Pagpapadagta Mula sa Goma—Isang Trabahong Nakaaapekto sa Iyong Buhay
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria
SA IKALIMA ng umaga, ang masinsing kagubatan sa Nigeria ay madilim at malamig. Sa isang bahay na yari sa blokeng putik sa gitna ng kagubatan, si John ay gumigising at nagbibihis. Saka siya umaalis sa kadiliman ng gabi, dala-dala ang isang lampara, isang plastik na balde, at isang maikling kutsilyo na may kurbadang talim. Sa susunod na apat na oras, siya’y magpapalipat-lipat sa mga puno, habang hinihiwa ang balat ng bawat puno.
Ito ang una sa isang mahabang sunud-sunod na pangyayari na maaaring sa wakas ay makaapekto sa iyong buhay. Paano? Sapagkat ang mga puno na hinihiwa ni John ay mga puno ng goma. At ang goma, na may kakayahang bumura ng mga marka ng lapis ang isa sa pinakamahalaga at malawakang ginagamit na yaman.
Libu-Libong Produkto
Isipin lamang ang papel na ginagampanan ng goma sa iyong buhay. Ang mga suwelas at takong ng iyong sapatos ay maaaring yari sa goma. Ang sapin ng iyong alpombra at muwebles ay maaaring may foam na goma. Ang garter sa iyong damit ay malamang na yari sa goma. Kapag umuulan, maaaring kunin mo ang isang kapote at bota na yari sa goma. Lalangoy ka ba? Ang mga wet suit, goggles, at mga panyapak na parang palikpik ay nagtataglay ng goma. Ayaw mong lumangoy? Marahil ay pipiliin mong magpalutang sa isang balsang goma o maglaro ng bolang yari sa goma. Sa iyong tahanan malamang na may mga lastiko, pamburang goma, at pandikit na goma. Pagtulog mo mamayang gabi, maaaring ikaw ay mahihiga sa isang kutson at unan na yari sa mga produktong goma. Kung ikaw ay nilalamig, maaaring yapusin mo ang isang lalagyang yari sa goma na may lamang mainit na tubig.
Bukod pa sa lahat ng mga bagay na iyan, maraming produkto na tiyak na hindi gagana nang husto kung walang mga bahaging gawa sa goma—mga sapatilya, koreya, gasket, pandilig, rollers, o mga balbula. Ang karaniwang kotse, halimbawa, ay may halos 600 piyesang yari sa goma. Lahat-lahat, ayon sa The World Book Encyclopedia, sa pagitan ng 40,000 at 50,000 produktong goma ang ginagawa.
Bakit gamit na gamit ang goma? Ito’y matagal masira, matibay sa init, nababanat, matibay sa tubig, hindi pinapasok ng hangin, at nakapagbabawas ng tigtig. Kuning halimbawa ang gulong, ito man ay sa bisikleta, sa sasakyang de motor, o sa eruplano. Dahil sa ito’y goma, ang gulong ay hindi agad-agad nasisira kahit patuloy ang paggulong, ni ito man ay masusunog dahil sa laging pagkiskis. Kung ikaw ay nagmamaneho sa lusak, hindi ka matatakot na baka mamasâ at mabulok ang gulong; hindi rin ito maaagnas. Hindi lamang pinipigil ng takip na goma ang tubig na pumasok sa gulong kundi hinahadlangan din nitong sumingaw ang hanging de presyon sa loob ng gulong. Bukod pa riyan, habang ikaw ay umaandar, ang katangian ng goma na makabawas sa tigtig sa iyong mga gulong ay tumutulong upang hindi mo gaanong madama ang mga tigtig dahil sa mga lubak sa daan. Tunay, kung walang goma, ang mga tagagawa ay mahihirapang gumawa ng gulong.
Kaya marahil ay sasang-ayon ka na ang mga tagapagdagta mula sa goma na gaya ni John ay naglalaan ng isang mahalagang serbisyo na nakaaapekto sa ating buhay sa mabuting paraan. Mangyari pa, hindi lahat ng goma ay galing sa mga puno. Ang sintetik na goma, gawa mula sa mga kemikal, ay may malaking bahagi sa industriya. Ang dalawang uring ito ng goma ay may kani-kaniyang lakas at kahinaan. Maaaring gamitin ng maraming produkto ang alinmang uri, at ang pagpili ay kadalasang napagpapasiyahan sa pamamagitan ng kasalukuyang halaga. Ang ibang produkto ay gumagamit ng pinaghalong sintetik at likas na goma. Karamihan ng mga gulong ng kotse ay may higit na sintetik na goma kaysa likas na goma. Subalit, dahil sa ang sintetik na goma ay hindi gaanong matibay sa init, ang mas maraming sukat ng likas na goma ay ginagamit sa mga gulong ng mga kotseng pangkarera, trak, bus, at eruplano.
