Mga Digmaan ng Relihiyon sa Pransiya
NOONG Linggo, Marso 1, 1562, ang duke ng Guise at ang kaniyang kapatid na si Charles, ang kardinal ng Lorraine—dalawang nangungunang puwersa ng Katolisismong Pranses—ay nangabayo kasama ng kanilang armadong mga bantay patungo sa Vassy, isang nayon sa silangan ng Paris. Sila’y nagpasiyang huminto sa simbahan sa Vassy upang dumalo ng Misa.
Walang anu-ano ay narinig nila ang tunog ng mga himno. Ang pag-awit ay mula sa ilang daang Protestante na nagkatipon sa isang kamalig upang sumamba. Ang mga sundalo ay sapilitang pumasok. Nang magkaroon ng gulo, nagpalitan ng mga insulto at pagkatapos ay nagbatuhan sila sa isa’t isa. Ang mga sundalo ay nagpaputok, anupat maraming Protestante ang napatay at daan-daang iba pa ang nasugatan.
Anu-anong pangyayari ang humantong sa masaker na ito? Ano ang tugon ng Protestante?
Makasaysayang Pinagmulan
Noong unang hati ng ika-16 na siglo, ang Pransiya ay maunlad at matao. Ang kalagayang ito sa ekonomiya at tao ay sinamahan ng mga pagsisikap na magsagawa ng higit na espirituwal at parang kapatid na anyo ng Katolisismo. Nais ng mga tao ang isang simbahan na hindi gaanong mayaman at mas banal. Hiniling ng ilang miyembro ng klero gayundin ng pantas na mga humanista ang relihiyosong mga reporma upang labanan ang pag-aabuso ng mataas-ranggong mga prelado at ang kawalang-kakayanan ng nakabababang klero. Ang isang klero na nagsikap para sa pagbabago ay ang obispong Katoliko na si Guillaume Briçonnet.
Sa kaniyang diyosesis sa Meaux, pinasigla ni Briçonnet ang lahat na magbasa ng Kasulatan. Tinustusan pa nga niya ang isang bagong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Pranses. Di-nagtagal ang galit ng Sorbonne University of Theology sa Paris, ang tagapagtanggol ng ortodoksong Katoliko, ay napatuon sa kaniya, anupat pinatigil ang kaniyang mga sinisikap na gawin. Subalit ang obispo ay may proteksiyon ni Francis I, hari ng Pransiya mula 1515 hanggang 1547. Nang panahong iyon, ang hari ay pabor sa pagbabago.
Gayunman, pinayagan lamang ni Francis I ang pagbatikos ng simbahan hanggang sa punto na hindi nito isinasapanganib ang kaayusan ng publiko at ang pambansang pagkakaisa. Noong 1534, ang mga ekstremistang Protestante ay nagpaskil ng mga poster na tumuligsa sa Misang Katoliko na itinuring itong idolatriya, ipinako pa nga ang isang poster sa pinto ng silid-tulugan ng hari. Bunga nito, si Francis I ay bumaligtad at naglunsad ng isang malupit na kampanya ng pagsugpo.
Malupit na Pagsugpo
Ang mga Protestante ay agad na sinunog sa tulos. Maraming humanista, ang mga nakikiayon sa kanila, at mga tagasunod ng bagong Protestantismo ay nagsitakas ng bansa. Sinimulan ng mga awtoridad ang pagsensura sa mga aklat at ang pagsupil sa mga guro, tagapaglathala, at mga tagapaglimbag.
Ang mga Waldenses ang tumanggap ng ubod-tinding pagsalansang ng nasa kapangyarihan. Sila’y isang minoryang grupo ng mga taong interesado sa Bibliya na nakatira sa mahihirap na nayon sa timog-silangan ng bansa. Ang ilan ay sinunog sa tulos, ang daan-daan ay minasaker, at halos 20 sa kanilang mga nayon ay sinalanta.—Tingnan ang kahon sa pahina 6.
Palibhasa’y nababatid ang pangangailangan para sa reporma sa loob ng simbahan, isang konseho ng mga obispong Katoliko ang nagtipon noong Disyembre 1545, sa Trent, Italya. Nang magtapos ang konseho noong 1563, ayon sa The Cambridge Modern History, ang “panlahat na epekto nito . . . ay upang palakasin ang mga kamay niyaong determinadong alisin ang Protestantismo.”
