Seksuwal na Panliligalig—Kung Paano Pangangalagaan ang Iyong Sarili
“WALANG babae ang dapat na maparunggitan araw-araw tungkol sa sekso,” sabi ng editor sa magasin na si Gretchen Morgenson, “ni makatuwiran man para sa mga babae na umasa ng napakalinis na kapaligiran sa trabaho na walang magaspang na pag-uugali.” Kapuri-puri, ang mga pagsisikap ng mga maypatrabaho at ng mga hukuman na gawing mas ligtas ang dako ng trabaho ay umani ng mabubuting resulta. Halimbawa, ang panganib ng pagdedemanda ay nag-udyok sa mga amo at mga empleado sa buong daigdig na pagbutihin ang kapaligiran sa trabaho. Maraming kompanya ang nagkaroon ng mga patakaran sa loob mismo ng kompanya para sa pakikitungo sa mga kaso ng pagmolestiya sa dako ng trabaho. Ang mga miting at mga seminar ay idinaraos upang turuan ang mga empleado tungkol sa wastong paggawi sa dako ng trabaho.
Mangyari pa, makatuwiran lamang na alamin at sundin ang mga patakaran ng kompanya at ang lokal na mga batas. (Roma 13:1; Tito 2:9) Nasumpungan din ng mga Kristiyano na nakatutulong na ikapit ang mga simulain ng Bibliya. Ang pagsunod sa kinasihang mga tuntuning ito sa pakikitungo mo sa iyong mga kasama sa trabaho ay malaki ang magagawa upang tulungan ka na maiwasang maging biktima ng seksuwal na panliligalig—o isa na may kagagawan nito.
Wastong Paggawi Para sa Kalalakihan
Isaalang-alang ang bagay may kinalaman sa kung paano dapat pakitunguhan ng kalalakihan ang mga babae. Maraming dalubhasa ang nagbababala laban sa paghipo sa mga hindi kasekso. Sila’y nagbabala na ang isang palakaibigang tapik sa likod ay maaaring bigyan ng maling kahulugan. “Itinuturing ng mga hurado na lubhang seryosong bagay ang paghipo,” sabi ng abugado ng manggagawa na si Frank Harty. Ang kaniyang mungkahi? “Kung ito’y nagsasangkot ng higit pa sa pakikipagkamay, huwag mong gawin ito.” Totoo, ang Bibliya mismo ay hindi gumagawa ng tuntunin na kapit sa lahat ng kalagayan tungkol sa bagay na ito.a Subalit dahil sa kasalukuyang legal at moral na kapaligiran, angkop lamang ang mag-ingat—lalo na sa mga wala sa loob na hilig na humipo habang sila’y nakikipag-usap.
Oo, ang gayong payo ay hindi laging madaling sundin. Si Glen, halimbawa, ay mula sa isang Hispanikong kultura. “Sa pinanggalingan ko,” aniya, “ang mga tao ay mas mahilig na yumapos sa iyo kaysa rito sa Estados Unidos. Sa pamilya ko madalas naming batiin ang mga kaibigan sa pamamagitan ng halik, subalit dito kami ay pinag-iingat na huwag karaka-rakang gawin iyan.” Subalit, ang mga simulain ng Bibliya ay napatunayang nakatutulong sa bagay na ito. Si apostol Pablo ay nagsabi sa binatang si Timoteo: “Pakitunguhan mo ang mga nakababatang lalaki gaya ng sa mga kapatid na lalaki, ang mga nakatatandang babae gaya ng sa mga ina, ang mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae, nang may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:1, 2, New International Version) Hindi ba hinahadlangan niyan ang mahalay, nakatutukso, o kinaiinisang paghipo?
