang masasamang ugali ay nasa lahat ng dako.”
Ang paglaganap ng seksuwal na panliligalig ay nagpapabanaag din sa “bagong moralidad,” na mabilis na kumalat sa daigdig noong mga taon ng 1960. Ang pagkasira ng tradisyunal na mga hangganan sa moral ay sinamahan ng nakasisindak na pagwawalang-halaga sa mga karapatan at mga damdamin ng iba. Anuman ang dahilan nito, ang seksuwal na panliligalig ay isang nakatatakot na katotohanan sa dako ng trabaho. Ano ang magagawa ng mga lalaki at mga babae upang mapangalagaan ang kanilang sarili? Magkakaroon pa ba ng panahon kapag ang dako ng trabaho ay wala nang pagmolestiya?
[Talababa]
a Ang mga estadistika ay waring nagbabagu-bago, yamang ang mga mananaliksik ay gumagamit ng iba’t ibang paraan sa pagsusurbey at iba’t ibang katuturan ng seksuwal na panliligalig.
[Kahon sa pahina 4]
Seksuwal na Panliligalig—Alamat Laban sa Katotohanan
Alamat: Ang seksuwal na panliligalig ay labis-labis na naiulat. Isa lamang itong kausuhan, isang produkto ng pag-aanunsiyo at isterya ng media.
Katotohanan: Sa kabuuan, malaki ang maaaring mawala sa isang babae at kaunti lamang ang kaniyang matatamo sa pag-uulat ng pambibiktima. Oo, isang minorya lamang ng kababaihan (22 porsiyento ayon sa isang surbey) ang kailanma’y nagsasabi sa kaninuman na sila’y niligalig. Ang takot, hiya, pagsisi-sa-sarili, kalituhan, at kawalang-alam sa kanilang legal na mga karapatan ang nagpapangyari sa maraming kababaihan na manahimik. Sa gayon maraming dalubhasa ang naniniwala na ang problema ay lubhang hindi iniuulat!
Alamat: Nagugustuhan ng karamihan ng kababaihan ang atensiyon. Yaong mga nagsasabing sila’y niligalig ay masyado lamang sensitibo.
Katotohanan: Walang pagbabagong ipinakikita ng mga surbey na ang mga babae ay nayayamot sa gayong bruskong pagtrato. Sa isang surbey, “mahigit na dalawang ikalima ng kababaihan ang nagsabi na sila’y nasusuya at halos sangkatlo ang nagsabi na sila’y nagagalit.” Ang iba pa’y nag-ulat ng pagkabalisa, nasaktan, at nanlumo.
Alamat: Ang kalalakihan ay nabibiktima rin na gaya ng kababaihan.
Katotohanan: Ang mga mananaliksik para sa National Association of Working Women (E.U.) ay nag-ulat na “tinatayang 90 porsiyento ng mga kaso ng panliligalig ay kinasasangkutan ng mga lalaki na nanligalig sa mga babae, 9 na porsiyento ay magkatulad na sekso . . . , at 1 porsiyento lamang ang nagsasangkot ng mga babae na nanligalig ng mga lalaki.”
[Larawan sa pahina 5]
Ang seksuwal na panliligalig ay hindi lamang tungkol sa sekso