Maaaring Maging Kasiya-siya ang Kusina
“HUWAG kayo riyan sa kusina!” Maraming gutom na bata ang tumanggap ng babalang iyan samantalang sinisikap na tumikim ng pagkain bago ito ihain. Subalit, sa halip na itaboy sila, makabubuting anyayahan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa kusina. Bakit gayon? Sapagkat ang kusina, sa katunayan, ay isang kawili-wiling silid-aralan.
Ang kusina ay isang dako kung saan maaaring malinang ng mga bata ang pagiging mapanlikha at mga kasanayan sa paglutas ng problema, isang dako kung saan matututo silang maglingkod sa iba at magtrabaho bilang bahagi ng isang pangkat, isang dako kung saan maaaring mangyari ang makabuluhang mga pag-uusap na aantig sa puso, isang dako kung saan maaaring itimo ang lubhang pinanghahawakang mga simulain. Oo, sa siksikang mga paminggalan at mga drower at sa mga istante ng bawat kusina ay naroroon ang maraming mahalagang leksiyon—na handang matutuhan at maikapit samantalang inihahanda ang susunod na pagkain.
Sa panahong ito ng teknolohiya at impormasyon, bakit kailangang gamitin ang kusina bilang isang dako upang sanayin ang mga bata? Ang sagot ay panahon. Kinikilala ng maraming magulang na talagang walang kahalili para sa paggugol ng panahon na kasama ng kanilang mga anak—marami nito!a Ang problema ay kung saan masusumpungan ito. Hinihimok ng ilang awtoridad ang mga magulang na isaalang-alang ang rutin na gawain na ginagawa nila sa tahanan bilang isang pagkakataon upang gawin ang mga bagay na kasama ng kanilang anak at turuan sila. Ito’y kasuwato ng isang utos na ibinigay ng Diyos sa mga magulang sa sinaunang bansa ng Israel: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay dapat na mapatunayang nasa iyong puso; at dapat mong itimo sa iyong anak at salitain ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.”—Deuteronomio 6:6, 7.
Dahil sa palagi tayong kailangang gumugol ng panahon sa kusina, waring ito’y isang maliwanag na dako para sa paggawang sama-sama ng pamilya. At di-gaya ng pantanging mga pagliliwaliw, na kadalasang kailangang maghintay hanggang tayo’y may panahon, lakas, o salapi upang iangkop ang mga ito, ang masarap na gana ay hindi maaaring iantala. Isa pa, ang kusina ay may likas na pang-akit sa mga bata. Tutal, saan ba sila nasasanay na maingat na gumamit ng mga kutsilyo at hawakan ang iba pang mga kasangkapan? Ang nagkakatuwaang mga bata ay maaari pa ngang magkalat paminsan-minsan! Gayunman, anong mga leksiyon ang iniaalok ng kusina?
Pagkatuto sa “Silid-Aralan” ng Kusina
Si Louise Smith—kilala ng kaniyang apat-na-taóng-gulang na mga estudyante bilang ang “Gingerbread Lady”—ay gumawa ng obserbasyong ito batay sa 17 taon ng karanasan sa pagtuturo ng pagluluto sa mga bata: “Ang pagkain ay isang mahusay na kagamitan sa pagtuturo sapagkat ito’y nauunawaan ng lahat ng bata. Ang kanilang mga pang-amoy, panlasa, at pandamdam ay napakatalas sa mga murang gulang anupat sila’y lubusang nasasangkot. At matuturuan mo sila ng palabigkasan, matematika, at mga kasanayan sa paglutas ng problema sa pamamagitan ng pagkain.” Ang pagbuhos, pagdikdik, pagtalop, pagsala, paghalo, at pagmasa ay tumutulong sa mga bata na malinang ang kahusayan ng kamay at kaugnayan ng mata at kamay. Itinuturo ang pagbubukod (paglalagay ng mga pasas at mga nuwes sa magkahiwalay na bunton) at paglalagay nang sunud-sunod (ang pagpapatung-patong ng mga panukat na tasa ayon sa pagkakasunud-sunod) ang mga konsepto na nagsisilbing saligan para matutuhan ang matematika. Ang pagsunod sa isang resipe ay isang pagsasanay sa paggamit ng mga bilang, panukat, pagsasaoras, lohika, at wika. Ang isa ay hindi maaaring makipagsapalaran sa masalimuot at puno ng panganib na daigdig ng kusina nang walang nalalaman tungkol sa pag-iingat, pananagutan, personal na kaayusan, at paggawa bilang isang pangkat.