Ang Simula ng Digmaan
Pagod na sa paghihintay sa mga pagbabago, maraming miyembro ng kilusan para sa reporma sa loob ng Simbahang Katoliko ang pumanig sa Protestantismo. Noong mga 1560, maraming aristokratang Pranses at ang kanilang mga tagasuporta ang sumama sa mga Huguenot, gaya ng tawag sa mga Protestante noon. Ang mga Huguenot ay lalong naging tahasan sa pagsasalita. Ang kanilang mga miting publiko, kung minsan, ay pumupukaw ng galit at labanan. Halimbawa, noong 1558, libu-libo sa kanila ang nagtipon sa Paris sa loob ng apat na sunud-sunod na araw upang umawit ng mga salmo.
Lahat ng ito ay nakagalit kapuwa sa makapangyarihang mga prinsipe ng Simbahang Katoliko at sa masang Katoliko. Sa panunulsol ni Kardinal Charles ng Lorraine, ipinahayag ni Haring Henry II, na humalili sa kaniyang ama, si Francis I, ang Kautusan ng Écouen, noong Hunyo 1559. Ang sinasabing layunin nito ay lipulin ang “ubod-samang pangalan ng Lutherano.” Humantong ito sa paghahasik ng sindak sa Paris laban sa mga Huguenot.
Si Henry II ay namatay ilang linggo pagkaraan nito mula sa mga sugat na tinamo niya sa isang torneo. Palibhasa’y pinilit ng pamilyang Guise, binago ng kaniyang anak, si Haring Francis II, ang kautusan na nagtatakda ng parusang kamatayan para sa naninindigang mga Protestante. Nang sumunod na taon ay namatay si Francis II, at ang kaniyang ina, si Catherine de Médicis, ang nagpuno na kahalili ng kaniyang sampung-taóng-gulang na kapatid, si Charles IX. Ang patakaran ni Catherine na pakikipagkasundo ay hindi nagustuhan ng mga Guise, na determinadong lipulin ang Protestantismo.
Noong 1561, si Catherine ay nagsaayos ng isang seminar sa Poissy, malapit sa Paris, kung saan nagtipon ang mga teologong Katoliko at Protestante. Sa kautusang inilabas noong Enero 1562, ipinagkaloob ni Catherine sa mga Protestante ang kalayaang magtipon para sa pagsamba sa labas ng mga lunsod. Galit na galit ang mga Katoliko! Ito ang nagpasimuno sa kung ano ang nangyari pagkalipas ng dalawang buwan—ang masaker sa mga Protestante sa kamalig sa nayon ng Vassy, gaya ng inilarawan kanina.
Ang Unang Tatlong Digmaan
Ang pagpaslang sa Vassy ang pasimula ng una sa isang serye ng walong relihiyosong digmaan na naglubog sa Pransiya sa kagimbal-gimbal na pagpapatayan sa isa’t isa mula noong 1562 hanggang noong kalagitnaan ng mga taóng 1590. Bagaman kasangkot din ang pulitikal at sosyal na mga isyu, ang lansakang pagpaslang ay pangunahin nang udyok ng relihiyon.
Pagkatapos ng Digmaan sa Dreux noong Disyembre 1562, na sumawi ng 6,000 buhay, ang unang digmaang iyon ng relihiyon ay nagwakas. Ang Kapayapaan ng Amboise, na nilagdaan noong Marso 1563, ay nagkaloob sa maharlikang mga Huguenot ng limitadong kalayaan na sumamba sa tiyak na mga dako.
“Ang ikalawang digmaan ay pinasiklab ng mga pangamba ng mga Huguenot tungkol sa isang internasyonal na sabuwatang Katoliko,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Nang panahong iyon, karaniwang binibitay ng mga mahistradong Katoliko ang mga mamamayan dahil sa pagiging mga Huguenot. Noong 1567 isang pagtatangka ng mga Huguenot na lupigin si Haring Charles IX at ang kaniyang ina, si Catherine, ang nagpasiklab sa ikalawang digmaan.
Pagkatapos banggitin ang digmaang mas madugo sa St.-Denis, sa labas ng Paris, ang mga mananalaysay na sina Will at Ariel Durant ay sumulat: “Ang Pransiya ay muling nagtatanong kung anong relihiyon ito na umakay sa mga tao sa gayong pagpaslang.” Di-nagtagal pagkatapos nito, noong Marso 1568, ang Kapayapaan ng Longjumeau ay nagkaloob sa mga Huguenot ng kainamang pagpaparaya na dati nilang tinamasa sa ilalim ng Kapayapaan ng Amboise.