Ang simulain ding iyan ay maaaring ikapit sa pananalita. Angkop naman, ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang pakikiapid at bawat uri ng kawalang-kalinisan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng naaangkop sa mga taong banal; ni kahiya-hiyang paggawi ni mangmang na usapan ni malaswang pagbibiro, mga bagay na hindi angkop.” (Efeso 5:3, 4) Iminumungkahi ng abugado sa seksuwal na panliligalig na si Kathy Chinoy na bago magsalita dapat mong isaalang-alang ang isang tanong: “Nais mo bang marinig iyan ng iyong ina, kapatid na babae, o anak na babae?” Ang malaswa, pasaring na pananalita ay nagpapasama kapuwa sa nagsasalita at sa nakikinig.
Pag-iwas sa Panliligalig
Paano maaaring maiwasan ng isa na maging biktima ng panliligalig? Ang payo na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad nang suguin niya sila sa kanilang unang atas na pangangaral ay maaari, marahil, na ikapit sa kontekstong ito: “Narito! Isinusugo ko kayo gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo; samakatuwid patunayan ninyong kayo ay maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y inosente gaya ng mga kalapati.” (Mateo 10:16) Sa paano man, ang isang Kristiyano ay may magagawa. Ang Bibliya ay tumitiyak sa atin: “Pagka ang karunungan ay pumasok sa iyong puso . . . , ang kakayahang umisip mismo ay magbabantay sa iyo, ang pagkaunawa mismo ay mag-iingat sa iyo.” (Kawikaan 2:10, 11) Kaya nga, ating suriin ang ilang simulain sa Bibliya na makatutulong sa iyo na maingatan ang iyong sarili.
1. Mag-ingat kung paano ka gumagawi na kasama ng iyong mga kasamahan sa trabaho. Ito’y hindi nangangahulugan ng pagiging malamig o masungit, sapagkat ang Bibliya ay humihimok sa atin na “itaguyod ninyo ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao.” (Hebreo 12:14; Roma 12:18) Subalit yamang ang Bibliya ay nagbababala sa mga Kristiyano na “patuloy na lumakad sa karunungan sa mga nasa labas,” makabubuting panatilihin ang isang seryoso o pormal na pakikitungo, lalo na kapag nakikitungo sa hindi kasekso. (Colosas 4:5) Ang aklat na Talking Back to Sexual Pressure, ni Elizabeth Powell, ay humihimok sa mga manggagawa na “matutong kilalanin ang pagkakaiba sa pagitan ng isang kalugud-lugod na saloobin na angkop sa kanilang papel at ang uri ng pagiging palakaibigan na maaaring magpahiwatig na payag ka sa seksuwal na mga pagsasamantala.”
2. Magdamit nang mahinhin. Kung ano ang suot mo ay naghahatid ng mensahe sa iba. Noong panahon ng Bibliya, ang pagsusuot ng isang istilo ng pananamit ay nagpapakilala sa isang tao bilang imoral o mahalay. (Kawikaan 7:10) Totoo rin ito sa ngayon; ang pitis na pitis, nakatatawag-pansin, o pananamit na halos kita na ang lahat ay maaaring umakit ng maling uri ng pansin. Oo, maaaring akalain ng ilan na may karapatan silang magsuot ng anumang gusto nila. Subalit gaya ng pagkakasabi rito ng manunulat na si Elizabeth Powell, “kung ikaw ay nagtatrabaho na kasama ng mga taong naniniwalang ang pagnanakaw ng pera ay okey lang, sasabihin ko sa iyo na huwag mong ilagay ang iyong pitaka sa iyong balakang . . . Dapat mong kilalanin ang sakit ng . . . mga saloobin ng lipunan at ingatan mo ang iyong sarili na mabiktima nila.” Ang payo ng Bibliya sa gayon ay napapanahon. Ito’y nagpapayo sa mga babae na “gayakan ang kanilang mga sarili ng damit na mabuti ang pagkakaayos, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”(1 Timoteo 2:9) Magdamit nang may kahinhinan, at malamang na hindi ka maging tudlaan ng mapang-abusong pananalita o kilos.
