Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 2/8 p. 10-11
  • Dapat Bang Parangalan ang mga Patay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dapat Bang Parangalan ang mga Patay?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Ritwal na Batay sa Maling Paniniwala
  • Isang Timbang na Pangmalas
  • Mali Bang Papurihan ang Patay?
  • Kristiyanong Pangmalas sa mga Kaugalian sa Paglilibing
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Makakristiyanong Burol at Libing—Marangal, Simple, at Nakalulugod sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Ano ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova Tungkol sa Burol at Libing?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
  • Mag-ingat sa mga Kaugaliang Hindi Nakalulugod sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 2/8 p. 10-11

Ang Pangmalas ng Bibliya

Dapat Bang Parangalan ang mga Patay?

“ISANG MALALIM ANG PAGKAKAUGAT NA DAMDAMIN ANG NAG-UUDYOK SA KARAMIHAN NG MGA TAO NA IGALANG ANG BANGKAY NG TAO NA HINDI NADARAMA SA ISANG PATAY NA HAYOP.”​—ENCYCLOPÆDIA BRITANNICA.

PINARARANGALAN ng karamihan ng mga tao ang kanilang namatay na mga mahal sa buhay sa iba’t ibang paraan. Pinararangalan ang mga patay sa mga obituwaryo sa mga pahayagan, at sila’y pinupuri sa mga parangal sa patay. Karaniwan na sa ilang bansa ang magarbong mga libing na may relihiyoso o tradisyonal na mga ritwal. Maaaring tumagal ng ilang araw, linggo, o buwan ang mga seremonya para sa patay. Ang mga paaralan, paliparan, lansangan, at bayan ay isinusunod sa pangalan ng kilalang mga taong namatay na. Nagtatayo ng mga monumento at nagtatatag ng mga kapistahan upang alalahanin ang mga bayani.

Subalit, ayon sa Salita ng Diyos, ang mga patay ay lubusang walang kabatiran sa anumang parangal na ipinatutungkol sa kanila. (Job 14:10, 21; Awit 49:17) Buháy lamang ang mga patay sa alaala niyaong mga nakaaalaala sa kanila. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Ang Kasulatan ay nagbibigay ng pag-asa ng pagkabuhay-muli na mangyayari sa hinaharap. (Juan 5:28, 29; 11:25) Subalit bago dumating ang panahong iyan, ang mga patay ay hindi umiiral. Literal silang nagiging alabok.​—Genesis 3:19; Job 34:15.

Dahil sa maliwanag na paninindigan ng Bibliya may kinalaman sa kalagayan ng mga patay, may anumang layunin ba na parangalan sila? Dapat bang sundin ng mga Kristiyano ang tradisyonal na mga kaugalian na nauugnay sa libing at paglilibing ng mga mahal sa buhay?

Mga Ritwal na Batay sa Maling Paniniwala

Marami, marahil ang karamihan, ng tradisyonal na mga ritwal na nauugnay sa mga patay ay malalim na nauugat sa mga relihiyosong turo na wala sa Bibliya. Nilayon ang ilang ritwal na “pangalagaan ang namatay mula sa pagsalakay ng demonyo; kung minsan ang layon ng mga ritwal ay upang bantayan ang mga buháy upang hindi mahawa sa katangian ng patay o sa masamang hangarin ng patay,” sabi ng Encyclopædia Britannica. Tuwirang salungat sa mga katotohanan ng Bibliya ang anumang kaugaliang ito na batay sa maling paniniwala na ang mga patay ay nabubuhay sa di-nakikitang dako.​—Eclesiastes 9:10.

Pinagpipitaganan ng maraming tao ang kanilang mga patay. Kasali sa uring ito ng pagsamba ang paghahandog ng mga hain at mga panalangin sa mga namatay na ninuno. Hindi ipinalalagay niyaong mga nagsasagawa ng mga ritwal na ito ang kanilang mga pagkilos bilang pagsamba kundi, bagkus, bilang kapahayagan ng pagpipitagan o matinding paggalang sa mga patay. Gayunman, ang uring ito ng debosyon sa mga patay na ninuno ay may relihiyosong suhay at salungat sa mga turo ng Bibliya. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.”​—Lucas 4:8.

Isang Timbang na Pangmalas

Ang pagpaparangal at paggalang sa mga patay ay hindi laging nauugnay sa huwad na mga turo ng relihiyon. Halimbawa, binabanggit ng isang ulat sa Bibliya kung paano pinarangalan ang tapat na si Haring Hezekias pagkamatay niya. “Inilibing siya [ng bayan ng Diyos] sa sampahan patungo sa mga dakong libingan ng mga anak ni David; at karangalan ang iniukol sa kaniya ng buong Juda at ng mga tumatahan sa Jerusalem sa kaniyang kamatayan.” (2 Cronica 32:33) Isa pang halimbawa ang tungkol kay Jesus. Sinasabi ng Bibliya na “kinuha [ng kaniyang mga alagad] ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga benda na may mga espesya, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paghahanda para sa libing.”​—Juan 19:40.

Ang Kasulatan ay naglalaman ng maraming iba pang kaso kung saan sinunod ang pantanging pamamaraan may kinalaman sa bangkay at sa libing ng mga patay. Ang mga gawaing ito ay hindi pagsamba sa mga ninuno, ni batay man ito sa maling paniniwala na patuloy na naiimpluwensiyahan ng mga patay ang pamumuhay ng mga buháy. Bagkus, ang mga nagdadalamhati ay nagpapakita ng matinding paggalang sa kanilang mga minamahal. Hindi tinututulan ng Bibliya ang gayong paggalang, yamang batay ito sa likas na damdamin ng tao, bagaman hindi inirerekomenda ng Bibliya ang labis-labis o di-mapigil na pagpapalahaw ng iyak sa libing. Sa kabilang dako, hindi nito hinihimok ang mga Kristiyano na maging matigas ang loob at tahimik kapag napaharap sa kamatayan ng isang minamahal.

Kaya, kapag dumadalo sila sa libing o sa paglilibing ng kanilang mga mahal sa buhay, ang mga Saksi ni Jehova ay nag-uukol ng wastong paggalang at pagpaparangal sa patay. (Eclesiastes 7:2) May kinalaman sa mga bulaklak, mga serbisyo sa libing, at iba pang lokal na kaugalian, ang mga Kristiyano ay gumagawa ng maingat na mga personal na pasiya upang maiwasan ang mga gawain na salungat sa mga turo ng Bibliya. Sa bagay na ito, kailangan ang mabuting pagpapasiya at pagkakatimbang. Ang Encyclopædia of Religion and Ethics ay nagpapaliwanag na “ang isang ritwal ay nagbabago ng kahulugan at kahalagahan sa pana-panahon, kaya ang kahulugang iniuugnay rito sa dakong huli ay maaaring lubhang kakaiba sa kung ano ito dati, at ang popular na paliwanag tungkol dito ay maaaring walang anumang sinasabi tungkol sa pinagmulan nito.”a

Mali Bang Papurihan ang Patay?

Kapit din ang simulain ng pagiging timbang sa bagay tungkol sa pagbibigay ng papuri sa patay. Sa mga serbisyo sa libing, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na aliwin ang mga naulila. (2 Corinto 1:3-5) Maaaring kalakip sa isang pormal na programa ang isa o higit pang tagapagsalita. Subalit magiging di-angkop na gawin ang okasyon na isang mahabang parada ng mga magbibigay ng papuri anupat lubhang purihin ang namatay. Sa halip, ang libing ay nagbibigay ng pagkakataon upang purihin ang kahanga-hangang mga katangian ng Diyos, pati na ang kaniyang kabaitan sa pagbibigay sa atin ng pag-asa ng pagkabuhay-muli.

Gayunman, hindi ito nangangahulugan na maling alalahanin ang mabubuting katangian ng namatay sa panahon ng diskurso sa libing. (Ihambing ang 2 Samuel 1:17-27.) Kung ang namatay ay naging tapat sa Diyos hanggang kamatayan, siya’y nagiging isang mainam na halimbawa upang tularan. (Hebreo 6:12) Makabubuting pagmuni-munihin ang landasin ng nag-iingat ng katapatan na mga lingkod ng Diyos. Ang pagsasabi sa iba ng positibong mga kaisipang ito kung panahon ng serbisyo sa libing ay nagbibigay ng kaaliwan sa mga buháy at nagpaparangal sa alaala ng mga patay.

Hindi sinasamba ng mga tunay na Kristiyano ang mga patay. Hindi sila nakikibahagi sa popular na mga ritwal na salungat sa mga katotohanan ng Bibliya. Sa kabilang dako, itinatakwil ng mga lingkod ng Diyos ang sukdulang pangmalas na sapagkat ang mga patay ay alabok lamang, lahat ng mga kaugalian sa libing ay walang-saysay at hindi kinakailangan. Nagdadalamhati sila at inaalaala ang kanilang mga patay. Subalit ang kanilang kirot at lumbay ay naiibsan ng mga katotohanan sa Bibliya na ang mga patay ay hindi naghihirap at na may pag-asa ng pagkabuhay-muli.

[Talababa]

a Ang labas ng Oktubre 15, 1991 ng Ang Bantayan, pahina 31, ay nagbibigay ng sumusunod na tuntunin: “Ang dapat isaalang-alang ng isang tunay na Kristiyano ay: Ang pagsunod ba sa isang kaugalian ay nagpapakilala sa iba na ako’y sumusunod sa mga paniwala o mga kaugalian na labag sa Kasulatan? Ang yugto ng panahon at lokasyon ay makaiimpluwensiya sa sagot. Ang isang kaugalian (o disenyo) ay baka may huwad na relihiyosong kahulugan libu-libong taon na ngayon ang lumipas o maaaring may gayong kahulugan sa ngayon sa isang malayong lupain. Subalit huwag nang gumawa ng pagsusuring umuubos-panahon, kundi tanungin ang iyong sarili: ‘Ano ba ang karaniwang paniwala sa lugar na kinatitirhan ko?’​—Ihambing ang 1 Corinto 10:25-29.”

[Larawan sa pahina 10]

Parada ng libing bilang pagpaparangal kay Gustav II, hari ng Sweden, pagkamatay niya noong 1632

[Credit Line]

Mula sa aklat na Bildersaal deutscher Geschichte

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share