Subalit, nagalit ang mga Katoliko at hindi nila tinupad ang mga kondisyon sa pakikipagpayapaan. Kaya, noong Setyembre 1568, sumiklab ang ikatlong digmaan ng relihiyon. Isang kasunod na kasunduang pangkapayapaan ang nagkaloob sa mga Huguenot ng higit pang mga pribilehiyo. Ang nakukutaang mga bayan, pati na ang puwerto ng La Rochelle, ay isinuko sa kanila. Gayundin, isang iginagalang na prinsipeng Protestante, si Admiral de Coligny, ay nahirang sa konseho ng hari. Minsan pa ang mga Katoliko ay galit na galit.
Masaker Noong Araw ni “San” Bartolome
Pagkaraan halos ng isang taon, noong Agosto 22, 1572, naligtasan ni Coligny ang isang pataksil na pagpatay sa Paris na nangyari habang siya’y naglalakad mula sa Palasyo ng Louvre tungo sa kaniyang bahay. Palibhasa’y nag-iinit sa galit, ang mga Protestante ay nagtangkang gumawa ng marahas na mga hakbang upang ipaghiganti ang kanilang sarili kung ang katarungan ay hindi gagawing madali. Sa pribadong konseho, ang batang si Haring Charles IX, ang kaniyang inang si Catherine de Médicis, at ilang prinsipe ay nagpasiyang alisin si Coligny. Upang maiwasan ang anumang paghihiganti, ipinag-utos din nila ang pagpatay sa lahat ng mga Protestante na nagtungo sa Paris upang dumalo sa kasal ng Protestanteng si Henry ng Navarre at ng anak ni Catherine na si Margaret ng Valois.
Noong gabi ng Agosto 24, ang mga kampana ng simbahan sa Saint-Germain-l’Auxerrois, sa tapat ng Louvre, ay naghudyat para simulan ang masaker. Ang duke ng Guise at ang kaniyang mga tauhan ay sumugod sa gusali kung saan natutulog si Coligny. Doon napatay si Coligny at inihagis mula sa bintana, at ang kaniyang bangkay ay pinagputul-putol. Pinalaganap ng dukeng Katoliko ang salita: “Patayin silang lahat. Utos ito ng hari.”
Mula noong Agosto 24 hanggang 29, pinapangit ng kagimbal-gimbal na mga tanawin ang mga lansangan ng Paris. Sinabi ng ilan na ang ilog Seine ay naging pula sa dugo ng libu-libong pinaslang na mga Huguenot. Nasaksihan ng iba pang bayan ang lansakang pagpatay sa kanila mismong lugar. Ang mga tantiya tungkol sa dami ng namatay ay iba-iba mula sa 10,000 hanggang sa 100,000; gayunman, ang karamihan ay sumasang-ayon sa bilang na hindi kukulangin sa 30,000.
“Isang bagay, na kagimbal-gimbal din na gaya ng masaker mismo,” ulat ng isang mananalaysay, “ay ang kagalakan na pinukaw nito.” Pagkarinig tungkol sa pagpaslang, ipinag-utos ni Papa Gregorio XIII ang isang seremonya ng pasasalamat at nagpadala ng kaniyang mga pagbati kay Catherine de Médicis. Ipinag-utos din niya ang pagtatatak ng isang pantanging medalya upang alalahanin ang pagpaslang sa mga Huguenot at ang pagpapahintulot ng pagguhit ng isang larawan ng masaker, na may mga salitang: “Sinasang-ayunan ng Papa ang pagpatay kay Coligny.”
Ayon sa ulat pagkatapos ng masaker, napanagimpan ni Charles IX ang kaniyang mga biktima at umiiyak sa kaniyang nars: “Kay samang payo ang sinunod ko! Diyos ko, patawarin mo ako!” Siya’y namatay noong 1574 sa gulang na 23 at hinalinhan ng kaniyang kapatid na si Henry III.
Nagpatuloy ang Relihiyosong mga Digmaan
Samantala, ang populasyong Katoliko ay pinukaw ng mga lider nito laban sa mga Huguenot. Sa Toulouse, pinayuhan ng mga klerong Katoliko ang kanilang mga tagasunod: “Patayin silang lahat, mandambong; kami ang inyong mga ama. Pangangalagaan namin kayo.” Sa pamamagitan ng marahas na pagsugpo, ang hari, mga parlamento, gobernador, at mga kapitan ay nagpakita ng halimbawa, at nagsisunod ang masang Katoliko.