3. Mag-ingat sa iyong mga kasama! Binabanggit sa atin ng Bibliya ang tungkol sa isang dalagang nagngangalang Dina na naging biktima ng seksuwal na pagsalakay. Maliwanag na natawag niya ang pansin ng sumalbahe sa kaniya sapagkat siya’y regular na “lumalabas upang tingnan ang mga anak na babae ng lupain” ng Canaan—mga babaing kilala sa pagiging mahalay! (Genesis 34:1, 2) Gayundin naman sa ngayon, kung ikaw ay regular na nakikipag-usap—o nakikinig—sa mga kamanggagawa na kilala sa mga usapang nakasentro sa sekso, ang ilan ay maaaring maghinuha na ayos lang sa iyo ang seksuwal na pagsasamantala.
Hindi naman ito nangangahulugan na dapat mong supladahan ang iyong mga kasama sa trabaho. Subalit kung ang usapan ay nagiging mahalay o marumi, bakit hindi basta umalis? Kapansin-pansin, nasumpungan ng maraming Saksi ni Jehova na ang pagkakaroon ng mabuting pangalan dahil sa mataas na mga pamantayang moral ay nag-iingat sa kanila mula sa panliligalig.—1 Pedro 2:12.
4. Iwasan ang nakakokompromisong mga kalagayan. Binabanggit sa atin ng Bibliya kung paanong ang isang binatang nagngangalang Amnon ay nagpakana na mapag-isa na kasama ng isang dalagang nagngangalang Tamar upang mapagsamantalahan siya sa seksuwal na paraan. (2 Samuel 13:1-14) Ang mga nanliligalig sa ngayon ay maaaring kumilos sa gayunding paraan, marahil ay inaanyayahan ang isang nakabababang kasama sa trabaho na makisama sa kaniya sa pag-inom ng inuming nakalalasing o magpaiwan sa trabaho pagkatapos ng trabaho nang walang kadahilanan. Mag-ingat sa gayong mga paanyaya! Sabi ng Bibliya: “Ang matalino ay siyang nakakakita ng kasakunaan at nagkukubli.”—Kawikaan 22:3.
Kung Ikaw ay Nililigalig
Mangyari pa, ang ilang kalalakihan ay di-wastong magsasamantala kahit na kung ang isang babae ay gumagawi nang walang kamalian. Paano ka dapat tumugon sa gayong mga pagsasamantala kung ikaw ang pinupuntirya? Inirekomenda ng ilan ang basta pakikitungo sa bagay na ito nang hindi nagagalit! ‘Ang sekso sa opisina ang nagpapasaya sa buhay!’ sabi ng isang babae. Subalit, malayung-malayong ituring ang gayong di-angkop na atensiyon bilang nakatatawa o labis-labis na papuri, kinamumuhian ito ng tunay na mga Kristiyano. Kanilang ‘kinamumuhian ang balakyot’ at natatalos nila na ang layon ng gayong mga pagsasamantala ay karaniwan nang upang hikayatin ang isa sa seksuwal na imoralidad. (Roma 12:9; ihambing ang 2 Timoteo 3:6.) Kaya nga, ang magaspang na pag-uugali ay isang lantarang paghamak sa kanilang Kristiyanong dignidad. (Ihambing ang 1 Tesalonica 4:7, 8.) Paano mo haharapin ang gayong mga kalagayan?
1. Manindigan! Sinasabi sa atin ng Bibliya kung paanong ang taong may takot sa Diyos na nagngangalang Jose ay tumugon sa imoral na mga mungkahi: “Ngayon pagkatapos ng mga bagay na ito ay nangyari nga na ang asawang babae ng kaniyang panginoon ay nagsimulang magtaas ng kaniyang mata tungo kay Jose at nagsabi: ‘Sipingan mo ako.’” Basta ba hindi pinansin ni Jose ang kaniyang mga mungkahi, inaasahang ang problema ay mawawala sa ganang sarili? Hindi nga! Ang Bibliya ay nagsasabi na may katapangang tinanggihan niya ang kaniyang mga pang-aakit, na ang sabi: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at aktuwal na magkasala laban sa Diyos?”—Genesis 39:7-9.
