Isang Patotoo sa Kanilang Pananampalataya
NASAKSIHAN ng taóng 1995 ang ika-50 anibersaryo ng paglaya sa mga kampong piitan ng Nazi. Sa buong Europa, inalaala ng mga biktima ng Nazi ang okasyong ito na may malalaking pagtitipon na dinaluhan ng mga pinuno ng Estado ng Auschwitz, Bergen-Belsen, Buchenwald, Dachau, Ravensbrück, Sachsenhausen, at iba pang kampo. Ang isang kaisipan na paulit-ulit na nangingibabaw ay, “Nawa’y huwag nating limutin kailanman ang nangyari!”
Sa dahilang ito ang mga Saksi ni Jehova ay nagtanghal ng mga eksibisyon sa Europa noong taon ng anibersaryo. Marami sa mga Saksi ang ikinulong ng pamahalaan ni Hitler dahil sa kanilang pagtanggi na sumaludo kay Hitler at sumuporta sa digmaan. Mula 1933 patuloy, libu-libo sa kanila ang nakulong, at marami ang namatay bunga ng pagtrato na kanilang tinanggap.
Gayunman, ang kanilang mga karanasan ay pangkaraniwan nang hindi batid ng publiko. Dito nagmula ang kasabihang “nalimutang mga biktima ng kasaysayan.” Isang grupo ng mga nakaligtas na Saksi ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na ingatan sa alaala ang kanilang mga pamilya at mga kasama na pinag-usig, ibinilanggo, pinahirapan, o pinatay at upang ipaalam ang patotoo ng pananampalataya at tibay ng loob na iniwan ng mga Bibelforscher na ito, ang pangalan na siyang pagkakakilanlan ng mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan.
Noong Setyembre 29, 1994, ang United States Holocaust Memorial Museum, sa Washington, D.C., ay nagdaos ng isang seminar may kinalaman sa mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan. Dalawang malalaking nagpapagunitang reunyon ang ginanap sa Pransiya ng mga nakaligtas sa kampo, noong Marso 28, 1995, sa Strasbourg at noong Marso 30, sa Paris. Talaga namang makabagbag damdamin na mapakinggan ang may edad na ngayong mga lalaki at babae na ito, tapat pa rin sa Diyos pagkalipas ng 50 taon, na naglalahad ng kanilang mga karanasan. Noong Abril 27, isang katulad na miting ang ginanap malapit sa Berlin, sa Brandenburg, Alemanya, kung saan maraming Saksi ang pinatay sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo. Nang sumunod na araw, ang ilan sa nakaligtas ay dumalo sa mga seremonya na inorganisa ng Estado ng Brandenburg at bumisita sa iba’t ibang mga kampo.
Ang Eksibisyong Pranses
Sa mga reunyon na ito, isang eksibisyon na may temang “Mémoire de Témoins” (Patotoo ng Saksi) ang itinanghal. Mula Mayo 1995 hanggang Abril 1996, ito’y lumibot sa 42 lunsod sa Pransiya at sa iba’t ibang lunsod sa Belgium at mga lugar sa Switzerland na nagsasalita ng Pranses. Higit sa lahat, ang mga lalaki at babae sa eksibisyon ay mga Saksi ng Diyos na Jehova. Subalit sila rin ay mga saksi ng pagdurusa na binatá nila at ng iba pa sa mga kampong piitan. Sila’y mga buháy na patotoo ng isang ideolohiya ng pagtatangi na nagdulot ng pagdurusa at kamatayan ng milyun-milyon katao dahil sa kanilang lahi o relihiyon. Isa pa, ang patotoo ng mga Saksi ay naghahantad kung paanong mas pinili pa ng umano’y mga Kristiyano ang huwad na mesiyas, si Hitler, sa halip na si Jesu-Kristo; ang poot sa halip na pag-ibig sa kapuwa; at ang karahasan sa halip na kapayapaan.
