Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Karnabal Salamat sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Pagsasaya sa Karnabal—Tama o Mali?” (Hunyo 8, 1996) Ako’y nakatira sa Brazil, at napakasaya rito kapag may karnabal. Lagi akong natutukso na sumali sa mga pagsasayang ito. Alam kong mali ito, subalit hindi ko maintindihan kung bakit. Ngunit, maliwanag na ipinakita ng artikulong ito na kasali sa karnabal ang magulong pagsasaya at minamalas ng Diyos ang gayong mga pagsasaya bilang “mga gawang nauukol sa kadiliman.”—Roma 13:12.
F. M. M., Brazil
Bakasyon Maraming salamat sa seryeng “Magbabakasyon Ka Ba?—Ang mga Dapat Mong Malaman.” (Hunyo 22, 1996) Tamang-tama ang pagdating nito sapagkat ilang araw lamang pagkatapos nito, kami’y nagbakasyon. Ang mga tip ay talagang nakatulong. Salamat muli.
L. J., Estados Unidos
Lyme Disease Salamat sa artikulong “Lyme Disease”—Nanganganib Ka Ba?” (Hunyo 22, 1996) Bilang isang manggagamot, kamakaila’y nakakita ako ng ilang pasyente na may ganitong sakit, at sumasang-ayon ako sa mga hakbang ng pag-iingat na inyong binanggit. Hindi gaanong binibigyan ng pansin ang mga sintoma ng pasyente sa karamihan ng mga kaso kung kaya tumatagal ang paghihirap. Tinalakay ng Gumising! ang uri nito na nagiging artritis, na laganap sa Estados Unidos. Dalawa pang pinagmumulan ang natuklasan sa Europa, kung saan hindi ito makita ng dati nang mga pagsubok sa laboratoryo. Ang mga antibayotiko ay mabisa lamang sa Lyme disease kung nagsisimula pa lamang at malimit na hindi na mabisa sa dakong huli.
I. S., Alemanya
Dahil sa ako’y may sakit na Lyme disease, talagang nakapagpapatibay-loob sa akin ang napakagandang artikulong ito. Umaasa akong pag-iisipang mabuti ng lahat ng makababasa nito ang sakit na ito at gagawin ang lahat ng kinakailangang mga pag-iingat.
D. P., Estados Unidos
Suliranin sa Pagkatuto Talagang pinahalagahan ko ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Hindi Ako Matuto?” (Hunyo 22, 1996) Ako’y hirap na hirap sa pag-aaral dahil sa ilang kadahilanan na binanggit sa artikulo. Ikakapit ko ang inyong mga mungkahi. Maraming salamat.
R. C., Estados Unidos
Talagang lubusan na akong nawalan ng ganang matuto at hindi ko maituon ang aking isip sa paaralan. Sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga mungkahi na nasa artikulo, inaasahan kong susulong ang aking ugali sa pagkatuto.
M. E. O., Uganda
Wala naman akong problema sa pagkatuto, pero ayaw ko lamang talagang mag-aral. Nahihirapan din akong tandaan ang mga pormula sa matematika. Buweno, binanggit ng artikulong ito ang pag-uulit at pagbigkas bilang tulong sa hindi nagtatagal na mga suliranin sa pagmememorya. Inaakala ko noong una na kahangalan ang magbasa nang malakas sa aking sarili, subalit nang ito’y gawin ko, nakatutuwa ito!
N. I., Hapon
Tulisan Salamat sa paglalathala ng karanasan ni Franck Mannino, na pinamagatang “Dati Akong Tulisan.” (Hunyo 22, 1996) Ito’y nakaantig sa akin at nagpaunawa sa akin na tunay ngang makapangyarihan at maibigin ang ating Maylalang, si Jehova. Ako’y 30 taon nang naglilingkod sa kaniya, at pinatibay-loob ako ng karanasang ito na gawin ang buong makakaya ko sa pangangaral habang malaya ko itong nagagawa.
E. B., Italya
Nakatulong sa akin ang artikulo na pahalagahan ang pribilehiyo ng pagdalo sa Kristiyanong mga pulong. Ang kakulangan ko sa personal na kaayusan ang sanhi ng kinaugalian kong pagiging huli sa mga pulong. Halos walang kalayaan si Franck Mannino habang siya’y nakabilanggo, subalit totoong naging kapaki-pakinabang ang kaniyang buhay.
D. W., Estados Unidos
Nabagbag ang aking damdamin sa ipinakitang sigasig ni Franck Mannino, kahit na siya’y nakabilanggo. Bagaman nagsimula ang kaniyang buhay sa kasamaan, siya’y isa ngayong napakahusay na halimbawa.
C. R., Estados Unidos