Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 10/8 p. 19-21
  • Radyo—Isang Imbensiyon na Bumago sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Radyo—Isang Imbensiyon na Bumago sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-unlad sa Teknolohiya
  • Ang Daan-daang Taon ng Radyo
  • Pakikinig sa Uniberso sa Australia
    Gumising!—2003
  • Paraan ng Pangangaral—Paggamit ng Iba’t Ibang Paraan Para Maabot ang mga Tao
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
  • Ginamit ang Modernong mga Imbensiyon Upang Ilathala ang Mabuting Balita
    Gumising!—1985
  • Paglilingkod Kasama ng Pinakamaunlad na Organisasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 10/8 p. 19-21

Radyo​—Isang Imbensiyon na Bumago sa Daigdig

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA

ISANG putok ng baril ang bumasag sa katahimikan sa bandang lalawigan ng Italya. Ang hudyat na iyan ang nagpatunay kay Guglielmo Marconi na ang bago pa lamang na kagamitan na ginagamit niya ay gumagana. Ang mga electromagnetic wave na pinagana ng isang transmitter at dinala sa himpapawid ay natanggap ng isang receiver mula sa layong dalawa’t kalahating kilometro. Noo’y 1895. Bagaman noo’y walang sinuman ang lubusang makaunawa sa mga ipinahihiwatig, ang putok ng baril na iyon ang nagbukas ng daan para sa isang teknolohiya na nagpasimulang bumago sa ating daigdig​—ang komunikasyon sa radyo.

Noon pa ma’y pinag-aaralan na ng maraming siyentipiko ang kalikasan ng mga electromagnetic wave. Noong 1831, ipinakita ng Ingles na pisikong si Michael Faraday na makagagawa ang daloy ng elektrisidad ng magnetic field at mapadadaloy ang kuryente sa ikalawang sirkwit na hiwalay sa una subalit magkatabi. Noong 1864, bumuo ng teoriya ang pisikong taga-Scotland na si James Maxwell na ang enerhiyang pinakikilos ng gayong mga field ay maikakalat sa pamamagitan ng mga wave​—tulad ng maliliit na alon sa ibabaw ng lawa​—subalit sa bilis ng liwanag. Nang nagtagal, pinagtibay ng Alemang pisiko na si Heinrich Hertz ang teoriya ni Maxwell, na lumikha ng mga electromagnetic wave at tumutop dito sa di-kalayuang distansiya, gaya ng ginawa ni Ernest Rutherford (nang maglaon, Lord Rutherford) sa New Zealand. Subalit sa pamamagitan ng pagbabagay at pagpapahusay sa makukuhang kagamitan at pagdaragdag ng isang di pa kumpletong antena na ginawa niya mismo, nagawa ni Marconi na ihatid ang telegrapikong hudyat sa malayu-layong distansiya. Narito na ang walang-kawad na telegrapiya!

Noong 1896, ang 21-taóng-gulang na si Marconi ay lumipat mula Italya patungo sa Inglatera, kung saan siya’y iniharap kay William Preece, ang pangunahing inhinyero ng General Post Office. Naging interesado si Preece sa paggamit ng sistema ni Marconi sa komunikasyon sa paglalayag sa pagitan ng mga lugar na hindi maaaring mapagdugtong ng kable. Inalok niya si Marconi ng tulong sa pamamagitan ng paglalaan ng mga teknisyan at pagpapagamit ng mga laboratoryo para sa kaniyang mga eksperimento. Sa loob ng ilang buwan, nagtagumpay si Marconi sa pagpapalakas ng hudyat na naihahatid sa layong 10 kilometro. Noong 1897, itinatag ni Marconi ang Wireless Telegraph and Signal Company, Ltd., na may layuning gawing sistemang magagamit sa komersiyal ang walang-kawad na telegrapiya.

