Isang Sulyap sa Ilang Bantog na Halamanan
NAGSIMULA ang karanasan ng tao sa Paraiso sa isang halamanan na nasa lugar na tinatawag na Eden, na maaaring malapit sa Lake Van, ng Turkey sa ngayon. Isang ilog na nagsanga sa apat na ilog ang dumidilig sa halamanan para kay Adan at Eva, na siyang ‘sasaka nito at mag-iingat nito.’ Magiging napakalaking kaluguran sana ito na pangasiwaan ang isang halamanan na doon “ang bawat punungkahoy na kanasa-nasa sa paningin ng isa at mabuti bilang pagkain” ay saganang-sagana!—Genesis 2:8-15.
Ang Eden ay isang sakdal na tahanan. Palalawakin sana nina Adan at Eva at ng kanilang mga apo ang mga hangganan nito, anupat walang-alinlangang ginagamit ang pagkaganda-gandang orihinal na disenyo bilang kanilang parisan. Pagdating ng panahon, magiging paraiso sana ang buong lupa na katamtaman lamang ang dami ng tao. Datapwat ang kusang pagsuway ng ating unang mga magulang ay nagbunga ng kanilang pagkapalayas sa santuwaryong ito. Nakalulungkot, lahat ng iba pa sa pamilya ng sangkatauhan ay isinilang sa labas ng tahanang ito sa Eden.
Magkagayunman, ang sangkatauhan ay dinisenyo ng Maylalang upang mabuhay sa Paraiso. Kaya likas lamang na sikapin ng mga susunod na mga henerasyon na palibutan ang kanilang sarili ng mga imitasyon nito.
Mga Sinaunang Halamanan
Ang Nakabiting mga Halamanan ng Babilonya (Hanging Gardens of Babylon) ay tinawag na isa sa mga kababalaghan ng sinaunang daigdig. Ang mga ito’y ipinatayo ni Haring Nabucodonosor mahigit na 2,500 taon na ang nakalilipas para sa kaniyang Midianitang asawa na nasasabik sa mga kagubatan at mga burol ng kaniyang tinubuang-bayan. Ang 22-metrong-taas na anda-andanang pagkakayari ng mga balantok, na lahat ay masinsing natatamnan, ay may sapat na lupa upang mabuhay ang malalaking punungkahoy. Ang sabik-makauwing reyna ay malamang na naaliw habang siya’y namamasyal sa anda-andanang lugar na ito na parang Eden.
Ang pagbuo ng tanawin sa pamamagitan ng paghahalaman ay tanyag sa Nile Valley ng Ehipto na may matabang lupa. “Ang Ehipto,” sabi ng The Oxford Companion to Gardens, “ang pinagmumulan ng pinakamatatandang larawan ng mga halamanan at ang lugar ng pagkatagal-tagal nang . . . tradisyon ng paghahalaman.” Isang plano ng tanawin na pag-aari ng isang opisyal na Ehipsiyo sa Thebes, na ang petsa’y mula pa noong mga 1400 B.C.E., ang nagpapakita ng mga lawa, mga kalsadang may naghilerang mga puno, at mga pabilyon. Pangalawa sa mga halamanan ng mga dugong-bughaw, ang mga halamanan sa templo ang pinakamaluho, anupat ang mga kakahuyan, mga bulaklak, at mga halaman ng mga ito ay dinidilig ng mga ginawang kanal mula sa mga lawa at lanaw na namumutiktik sa mga ibong-pantubig, isda, at mga waterlili.—Ihambing ang Exodo 7:19.
Nakilala rin ang mga Persiano sa daigdig ng paghahalaman. Ang lubhang kaakit-akit ay ang mga halamanan ng Persia at Ehipto anupat nang bumalik sa Gresya ang manlulupig na mga hukbo ni Alejandrong Dakila noong ikaapat na siglo B.C.E., sila’y dumating na may dalang pagkarami-raming binhi, halaman, at mga ideya. Sa Atenas, tinipon ni Aristotle at ng kaniyang estudyanteng si Theophrastus ang dumaraming natipong mga halaman at nagtatag ng isang botanikong hardin, upang pag-aralan at pagbukud-bukurin ang mga halaman. Maraming mayayamang Griego, na gaya ng mga Ehipsiyo at mga Persiano bago nila, ang may pagkararangyang halamanan.
Pinagsasama ng mga Romanong naninirahan sa lunsod ang bahay at halamanan sa isang kulong na lugar sa lunsod. Ang mayayaman ay nagpapagawa ng kagila-gilalas na mga parkeng pasyalan sa kanilang mga bilya sa probinsiya. Maging ang malupit na si Nero ay ibig ring magkaroon ng sariling Eden, kaya walang-awa niyang pinalayas ang daan-daang pamilya, giniba ang kanilang mga tahanan, at gumawa ng isang pribadong parke na mahigit na 50 ektarya sa palibot ng kaniyang palasyo. Nang maglaon, noong mga 138 C.E., sa bilya ni Emperador Hadrian sa Tivoli, naabot ng Romanong paraan ng pagbuo ng tanawin ang tugatog nito. Ang bilya ay may 243 ektarya ng mga parke, languyan, lawa, at mga bukal.
