Likas na mga Sakuna—Pagtulong sa Iyong Anak na Harapin Ito
MGA lindol, buhawi, sunog, baha, bagyo—gayon na lamang tayo kaawa-awa kapag napaharap sa galit ng kalikasan! Kalimitang nasusumpungan ng mga nasa hustong gulang na maaaring mga taon bago maglaho ang nakatatakot na mga alaala na inukit ng karanasan ng isang sakuna ng kalikasan. Hindi kataka-taka, ang mga bata ay maaaring mangailangan ng tulong upang makabawi mula sa gayong mga karanasan.
Sinabi ng Federal Emergency Management Agency (FEMA) ng Estados Unidos na pagkatapos na pagkatapos ng isang malaking sakuna, karaniwang ang mga bata ay natatakot na (1) maiwang mag-isa, (2) sila’y mapahiwalay sa pamilya, (3) mangyari muli ang sakuna, at (4) may masasaktan o masasawi. Ano ang maaari mong gawin bilang isang magulang upang mabawasan ang kabalisahan ng iyong anak pagkatapos ng malaking sakuna? May ganitong mga mungkahi ang FEMA.a
Sikaping pisanin ang buong pamilya. Ang pagsasama-sama ay nagbibigay ng katiyakan sa iyong anak at nagbabawas ng kaniyang pagkatakot na iwanan. Makabubuting huwag iwan ang mga anak sa mga kamag-anak o mga kaibigan o sa isang evacuation center habang humihingi ka ng tulong. “Ang mga bata ay nababalisa,” sabi ng FEMA, “at sila’y nag-aalala na hindi na babalik ang mga magulang.” Kung ikaw man ay may pupuntahan, ipagsama ang iyong anak hangga’t maaari. Sa gayong paraan “ang [iyong] anak ay hindi gaanong magkakaroon ng ugaling laging nakabuntot.”
Gumugol ng panahon upang ipaliwanag ang kalagayan sa mahinahon at matatag na paraan. Sabihin sa iyong anak kung ano ang iyong nalalaman tungkol sa malaking sakuna. Kung kinakailangan, ulitin nang ilang beses ang iyong paliwanag. Ipakita kung ano ang susunod na mangyayari. Halimbawa, maaari mong sabihin, ‘Mamayang gabi sama-sama tayong mananatili sa silungan.’ Makipag-usap sa mga bata na pantay sa kanilang mata, lumuhod kung kinakailangan.
Himukin ang iyong anak na magsalita. “Ang komunikasyon ang pinakanakatutulong sa pagbawas ng kabalisahan ng bata,” ang pagbibigay pansin ng FEMA. Pakinggan kung ano ang sinasabi ng bawat bata sa iyo tungkol sa malaking sakuna at sa kaniyang mga kinatatakutan. (Ihambing ang Santiago 1:19.) Sabihin sa kaniya na normal lamang na matakot. Kung ang iyong anak ay waring alumpihit na ipahayag ang kaniyang sarili, ipaalam sa kaniya na natatakot ka. Ang paggawa ng gayon ay magpapadali para sa kaniya na ipahayag ang kaniya mismong mga pagkatakot, sa gayo’y mababawasan ang kaniyang kabalisahan. (Ihambing ang Kawikaan 12:25.) “Kung posible, isangkot ang buong pamilya sa pag-uusap.”
Isama ang mga bata sa paglilinis. Kapag naglilinis at nagkukumpuni ng bahay, atasan ang mga bata ng sarili nilang mga gawain. “Ang pagkakaroon ng gawain ay makatutulong sa kanila na maunawaan na ang lahat ng bagay ay magiging maayos naman.” Gayunman, ang isang batang paslit ay nangangailangan ng pantanging atensiyon. Ganito ang paliwanag ng FEMA: “Ang gayong bata ay maaaring mangailangan ng higit na pangangalaga sa pisikal, kalungin lagi; at gagawin nitong mahirap para sa mga magulang na gumawa ng iba pang bagay na dapat gawin. Nakalulungkot, wala namang mas madaling paraan. Kapag hindi natugunan ang mga pangangailangan ng bata, mananatili ang problema sa mas mahabang panahon.”
Isang pangwakas na bagay ang dapat isaisip. Ganito ang payo ng FEMA sa mga magulang: “Sa katapus-tapusan, ikaw ang dapat magpasiya kung ano ang pinakamabuti para sa iyong mga anak.” Ang pagkakapit ng mga alituntuning ito ay makatutulong sa iyo na gawin ang pinakamabuti sa mahirap na kalagayan.
[Talababa]
a Hinalaw mula sa mga publikasyong Helping Children Cope With Disaster at Coping With Children’s Reactions to Hurricanes and Other Disasters, inilathala ng FEMA.