Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 8/8 p. 18-19
  • Dapat Ka Bang Matakot sa Patay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dapat Ka Bang Matakot sa Patay?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Laganap ang Pagkatakot sa Patay
  • Maaari Ka Bang Saktan ng Patay?
  • Dapat Mo Bang Katakutan ang Patay?
    Gumising!—2009
  • Ang Pagsamba ba sa Ninuno ay Para sa mga Kristiyano?
    Gumising!—1989
  • Espiritismo
    Gumising!—2014
  • Dapat Bang Parangalan ang mga Patay?
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 8/8 p. 18-19

Ang Pangmalas ng Bibliya

Dapat Ka Bang Matakot sa Patay?

IBANGON mo ang paksa tungkol sa patay, at maraming tao ang umiiwas na pag-usapan pa ito. Gayunman, ang ilan ay hindi basta naaasiwa sa paksa; sila’y sinasaklot pa nga ng takot. Kaya karaniwan nang masumpungan ang mga kaugalian at mga ritwal na may kaugnayan sa pagkatakot sa patay sa mga kultura sa buong mundo. Halimbawa, suriin natin ang mga kaugalian na masusumpungan sa karatig na lugar sa rehiyon ng Sahara sa Aprika.

Tandang-tanda pa ng isang babae sa isang lunsod sa Kanlurang Aprika kung ano ang nangyari pagkamatay ng isang miyembro ng kaniyang pamilya. Ang sabi niya: “Isang kamag-anak ang laging naghahanda ng isang plato ng pagkain para sa yumao at inilalagay ito nang maingat sa kaniyang silid-tulugan. Kapag wala siya, pupunta ako at ako mismo ang kakain ng pagkain. Kapag bumalik ang kamag-anak, masayang-masaya siya! Naniniwala siya na tinanggap ng patay ang kaloob. Ito’y nagpatuloy sa loob ng ilang panahon hanggang sa ako’y nagkasakit. Nawalan ako ng gana anupat hindi na ako makakain ng anumang pagkain. Nataranta ako dahil dito! Marami sa aking mga kamag-anak ang naghinuha na ang aking sakit ay likha ng aming patay nang kamag-anak. Siya’y maaaring galit sa isa sa pamilya, inisip nila.”

Sa lunsod ding iyon, kung ang pamilya ay may kambal at namatay ang isa, walang sinuman ang maaaring bumanggit tungkol sa yumao sa tahanan. Kung may magtanong tungkol sa kakambal na namatay, karaniwang ganito ang sagot ng pamilya: “Bumili lang siya ng asin.” Matindi ang paniwala nila na babawiin ang buhay ng nabubuhay pang kakambal kung sasabihin ang totoo.

Susunod, ilarawan ang eksenang ito: Isang lalaki na may tatlong asawa ang namatay. Makalipas ang isang araw pagkalibing, ang pantanging puting damit ay ginagawa para sa mga asawang babae. Gayundin naman, isang pantanging lugar na yari sa kahoy at pawid ang itinatayo malapit sa bahay, kung saan ang mga babaing ito ay maliligo at magbibihis ng puting damit. Walang sinuman ang papasok sa lugar na iyon maliban sa kanila at isang babae na inatasang tumulong sa kanila. Paglabas sa pantanging paliguan na ito, ang mukha ng mga babae ay tatakpan ng belo. Ang mga babae ay nagsusuot din ng sebe, isang lubid na kuwintas para sa “proteksiyon.” Ang seremonyal na paliligo ay ginagawa tuwing Biyernes at Lunes sa loob ng 100 araw. Sa panahong ito wala silang kukuning anumang bagay nang tuwiran mula sa isang lalaki. Kung ibig ng isang lalaki na bigyan sila ng isang bagay, ilalagay muna niya ito sa lapag o sa isang mesa. Saka ito kukunin ng babae. Walang sinuman ang pahihintulutan na maupo o matulog sa kama ng mga babaing ito. Sa tuwing aalis sila sa tahanan, ang bawat isa ay dapat na magdala ng pantanging patpat. Ipinalalagay nila na ang pagkakaroon ng patpat na ito ay makahahadlang sa kanilang namatay na asawang lalaki na salakayin sila. Kung ang nabanggit na mga tagubilin ay hindi sinunod, inaakala nila na ang yumaong asawang lalaki ay magagalit at mananakit sa kanila.

Ang gayong mga karanasan ay karaniwan sa bahaging iyan ng daigdig. Gayunman, ang mga uring ito ng kaugalian ay karaniwan sa Aprika.