Ang eksibisyon ay binuo ng halos 70 panel, nagpapasimula sa talaan ng panahon ng mga pangyayari—ang pagbubukas ng mga kampo sa Dachau at Oranienburg, noong Marso 1933; ang Nuremberg Laws upang “ingatan ang dugong Aleman,” noong Setyembre 1935; ang Anschluss, o ang pagsasanib ng Austria sa Alemanya, noong Marso 1938; ang Kristallnacht (Gabing Kristal), noong Nobyembre ng taon ding iyon, ang panahon na ang libu-libong tindahan ng Judio ay dinambong at mahigit na 30,000 katao ang inaresto at ipinatapon; ang unti-unting pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova; ang paglusob ng Unyong Sobyet, noong Hunyo 1941; at ang euthanasia (pagkitil sa maysakit sa paraang walang pagdurusa dahil sa awa) sa mga maysakit sa isip, mula 1939 hanggang 1941.
Itinampok ng ilang panel ang pagdodoktrina sa mga kabataan sa Hitler Youth at ang panghalina anupat ang malalaking rali sa Nuremberg ay ginanap para sa mga tao. Ang mga larawan ay nagpagunita sa pagtanggi ng mga Saksi ni Jehova na manumpa ng katapatan sa führer at sumaludo kay Hitler. Ipinakita ng ibang panel kung paanong ang mga Saksi ni Jehova ay naging mga biktima ng maling impormasyon at kung paano, sapol noong 1935, sila’y namahagi ng mga magasin at mga tract na naghahantad sa pagmamalabis ng Nazi.
Mga Personal na Karanasan
Halos 40 panel ang gumunita sa mga karanasan ng karaniwang mga lalaki at babae mula sa buong Europa na pinag-usig at pinatay pa nga dahil sa kanilang pananampalataya. Sinuportahan pa ng mga nakaligtas ang eksibisyon sa pamamagitan ng pagiging naroroon nila mismo, at ang mga bisita ay matamang nakinig sa kanila. Namangha ang mga bata habang si Louis Arzt ay naglahad ng kaniyang kuwento. Katutubo mula sa Mulhouse sa Pransiya, siya’y kinuha sa kaniyang mga magulang at dinala sa Alemanya dahil sa pagtanggi na magsabing “Heil Hitler!” sa paaralan. “Binugbog ako ng isang sundalong SS dahil sa pagtangging sumaludo kay Hitler. Hinataw niya ako ng 30 ulit. Pagkalipas ng dalawang araw ay inakbayan niya ako at sinikap na siluin ang aking damdamin. ‘Isipin mo ang iyong ina. Maliligayahan siya nang husto na makita ka. Ang gagawin mo lamang ay magsabi ng “Heil Hitler!” at makasasakay ka na sa tren pauwi.’ Napakahirap niyaon para isang bata na ang edad ay 12,” sabi pa niya. Marami ang nabagbag ang damdamin sa mga karanasan ni Joseph Hisiger na ipinagpalit ang kaniyang isang linggong rasyon ng tinapay para sa Bibliya ng kaniyang kasama sa bilangguan na isang Protestante.
Ang mga panayam na naka-video tape kasama ang dating mga tapon ay isa pang tampok ng eksibisyon. Ang ilang panayam ay ginawa mismo sa mga kampo—halimbawa, sa Ebensee sa Austria at sa Buchenwald at Sachsenhausen sa Alemanya. Nairekord sa iba pang mga panayam ang iba’t ibang kalagayan ng buhay sa kampo o ang mga alaala ng ipinatapong mga Saksi na mga bata.
Ang Pasinaya
Isang maikling seremonya ang nagbukas sa bawat pagtatanghal ng eksibisyon, na sa panahong ito isang kinatawan ng dating mga ipinatapon ang nagpaliwanag ng espirituwal na pagtanggi ng mga Saksi ni Jehova sa Nazismo. Ang mga di-Saksi na ipinatapon gayundin ang ilang mananalaysay at mga opisyal, kasali na ang Pranses na dating ministro ng pamahalaan, ay may kabaitang tumanggap din sa mga paanyaya na magtalumpati.
