Opera sa Gubat
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Brazil
TUMITINGIN sa bintana ng eroplano, nakita namin ang dalawang ilog na nagsasalubong—ang Solimões na manilaw-nilaw na abo ang kulay at ang ilog Negro na kulay itim na kayumanggi. Nang magtagpo ang mga ito, hindi ito naghahalo nang lubusan hanggang mga sampung kilometro pababa. Malapit dito, lumapag ang eroplano sa Manaus, ang kabisera ng Estado ng mga Amazona sa Brazil.
“May dalawang panahon dito,” sabi ng mga tao ng Manaus. “Umuulan araw-araw, o umuulan maghapon.” Subalit hindi nahahadlangan ng ulan ang 1.5 milyong naninirahan sa pagmamadali sa lunsod na ito ng pagkakaiba. Dumaraan sa maunlad sa teknolohiyang mga industriya sa malapad na mga abenida at sa mga bahay at mga gusali ng apartment sa maburol na mga lansangan, di-nagtagal ay naroon na kami sa masikip na trapiko sa sentro ng lunsod, kung saan nakatatawag ng pansin ang nagtataasang mga gusali at malapalasyong mga monumento. Naunawaan namin kung bakit ang Manaus ay dating tinatawag na Paris ng gubat. Gayunman, isang magandang gusali ang lalo nang nakatawag ng pansin—ang opera house.
“May mga opera house sa maraming dako,” sabi ni Inês Lima Daou, ang direktor ng teatro, “ngunit ang Teatro Amazonas ay naiiba. Ito’y nasa liblib na dako.” Paano ngang ang gayong kagandahan ay napunta sa gitna ng pinakamalaking maulang gubat ng daigdig?
Ang Koneksiyon sa Goma
Noong 1669, itinatag ng Portuges na si Kapitan Francisco da Mota Falcão ang isang kuta sa gubat na pinanganlang Fortaleza de São José do Rio Negro. Pagkatapos ng ilang pagpapalit ng pangalan, noong 1856 ito’y muling pinanganlang Manaus sunod sa tribong Indian ng rehiyon na tinatawag na Manáos. Noong 1900, 50,000 katao ang dumagsa sa Manaus. Ano ang umakit sa pulutong na ito? Ang Hevea brasiliensis, o ang puno ng goma, katutubo sa lunas ng Amazon.
Napansin ng mga mananakop na Portuges na ang mga Indian ay naglalaro ng mabibigat na bola na yari sa dagta ng mga puno. Nang maglaon, nakita ng mga mananakop ang isa pang gamit ng malagatas na likido. Noong 1750, ipinadadala ni Haring Dom José ng Portugal ang kaniyang mga bota sa Brazil upang gawing di-tinatablan ng tubig. Noong 1800, ang Brazil ay nagluluwas ng mga sapatos na goma sa New England sa Hilagang Amerika. Subalit, ang pagkatuklas ni Charles Goodyear ng bulkanisasyon noong 1839 at ang patente ni John Dunlop ng goma na ginagamitan ng hangin noong 1888 ay nag-udyok sa ‘pagdagsa para sa goma.’ Kailangan ng daigdig ang goma.
Di-nagtagal pagkatapos niyan, halos 200,000 taga-Brazil ang nagtrabaho bilang seringueiros, o nagpapadagta ng puno ng goma, pinadadagta ang 80 milyong puno ng goma na nakakalat sa maulang gubat sa palibot ng Manaus.
Ang nakalululang mga taóng iyon ng kayamanan ay nagdala ng kuryente, telepono, at sasakyang trambiya pa nga sa bayan—ang kauna-unahan sa Timog Amerika. Ang mga negosyante ng goma ay nagtayo ng mga mansiyon at gumagamit ng mga mantel at serbilyetang yari sa linong inangkat pa sa Ireland, at ang kanilang mga pamilya ay pabalik-balik sa Europa upang masiyahan sa kultura nito—pati na ang opera. Di-nagtagal, gusto nila ang isang opera house na gaya niyaong nasa Europa.