Ang mga sinaunang Israelita man ay mayroon ding mga halamanan at parke. Isinulat ng istoryador na Judiong si Josephus ang tungkol sa naggagandahang parke na sagana sa mga sapa roon sa isang lugar na ang tawag ay Etam, mga labintatlo hanggang labing-anim na kilometro mula sa Jerusalem. Maaaring ang parke ng Etam ay kabilang sa ‘mga halamanan, liwasan, tipunan ng tubig, at gubat’ na sinasabi ng Bibliya na ‘ginawa [ni Solomon] para sa kaniyang sarili.’ (Eclesiastes 2:5, 6) Sa labas lamang ng Jerusalem sa Bundok Olibo naroroon ang Halamanan ng Getsemani, na naging popular dahil kay Jesu-Kristo. Dito, si Jesus ay nakasumpong ng kanlungan na doo’y tahimik niyang natuturuan ang kaniyang mga alagad.—Mateo 26:36; Juan 18:1, 2.
Mula sa mga Halamanang Arabe Tungo sa mga Halamanang Ingles
Nang mangalat ang mga hukbong Arabe pasilangan at pakanluran noong ikalabimpitong siglo C.E., nadaanan nila, tulad ni Alexander, ang mga halamanan ng Persia. (Ihambing ang Esther 1:5.) “Nakita ng mga Arabe,” isinulat ni Howard Loxton, “na ang mga halamanan ng Persia ay katulad na katulad ng paraiso na ipinangako sa mga tapat ayon sa Koran.” Gaya ng Persianong parisan nito, ang tipikong halamanang Arabe, mula sa Moorish Spain hanggang Kashmir, ay nahahati sa apat na seksiyon ng apat na sapa na nagtatagpo sa gitna sa isang tipunan ng tubig o isang bukal, na nagpapagunita sa apat na ilog ng Eden.
Sa kahilagaan ng India, sa may Lake Dal sa magandang Vale of Kashmir, ang mga pinunong Mogul ng ika-17 siglo ay gumawa ng mahigit sa 700 mala-paraisong halamanan. Ito’y bumuo ng isang nakasisilaw na paleta ng mga kulay na nasasalitan ng daan-daang bukal, anda-andanang lupain, at mga talon. Naroroon pa rin sa pabilyong yari sa itim na marmol na ipinatayo ni Shah Jahan (nagpatayo ng Taj Mahal) sa dalampasigan ng Lake Dal ang inskripsiyong ito: “Kung mayroon mang paraiso sa balat ng lupa, naririto iyon, naririto iyon, naririto iyon.”
Ilang siglo bago nito, ang Europa ay dumaan mula sa Edad Medya tungo sa ika-14 na siglong Renaissance. Ang tradisyon ng paghahalaman ng Roma, na niyurakan nang magsimula ang Edad Medya noong ikalimang siglo C.E., ay muli na namang namulaklak—na sa pagkakataong ito ay sa ilalim ng pamamahala ng simbahan. Itinuring ng Sangkakristiyanuhan ang halamanan bilang isang ‘pansamantalang paraiso.’ Ang isang siyam-na-siglong plano ng isang monasteryo ay nagpapakita ng dalawang halamanan na pinanganlang “Paraiso.” Di-nagtagal at ang mga halamanan ng Sangkakristiyanuhan ay lumaki nang lumaki at naging maringal, ngunit sa halip na mabanaagan ng espirituwal na mga mithiin, marami ang naging sagisag ng kapangyarihan at kariwasaan.
Nang lupigin ni Charles VIII ng Pransiya ang Naples, Italya, noong 1495, sumulat siya sa kanilang bahay: “Hindi kayo makapaniniwala sa aking magandang halamanan sa lunsod na ito . . . Para bang ang kulang na lamang ay sina Adan at Eva upang maging isang paraiso sa lupa.” Ngunit kung si Charles ay nabuhay pa hanggang ika-17 siglo, nakita sana niya ang pagkalalaking halamanan ni Haring Louis XIV sa lupa ng Pransiya. Pinaninindigan ng aklat na The Garden na ang mga halamanan sa Palasyo ng Versailles “ang masasabi pa ring pinakamalaki at pinakamaringal.”
Gayunman, ang Renaissance ay may panibagong katuturan ng paraiso: ang kalikasan ay dapat na maging sunud-sunuran sa naliwanagang tao na siyang dapat masunod sa halamanan sa pamamagitan ng paglilinis ng lahat ng sukal nito. Ang mga punungkahoy at mga bulaklak ay inayos na lahat sa eksaktong heometrikong hugis. Sa gayon, ang sinaunang topiary—ang sining ng paghugis sa mga punungkahoy at mga palumpong sa pamamagitan ng paggupit at pagsanay sa mga ito—ay nagtamasa ng isang kahanga-hangang pagpapanauli.