Noong 1900 ginawa ang 300 kilometrong radyo-telegrapikong kawing sa pagitan ng Cornwall at ng Isle of Wight sa timog Inglatera, na ipinakikita ang minsa’y itinuring na imposibleng bagay​—ang pagtawid ng mga radio wave sa balantok ng lupa. Ipinalagay noon na ang mga hudyat ay hindi matatanggap nang lagpas sa guhit-tagpuan, yamang ang mga electromagnetic wave ay tumatalunton sa tuwid na mga linya.a Pagkatapos ay nagdatingan ang kauna-unahang malalaking pidido para sa mga radyo. Iniutos ng British Admiralty ang pagkakabit ng mga radyo sa 26 na barko, gayundin ang pagtatayo at pagmamantini sa anim na istasyon sa lupa. Nagtagumpay si Marconi nang sumunod na taon sa paghahatid sa Atlantiko ng mahihinang hudyat na tatlong parang tinutuldok na tunog na nagpapahiwatig ng titik na S sa Morse code. Natitiyak na ang magandang kahihinatnan ng imbensiyon.

Pag-unlad sa Teknolohiya

Noong una, hindi makapaghatid ang walang-kawad na telegrapiya ng mga salita o musika, Morse code lamang. Gayunman, noong 1904, isang malaking pagsulong ang naganap dahil sa pagdating ng diode, ang unang balbulang bakyum na tubo, na nagpangyaring maging posible ang paghahatid at pagtanggap ng tinig. Nagawa nitong maging radyo ang walang-kawad na telegrapiya gaya ng pagkakakilala natin dito sa ngayon.

Noong 1906, sa Estados Unidos, isinahimpapawid ni Reginald Fessenden ang musika na natanggap ng mga barko na nasa layong 80 kilometro. Noong 1910, si Lee De Forest ay naglagay ng live transmission para sa isang konsiyerto ng kilalang Italyanong tenor na si Enrico Caruso para sa kapakinabangan ng mga baguhan sa radyo sa New York. Isang taon bago nito, ang mga hudyat upang maayos ang mga orasan ay inihatid mula sa Eiffel Tower sa Paris, Pransiya, sa kauna-unahang pagkakataon. Nang taon ding iyon, 1909, ang kauna-unahang pagliligtas sa mga tao sa tulong ng radyo ay naganap, mula sa pagbabanggaan ng mga barkong Florida at Republic, sa Atlantiko. Pagkalipas ng tatlong taon, mahigit na 700 din ang nakaligtas sa sakuna ng Titanic, dahil sa SOS na inihatid ng radyo.

Kasing-aga ng 1916, nakini-kinita ang posibilidad ng pagkakaroon ng radyo sa bawat tahanan. Pinangyari ng paggamit ng mga balbula na maging posible ang paggawa ng mahusay, murang mga receiver, na nagbukas sa daan na humantong sa laganap na pagsulong ng komersiyal na radyo. Ang mabilis na paglaganap ay naganap unang-unang sa Estados Unidos, kung saan nagkaroon ng 8 istasyon sa pagtatapos ng 1921 at 564 ang nabigyan ng lisensiya noong Nobyembre 1, 1922! Sa maraming tahanan, maliban pa sa mga ilaw, ang radyo ang unang kagamitan na nakakonekta sa kuryente.

Sa loob ng dalawang taon ng pagpapasimula ng regular na komersiyal na transmisyon, ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon, ay gumamit din ng radyo upang isahimpapawid ang kanilang mensahe. Noong 1922, si J. F. Rutherford, ang pangulo noon ng Watch Tower Society, ay nagbigay ng kauna-unahan niyang pahayag sa radyo, sa California. Pagkalipas ng dalawang taon, ang WBBR, ang istasyon na itinayo at pag-aari ng Watch Tower Society, ay nagsimulang magsahimpapawid mula sa Staten Island, New York. Nang maglaon, inorganisa ng Samahan ang network sa buong daigdig upang magsahimpapawid ng mga programa sa Bibliya. Noong 1933 ang pinakamaraming bilang na 408 istasyon ang nagsasahimpapawid ng mensahe ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 24:14.

Gayunman, sa maraming bansa ang radyo ay ginawang monopolyo ng Estado. Sa Italya, nakita ng pamahalaan ni Mussolini ang radyo bilang isang instrumento para sa pulitikal na propaganda at pinagbawalan ang mga mamamayan nito sa pakikinig sa mga banyagang pagsasahimpapawid. Ang napakalakas na kapangyarihan ng radyo ay labis na nakita noong 1938. Noong panahon na isinasahimpapawid ang isang kathang-isip na kuwento sa siyensiya sa Estados Unidos, lumikha si Orson Welles ng kaguluhan sa maraming tao na ang ilan ay nag-aakalang bumaba ang mga taga-Mars sa New Jersey at gumagamit ng nakatatakot na “heat ray” upang patayin ang lahat na sasalansang sa kanila!