Hindi rin dapat kaligtaan ang kahalagahan ng matutong magluto. Karaniwan na sa mga bata na nagsisimula sa pamamagitan ng pagtulong sa kusina na matutong magluto ng pagkain pagdating nila sa kanilang edad na mga tin-edyer. Sinong abalang magulang ang hindi tatanggapin ang tulong na iyan paminsan-minsan? Bukod pa riyan, ang pagluluto ay tumutulong sa mga kabataan na magkaroon ng pagtitiwala at pagka-nasisiyahan-sa-sarili—mga katangian na maaaring pakinabangan nila pagtanda nila, sila man ay mag-asawa o manatiling walang asawa.—Ihambing ang 1 Timoteo 6:6.
Ganito ang nagunita ni Lee, na nanatiling walang asawa hanggang noong siya’y hindi pa natatagalang mag-30: “Sinimulan akong sanayin ng aking ina sa mahalagang mga rutin sa kusina nang ako’y anim na taóng gulang. Sa simula, interesado lamang ako sa paggawa ng mga cookies, cake, at iba pang matamis. Subalit nang ako’y siyam na taon na, nagagawa ko nang magplano at magluto ng isang kumpletong pagkain para sa aming pamilya, at ginawa ko ito nang palagian. Nang maglaon, bilang isang walang asawang nasa hustong gulang, nasumpungan ko na mas madali ang buhay kung marunong ka sa iba’t ibang gawain sa bahay, kasali na ang pagluluto. At tiyakan kong masasabi na ito’y nakatulong sa pagtatamasa ko ngayon ng isang matagumpay na pag-aasawa.”
Nakatutuwa ang Pagluluto!
Paano makasusumpong ng panahon ang isang magulang upang sanayin ang mga anak sa kusina? Iminumungkahi ng isang ina ang pag-iiskedyul ng isang panahon kung kailan may iilang pang-abala hangga’t maaari. Kung marami kang anak, baka gugustuhin mong gumawa na kasama ng isang bata sa isang panahon kapag sila’y nagsisimula pa lamang na matuto tungkol sa kusina. Upang magawa ito, pumili ng panahon kapag ang ibang bata ay naiidlip o nasa paaralan. Magplanong gumugol ng higit na panahon kaysa kung ikaw ay nagluluto na mag-isa. At maging handang magkaroon ng katuwaan sa kusina!
Para sa inyong unang sesyon, maaari mong papiliin ang bata ng isa na gusto niyang kainin. Humanap ng isang simpleng resipe na madaling gawin. Tiyakin na kasali rito ang mga atas na matagumpay niyang matatapos. Upang huwag maging di-mapakali at mabagot, ipahanap sa kaniya ang ilang kinakailangang sangkap at mga kasangkapan nang patiuna. Maaari pa ngang ihanda mong bahagya ang ilang sangkap nang patiuna upang ito ay hindi maging matagal at nakapapagod.
Basahin ang resipe na kasama ng iyong anak, ipakita sa kaniya kung paano gagawin ang bawat atas. Bigyan ng kaniyang sariling lugar ang bata sa kusina—marahil isang drower na may ilang mangkok at ilang kasangkapan—at bigyan siya ng epron. Sa halip na pagsuutin ang isang batang lalaki ng pambabaing epron, maaaring bigyan ninyo siya ng isa na ginawa para sa isang lalaking tagaluto. Mula sa umpisa, idiin ang kahalagahan ng pag-iingat at magtakda ng makatuwirang mga alituntunin para sa kusina.—Tingnan ang kahon na pinamagatang “Ang Unang Leksiyon—Pag-iingat,” pahina 18.
Higit sa lahat, sikaping gawin itong kasiya-siya. Huwag hayaang basta panoorin ka ng bata; paghugasin mo siya ng kamay, at panatilihin silang abala sa aktuwal na paghahanda ng pagkain. Bigyan siya ng pagkakataon na mag-ikut-ikot, mag-eksperimento, at magtanong. At kapag hindi naging masarap ang pagkain, huwag mag-alala. Kung ito ay ginawa mismo ng iyong anak, malamang na kainin niya ito!
Pagsasama-sama ng Pamilya
Walang alinlangan, ang pinakamalaking pakinabang mula sa kusina ay nagsasangkot ng pagkakaisa at mga pagpapahalaga ng pamilya. Maaaring napansin mo na sa ilang sambahayan ngayon, ang mga miyembro ng pamilya ay nagkakani-kaniya ng mga gawain anupat bihira na silang magpangita. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, ang tahanan ay nagiging tila isa lamang pahingahan, isang gasolinahan. Kabaligtaran naman, ang pamilyang naglulutong magkakasama ay malamang na kumaing magkakasama at hugasan ang mga pinagkanan at linisin ang kusina na magkasama. Ang mga gawaing ito ay nagbibigay sa kanila ng regular na mga pagkakataon upang mag-usap, kumilos para sa isa’t isa, at makipag-ugnayan sa isa’t isa. “Nagkaroon ako ng ilan sa aking pinakamahusay na pakikipag-usap sa aking mga anak na lalaki sa lababo sa kusina,” gunita ng isang ina. At si Hermann, isang Kristiyanong ama, ay nagsabi pa: “Sinadya naming wala kaming dishwasher sa loob ng ilang taon, upang ang mga pinggan ay hugasan at punasan sa pamamagitan ng kamay. Ang aming mga anak na lalaki ang naatasang magpunas, naghahali-halili. Ito ang pinakamainam na panahon para sa di-pormal na pag-uusap.”
