Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 7/8 p. 16-19
  • Ang Tulip—Isang Bulaklak na May Maunos na Kahapon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Tulip—Isang Bulaklak na May Maunos na Kahapon
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tulip ng Olandes na May Silanganing Pinagmulan
  • Pagkahumaling sa Tulip​—Isang Maunos na Yugto
  • Ang Malaking Pag-ibig ay Nagpatuloy
  • Nakatulong sa Kanila ang mga Tulip Upang Makaligtas
    Gumising!—2000
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
  • Bawang
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • “Sakdal na Liwanag”
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 7/8 p. 16-19

Ang Tulip​—Isang Bulaklak na May Maunos na Kahapon

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NETHERLANDS

“KAPAG sumasapit na ang tagsibol sa Holland, para bang libu-libong ektarya . . . ang nabubuhay,” sabi ng Netherlands Bureau for Tourism. Walang anu-ano, sa biglang pagsibol ng kulay, matitingkad na hanay ng namumukadkad na mga tulip ang sumasagana sa ibayo ng kabukiran, lumilikha ng pagkarikit-rikit na mga bulaklak na umaakit sa mga turista mula sa buong mundo. Para sa karamihan ng mga bisita, ang mayuyumi at kilalang mga hardin ng bulaklak na ito ay Olandes din ang dating na gaya ng mga windmill, keso, at bakya. Subalit alam mo ba na ang talagang pinagmulan ng mga tulip ay sa Turkey?

Mga Tulip ng Olandes na May Silanganing Pinagmulan

Inilalarawan sa mga palamuti sa Turkey noon pang ika-12 siglo ang mga tulip, subalit binabanggit ng mga literatura sa Europa ang mga tulip sa kauna-unahang pagkakataon noong mga taon ng 1550, sabi ng botanikong si Adélaïde L. Stork. Noong 1553 isang manlalakbay mula sa Pransiya ay sumulat na “ang nagtatakang mga banyaga” ay bumili ng di-pangkaraniwang “pulang mga lily na may malalaking ulo ng sibuyas” sa mga pamilihan ng Constantinople (Istanbul). Tinawag ng mga tagaroon ang bulaklak na dülbend, na nangangahulugang “turban” sa wikang Turko, at ang salitang iyan, paliwanag ni Dr. Stork, ang “pinagmulan ng salitang ‘tulip’. ”

Isa sa mga banyagang nagtataka sa tulad-turban na mga bulaklak na ito ay si Ogier Ghislain de Busbecq, ang Austrianong embahador sa Turkey (1555-62). Kumuha siya ng ilang ulo ng tulip mula sa Constantinople patungo sa Vienna, kung saan ang mga ito’y itinanim sa mga halamanan ni Ferdinand I, ang emperador ng Hapsburg. Doon ang mga ulo ng tulip ay dumami sa ilalim ng bihasang pangangalaga ni Charles de L’Écluse​—isang botanikong Pranses na mas kilala sa kaniyang pangalang Latin, Carolus Clusius.

Di-nagtagal, ang kabantugan ni Clusius ay nakatawag ng pansin sa Leiden University sa Netherlands, na humimok sa kaniya na maging curator o tagapangasiwa ng harding botanikal ng pamantasan. Noong Oktubre 1593, si Clusius​—at ang “nakatagong mga ulo ng tulip”​—ay dumating sa Leiden. Pagkalipas ng mga buwan, noong tagsibol ng 1594, ang bagong hardin ni Clusius ang naging tampok na lugar para sa kauna-unahang tulip na kailanma’y namulaklak sa Netherlands.

