Ang Ating Pagkagusto sa Halamanan
MALUGOD mo bang tinatanggap ang katiwasayan ng isang magandang halamanan bilang isang kanlungan mula sa ingay at nakapapagod na takbo ng buhay? Mas gusto mo bang magpiknik kasama ng iyong pamilya o mamasyal kasama ng isa mong kaibigan sa kapaligiran ng tahimik na mga parke na may damuhan, mga bulaklak, malililim na punungkahoy, at mga lawa? Oo, ang halamanan ay totoong nakaaaliw, nakagiginhawa, nakatitiwasay, at nakapagpapagaling pa nga!
Bagaman ang ilan ay maaaring walang hilig sa paghahalaman, marahil dahil sa walang panahon, tayong lahat ay nasisiyahan sa mga kulay, bango, tunog, at mga prutas sa halamanan. Gustung-gusto ni Thomas Jefferson—isang arkitekto, siyentipiko, abogado, imbentor, at presidente ng Estados Unidos—ang halamanan. Isinulat niya: “Ang pagbubungkal ng lupa ang pinakanakasisiyang trabaho para sa akin. . . . . Patuloy pa rin ang aking paghahalaman. At bagaman ako’y matanda na, isa pa rin akong batang hardinero.”
Marami ang naging katulad niya ang pangmalas. Milyun-milyong panauhin ang humuhugos sa mga bantog na halamanan ng daigdig taun-taon—Kew Gardens (ang Royal Botanic Gardens), sa Inglatera; ang mga halamanan sa Kyoto, Hapon; ang mga halamanan ng Palasyo ng Versailles, sa Pransiya; Longwood Gardens, sa Pennsylvania, E.U.A., bilang pagbanggit sa ilan. Sa maraming bansa ay mayroon ding mga lugar sa lunsod na ang mga tahanan, na nasa kahabaan ng daan na may nakahilerang mga punungkahoy, ay napaliligiran ng mga palumpong, punungkahoy, at nag-aalab na mga kulay ng bulaklak—parang isang maliit na paraiso.
Nakapagpapalusog ang mga Halamanan
Napansin na kapag ang mga tao’y nakipag-ugnayan sa kalikasan ng daigdig, maaaring bumuti ang kanilang kalusugan, kahit ang ugnayan ay pagtingin lamang sa mga bulaklak, punungkahoy, palumpong, at mga ibon na natatanaw sa bintana. Ito ang dahilan kung bakit nagtayo ng halamanan sa bubong nito ang isang ospital sa New York City. “Di-kapani-paniwala ang naging pagtanggap dito,” sabi ng isang opisyal ng ospital. “Ito’y naging isang pampasigla sa moral kapuwa sa pasyente at mga kawani. . . . Nakikita namin ang napakaraming posibilidad na ito’y maaaring makapagpagaling.” Tunay, ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga tao’y maaaring makinabang sa pisikal, mental, at emosyonal sa pamamagitan ng pagpapalugod sa kanilang mga diwa tungkol sa kalikasan.
Isa pa, ang isang taong nakahilig sa espirituwal ay maaaring makadamang sila’y mas malapit sa Diyos kapag nasa gitna ng Kaniyang mga gawang-kamay. Ang aspektong ito ng halamanan ay maaaring matunton nang pabalik sa kauna-unahang halamanan sa lupa, ang Halamanan ng Eden, kung saan ang Diyos ay unang nakipag-usap sa lalaki.—Genesis 2:15-17; 3:8.
Ang pagkagusto sa halamanan ay pambuong-daigdig. At ito, gaya ng makikita natin, ay makahulugan. Gayunman, bago natin pag-usapan ang pitak na iyan, inaanyayahan ka naming “mamasyal” sa ilang halamanan ng kasaysayan upang makita kung gaano talaga kalalim ang pagkakatanim sa puso ng lahat ng tao ng pagnanasa sa Paraiso.