Subalit, lumaban ang mga Huguenot. Sa loob ng dalawang buwan ng masaker noong Araw ni “San” Bartolome, sinimulan nila ang ikaapat na relihiyosong digmaan. Kung saan nahigitan nila ang bilang ng mga Katoliko, sinira nila ang mga istatuwa, krusipiho, at mga altar sa mga simbahang Katoliko, at pumatay pa nga. “Ayaw ng Diyos na maligtas ang mga bayan o ang mga tao,” sabi ni John Calvin, ang lider ng Protestantismong Pranses, sa kaniyang pampletang Declaration to Maintain the True Faith.
Apat pang digmaan ng relihiyon ang sumunod. Ang ikalima ay natapos noong 1576 sa paglagda ni Haring Henry III sa kapayapaan na naglalaan sa mga Huguenot ng ganap na kalayaan sa pagsamba saanman sa Pransiya. Ang masyadong Katolikong lunsod ng Paris sa wakas ay naghimagsik at pinaalis si Henry III, na itinuring na napakamahinahon sa mga Huguenot. Ang mga Katoliko ay nagtatag ng isang pamahalaang oposisyon, ang Katolikong Santa Liga, na pinangunahan ni Henry ng Guise.
Sa wakas, ang ikawalong digmaan, o ang Digmaan ng Tatlong Henry, kung saan si Henry III (Katoliko) ay nakipag-alyansa sa kaniyang magiging kahalili, si Henry ng Navarre (Protestante), laban kay Henry ng Guise (Katoliko). Nagawa ni Henry III na pataksil na ipapatay si Henry ng Guise, subalit noong Agosto 1589, si Henry III mismo ay pataksil na pinatay ng isang mongheng Dominikano. Kaya, si Henry ng Navarre, na nakaligtas sa masaker noong Araw ni “San” Bartolome mga 17 taon ang nakalipas, ang naging Haring Henry IV.
Yamang si Henry IV ay isang Huguenot, ang Paris ay tumangging pasakop sa kaniya. Ang Katolikong Santa Liga ay nag-organisa ng armadong pagsalansang sa kaniya sa buong bansa. Nagwagi si Henry sa ilang labanan, subalit nang dumating ang hukbong Kastila upang tulungan ang mga Katoliko, nagpasiya siya sa wakas na talikdan ang Protestantismo at tanggapin ang relihiyong Katoliko. Pinutungan ng korona noong Pebrero 27, 1594, si Henry ay pumasok sa Paris, kung saan ang mga tao, na pagod na pagod na sa mga digmaan, ay hinirang siya bilang hari.
Sa gayon nagwakas ang Pranses na mga Digmaan ng Relihiyon pagkaraan ng mahigit na 30 taon kung saan pana-panahong nagpatayan ang mga Katoliko at mga Protestante. Noong Abril 13, 1598, inilabas ni Henry IV ang makasaysayang Kautusan ng Nantes, na nagbigay ng kalayaan ng budhi at pagsamba sa mga Protestante. Ayon sa papa, ang kautusan ay “ang pinakamasamang bagay na maiisip sapagkat nagkaloob ito ng kalayaan ng budhi sa lahat, na siyang kakila-kilabot na bagay sa daigdig.”
Sa buong Pransiya, inakala ng mga Katoliko na ang kautusan ay isang pagtataksil sa pangako ni Henry na suportahan ang kanilang pananampalataya. Ang simbahan ay hindi huminto hanggang, pagkalipas ng halos isang dantaon, pinawalang-bisa ni Louis XIV ang Kautusan ng Nantes, anupat pinasimulan ang mas matinding pag-uusig sa mga Huguenot.
Resulta ng mga Digmaan
Sa pagtatapos ng ika-16 na siglo, naglaho ang kasaganaan ng Pransiya. Kalahati ng kaharian ay kinubkob, dinambong, tinubos, o winasak. Labis-labis ang hiningi ng mga sundalo sa mga tao, na humantong sa paghihimagsik ng mga magsasaka. Ang populasyong Protestante, na ang karamihan ay namatay dahil sa mga hatol na kamatayan, masaker, pagpapaalis sa bansa, at pagtalikod sa pananampalataya, ay pumasok sa ika-17 siglo na umunti ang bilang.
Maliwanag kung gayon, nagwagi ang mga Katoliko sa Pranses na mga Digmaan ng Relihiyon. Ngunit pinagpala ba ng Diyos ang kanilang tagumpay? Maliwanag na hindi. Pagod na dahil sa lahat ng pagpatay na ito sa ngalan ng Diyos, maraming Pranses ang hindi na relihiyoso. Sila ang mga tagapagpauna ng tinatawag na kaisipan na laban sa Kristiyano noong ika-18 siglo.