Pagkahumaling sa Tulip​—Isang Maunos na Yugto

Ang matitingkad na kulay at kakaibang mga hugis ng tulip ay nakahalina sa mga Olandes. Ang romantikong mga kuwento tungkol sa labis-labis na halagang inilagay ng mga sultan na Turko sa mga ulo ng tulip ay nagpangyari sa mga ito na mithiin ng bawat mamamayang nasa mataas na kalagayan sa lipunan. Hindi nagtagal, ang pagtatanim ng mga ulo ng tulip ay naging malakas-kumitang negosyo, at nang ang kahilingan ay dumami kaysa maitutustos, tumaas nang husto ang mga presyo ng mga ulo ng tulip at siyang pinasimulan ng maunos na yugto anupat tinawag ito ng mga mananalaysay na Olandes na tulpenwoede, o pagkahumaling sa tulip.

Ang pagkahumaling sa tulip ay umabot sa tugatog nito noong mga taon ng 1630 nang ang mga ulo ng tulip ay naging mabili. Noong mga kaarawang iyon, sabi ng istoryador sa sining na si Oliver Impey, mas mura pang bumili ng isang pinta ng tulip na iginuhit ni Jan D. de Heem (isang dakilang Olandes na pintor ng still life noong ika-17 siglo) kaysa bumili ng pambihirang ulo ng tulip. Ang isang ulo ng tulip ay tinatanggap bilang dote para sa isang babaing ikakasal, ang tatlong ulo ay halaga ng isang bahay sa tabi ng bambang, at ang isang ulo ng uring Tulipe Brasserie ay ipinagpalit sa isang maunlad na gawaan ng serbesa. Ang mga negosyante ng ulo ng tulip ay kumikita ng mga $44,000 (U.S., sa pera sa ngayon) sa loob ng isang buwan. “Sa mga bahay-panuluyan at mga pampublikong bahay sa palibot ng Holland,” sabi ng isang pinagmulan ng impormasyon, “ang usapan at mga transaksiyon ay nakasentro sa iisa lamang bagay​—ang mga ulo ng tulip.”

“Ang patuloy na pagtaas ng mga presyo ang tumukso sa maraming ordinaryo na may katamtamang kita at mahihirap na pamilya na makipagsapalaran sa negosyo ng tulip,” sabi pa ng The New Encyclopædia Britannica. “Ang mga bahay, lupa, at mga industriya ay isinanla upang makabili ng mga ulo ng tulip para maipagbili sa mas matataas na presyo. Ang mga pagbebenta at mga pagbebenta-muli ay ginawa nang maraming ulit nang hindi nawawalan ng tanim na mga ulo ng tulip.” Ang malaking halaga ng salapi ay nadodoble sa isang kisap-mata. Ang mahihirap na tao ay yumaman; ang mayayaman ay lalo pang yumaman. Ang pagnenegosyo ng ulo ng tulip ay pinagkaguluhang negosyo ng mga ibig kumita hanggang sa di-inaasahan, noong 1637, mas marami na ang nagtitinda kaysa mamimili​—at bumagsak ang negosyo. Halos tila ba sa buong magdamag, ang libu-libong Olandes ay naghirap mula sa pagiging mayaman.

Ang Malaking Pag-ibig ay Nagpatuloy

Gayunman, ang malaking pag-ibig sa tulip ay nakabawi mula sa kasunod na kinalabasan ng pagkahumaling sa tulip, at ang negosyo ng ulo ng tulip ay umunlad muli. Sa katunayan, noong ika-18 siglo, gayon na lamang kabantog ang mga tulip ng mga Olandes anupat ang Turkong sultan, si Ahmed III, ay nag-angkat ng libu-libong tulip mula sa Holland. Kaya pagkatapos ng mahabang paglalakbay, ang mga supling ng mga tulip na Olandes mula sa mga tulip ng Turkey ay nagbalik muli sa pinagmulan ng mga ito. Sa ngayon, ang pagtatanim ng mga tulip sa Netherlands ay naging pangunahing industriya​—o magandang negosyo, gaya ng sabi ng ilan. Sa 34,000 kilometro kudradong sukat ng lupa ng bansa, mga 7,700 ektarya ang ginagamit para sa pagtatanim ng ulo ng tulip. Sa bawat taon, ang 3,300 nagtatanim sa bansa ay nagluluwas ng halos dalawang bilyong ulo ng tulip sa mahigit na 80 bansa.