Ang Daan-daang Taon ng Radyo

Noong 1954 ang gustung-gustong pampalipas oras ng mga tao sa Italya ay ang pakikinig sa radyo. Sa kabila ng tagumpay ng telebisyon, ang radyo pa rin ang nanatiling bantog. Sa karamihan ng mga bansa sa Europa, pinakikinggan ang radyo dahil sa impormasyon o libangan ng 50 hanggang 70 porsiyento ng populasyon. Tinataya na sa Estados Unidos, may radyo sa 95 porsiyento ng mga sasakyan, 80 porsiyento sa mga silid-tulugan, at mahigit na 50 porsiyento sa mga kusina.

Ang isa sa dahilan ng katanyagan ng radyo, maging sa kapanahunan ng telebisyon, ay ang pagiging nabibitbit nito. Isa pa, ayon sa isang surbey, ang radyo ay nagtataglay ng “mas malakas na kapangyarihan na nagpapakilos sa emosyon at imahinasyon kaysa telebisyon.”

Noong 1995, ang mga pagdiriwang sa Italya para sa sandaang taon ng eksperimento ni Marconi ay nagbukas ng pagkakataon upang gunitain ang pagsulong na nagawa ng radyo. Maraming siyentipiko ang tumulong upang baguhin ang unang di-kumpletong kagamitan tungo sa makabagong sistema sa ngayon. Ngayon, dahil sa digital audio broadcasting, na isang sistema ng hudyat na may numerong kodigo, natiyak ang napakahusay na kalidad ng tunog. Karagdagan pa sa pagkarami-raming pang-araw-araw na gamit ng radyo, ang imbensiyon ang pinagmulan ng TV, radar, at iba pang gawa ng teknolohiya.

Halimbawa, ang astronomiya sa radyo ay nakasalig sa pagtanggap at pag-analisa sa mga radio wave na inilalabas ng mga bagay sa kalangitan. Kung wala ang radyo ang pagsulong ng teknolohiya sa kalawakan ay magiging imposible. Ang paggamit ng lahat ng satelayt​—telebisyon, telepono, pagtitipon ng impormasyon​—ay nakasalig sa mga radio wave. Ang pagsulong sa teknolohiya ng mga transistor na maging mga microchip ay umakay sa kauna-unahang pambulsang mga calculator at computer at pagkatapos ay sa internasyonal na mga information network.

Ang nabibitbit na mga telepono na may kakayahang maikonekta ang dalawang lugar sa ibabaw ng lupa, o saanman, ay naging isang realidad na. Ang inaasahan ngayon ay ang pagdating ng kasinliit ng palad na walang-kawad na mga receiver​—ang pinagsama-samang TV, telepono, computer, at fax. Magagawa ng mga receiver na ito na makakonekta sa daan-daang video, audio, at text channel at magpapangyari sa mga gumagamit na makipagpalitan ng electronic mail (komunikasyon sa pamamagitan ng mensahe sa computer) sa iba.

Walang sinuman ang makatitiyak kung ano pa ang hinaharap sa larangang ito. Subalit, ang teknolohiya sa radyo ay patuloy na sumusulong kaya mas maraming kahanga-hangang pagsulong ang malamang na maganap.

[Talababa]

a Nagkaroon ng paliwanag sa kakaibang bagay na ito noong 1902, nang nagbigay ng teoriya ang mga pisikong sina Arthur Kennelly at Oliver Heaviside tungkol sa pag-iral ng isang suson sa atmospera na may mga electromagnetic wave​—ang ionosphere.

[Blurb sa pahina 21]

Sa kabila ng tagumpay ng telebisyon, ang radyo ay nananatili pa ring bantog

[Picture Credit Lines sa pahina 19]

Itaas na kaliwa at kanan, ibabang kaliwa: “MUSEO della RADIO e della TELEVISIONE” RAI--TORINO; ibabang kanan: Larawan ng NASA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share