Isang dating tapon na nakilala ang mga Saksi ni Jehova sa Buchenwald ay nagsabi hinggil sa kanila: “Hindi ko alam ang anumang kategorya ng mga ipinatapon, maliban sa mga Judio, na kahiya-hiya ring pinagmalupitan: binugbog, hiniya, ininsulto, binigyan ng pinakamasamang mga gawain. Kung wala silang pananampalataya, hindi nila makakayanan ang mga ito. Ako’y may napakalaking paggalang at paghanga sa kanila.”
Mga Reaksiyon
Mahigit na 100,000 katao ang bumisita sa eksibisyon. Sa ilang lugar daan-daan katao, kabilang ang maraming kabataan, ang nakapila upang makapasok sa bulwagan ng eksibisyon. Maraming bisita ang nagpahayag ng kanilang damdamin sa ilang salita sa aklat na para sa mga bisita. Halimbawa, isang kabataan ang sumulat ng ganito: “Ang pangalan ko ay Sabrina. Ako’y sampung taóng gulang at ibig kong maging kasintapang ni Ruth upang mapalugdan ko si Jehova.”a
Ang media ay nagsalita rin tungkol sa eksibisyon. Sa pangkalahatan, sa bawat bayan isa o dalawang artikulo ang lumitaw sa lokal na pahayagan. Karagdagan pa, kalimitang ipinaaalam sa madla ng mga lokal na istasyon ng radyo ang eksibisyon at isinasahimpapawid ang mga programa na nagtatampok ng mga panayam sa dating mga tapon. Ang telebisyon sa rehiyon ay nagtanghal ng maiikling ulat. Binanggit ng isang balita sa telebisyon ang eksibisyon bilang “isang simple subalit kakila-kilabot na salaysay na sumuri sa kaibuturan ng nakapanghihilakbot na mga bagay. Isang ‘Patotoo ng Saksi’ na nagpipitagan sa karangalan na hindi kailanman mapapawi.”
Para sa mga nakaligtas na buháy sa ika-50 anibersaryo ng paglaya ito’y mananatiling nakaukit sa kanilang mga isipan. Bagaman masakit na magunita ang mapait na kahapon, sa pamamagitan ng pagbahagi nito sa iba at paggunita sa halos limot nang mga alaala, napalakas ng mga Saksi ang pananampalataya ng iba. Itinuring nila ito na isang pribilehiyo na makasali sa eksibisyong ito at maalis ang ilang pagtatangi at kawalang-kabatiran na nananatili pa rin paglipas ng 50 taon. Higit sa lahat, natamo nila ang kaligayahan mula sa pagkaalam na ang kanilang patotoo ay nagdudulot ng karangalan sa kanilang Diyos, si Jehova, at tumitiyak na hindi kailanman malilimutan ng iba kung ano ang kanilang binatá bilang kaniyang mga Saksi.
[Talababa]
a Si Ruth Danner ay naging tapon sa edad na siyam kasama ng kaniyang mga magulang at ibinilanggo sa anim na iba’t ibang kampo. Tingnan ang 1980 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 105.
[Larawan sa pahina 16]
Binatikos ng mga artikulo sa “The Golden Age” ang mga pagmamalabis ng Nazismo
[Larawan sa pahina 16]
Halos 70 panel ang nagsalaysay ng pag-uusig ng Nazi sa mga lalaki, babae, at mga bata na tumangging itatwa ang kanilang pananampalataya
[Larawan sa pahina 16, 17]
Naglahad ng kanilang kuwento ang ilan sa mga Saksi ni Jehova na ipinatapon at ibinilanggo ng pamahalaan ni Hitler