Mga Katutubong Amerikano—Ang Wakas ng Isang Panahon
SINO ang hindi pa nakapanonood ng pangkaraniwang pelikulang koboy-at-Indian? Narinig na ng mga tao sa buong daigdig ang tungkol kina Wyatt Earp, Buffalo Bill, at ang Lone Ranger at ang mga Indian na sina Geronimo, Sitting Bull, Crazy Horse, at Chief Joseph, at marami pang iba. Ngunit gaano kaya kapani-paniwala ang pagsasalarawan ng Hollywood? At gaano katotoo ang kanilang pagkakalarawan sa mga Indian?
Ang kasaysayan ng pananakop ng mga Europeo sa mga Katutubong Amerikano (Indian) sa Hilaga ay nagbabangon ng mga tanong.a Makatarungan ba ang pagkakalarawan ng mga aklat ng kasaysayan sa mga Indian? May aral bang matututuhan tungkol sa kasakiman, paniniil, labanan ng lahi, at kabuktutan? Ano nga ba talaga ang tunay na ulat tungkol sa diumano’y mga koboy at Indian?
Ang Huling Paglaban ni Custer at ang Naganap na Walang-Awang Pagpuksa sa Wounded Knee
Noong taóng 1876, ang albularyong lalaki na si Sitting Bull ng Lakota (isa sa tatlong pangunahing dibisyon ng Sioux) ay isang lider ng popular na sagupaan sa Little Bighorn River, sa Montana. Kasama ang 650 sundalo, inakala ni Tenyente Koronel “Long Hair” Custer na madali niyang magagapi ang 1,000 mandirigmang Sioux at Cheyenne. Ito’y isang napakalaking pagkakamali. Siya’y napaharap sa malamang na pinakamalaking grupo ng mga Katutubong Amerikanong mandirigma na kailanma’y natipon—mga 3,000.
Hinati ni Custer sa tatlong grupo ang kaniyang ika-7 Hukbong-Kabayuhang Rehimyento. Sinalakay ng kaniyang grupo ang inakala niyang mahinang bahagi ng kampo ng mga Indian nang hindi naghintay ng tulong mula sa dalawa pang grupo. Sa pangunguna ng mga lider na sina Crazy Horse, Gall, at Sitting Bull, nilipol ng mga Indian si Custer at ang kaniyang pangkat na may mga 225 sundalo. Iyon ay isang pansamantalang tagumpay para sa mga lupain ng Indian ngunit isang mapait na pagkatalo naman para sa Hukbo ng E.U. Gayunman, 14 na taon lamang at sasapit naman ang isang nakapanghihilakbot na paghihiganti.
Nang dakong huli, sumuko si Sitting Bull, yamang siya’y pinangakuang ipawawalang-sala. Ngunit sa halip, siya’y ipiniit nang ilang panahon sa Fort Randall, Dakota Territory. Nang siya’y tumanda na, lumabas siya sa publiko sa naglalakbay na pagpapalabas ng Wild West ni Buffalo Bill. Ang bantog na lider noon ay naging isang anino na lamang ng dati’y maimpluwensiyang albularyo.
Noong 1890, si Sitting Bull (Pangalang Lakota, Tatanka Iyotake) ay binaril at napatay ng mga pulis na Indian na isinugo upang arestuhin siya. Ang mga pumatay sa kaniya ay ang “Metal Breasts” ng Sioux (may mga tsapa ng pulis), sina Tenyente Bull Head at Sarhento Red Tomahawk.
Nang taon ding iyon, ang depensa ng mga Indian laban sa pananakop ng mga puti ay nagapi sa naganap na walang-awang pagpuksa sa Wounded Knee Creek sa Great Plains ng Amerika. Doon, mga 320 tumatakas na mga lalaki, babae, at mga bata na Sioux ang pinatay ng mga kawal pederal at ng kanilang mga kanyong Hotchkiss na sunud-sunod ang putok. Ipinagmalaki ng mga sundalo na ito ang kanilang ganti sa pagkakapaslang sa kanilang mga kasamahan, si Custer at ang kaniyang mga kawal, sa mga burol na mula roo’y natatanaw ang Little Bighorn River. Sa gayon ay nagwakas ang mahigit nang 200 taon ng kalat-kalat na labanan at pag-aaway sa pagitan ng sumasalakay na mga dayuhang Amerikano at ng kinukubkob na mga tribong naninirahan doon.
Ngunit paano nga ba muna napatatag ang mga Katutubong Amerikano sa Hilagang Amerika? Ano ang uri ng kanilang istilo ng pamumuhay bago unang tumuntong sa Hilagang Amerika ang mga puti?b Ano ang umakay upang sa wakas ay magapi sila at masakop? At ano ang kasalukuyang kalagayan ng mga Indian sa bansang sinasakop ngayon ng mga inapo ng sinaunang mga dayuhang Europeo? Ang mga ito at iba pang mga tanong ay tatalakayin sa susunod na mga artikulo.
[Mga talababa]
a Bagaman ang terminong “Katutubong Amerikano” ay mas nagugustuhan ngayon ng ilan, ang “Indian” ay karaniwan pa ring ginagamit sa maraming reperensiyang aklat. Gagamitin natin nang salitan ang mga terminong ito. “Indian” ang maling katawagan na ibinigay ni Columbus sa mga katutubo, na nag-akalang nakarating na siya sa India nang lumunsad siya sa kilala ngayon na West Indies.
b May kinalaman lamang sa mga Indian sa Hilagang Amerika ang ating tatalakayin sa mga artikulong ito. Ang mga Amerindian ng Mexico, Gitnang Amerika, at Timog Amerika—mga Aztec, Maya, Inca, Olmec, at iba pa—ay isasaalang-alang sa susunod na mga labas ng magasing ito.
[Larawan sa pahina 3]
Paglilibing sa mga patay sa Wounded Knee
[Credit Line]
Montana Historical Society