Laganap ang Pagkatakot sa Patay

Isang ensayklopidiya, ang Encarta, ang nagsabi ng sumusunod kung paano minamalas ng maraming tao ang kanilang patay nang mga ninuno: “Ang yumaong mga kamag-anak . . . ay ipinalalagay na nagiging makapangyarihang espiritung mga nilalang o, di-malimit, nakapagtamo na ng kalagayan ng mga diyos. [Ang kaisipang ito] ay nakasalig sa paniwala na ang mga ninuno ay aktibong mga miyembro ng lipunan, interesado pa rin sa mga bagay sa buhay ng kanilang nabubuhay na mga kamag-anak. Ito’y totoong dokumentado sa mga lipunan sa Kanlurang Aprika (ang Bantu at ang Shona), sa Polynesia at Melanesia (ang Dobu at ang Manus), kabilang sa ilang taong mga Indo-Europeo (ang sinaunang mga taga-Scandinavia at mga Aleman), at lalo na sa Tsina at Hapón. Sa pangkalahatan, ipinalalagay na ang mga ninuno ay humahawak ng dakilang kapangyarihan, na may pantanging lakas upang maimpluwensiyahan ang mga pangyayari o makontrol ang kapakanan ng kanilang nabubuhay na mga kamag-anak. Ang proteksiyon sa pamilya ang isa sa kanilang mga ikinababahala. Sila’y itinuturing na namamagitan sa pagitan ng kataas-taasang diyos, o ng mga diyos, at ng mga tao, at maaaring makipagtalastasan sa mga buháy sa pamamagitan ng mga panaginip at kapag inaalihan. Ang saloobin sa kanila ay pinaghalong takot at paggalang. Kung pinabayaan, maaaring magdulot ng sakit o iba pang kapahamakan ang mga ninuno. Ang pagpapalubag, pagsusumamo, pananalangin, at paghahain ay iba’t ibang paraan kung saan ang nabubuhay ay maaaring makipagtalastasan sa kanilang mga ninuno.”

Kaya naman, ang kita ng pamilya ay maaaring masaid dahil sa takot sa patay. Kalimitan, ang marangyang mga seremonya ay nangangailangan ng pagkain at inumin, buháy na mga hayop para ihain, at ang mamahaling kasuutan ay hinihiling ng mga taong may malakas na paniwala na dapat katakutan ang patay.

Subalit talaga bang ang patay na mga kamag-anak o mga ninuno ay nasa kalagayang humihiling ng pagkatakot at paggalang? Ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya?

Maaari Ka Bang Saktan ng Patay?

Maaaring maging interesado kang malaman na kinikilala ng Bibliya ang gayong mga paniwala. Sa aklat ng Deuteronomio, ang mga gawaing may kaugnayan sa pagkatakot sa patay ay binanggit. Ganito ang sabi: “Huwag makasusumpong ng sinuman sa inyo na . . . nanghuhula o sinuman na sumasangguni sa isang espiritung medium o propesyonal na manghuhula ng mga pangyayari o ng sinuman na sumasangguni sa patay. Sapagkat ang sinuman na gumagawa ng mga bagay na ito ay karumal-dumal kay Jehova.”​—Deuteronomio 18:10-12.

Pansinin na hinatulan ng Diyos na Jehova ang gayong mga ritwal. Bakit? Sapagkat ang mga ito’y nakasalig sa kasinungalingan. Ang pangunahing kasinungalingan hinggil sa patay ay ang bagay na patuloy na nabubuhay ang kaluluwa. Halimbawa, ganito ang sinabi ng magasing The Straight Path tungkol sa nangyayari sa patay: “Ang kamatayan ay wala kundi ang pag-alis ng kaluluwa. . . . Ang libingan ay lalagyan lamang ng katawan, hindi ng kaluluwa.”

Ang Bibliya ay hindi sumasang-ayon. Basahin mo ang Ezekiel 18:4: “Narito, lahat ng kaluluwa ay sa akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, ganoon din ang kaluluwa ng anak ay sa akin: ang kaluluwa na nagkakasala, ito ay mamamatay.” (King James Version) Gayundin, ang kalagayan ng patay ay maliwanag na sinabi sa Salita ng Diyos sa Eclesiastes 9:5: “Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit kung para sa mga patay, sila’y walang kamalayan sa anuman.” Ito ang nagpapaliwanag kung bakit ang pagkain na iniwan para sa patay ay hindi kinain maliban na ito’y kainin ng isang buháy.

Gayunman, ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng pag-asa para sa mga nasa libingan. Sila’y maaaring mabuhay muli! Sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa “pagkabuhay-muli.” (Juan 5:28, 29; 11:25; Gawa 24:15) Ito’y magaganap sa itinakdang panahon ng Diyos. Samantala, ang mga patay ay nakahimlay nang walang malay sa libingan, ‘natutulog,’ hanggang sa panahong sila’y “gisingin” ng Diyos.​—Juan 11:11-14; Awit 13:3.

Karaniwang kinatatakutan ng mga tao ang hindi nila nalalaman. Ang tumpak na kaalaman ay makapagpapalaya sa isang tao mula sa walang saligang mga pamahiin. Sinasabi sa atin ng Bibliya ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga nasa libingan. Sabihin pa, hindi mo kailangang katakutan ang patay!​—Juan 8:32.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share