“Ang Pagsira sa Kalikasan”
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA IRELAND
ANG kasakiman ay nagbabanta sa iyong tahanan. Sinisira nito ang potensiyal ng lupa na maglaan ng pagkain at tirahan na kailangan nating lahat upang mabuhay. Walang alinlangang alam mo na kung paanong sinisira ng kasakiman ang lupa, subalit narito ang ilang paalaala.
Paglason sa Planeta
Noong 1962, sa kaniyang aklat na Silent Spring, si Rachel Carson ay nagbabala tungkol sa paglason sa planeta sa pamamagitan ng mga pestisidyo at nakalalasong dumi. Ganito ang sabi ng The Naked Savage: “Dinudumhan ng tao ang sarili nitong kapaligiran at sinisira ang sarili nitong tirahan, ang babala para sa pagkalipol ng mga uri ng buhay-hayop at -halaman.” May kasakimang nilalason pa rin ng tao ang planeta. “Palibhasa’y hinahangad ang pinakamalaking pakinabang sa pinakamaikling panahon,” sabi ng World Hunger: Twelve Myths, “handa pa ring sagarin ng malalaking negosyong nagtatanim ang lupa, tubig, at abono nang hindi isinasaalang-alang ang pagguho ng lupa, pag-ubos sa tubig sa ilalim ng lupa, at paglason sa kapaligiran.”
Sa halip na pangalagaan ang napakahalagang masisinsing kagubatan—na napakaimportante sa kaligtasan ng lupa—mabilis na sinisira ito ng tao higit kailanman. “Ang malalago pang tropikal na kagubatan,” sabi ng mga manunulat ng Far From Paradise—The Story of Man’s Impact on the Environment (1986), “ay halos maglalaho sa loob ng limampung taon kung hindi magbabago ang kasalukuyang bilis ng pagsasamantala.”
Ang walang-konsiyensiyang mga mangingisda ay gumagamit ng dinamita at kemikal na mga lason upang manghuli ng isda sa palibot ng mga bahura ng korales—na inilarawan bilang “ang katumbas ng tropikal na masinsing kagubatan sa dagat” dahil sa saganang anyo ng buhay na naninirahan dito. Ang walang-awang mga paraan ng pangingisdang ito pati na ang walang-ingat na polusyon ng kemikal ay “malubhang puminsala” sa maraming nabubuhay na korales.—The Toronto Star.
“Tayo ang May Kagagawan sa Ating Sariling Salot”
Inilalarawan ni Sir Shridath Ramphal, na siyang pangulo ng IUCN-The World Conservation Union mula noong 1991 hanggang 1993, ang uring ito ng maling pangangasiwa sa mga yaman ng lupa bilang “ang pagsira sa kalikasan.” Gaano nga ba kasama ito? Bumabanggit ng isang halimbawa, si Ramphal ay sumulat: “Karamihan ng mga ilog sa India ay mistulang mga bukas na imburnal na nagdadala ng hindi naprosesong dumi mula sa imburnal sa lunsod at lalawigan tungo sa dagat.” Ano ang konklusyon niya? “Tayo ang may kagagawan sa ating sariling salot.”
Ang kasakiman ay nangibabaw sa kasaysayan ng tao sa loob ng mga dantaon, subalit sumidhi ang banta sa kaligtasan ng planeta ngayon. Bakit? Sapagkat ang kakayahan ng tao na sumira ay mas matindi ngayon. “Noon lamang nakalipas na limampung taon,” sabi ng Far From Paradise, “nagkaroon tayo ng kemikal at mekanikal na pamamaraan upang mabisang sirain ang iba pang anyo ng buhay sa ating planeta. . . . Ang homo sapiens [Latin, taong pantas], gaya ng may pagmamalaking tawag ng tao sa kaniyang sarili, ay nagtataglay ng halos lubus-lubusang kapangyarihan at hindi nagsagawa ng anumang pagpipigil.” Kamakailan ang pangkapaligirang organisasyon na Greenpeace ay gumawa ng isang pagsasakdal, na nagsasabi: “Ang Modernong Tao ay nagtambak ng basura sa Paraisong [lupa] . . . at ngayo’y nakatayong gaya ng isang walang muwang na sanggol . . . sa bingit . . . ng wari’y pagkawasak ng kanlungan ng buhay na ito.”
Subalit higit pa ang ginagawa ng kasakiman kaysa pagbantaan lamang ang pangmatagalang mga pag-asa ng planeta. Pinagbabantaan nito ang kagyat na kaligayahan at katiwasayan mo at ng iyong pamilya. Bakit gayon? Isaalang-alang ang susunod na artikulo.