[Blurb sa pahina 9]
“Ayaw ng Diyos na maligtas ang mga bayan o ang mga tao.” Sabi ng lider ng Protestantismong Pranses
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Nanindigan ang mga Waldenses—Taglay ang Anong Epekto?
SI PIERRE VALDES, o Peter Waldo, ay isang mayamang mangangalakal sa Pransiya noong ika-12 siglo. Noong panahong sadyang pinanatili ng Simbahang Romano Katoliko ang mga tao na walang kaalam-alam sa Bibliya, tinustusan ni Waldo ang pagsasalin ng Ebanghelyo at ng iba pang aklat ng Bibliya sa karaniwang wika ng mga tao sa timog-silangang Pransiya. Pagkatapos ay iniwan niya ang kaniyang negosyo at inialay ang kaniyang sarili sa pangangaral ng Ebanghelyo. Di-nagtagal marami ang sumama sa kaniya, at noong 1184 siya at ang kaniyang mga kasama ay itiniwalag ni Papa Lucius III.
Nang maglaon, ang mga pangkat ng mga mangangaral na ito na interesado sa Bibliya ay nakilala bilang mga Waldenses. Itinaguyod nila ang pagbabalik sa mga paniwala at gawain ng sinaunang Kristiyanismo. Tinanggihan nila ang tradisyonal na mga gawain at paniniwalang Katoliko, kasali na ang mga indulhensiya, panalangin para sa mga patay, purgatoryo, pagsamba kay Maria, panalangin sa “mga santo,” bautismo ng sanggol, pagsamba sa krusipiho, at transubstansasyon. Dahil dito, madalas na pinahirapan nang husto ang mga Waldenses ng Simbahang Katoliko. Ganito inilarawan ng mananalaysay na si Will Durant ang kalagayan nang ilunsad ni Haring Francis I ang isang kampanya laban sa mga hindi Katoliko:
“Palibhasa’y pinaratangang may kataksilang nakikipagsabuwatan ang mga Waldenses laban sa pamahalaan, nahikayat ni Kardinal de Tournon ang may-sakit at nag-aatubiling Hari na lumagda ng isang utos (Enero 1, 1545) na ang lahat ng Waldenses na masumpungang maysala ng erehiya ay dapat patayin. . . . Sa loob ng isang linggo (Abril 12-18) ilang nayon ang sinunog; sa isa sa mga nayong ito 800 lalaki, babae, at mga bata ay napaslang; sa loob ng dalawang buwan 3,000 ang napatay, dalawampu’t dalawang nayon ang sinunog, 700 lalaki ang ipinadala sa galera. Dalawampu’t limang takot na takot na mga babae, na nanganganlong sa isang malaking kuweba, ay nahirapang huminga at namatay dahil sa pagsisiga sa pinakabunganga ng kuweba.”
Tungkol sa gayong makasaysayang mga pangyayari, ganito ang komento ni Durant: “Ang mga pag-uusig na ito ang sukdulang kabiguan ng paghahari ni Francis.” Subalit ano ang epekto nito sa mga nakasaksi sa matibay na pananampalataya ng mga Waldenses noong panahon ng mga pag-uusig na awtorisado ng hari? Si Durant ay sumulat: “Ang lakas ng loob ng mga martir ay nagbigay ng dignidad at karilagan sa kanilang paniniwala; libu-libong nakasaksi ang malamang na humanga at nagambala, na, kung wala ang kahindik-hindik na mga pagpatay na ito, ay malamang na hindi kailanman nag-isip na baguhin ang kanilang minanang relihiyon.”
[Larawan sa pahina 5]
Ang masaker sa Vassy ang nagsimula sa mga digmaan ng relihiyon
[Credit Line]
Bibliothèque Nationale, Paris
[Larawan sa pahina 7]
Ang Masaker noong Araw ni “San” Bartolome, kung saan libu-libong Protestante ang pinaslang ng mga Katoliko
[Credit Line]
Photo Musée cantonal des Beaux-Arts, Lausanne
[Mga larawan sa pahina 8]
Pinatay ng mga Protestante ang mga Katoliko at sinira ang pag-aari ng Simbahan (itaas at ibaba)
[Credit Lines]
Bibliothèque Nationale, Paris
Bibliothèque Nationale, Paris