Ang iginawi ni Jose ay nagbigay ng isang mabuting halimbawa kapuwa sa mga kalalakihan at kababaihan. Ang hindi pagpansin sa—o mas masahol pa, ang ikaw ay takutin ng—nagpapahiwatig ng malaswang pananalita o agresibong paggawi ay bihirang nagtataboy rito; bagkus, ang takot o pagkakimî ay maaari lamang magpalalâ rito! Ang tagapayo tungkol sa pag-iwas sa panghahalay na si Martha Langelan ay nagbababala na kadalasang ginagamit ng mga manghahalay ang seksuwal na panliligalig bilang isang “paraan upang alamin kung ang isang babae ba ay manlalaban sa isang pagsalakay; kung siya’y walang imik at matatakutín kapag nililigalig, ipinalalagay nila na siya ay magiging walang imik at matatakot nang husto kapag sinalakay.” Kaya nga mahalaga na ikaw ay manindigan sa unang tanda ng panliligalig. Ayon sa isang manunulat, “ang pagtanggi karaka-raka at malinaw ay kadalasang sapat na upang pahintuin ang nanliligalig sa nakayayamot na ugali.”
2. Hayaang ang inyong hindi ay hindi! Sinabi iyan ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mateo 5:37) Ang kaniyang pangungusap ay angkop sa mga kalagayang ito, yamang ang mga manliligalig ay kadalasang lubhang makulit. Kailangang maging gaano ka katatag? Depende iyan sa mga kalagayan at sa pagtugon ng nanliligalig. Gamitin mo ang anumang antas ng katatagan na kinakailangan upang maintindihan niya ang iyong katayuan. Sa ilang kaso, ang isang payak, tuwirang pananalita sa isang mahinahong tono ng boses ay sapat na. Tingnan siya sa mata. Iminumungkahi ng mga dalubhasa ang sumusunod: (a) Sabihin mo ang iyong mga nadarama. (“Hindi ko naiibigan kapag ikaw ay . . .”) (b) Espesipikong banggitin mo ang nakasusuyang paggawi. (“. . . kapag gumagamit ka ng bastos, bulgar na pananalita . . .”) (c) Liwanagin mo kung ano ang gusto mong gawin ng tao. (“Nais kong ihinto mo ang pakikipag-usap sa akin ng ganiyan!”)
“Gayunman, sa anumang kalagayan,” babala ni Langelan, “ang komprontasyon ay hindi dapat na mauwi sa pakikipag-away. Ang kontra-salakay (ang paggamit ng mga insulto, banta, at berbal na pag-abuso, pagsuntok, pagdura sa isang nanliligalig) ay hindi mabuti. Ang marahas na pananalita ay mapanganib, at hindi naman kailangang gumamit ng pisikal na karahasan malibang may aktuwal na pisikal na pagsalakay na nangangailangan ng pagtatanggol sa sarili.” Ang gayong praktikal na payo ay kasuwato ng mga salita sa Bibliya sa Roma 12:17: “Huwag gumanti ng masama para sa masama sa kaninuman.”