Paglipat ng Maliliit na Bahagi ng Europa
Nagkatotoo ang pangarap noong 1881, nang ang lunsod ay pumili ng isang dako sa isang burol sa pagitan ng dalawang nagsangang-ilog na malapit sa simbahan at napaliligiran ng gubat. Pagkatapos, ang mga barkong may lulang mga materyales sa pagtatayo ay tumawid sa Karagatang Atlantiko at nagpatuloy ng 1,300 kilometro pa sa Ilog ng Amazon hanggang sa Manaus.
Subalit sandali lang! Ano ang ginagawa ng simburyong ito sa neoklasikong kayariang ito? Oo, hindi ito bahagi ng orihinal na proyekto, subalit isa sa mga inhinyero ang nagpunta sa isang fair sa Pransiya, nakita ang simburyo, nagustuhan ito, at binili ito. Halos 36,000 kulay berde at dilaw na tisang yari sa Alemanya ang ginamit upang mapalamutian ang simburyo.
Ang awditoryum na hugis-bakal ng kabayo ay makapaglalaman ng 700 silyang ang likod ay yari sa yantok na nasa ibabang palapag, 12 silya sa opisyal na palko, at 5 upuan sa bawat isa sa 90 pribadong palko sa tatlong balkonahe sa itaas. Upang makakuha ng mga pribadong palko, ang mayayamang pamilya ay nagkaloob ng 22 Griegong nililok na mga molde, na inilagay sa ibabaw ng mga haligi upang parangalan ang Europeong mga kompositor, musikero, at dramaturgo.
Ang kaliwanagan sa opera house ay gumagawa ritong isang natatanging eksibit. Nakabitin sa gitna ng awditoryum ang pagkalaki-laking tansong chandelier na gawa sa Pransiya at nagagayakan ng kristal na galing sa Italya. Maibababa ito para sa pagpapalit ng mga bombilya at para sa paglilinis. Ang 166 lamparang tanso ang ilalim na may 1,630 hugis-tulip na salamin ang nagpapaganda sa mga dingding at nagbibigay-liwanag sa mga larawang ipininta.
Si Crispim do Amaral, isang ika-19-na-siglong pintor na taga-Brazil na nakatira sa Paris at nag-aral sa Italya, ang nagpinta sa bubong ng apat na eksena—opera, sayaw, musika, at trahedya. Nagtagumpay siya sa pagbibigay ng ilusyon na para kang nakatayo sa ilalim ng Eiffel Tower. Sa kurtina sa entablado na yari sa kanbas, iginuhit niya ang isang eksotikong tema—ang pagtatagpo ng dalawang ilog na umaagos sa Amazon. Ang 100-taóng-gulang na kurtina ay hindi rumorolyo pataas kundi tumataas nang deretso sa simburyo—binabawasan ang pinsala sa iginuhit na larawan.
Nasa ikalawang palapag ang ballroom, kung saan sa bawat dulo ng silid, isang mataas na salamin na yari sa kristal na galing sa Pransiya ang nagpapabanaag sa 32 chandelier mula sa Italya. Ang ningning ay nagbibigay-liwanag sa mga ipinintang larawan ng hayop at halaman sa Amazon na iginuhit ni Domenico de Angelis, isang Italyanong pintor. Upang magtinging mas maringal, ang mga haligi ng cast iron ay pinalitadahan at pininturahan upang magtinging marmol. Katukin mo ang mukhang-marmol na mga barandilya sa balkonahe; ang mga ito’y kahoy. Ang makintab na sahig ay inilatag sa paraang Pranses, 12,000 piraso ng kahoy na pinag-agpang nang walang pako o pandikit. Ang tanging tampok na galing sa Brazil ay ang kahoy para sa mga sahig, upuan, at mesa. Nagugunita namin na ang lahat ay magiging komportable—at malamig. Bakit malamig?