Oo, ang panahong ginugol sa kusina na kasama ng iyong mga anak—linggu-linggo, taun-taon—ay nagbibigay ng saligan na doon ang espirituwal na mga simulain at maka-Diyos na mga katangian ay maaaring malinang. Sa gayong relaks na mga sandali ng pagiging magkasama ay maaaring bumangon ang puso-sa-pusong mga pag-uusap sa pagitan ng magulang at anak anupat ang impluwensiya ng halimbawa ng isang magulang ay maaaring tahimik na makaaapekto sa puso ng bata. Ang gayong pagsasanay ay pakikinabangan ng isang bata habang buhay, sapagkat ang Kawikaan 22:6 ay nagsasabi: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.”
Kaya kung bilang isang magulang ikaw ay naghahanap ng mga paraan upang gumugol ng higit na panahon na kasama ng iyong mga anak, bakit hindi sila anyayahan na tulungan kang gumawa ng isang cake o ng isang pagkain? Masusumpungan mong ang paggawang kasama nila sa kusina ay isang paraan upang pakanin at pangalagaan ang iyong pamilya.
[Mga talababa]
a Para sa isang pagtalakay tungkol sa paksang ito, tingnan ang artikulong “‘Pinakamabuting Panahon’ na Ibinabahagi Nang Limitado,” sa Mayo 22, 1993, labas ng Gumising!, mga pahina 16-17.
[Kahon sa pahina 18]
Ang Unang Leksiyon—Pag-iingat
Maging Palaisip sa Kaligtasan
• Sa isang seryoso ngunit hindi naman nakatatakot na paraan, ipaliwanag ang mga panganib ng paggawa sa kusina, kung paano mo ipinaliliwanag ang mga panganib ng trapiko sa isang abalang lansangan. Magpakita mismo ng isang mabuting halimbawa.
• Magkaroon ng isang nasa hustong gulang na mangangasiwa kailanman’t ang mga bata ay gumagawa sa kusina. Huwag hayaang gamitin ng isang bata ang anumang kasangkapan o kagamitan, lalo na kung de-kuryente, hanggang sa maingat na magamit na niya ito.
• Panatilihing maayos ang inyong kusina. Linisin ang mga kalat at alisin ang kalat karaka-raka. Ang mga alagang hayop at iba pang pang-abala ay dapat na alisin sa kusina habang ikaw ay nagluluto.
Ingatan ang mga Daliri
• Ang mga mixer, blender, at food processor na de-kuryente ay dapat na gamitin lamang kung may nangangasiwang nasa hustong gulang. Tiyakin na ang kagamitan ay napatay at nahugot sa saksakan bago ilagay ng iyong anak ang isang kasangkapan sa bowl.
• Panatilihing matalas ang mga kutsilyo, yamang ang mapurol na kutsilyo ay nangangailangan na higit na idiin at samakatuwid ay mas malamang na sumala.
• Kapag ang iyong anak ay natututong gumamit ng isang kutsilyo, ipasunod sa kaniya ang mga hakbang na ito: (1) damputin ang kutsilyo sa hawakan, (2) ilagay ang kutsilyo sa pagkain, (3) ilagay ang kabilang kamay sa likuran ng kutsilyo, at (4) idiin upang hiwain ang pagkain.
• Gumamit ng sangkalan. Upang huwag gumulong ang mga gulay habang hinihiwa ito ng inyong anak, hiwain muna ito sa gitna at ilagay ang patag na panig sa sangkalan.
Mag-ingat Laban sa mga Paso
• Laging patayin ang kalan at mga pihitan ng pugon kapag hindi ginagamit. Ilayo ang mga tuwalya, aklat sa pagluluto, at mga pot holder sa kalan.
• Ipuwesto ang mga tatangnan ng kaserola sa bandang gitna ng kalan, kung saan hindi ito madaling mabangga at mabubo.
• Kung hahayaan mong magtrabaho ang iyong anak sa kalan, tiyakin na siya’y nakatayo sa isang matibay at matatag na tuntungan.
• Huwag buhatin ang isang mainit na bagay malibang alam mo na kung saan ito ilalapag. Tiyakin na nalalaman ng iba sa kusina kapag ikaw ay may tangan na mainit na bagay, lalo na kung ikaw ay lalakad sa likuran nila.