Pagkatapos, noong ika-18 at ika-19 na mga siglo, ang pandagat na panggagalugad at pangangalakal ay nagsiwalat ng mga bagong pananim at konsepto sa paghahalaman sa kanluraning daigdig. Ang Inglatera naman ngayon ang nagpabantog sa mga disenyo sa paghahalaman. “Sa ika-18-siglo sa Inglatera,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ang tao ay lalo nang naging interesado sa daigdig ng kalikasan na doo’y bahagi siya. Sa halip na igiit ang kaniyang gawang-taong heometrikong pag-aayos sa daigdig ng kalikasan, sinimulan niyang subuking ibagay rito ang kaniyang sariling buhay.” Ang mga taong gaya nina William Kent at Lancelot Brown ay nanguna sa pagbuo ng mga tanawin. Nagdisenyo si Brown ng mahigit na dalawang daang asyenda sa Inglatera. Dalawang lalaki na naging presidente ng Estados Unidos, sina Thomas Jefferson at John Adams, ang dumalaw sa Inglatera noong 1786 upang pag-aralan ang mga halamanang Ingles.
Mga Tanawin sa Silangan
Kung paanong naimpluwensiyahan ng pamamaraan ng Ehipto, Gresya, at Roma ang Kanluran, gayundin naimpluwensiyahan ng paraan ng paghahalaman ng Tsina ang Silanganing sibilisasyon. Ang mga Tsino ay orihinal na tagasunod ng relihiyong animista, anupat ang pangmalas nila sa mga ilog, bato, at mga bundok ay mga nakikitang espiritu at sa gayo’y dapat igalang. Mula noon, lumaganap ang Taoismo, Confucianismo, at Budismo sa buong lupain at gumawa ng sarili nilang anyo ng halamanan.
Sa kabilang panig naman ng Karagatan ng Hapon, ang mga halamanan ng taga-Hapon ay gumawa ng sarili nitong istilo, kung saan mas inuuna nila ang ayos kaysa sa kulay at ang bawat bagay ay nasa eksaktong dako nito. Sa paghahangad na maipakita, sa isang limitadong lugar, ang kagandahan at pagkakasari-sari ng kalikasan, buong ingat na inilalagay ng hardinero ang kaniyang mga bato at buong-kaselanang itinatanim at sinasanay ang kaniyang mga halaman. Makikita ito sa bonsai (nangangahulugang “halaman sa paso”), ang sining ng pagsanay sa isang maliit na punungkahoy o marahil sa isang kakahuyan sa eksaktong ayos at proporsiyon.
Bagaman ang istilo nito ay maaaring naiiba sa katumbas nito sa Kanluran, naaaninag din sa halamanan ng Silangan ang pananabik sa Paraiso. Halimbawa, noong kapanahunan ng Heian sa Hapon (794-1185), ayon kay Wybe Kuitert na istoryador ukol sa halamanan ng Hapon, sinubok ng mga hardinero na maipaalaala ang kapaligiran ng isang “paraiso sa lupa.”
Isang Pandaigdig na Pagkagusto
Kalakip pati ang mangangaso-mangangahoy na mga tribo, na nakatira sa “likas” na halamanan—gubat, kakahuyan, at damuhan—ang pagkagusto sa halamanan ay pandaigdig. Kung tungkol sa “mga Aztec ng Mexico at sa mga Incas ng Peru,” sabi ng Britannica, “iniulat ng mga konkistador ang maluluhong halamanan na may anda-andanang mga burol, mga kakahuyan, bukal, at pampalamuting mga lawa . . . na di-tulad ng kapanabay na mga halamanan sa Kanluran.”
Oo, ang sinaunang mga kakahuyan sa magkabilang panig ng Nilo, ang mga tanawin sa Silangan, ang makabagong mga parke sa lunsod at botanikong halamanan—ano ang isinisiwalat ng mga ito? Ang pananabik ng sangkatauhan sa Paraiso ay malalim na nakatanim sa ating kasaysayan. Bilang pagpansin sa napakatagal nang “pananabik [na ito] sa Paraiso,” ganito ang sabi ng manunulat na si Terry Comito: “Ang mga halamanan ang siyang dakong tahanan ng mga tao.” At sinong tao ang hindi matutuwa sa pagsasabing, ‘Ang aking tahanan ay gaya ng Halamanan ng Eden’? Subalit ang pangglobong Eden ba—at hindi lamang para sa mayayaman—ay isang panaginip lamang? O ito’y isang bagay na tiyak sa hinaharap?
[Larawan sa pahina 7]
Ang konsepto ng isang pintor sa Nakabiting mga Halamanan ng Babilonya
[Larawan sa pahina 7]
Isang klasikal na halamanan sa Hapon
[Larawan sa pahina 7]
Versailles, Pransiya
Mula pa sa kasaysayan, ang mga tao’y sabik na sa Paraiso
[Credit Line]
French Government Tourist Office/Rosine Mazin