Kumusta naman kung ang panliligalig ay nagpapatuloy sa kabila ng iyong pagsisikap na itigil ito? Ang ilang kompanya ay nagtakda ng mga patakaran para sa pakikitungo sa seksuwal na panliligalig. Karaniwang ang banta lamang ng pagsisimula sa patakaran ng kompanya para magreklamo ay magpapangyari sa nanliligalig sa iyo na lubayan ka. Subalit, maaari ring hindi. Nakalulungkot sabihin, ang pagkasumpong ng isang madamaying superbisor ay hindi laging madaling gawin alin man sa kababaihan o sa kalalakihan. Si Glen, na nagsasabing siya’y niligalig ng isang empleadong babae, ay nagreklamo. Ganito ang gunita niya: “Nang sabihin ko sa boss ang tungkol dito, wala akong tinanggap na tulong. Sa katunayan, inaakala niyang ito’y nakatatawa. Nag-iingat na lamang ako sa babae at sinisikap kong iwasan siya.”
Sinubok naman ng ilan ang legal na pagkilos. Subalit ang napakalaking kabayaran sa mga demanda na nababasa mo sa media ay hindi pangkaraniwan. Isa pa, ang aklat na Talking Back to Sexual Pressure ay nagbababala: “Ang legal na mga lunas laban sa panliligalig ay nangangailangan ng totoong matatag na emosyon at panahon; ito’y nagbubunga ng kaigtingan sa katawan at gayundin sa isipan.” Taglay ang mabuting dahilan ang Bibliya ay nagbababala: “Huwag kang magsagawa ng legal na kaso nang padalus-dalos.” (Kawikaan 25:8) Pagkatapos isaalang-alang ang emosyonal at espirituwal na halaga ng legal na pagkilos, minamabuti ng ilan na humanap ng ibang trabaho.
Ang Wakas ng Panliligalig
Ang seksuwal na panliligalig ay hindi bago. Ito ay pangkaraniwan na gaya ng di-sakdal, nagpapakana, sakim na puso ng tao. Hindi aalisin sa lipunan ng mga kaso sa Komisyon at sa hukuman ang seksuwal na panliligalig. Ang pag-aalis ng seksuwal na panliligalig ay nangangailangan ng isang mabisang pagbabago ng puso sa mga tao.
Sa ngayon, ang Salita ng Diyos at ang kaniyang espiritu ang lumilikha ng gayong pagbabago sa mga tao sa buong daigdig. Para bang ang mga lobo at ang mga leon ay natututong gumawi na parang mga kordero at mga guya, gaya ng inihula ni propeta Isaias. (Isaias 11:6-9) Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya sa mga tao, taun-taon ang mga Saksi ni Jehova ay tumutulong sa libu-libong dating ‘mga lobo’ na gumawa ng malalim, nagtatagal na mga pagbabago sa personalidad. Sinusunod ng mga taong ito ang utos ng Kasulatan na “alisin ninyo ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi” at palitan ito ng “bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.”—Efeso 4:22-24.
Balang araw ang lupa ay mapupunô ng mga lalaki’t babae na nanghahawakan sa mga pamantayan ng Bibliya. Ang mga taong may takot sa Diyos ay buong pananabik na naghihintay sa araw na iyon, kapag matatapos na ang lahat ng uri ng maling pakikitungo. Hanggang sa panahong iyon, hinaharap nila sa abot ng kanilang makakaya ang pangit na mga katotohanan sa ngayon.
[Talababa]
a Ang babala ni Pablo sa 1 Corinto 7:1 na “huwag humipo sa babae” ay maliwanag na tumutukoy sa seksuwal na pakikipagtalik, hindi sa karaniwang paghipo. (Ihambing ang Kawikaan 6:29.) Sa konteksto, hinihimok ni Pablo ang pananatiling walang asawa at nagbababala laban sa pagsasagawa ng seksuwal na imoralidad.—Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa The Watchtower ng Enero 1, 1973.
[Blurb sa pahina 7]
“Nais mo bang marinig iyan ng iyong ina, kapatid na babae, o anak na babae?”
[Larawan sa pahina 8]
Ang seryoso o pormal na pakikitungo at mahinhing pananamit ay malaki ang magagawa upang ingatan ang isa mula sa panliligalig
[Larawan sa pahina 10]
Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay natututong makitungo sa isa’t isa sa magalang na paraan