Ang mga kantero ay naglagay ng panlatag na mga bato sa mga kalye sa palibot ng teatro sa ilalim ng latex-based na bagay. Matalinong sinusukluban nito ang ingay ng mga karwaheng hila-hila ng mga kabayo ng mga dumating nang huli. Nagpapahintulot din ito sa mga pinto na iwang bukas upang pumasok ang hangin sa mga silyang ang likod ay yantok upang maginhawahan mula sa init.
Mula sa Bumubulang Champagne Tungo sa mga Ulap na Nagbabanta ng Masama
Sa panimulang gabi noong 1896, umagos ang champagne sa mga bukal na nasa harap ng opera house habang bumubukas ang mga pinto. Ang proyektong ito ay gumugol ng 15 taon ng trabaho at nagkahalaga ng $10 milyon. Ito’y napakagandang teatro para sa magagandang tinig. Sa nagdaang mga taon ang mga umaawit nang solo o mga pangkat mula sa Italya, Pransiya, Portugal, at Espanya ang dumating upang magtanghal ng La Bohème ni Puccini at Rigoletto at Il Travotore ni Verdi. Bagaman ang tropikal na mga sakit na gaya ng kolera, malarya, at yellow fever ay nakapigil sa ilang tagapagtanghal na magtanghal doon, isa pang banta sa teatro ang bumangon—ang wakas ng malakas na negosyo ng goma. Ang mga ulap na nagbabanta ng masama ay malapit na sa Manaus.—Tingnan ang kahon na “Ang Pagkidnap na Pumatay sa Malakas na Negosyo ng Goma at Nagpatigil sa Opera.”
Noong 1923, ang monopolyo ng Brazil sa goma ay humina. Simbilis ng kidlat, nag-alisan sa bayan ang mayayamang negosyante, mapagsapalaran, mangangalakal, at mga nagbibili ng aliw, anupat humina ang kalakalan sa Manaus. At kumusta naman ang opera house? Ang mga idinugtong sa teatro ay naging mga bodega ng goma, at ang entablado ay ginamit para sa mga larong soccer!
Maluwalhating Panahon na Naman
Mula noon, ang Manaus ay naging puntahan ng mga turistang interesado sa ekolohiya na dumating upang galugarin ang mga hiwaga ng maulang gubat. Ang iba naman ay nagtungo roon ng ilang araw upang makahawak ng ahas, magpakain ng loro, o haplusin ang isang sloth. Ang pagbabalik sa dati ng opera house ay gagawa sa Manaus ng ibang uri ng pang-akit!
Sa gayon, noong 1974 ang teatro ay sumailalim sa magastos na pagkumpuni upang maingatan ang orihinal na istilo at gumawa ng teknikal na mga pagbabago. Nilinis ang mga ilaw, salamin, at mga muwebles. Ang mga teknisyan ay nagkabit ng isang sistemang hydraulic upang itaas at ibaba ang kinalalagyan ng orkestra. Naglagay sila ng bagong sahig sa entablado at bagong sistema ng patunog sa likod ng entablado, ilaw, at mga kagamitan sa video. Naglagay sila ng air conditioner sa ilalim ng mga silya sa unang palapag.
Pagkatapos ay ibinalik ng symphony orchestra mula sa Rio de Janeiro ang kultura sa teatro. Nang maglaon, ang kilalang mananayaw ng ballet na si Margot Fonteyn ay nagparangal sa entablado sa pamamagitan ng pagsayaw ng Swan Lake at iniwan ang kaniyang mga sapatos na pansayaw sa museo ng teatro.