Pagpapadagta Mula sa Puno
Ang mga puno ng goma ay pinakamabuting tumutubo sa mainit, maulang klima malapit sa ekwador. Karamihan ng likas na goma ng daigdig ay galing sa mga taniman ng goma sa Timog-silangang Asia, lalo na sa Malaysia at Indonesia. Ang iba pa ay galing sa Timog Amerika gayundin sa Kanluran at Gitnang Aprika.
Hindi pinadadagta ni John ang isang puno hanggang ito ay halos anim na taon na. Pagkatapos niyan ang puno ay mapagkukunan ng goma sa susunod na 25 hanggang 30 taon at tataas ng halos 20 metro. Kapag “nagretiro” ang puno ng goma sa paglalabas ng dagta, ito ay maaaring patuloy na lumaki, hanggang sa taas na 40 metro, at ito ay maaaring umabot ng 100 taon o higit pa.
Ang goma mula sa puno ay higit na mistulang gatas kaysa gulong ng kotse. Ang malagatas na sangkap na ito, na tinatawag na latex, ay nagtataglay ng pagkaliliit na mga butil ng goma. Halos 35 porsiyento ng latex ay goma. Ang natitira ay tubig na.
Upang makuha ang latex, si John ay gumagawa ng pahilis na hiwa sa balat ng puno. Ang hiwang ito ay umaabot sa kalahati ng paligid ng puno. Maingat siya na huwag pakalaliman ang hiwa, yamang ito’y makapipinsala sa puno. Ang latex ay dumadaloy karaka-raka pagkatapos mahiwa; ito’y tumutulo sa uka na nagawa ng hiwa at nagtutungo sa tasang yari sa kawayan na ikinabit ni John sa puno. Ang daloy ay nagpapatuloy sa loob ng dalawa o tatlong oras; pagkatapos ito ay humihinto na.
Pagkalipas ng isa o dalawang araw, kapag pinadagta na muli ni John ang puno, hihiwa na naman siya sa ibaba lamang ng naunang hiwa. Sa susunod ay hihiwa na naman siya sa ibaba ng isang iyon. Sa wakas, isang panel ang nahihiwa mula sa balat ng puno. Ngayon ay padadagtain naman ni John ang isa pang bahagi ng puno, anupat pinapangyayaring gumaling nang lubusan ang panel para sa pagpapadagta sa hinaharap.
Mabilis magtrabaho si John, na nagpapalipat-lipat na mag-isa sa tahimik na kagubatan, hinihiwa ang mga puno upang dumaloy ang latex. Sa dakong huli, muli niyang binabalikan ang bawat puno at isinasalin sa kaniyang balde ang latex na natipon. Pagkatapos, dinaragdagan ni John ng formic acid at tubig ang latex. Pinalalapot at kinukulta nito ang latex kung paanong kinukulta ng suka ang gatas. Saka isinusunong ni John ang balde ng latex sa kaniyang ulo tungo sa pangunahing daan, kung saan kinokolekta ito ng isang trak mula sa kalapit na pagawaan na nagpoproseso ng goma.
Si John ngayon ay umuuwi ng bahay upang maligo, kumain, at magpahinga. Sa dakong hapon, pag-alis niya muli ng kaniyang bahay, siya ay bihis na bihis at may bitbit na portpolyo. Sa pagkakataong ito siya ay hindi magpapalipat-lipat sa puno kundi sa bahay-bahay. Bilang isang regular payunir na ministro, si John ay lubusang nakikibahagi sa gawaing pangangaral at paggawa ng alagad.
Habang idinaraos ni John ang kaniyang unang pag-aaral sa Bibliya nang araw na iyon, ang latex na tinipon niya ay makararating na sa pagawaan na nagpoproseso nito. Doon ang goma ay inihihiwalay mula sa tubig, patutuyuin, at sisiksikin sa mga paldo para ilulan. Di-magtatagal at ito ay patungo na sa Inglatera, Hapón, o sa Estados Unidos. Ang pambuong-daigdig na industriya ng likas na goma ay gumagawa ng mahigit na limang milyong tonelada ng goma taun-taon. Bagaman mahirap mangyari, may posibilidad na ang goma sa suwelas ng iyong susunod na pares ng sapatos ay manggaling sa isang puno na pinadagta ni John.
[Larawan sa pahina 18]
Si John kung saan siya’y nagpapadagta ng puno ng goma
[Larawan sa pahina 20]
Si John ay nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano