Ang Kautusan ng Nantes—Isang Karta Para sa Pagpaparaya?
“LABIS akong pinahihirapan nito,” ang protesta ni Pope Clement VIII, noong 1598, nang mabalitaan ang paglagda ni Henry IV, hari ng Pransiya, sa Kautusan ng Nantes. Pagkaraan ng apat na dantaon, sa halip na pumukaw ng paghihinanakit at pagsalansang, ipinagdiwang ang kautusan bilang isang batas ng pagpaparaya at isa sa mahalagang hakbang sa paggarantiya ng relihiyosong karapatan para sa lahat. Ano ba ang Kautusan ng Nantes? Talaga bang ito’y isang karta sa pagpaparaya? At ano ngayon ang ating matututuhan mula rito?
Ang Europa na Giniyagis ng Digmaan
Ang ikalabing-anim-na-siglong Europa ay kilalá sa kawalang-pagpaparaya at madugong mga digmaan nito sa relihiyon. “Bago ang ika-16 na siglo ay hindi pa kailanman nilapastangan nang gayon kalubha ng mga tagasunod ni Kristo ang kaniyang turo na, ‘Mag-ibigan sa isa’t isa,’ ” ang sabi ng isang istoryador. Ang ilang bansa, gaya ng Espanya at Inglatera, ay walang-awang tumugis sa mga minoryang relihiyon. Ang iba naman, tulad ng Alemanya, ay nagkapit ng simulaing “Cuius regio, eius religio,” na nangangahulugang ang isa na namamahala sa isang teritoryo ang siyang nagpapasiya sa relihiyon nito. Sinumang tumutol sa napiling relihiyon ng tagapamahala ay pinalalayas. Ang digmaan ay naiiwasan sa pamamagitan ng pagpapanatiling magkahiwalay ang mga relihiyon, na may kaunti o walang anumang pagtatangkang pagsabayin ang pag-iral ng mga ito.
Iba naman ang piniling landasin ng Pransiya. Kung heograpiya ang isasaalang-alang, ito ay matatagpuan sa pagitan ng hilagang Europa, na doo’y nakararami ang mga Protestante, at ng timog Europa, na Katoliko naman. Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada 1500, ang mga Protestante ay naging kilalang minorya sa Katolikong bansang ito. Pinalubha ng sunud-sunod na digmaan ang pagkakabahaging ito.a Maraming kasunduang pangkapayapaan, o ‘mga Kautusan upang Payapain ang Kaligaligan,’ gaya ng tawag sa mga ito, ang nabigong magdulot ng kapayapaan sa magkasabay na pag-iral ng mga relihiyon. Bakit pinili ng Pransiya ang isang landasin ng pagpaparaya sa halip na tularan ang mga karatig-bansa nito sa Europa?
Pulitikang Pangkapayapaan
Ang ideya na ang kapayapaan at pagkakabaha-bahagi ng relihiyon ay posible rin namang magsama ay nabuo sa kabila ng malawakang kawalan ng pagpaparaya. Sa pangkalahatan, nang panahong iyon, ang usapin tungkol sa relihiyosong pananampalataya ay hindi maihihiwalay sa katapatan sa estado. Puwede bang maging Pranses subalit hindi miyembro ng Simbahang Katoliko? Maliwanag, inisip ng ilan na puwede. Noong 1562, sumulat si Michel de l’Hospital, isang estadistang Pranses: “Maging siya na natiwalag ay hindi humihinto sa pagiging isang mamamayan.” Gayundin ang katuwiran ng isang Katolikong grupo na kilala bilang Les Politiques (Ang mga Makapulitika).
Pinanatili ng di-matagumpay na mga kasunduang pangkapayapaan ang ilan sa mga bagong ideyang ito. Itinaguyod din ng mga ito ang kaisipan na ang paglimot sa nakaraan ay isang paraan ng paghahanda sa kinabukasan. Halimbawa, ganito ang nakasaad sa Kautusan ng Boulogne, noong 1573: “Hayaang ang lahat ng bagay na naganap . . . ay pumanaw at mailibing sa limot na para bang hindi ito nangyari.”
Maraming dapat kalimutan ang Pransiya. Bago naging hari si Henry IV noong 1589, ang pinakamabisang kasunduang pangkapayapaan ay nagtagal lamang ng walong taon. Ang ekonomiya at lipunan ng Pransiya ay nasa kagipitan. Ang panloob na katatagan ng bansa ay lubhang kailangan. Si Henry IV ay pamilyar sa relihiyon at pulitika. Ilang beses siyang naglipat-lipat sa Protestantismo at Katolisismo. Matapos makamit ang pakikipagpayapaan sa mga Kastila noong 1597 at sa wakas ay masugpo ang panloob na alitan noong 1598, siya ay nasa katayuang magpatupad ng isang kasunduang pangkapayapaan kapuwa sa mga Protestante at mga Katoliko. Noong 1598, pagkatapos dumanas ang Pransiya ng relihiyosong digmaan sa loob ng 30 taon, nilagdaan ni Haring Henry IV ang Kautusan ng Nantes.
“Isang Panukalang-Batas Ukol sa Karapatan na à la Française”
Ang Kautusan ng Nantes na nilagdaan ni Henry ay binubuo ng apat na saligang teksto, kasali na ang pangunahing teksto na binubuo ng 92 o 95 artikulo at ang 56 na sekreto, o “partikular,” na mga artikulong tumatalakay sa mga karapatan at obligasyon ng Protestante. Ang mga naunang kasunduang pangkapayapaan ang siyang bumubuo sa saligang balangkas ng kasunduan, anupat sumasaklaw sa dalawang-katlo ng mga artikulo. Subalit di-tulad ng mga naunang kasunduan, mahabang panahon ang ginugol sa paghahanda sa kautusang ito. Ang di-karaniwang haba nito ay bunga ng detalyadong paglilinaw nito sa mga suliranin, anupat nagmistula itong kasunduan ng mga pangkaraniwang tao. Ano ang ilan sa mga karapatang ipinagkaloob nito?
Ipinagkaloob ng kautusan sa mga Protestanteng Pranses ang lubos na kalayaan ng budhi. Ipinagkaloob din sa kanila ang katayuan bilang isang iginagalang na minorya na may mga karapatan at pribilehiyo. Tiniyak pa nga sa kanila ng isa sa mga sekretong artikulo na ipagsasanggalang sila laban sa Inkisisyon kapag nangingibang bayan. Bukod dito, ang mga Protestante ay pinagkalooban ng katayuan sa lipunan na kapantay ng mga Katoliko at maaari silang humawak ng mga tungkulin sa Estado. Gayunman, talaga bang isang karta para sa pagpaparaya ang kautusan?
Gaano Kalubos ang Pagpaparaya ng Kautusan?
Kung isasaalang-alang ang pakikitungo sa mga minoryang relihiyon sa ibang bansa, ang Kautusan ng Nantes ay “isang dokumento ng pambihirang karunungan sa pulitika,” ang sabi ng istoryador na si Elisabeth Labrousse. Ang ultimong hangarin ni Henry ay ang makitang umanib muli ang mga Protestante sa mga Katoliko. Samantala, ang sabay na pag-iral ng mga relihiyon ay isang pakikipagkompromiso—ang tanging paraan upang “ang lahat ng ating nasasakupan ay makapanalangin at makasamba sa Diyos,” ang sabi ni Henry.
Ang totoo, ang kautusan ay pabor sa Katolisismo, na ipinahayag bilang ang dominanteng relihiyon at dapat mamalagi sa buong kaharian. Ang mga Protestante ay kailangang magbayad ng ikapu sa mga Katoliko at dapat nilang igalang ang mga kapistahang Katoliko at ang mga pagbabawal hinggil sa pag-aasawa. Ang kalayaan sa pagsamba ng mga Protestante ay limitado lamang sa espesipikong mga lugar. Tinatalakay lamang ng kautusan ang sabay na pag-iral ng Protestante at Katoliko. Hindi kabilang ang ibang minoryang relihiyon. Halimbawa, ang mga Muslim ay pinalayas sa Pransiya noong 1610. Sa kabila ng limitadong pangmalas sa pagpaparaya, bakit ipinagdiriwang ngayon ang kautusan?
Mahahalagang Resulta
Ang mga ulat ng kasaysayan ay hindi gaanong bumabanggit tungkol sa kautusan. Tinatawag ito ng mga istoryador na “walang kuwentang pangyayari.” Gayunman, ito ngayon ay itinuturing na isang obra maestra ng pampulitikang diplomasya. Ang mga Protestantismo ay binanggit sa kautusan bilang isang relihiyon, sa halip na isang erehiya. Ang pagkilala sa isang relihiyon bukod sa Katolisismo ay nagbukas ng daan para sa pagdami ng relihiyon. Ayon sa isang istoryador, ito “ang nagpangyaring mapawi ang panatikong damdamin ng mga Pranses na namayani sa mga Protestante at sa mga Katoliko.” Kinilala ng kautusan na hindi ang relihiyon ang batayan ng katapatan sa Estado o pagkakakilanlan ng bansa. Bukod dito, ang kriminal na gawain, hindi ang kinauugnayang relihiyon, ang siyang batayan ng legal na aksiyon. Ang mga ideyang ito ay nagbunga pa nga ng higit pang pagbabago.
Sa paglagda sa kautusan, ang pangunahing hangarin ni Haring Henry ay magkaisa ang lipunan. Upang matiyak ito, ibinukod ng kautusan ang pagkakaisa ng lipunan mula sa pagkakaisa ng relihiyon. “Pinasimulan nito ang sistema ng sekularisasyon . . . , ang pagkilala na ang bansa at relihiyon ay hindi na magkasingkahulugan,” ang sabi ng isang istoryador. Bagaman ang Simbahang Katoliko ay mayroon pa ring antas ng kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Estado ay lalong pinalakas. Ang hari ang siyang hukom kapag may alitan. Ang pulitikal at legal na mga solusyon sa mga suliranin sa relihiyon ay nangangahulugan na ang pulitika ay nangingibabaw sa relihiyon. Iyan ang dahilan kung bakit ang kautusan ay tinawag ng isang istoryador bilang “ang tagumpay ng pulitikal na kapangyarihan laban sa papel ng Simbahan.” Sinabi ng isa pa na “makikita rito ang isang napakahalagang sandali ng paglitaw ng isang modernong Estado.”
Angkop sa Ngayon
Ang ilan sa mga pamamaraang binalangkas ng Kautusan ng Nantes ay ginamit nang dakong huli ng ibang pamahalaan. Nang maglaon, muling sinuri ng maraming bansa ang kaugnayan ng relihiyon at pulitika, anupat binago nito ang kalagayan ng awtoridad ng Estado. Sa Pransiya, ang pamamaraang napili nang dakong huli (noong 1905) ay ang lubusang paghihiwalay ng Simbahan at Estado. Ayon kay Jean Baubérot, isang kilalang propesor ng kasaysayan at sosyolohiya, ang kaayusang ito ang “siyang pinakamabisang proteksiyon para sa mga minorya” sa panahong ito nang pagsulong ng kawalang-pagpaparaya. Ang ibang mga bansa, samantalang nanghahawakan sa relihiyon ng Estado, ay nagpasiyang garantiyahan ang kalayaan ng relihiyon at tiyakin ang pantay-pantay na pakikitungo sa lahat sa kanilang konstitusyon.
Subalit marami sa ngayon ang nag-iisip na kailangang higit pang mapangalagaan ang kalayaan ng relihiyon. “Ang Kautusan ng Nantes ay ipinagdiriwang minsan sa isang siglo at nilalapastangan naman sa iba pang panahon,” ang hinagpis ng peryodistang si Alain Duhamel. Halimbawa, itinampok ng ilang may-kabatirang komentarista ang kawalang-pagpaparaya sa pagtatangi sa iba sa pamamagitan ng di-makatuwirang pagtawag sa lahat ng minoryang relihiyon bilang “mga sekta.” Ang pagkatutong mamuhay nang magkakasama sa kapayapaan at nang walang pagtatangi ay tunay na isang mahalagang aral na dapat matutuhan noon pa mang nakalipas na 400 taon. Subalit ang aral ay angkop pa rin sa ngayon.
Mga Isyung Nasasangkot
Ang kalayaan ng pagsamba ay hindi umiiral kapag di-makatarungang pinapaboran ng mga awtoridad ang ilang relihiyon at ipinupuwera naman ang iba. Sa Pransiya, ang ilang administrasyon ay nagkakaloob sa mga Saksi ni Jehova ng katayuan bilang isang relihiyon, samantalang ang iba naman ay hindi. Ang nakapagtataka, ang isang sekular na Estado ang siyang nagpapasiya kung ano ang relihiyon at kung ano ang hindi. Ang pamamaraang ito ay nagpapasimula sa pagtatangi at humahantong sa pag-uusig. Bukod dito, “ito rin ay maaaring maglaan ng pamarisan na maaaring lumaganap sa iba’t ibang bansa at iba’t ibang relihiyosong samahan,” ang sabi ni Raimo Ilaskivi, isang miyembro ng Europeong Parlamento. Kaya naman ganito ang pagtatapos ng tagapagturo ng batas na si Jean-Marc Florand: “Ito ay nakapipinsalang dagok sa Pransiya at sa pagsasagawa ng kalayaan. Bilang isang Katoliko, iyan ay totoong nakababagabag sa akin.” Ang kasaysayan ay makapagtuturo ng mga aral, ngunit sa mga gustong matuto lamang.
Sa isang komperensiya kamakailan ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization, ikinatuwiran ng isang tagapagsalita na ang “isang paraan ng pagdiriwang sa Kautusan ng Nantes ay ang pag-iisip tungkol sa kalagayan ng mga relihiyon sa ating panahon.” Tunay, ang Kautusan ng Nantes ay mas mainam na maipagdiriwang sa pamamagitan ng pagtiyak na naipagsasanggalang ang tunay na kalayaan ng pagsamba para sa lahat!
[Talababa]
a Tingnan ang Gumising!, Abril 22, 1997, pahina 3-9.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 20, 21]
Ang Kalayaan ng Relihiyon sa Pransiya Ngayon
Ang mga aral noon ay nalilimutan kung minsan. Nang nakikipagkatuwiranan para sa Kautusan ng Nantes, ipinahayag ni Henry IV: “Hindi na magtatangi sa pagitan ng Katoliko at Huguenot.” Si Jean-Marc Florand, isang matagal nang nagtuturo sa batas sa Paris-XII University, ay nagpaliwanag sa pahayagang Pranses na Le Figaro na sa Pransiya, sapol noong 1905, “pantay-pantay ang turing ng batas sa lahat ng relihiyon, paniniwala, at sekta.” Ang diskriminasyon at pagtatangi ay mga bagay na lumipas na.
Kabalintunaan, noong 1998, ang taon para sa ikaapat na sentenaryo ng Kautusan ng Nantes, ang aral nito—na dapat garantiyahan ang kalayaan ng relihiyon at pantay-pantay na pagtrato para sa lahat ng mamamayan—ay waring nakalimutan. Ang mga Saksi ni Jehova, ang pangatlong pinakamalaking relihiyosong grupong Kristiyano sa Pransiya, ay halos isang daang taon nang nagsagawa ng kanilang relihiyon doon. Gayunman, itinanggi ng isang report ng parlamento na ang mga Saksi ni Jehova ay isang lehitimong relihiyon. Bunga nito, ang ilang awtoridad na Pranses ay karaniwan nang nagtatangi laban sa mga Saksi ni Jehova pagdating sa kanilang mga kalayaan. Halimbawa, sa mga usapin tungkol sa kung sino ang mangangalaga sa anak, malimit na pinagdududahan ng mga hukom na Pranses kung dapat bang pahintulutan ang mga magulang na mga Saksi ni Jehova na panatilihin ang pangangalaga sa kanilang mga anak. Ang pagdududang ito ay ibinabangon dahil lamang sa relihiyong kinauugnayan ng mga magulang. Gayundin, ang ilang ama-amahan o ina-inahan ay lalong nanganganib na maalisan ng karapatan sa mga batang nasa kanilang pangangalaga dahil sila ay mga Saksi ni Jehova.
Kamakailan, ang mga awtoridad na Pranses ay nagbabantang magtakda ng di-makatuwirang buwis sa mga kontribusyon na ibinibigay ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang kongregasyon. Ayon sa organisasyong hindi ahensiya ng pamahalaan na Human Rights Without Frontiers, ito ay isang “mapanganib na pamarisan” na lumalabag sa mga resolusyong inilabas ng European Court of Human Rights. Sa katunayan, ang European Union ay gumagarantiya sa kalayaan ng relihiyon. Ang mga Saksi ni Jehova ay paulit-ulit na tinanggap ng European Court bilang isang “kilalang relihiyon,” anupat lalong mahirap unawain ang naging pagkilos ng awtoridad sa Pransiya.
Halos isang daang taon nang aktibo sa Pransiya ang mga Saksi ni Jehova
Kanan sa itaas: Maraming pamilya sa Pransiya ang mga Saksi na ni Jehova sa loob ng ilang salinlahi
Kaliwa sa itaas: Roubaix Congregation, 1913
Kaliwa sa ibaba: Mga Saksi sa Hilagang Pransiya, 1922
[Larawan sa pahina 19]
Henry IV, hari ng Pransiya
[Credit Line]
© Cliché Bibliothèque Nationale de France, Paris