Upang lalo pang maging maginhawa, maganda, at ligtas, higit pang pagkumpuni ang kailangan. Pagkatapos ng masusing pananaliksik at maingat na pagpaplano, 600 manggagawa at 30 teknisyan ang nagkulumpulan sa teatro sa loob ng apat na taon. Nasumpungan nila ang orihinal na kulay rosas sa ilalim ng walong patong na pintura. Ang simburyo ay kailangang baguhin. Inalis ang lumang tisa. Ang mga ito’y pinalitan ng katulad na bagong mga tisa na yari sa Brazil. Pinalitan ng pulang pelus na yari sa Pransiya ang apholster ng mga silya. Inayos ng scalpel at brotsa ang delikadong mga gawa ng sining at iginuhit na mga larawan. Nakalulungkot nga, sinira ng kahalumigmigan ang mga gawa ng sining sa mga pasilyo, kaya’t isang berdeng-jade na telang Tsino ang napili upang takpan ang mga entrepanyo. Bukod pa riyan, inanay ang mga haligi at mga barandilya sa balkonaheng yari sa kahoy. Upang mapatay ito, 3,640 galon ng pamatay-insekto ang itinurok sa kahoy.
Noong 1990, muling nagkaroon ng magagandang tinig sa napakagandang teatro. Pinarangalan ng mga aria ng sopranong taga-Brazil na si Celine Imbert at ng mga recital sa piyano ni Nelson Freire ang teatro.
Tunog ba iyon ng kuliling? Oo, ito ang tunog na nagsasabi sa atin na magsisimula na ang pagtatanghal sa loob ng limang minuto.
“Upang gunitain ang 100-taóng-gulang na Teatro Amazonas,” sabi ng direktor ng teatro na si Daou, “inanyayahan namin ang kilalang tenor na si José Carreras. Sinubok niya ang akostiks (‘ayos na ayos’).” Ang gabing iyon ay nagtapos sa pamamagitan ng isang sayaw sa ballroom. Ang mga kasayahan ay nagpatuloy sa pagdalaw ng konduktor na si Zubin Mehta, ng tenor na si Luciano Pavarotti, at ng isang pangkat na taga-Argentina na nagtanghal ng makulay na opera na Carmen.
Tumunog na ang kuliling para sa tatlong minuto. Mabuti pang maupo na tayo.
Maghapong ang 60 empleado ay nagpaparoo’t parito sa likod ng mga eksena upang maghanda para sa palabas. At magkakaroon pa ng maraming palabas—mga konsiyertong jazz, alamat, at mga dula. Subalit ngayong gabi, ito ay ballet.
Ang kuliling para sa isang minuto. Tumahimik kayo.
Kaya kailan ka pupunta sa opera house sa gubat?
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
Ang Pagkidnap na Pumatay sa Malakas na Negosyo ng Goma at Nagpatigil sa Opera
Noong 1876, si Henry Wickham, isang abenturerong kabataang Ingles, ang nag-isip ng isang pandaraya na nagpahina sa malakas na negosyo ng goma ng Brazil. Sa tulong ng mga Indian, “kinidnap” niya ang 70,000 primera klaseng mga binhi ng Hevea brasiliensis na nakuha sa gubat ng Amazon, inilulan ito sakay ng isang barkong pinaaandar ng singaw, at ipinuslit ito sa adwana ng Brazil na sinasabing ang mga ito’y “pambihirang mga sampol ng halaman para kay Reyna Victoria.” Inalagaan niya ito sa barko na tumawid sa Atlantiko at minadali ang paghahatid nito sa pamamagitan ng tren na pantanging inarkila tungo sa Royal Botanic Garden sa Kew, Inglatera, kung saan ang mga binhi ay sumibol pagkaraan ng ilang linggo. Mula roon, isinakay ito ng barko patungong Asia at itinanim sa matubig na lupa ng Ceylon at Malay Peninsula. Noong 1912, ang kinidnap na mga binhi ay lumaki tungo sa walang-sakit na mga taniman ng goma, at nang ang mga punong iyon ay magdakta, sabi ng isang pinagmumulan ng impormasyon, “ang malakas na negosyo ng goma ng Brazil [ay] bumagsak magpakailanman.”
[Mapa sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Manaus
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1995 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 15]
Hindi naghahalo ang dalawang ilog
[Larawan sa pahina 15]
Ang simburyo ng teatro—isang nakatutulong na palatandaan
[Larawan sa pahina 16]
Eleganteng gusali sa maulang gubat
[Larawan sa pahina 17]
Isa muling napakagandang teatro