Espirituwal na Pagkagutom sa Romania
ISANG ulat ng Associated Press mula sa Brasov, Romania, ang nagsabi na halos 90 porsiyento ng 23 milyon mamamayan ng Romania ay miyembro ng Simbahang Ortodokso, na pinahintulutang magpalakad sa ilalim ng Komunistang pamamahala. Gayunman, sinabi ng Daily Record, ng Canon City, Colorado, E. U. A., na nakikita ngayon ng marami na hindi na nakaabot sa pamantayan ang simbahan. Ganito ang nasa ulong balita nito: “Nawawalan ng Bisa ang Simbahang Ortodokso Kung Para sa mga taga-Romania.”
“Binanggit ni Alexandru Paleologu, isang manunulat at pilosopo,” ang ulat ng pahayagan noong Oktubre, “ang kawalan ng pagtitiwala sa mga awtoridad ng simbahan, at nagsabing ang istilo at diwa ng relihiyon ay nagkahalu-halo na. Halimbawa, ang mga tao ay nag-aantanda at nag-aayuno sa itinakdang mga araw. Subalit ang aborsiyon, na itinuturing ng simbahan bilang kasalanan, ay laganap.”
Sinabi ng Daily Record na marami ang naging mga Saksi ni Jehova, na binabanggit ang epekto ng programa ng pagtuturo sa Bibliya ng mga Saksi sa isang pamilya: “Ang asawa ni Florentina Petrisor ay malakas uminom ng alak noon at siya’y binubugbog, aniya. Subalit sapol nang maging mga Saksi ni Jehova ang mag-asawa, ang buhay pampamilya niya ay naging halimbawa ng kapayapaan.”
Iniulat na si Florentina, isang 38-taóng-gulang na mananahi, ay “umalis sa simbahang Ortodokso dahil sa kawalan ng pagtuturo nito sa kawan at ang pagiging materyalistiko ng kanilang pari.” Sinabi ng pahayagan ang ganito: “Nang mamatay ang kaniyang biyenang lalaki, sinabi ni Petrisor na kailangang bayaran at pakainin ng pamilya ang pari upang matiyak ang isang magandang serbisyo sa libing bago niya mapakain ang kaniyang mga anak. ‘Sa palagay ko’y hindi tama ito,’ aniya.”
May kinalaman sa kampanya ng simbahan na nagkakalat ng maling impormasyon tungkol sa mga Saksi, sinabi ng Daily Record: “Sa Romania, ang simbahang Ortodokso, na nagtamo muli ng impluwensiya, ang nagmaniobra sa pamahalaan upang ilipat ng lugar ang napakaraming magtitipong mga Saksi ni Jehova nitong tag-araw mula sa kabisera ng Bucharest tungo sa mga lunsod ng Brasov at Cluj sa Transylvania.”
Inilahad ng Pebrero 22, 1997, ng Gumising! ang tungkol sa kampanya ng simbahan na impluwensiyahan ang pamahalaan na kanselahin ang internasyonal na kombensiyon na itinakdang gawin sa Bucharest noong Hulyo 1996. Mababasa ninyo sa magasing iyon kung paano isinaayos nang mabilisan ang alternatibong mga kombensiyon sa Cluj-Napoca at Brasov at kung paano nadaluhan ang mga ito ng may kabuuang 34,866. Napakalaki ng publisidad na naibunga nito sa daigdig. “Ang iniisip ng Simbahang Ortodokso sa Romania na makahahadlang sa amin,” ang sabi ng isang kinatawan ng mga Saksi, “ay totoong naging para sa pagpapasulong ng mabuting balita.”
[Larawan sa pahina 31]
Mga delegado na nag-awitan sa kombensiyon sa Brasov