Bagaman ang tulip ay may maunos na nakaraan, ang malaking pag-ibig ng tao sa paboritong ito sa hardin ay hindi naglaho. Sa buong mga dantaon ang magandang bulaklak na ito ay umantig sa damdamin ng mga dalubsining, makata, at mga siyentipiko upang mabihag ang eleganteng hugis at kaakit-akit na mga kulay nito sa mga canvas at mga papel. Ipinangalan sa isa sa mga ito, isinulat ng ika-18 siglong siyentipiko na si Johann Christian Benemann, ang isang monograph sa Aleman tungkol sa tulip, tinagurian niya ang salaysay na Die Tulpe zum Ruhm ihres Schöpffers, und Vergnügung edler Gemüther (Ang Tulip Para sa Kaluwalhatian ng Maylikha Nito at sa Kasiyahan ng May Maringal na Isipan). Para sa kaniya at sa ibang mga awtor, sabi ni Adélaïde Stork, ang tulip “ay hindi lamang isang bagay sa kamay ng isang hardinero, kundi ipinababanaag nito ang kadakilaan at kaluwalhatian ng Maylikha.” Kung titingnan ang mayuming bulaklak na ito, mahihirapan kang hindi sumang-ayon.

[Kahon sa pahina 18]

Kung Paano Magtanim ng Iyong mga Tulip

HANGGA’T may sapat na suplay ng tubig, halos lahat ng uri ng lupa ay angkop. Gayunman, mas magiging madali ang pagtatanim sa pamamagitan ng paghahalo ng lupang pang-ibabaw na may buhangin, bulok na mga halaman, o abono.

Itanim ang mga ulo ng tulip kung taglagas. May dalawang paraan upang gawin ito: Maaari kang humukay para sa bawat indibiduwal na ulo ng tulip, o maaari kang gumawa ng isang taniman ng binhi upang minsanang itanim ang lahat ng ulo ng tulip.

Isang alituntunin para sa pagtatanim ng mga ulo ng tulip: Ang lalim ng pagtatamnan ay dapat na doble ng taas ng ulo ng tulip. Nangangahulugan iyan na ang pinakadulo ng ulo (malapad na bahagi) ay dapat na dalawampung centimetro ang lalim sa lupa. Ilagay ang mga ulo ng tulip na labindalawang centimetro ang pagitan.

Takpan ang mga ulo ng tulip ng hinukay na lupa, at diligin agad upang makapagsimulang tumubo. Sa makapal na niyebe ang isang suson ng bulok na halaman o ginawang mulch na mga dahon ang makapag-iingat sa mga ulo ng tulip at maiingatan din nito ang lupa mula sa pagkatuyot. Alisin ang mulch sa tagsibol kapag unang umusbong na ang mga supang.

Putulin ang mga bulaklak mismo kapag lumaylay ang mga talulot; kung hindi, ang halaman ay magbibinhi at mawawalan ng pagkain ang ulo ng tulip na kinakailangan para sa susunod na taon na paglaki. Hayaang likas na malanta ang mga dahon, at alisin ito kapag nanilaw ang mga dahon.

Sa halip na ang karaniwang pagtatanim ng ulo ng tulip kung saan-saan, itanim ang mga ulo ng tulip na may iisang uri at kulay nang magkakasama sa mga grupo. Sa paraang iyan makalilikha ka ng sari-saring tumpok ng kulay at lubusang masisiyahan sa obramaestra ng mga bulaklak sa iyong hardin.​—International Flower Bulb Centre, Holland/National Geographic.

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Pahina 16 ibaba: Nederlands Bureau voor Toerisme; Itaas sa kaliwa, gitna, at itaas sa kanan: Internationaal Bloembollen Centrum, Holland; Pahina 17 ibaba: Nederlands Bureau voor Toerisme/Capital Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share