Mula sa Aming mga Mambabasa
Ingatan ang Inyong mga Anak May nakilala akong isang kabataang babae na nangangalaga sa mga batang inabuso sa sekso. Inalok ko siya ng labas ng Oktubre 8, 1993, na may seryeng “Ingatan ang Inyong mga Anak!” Nang sumunod na dumalaw ako sa kaniya, ganito ang sabi niya: “Nakatulong sa akin ang mga artikulo na mapakitunguhan ko ang bagong kalagayang ito. Dinala ko ang magasin nang magkaroon ako ng appointment sa korte para sa mga bata at ipinakita ko ito sa tagausig. Siya, gayundin ang hukom, ay humanga sa mga artikulo at ibig na ipamahagi ang mga ito sa iba pang abogado.” Humingi pa ng mas maraming literatura ang kabataang babaing ito at siya ngayo’y nakikipag-aral ng Bibliya sa atin.
E. T. V., Brazil
Mga Crossword Puzzle Ilang araw pa lamang ang nakalilipas, binabasa-basa namin ng aking apong babae ang Disyembre 8, 1995, na Gumising! nang mapansin namin ang crossword puzzle. Naibulalas niya, “Gusto ko ng crossword puzzle!” Kaya magkasama naming tiningnan ang mga kasulatan, at hinahayaan kong siya mismo ang mag-isip sa mga sagot. Tuwang-tuwa kaming magkasamang gumawa sa loob ng kalahating oras o mahigit pa. Sana’y ipagpatuloy ninyo ito! Aabangan namin ang susunod na crossword puzzle.
M. G., Canada
Ako’y siyam na taóng gulang. Gustung-gusto ko ang inyong magasin, pero ang gusto ko sa lahat ay ang mga crossword puzzle sapagkat natutulungan ako nito na matandaan ang mga pangyayari at mga tauhan sa Bibliya. Maraming salamat sa pitak na ito.
J. M. T., Brazil
Pumapatay na mga Sakit Salamat sa malawak, maliwanag, at wastong serye ng “Mga Sakit na Pumapatay—Ang Labanan sa Pagitan ng Tao at Mikrobyo.” (Pebrero 22, 1996) Hindi ko kailanman natanto ang labis na kasalimuutan ng mikrobyo at ang pagkalaki-laking pinsalang ginagawa nito sa katawan.
C. L., Estados Unidos
Dumating ang magasin sa tamang-tamang panahon, yamang ako’y nagkaroon ng pulmonya at kailangan kong uminom ng mga antibayotik. Ang artikulo ay nakatulong sa akin na maunawaan kung bakit mas lumala ang pakiramdam ko kaysa bumuti nang una kong inumin ang gamot. Nagpapasalamat ako nang lubos sa babasahing ito, na inilathala sa napakadaling maunawaang paraan.
I. W., Alemanya
Ethiopia Pagkatapos na mabasa ko ang artikulong “Kabigha-bighaning Ethiopia” (Pebrero 22, 1996), nag-uumapaw sa pasasalamat ang aking puso. Marami akong mga kamag-anak na taga-Ethiopia na hindi mga Saksi ni Jehova. Napakaganda ng artikulong ito anupat naniniwala ako na magpapaningas ito ng kanilang interes na matuto tungkol sa ating dakilang Diyos, si Jehova.
J. R., Luxembourg
Dating Geisha Ako’y talagang naantig ng artikulong “Ang Anak ng Palaka.” (Pebrero 22, 1996) Dahil sa impluwensiya ng aking ina, nag-aral ako ng classical ballet simula nang ako’y bata pa. Nang ako’y maging isa sa mga Saksi ni Jehova, ipinasiya kong ihinto ang ballet, bagaman gustung-gusto ko ito. Ang artikulong ito ang nagpatibay ng aking loob. Tinulungan ako nitong maunawaan na may iba pang mga Kristiyano na gumawa rin ng gayong pagsasakripisyo. Buong puso ko kayong pinasasalamatan.
Y. S., Hapon
Patuloy ang aking pagluha nang pinagmamasdan ko ang larawan ni Sawako Takahashi kasama ng kaniyang maligaya, teokratikong pamilya. Ang pagdurusa na aking naranasan noon ay matagal na nagpahirap sa aking buhay, at ang pagkadama na ako’y naging biktima ang lalo pang nagdagdag ng kahapisan sa akin. Ang pagkatanto ko ng bagay na patatawarin ni Jehova ang aking mga pagkakasala sa nakalipas ay nagpalakas ng aking loob upang magsumikap na maging isang bautisadong Kristiyano.
M. K., Hapon
Isa ito sa pinakanakapagtuturo at pinakakaayaayang salaysay na aking nabasa kailanman. Tinulungan din ako nitong maunawaan kung ano ang bumubuo sa pagsamba sa mga ninuno. Hindi ko kailanman naunawaan ang anyong ito ng pagsamba hanggang sa mabasa ko ang sariling talambuhay na ito.
P. Y., Estados Unidos