Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 6/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nililisan ang Lunsod Upang Magtungo sa Bukid
  • Sinang-ayunan ng Simbahan ang Ministrong Nagpabago ng Sekso
  • Tulad-Taong Bakas ng Daliri ng Koala
  • Natututuhan ba ang Diborsiyo?
  • Paghingi ng Tawad Pagkalipas ng 500 Taon
  • Mag-ingat sa mga Palsipikadong Iniresetang Gamot
  • Higit Pang Suliranin ng Klero
  • Amoy Bawang na Hininga
  • Dumarami ang Isterilisasyon ng mga Babae
  • Mga Digmaan May Kinalaman sa Isda
  • “Naaalaala Pa Namin . . . ang Bawang!”
    Gumising!—2005
  • Bawang
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mula sa Matinding Kahirapan Tungo sa Pinakamalaking Kayamanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 6/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Nililisan ang Lunsod Upang Magtungo sa Bukid

Palibhasa’y nagsawa na sa kaigtingan at sa nakapapagod na takbo ng buhay sa lunsod, isang maliit ngunit lumalaking bilang ng mga Hapones ang lumilisan sa lunsod upang magtungo sa bukid. Samantalang totoo na mas simple ang pamumuhay sa kabukiran sa gitna ng likas na kapaligiran, may mga suliranin ang pagpapalit ng istilo ng pamumuhay mula sa lunsod tungo sa kabukiran. “Maraming bagong magsasaka ang tumalikod sa malalaking suweldo, sa kaginhawahan ng buhay sa lunsod at marahil sa katayuan sa lipunan bunga ng pagiging bahagi ng isang kompanyang may malaking pangalan,” sabi ng Asiaweek. Bukod dito, “inaamin ng mga nakumberte sa mga lalawigan na kailangan nilang magbawas ng gastusin, at kung minsa’y napipilitan silang dagdagan ang kanilang kita sa pag-aani sa pamamagitan ng mababang-uring mga trabaho.” Subalit para roon sa mga determinadong magbago, nagtatag ang Ministri ng Agrikultura ng isang Paaralan Para sa Paghahanda sa Pagsasaka upang matulungan ang mga tagalunsod na matagumpay na makibagay sa buhay sa kabukiran.

Sinang-ayunan ng Simbahan ang Ministrong Nagpabago ng Sekso

Sa Estados Unidos, isang ministrong Presbiteryano ang pinahintulutang mapanatili ang kaniyang ordinasyon matapos na sumailalim sa isang operasyon na nagbago ng kaniyang sekso. Ginawa ang desisyon nang hilingin ng 49-na-taóng-gulang na si Eric Swenson sa Presbiteryo ng Kalakhang Atlanta (Georgia) na palitan ang kaniyang pangalan ng Erin pagkatapos na magpaopera siya upang alisin ang kaniyang mga sangkap sa sekso. “Sinabi ni Anne Sayre, ang kasamahan para sa hustisya at mga kababaihan, na ‘nahirapan’ ang presbiteryo ngunit nagpasiya na ito ay ‘walang mga batayan alinman sa teolohikal o moral na paraan’ para ipawalang-bisa ang ordinasyon,” ulat ng The Christian Century. Ngunit sinabi ni Don Wade, isang ministro na bumoto laban sa kahilingan ni Swenson, na “hindi nagkaroon ng seryosong pagtalakay sa teolohikal na mga usapin.”

Tulad-Taong Bakas ng Daliri ng Koala

Ang bakas ng mga daliri sa kamay at paa ng isang koala ay kapansin-pansing nakakahawig niyaong sa tao, sabi ng isang siyentipikong Australiano. Ganito ang sabi ni Propesor Maciej Henneberg, isang biyologo at dalubhasa sa forensic medicine sa Unibersidad ng Adelaide: “Hindi makita maging ng scanning electron microscope ang pagkakaiba.” Ang pagkakahawig ay hindi sa kabuuang hugis ng mga kamay ng koala kundi nasa dermatoglyphics​—ang disenyo ng mga umbok, guhit, at pabilog na guhit sa almuhadon ng mga kamay at mga paa nito. Isa pa, ang mga bakas ng daliri sa kamay at paa ay natatangi sa bawat koala, kung paanong gayundin sa mga tao.

Natututuhan ba ang Diborsiyo?

“Ang mga mag-asawang may nagdiborsiyong mga magulang ay mas malamang na mabigo sa kanilang sariling pag-aasawa kaysa sa mga mag-asawa na ang mga magulang ay nagsasama pa rin,” ulat ng The Sydney Morning Herald, ng Australia. Si Propesor Paul Amato, ng Unibersidad ng Nebraska, sa Estados Unidos, “ay sumubaybay sa mga 2,000 mag-asawang Amerikano sa loob ng mahigit na 12 taon” at, ayon sa pahayagan, natuklasan na “ang mga anak ng mga magulang na nagdiborsiyo ay maaaring ‘magmana’ ng mahihinang pangkaugnayang kakayahan at paggawi na lubhang magpapalaki sa tsansa na magwakas sa diborsiyo ang kanilang sariling pag-aasawa.” Sinabi ng Herald: “Kung ang mag-asawa ay parehong may nagdiborsiyong mga magulang, ang panganib ng pagkasira ng pagsasama ay mas mataas ng 300 porsiyento kaysa sa mga mag-asawa na ang kapuwa mga magulang ay nagsasama pa rin.”

Paghingi ng Tawad Pagkalipas ng 500 Taon

Noong 1496, nagpalabas ng dekreto si Haring Manuel I ng Portugal sa mga Judio na nakatira sa kaniyang teritoryo: Magpakumberte Kayo sa Romano Katolisismo, o lumisan. Pagkaraan ng mga 500 taon, noong 1988, opisyal na humingi ng tawad ang Portugal. Kamakailan, sa isang mapitagang paggunita, naghandog ang Portugal ng pagbabayad-sala. Ayon sa isang ulat ng Associated Press, sinabi ng presidente ng Portugal, si Jorge Sampaio, sa isang talumpati sa harap ng Parlamento na ang pagpapaalis ay isang “napakasamang batas na may malubha at kapaha-pahamak na mga resulta.” Tinawag ni Justice Minister José Eduardo Vera Jardim ang pagpapaalis na “isang madilim na yugto sa ating kasaysayan.” Sinabi pa niya na may utang na “moral na bayad-pinsala” ang estado sa mga Judio dahil sa “malupit na pag-uusig” sa loob ng mga siglo. Bagaman ang populasyon ng Portugal ngayon ay umaabot ng mga 10 milyon, mga 1,000 lamang na aktibong Judio ang naninirahan doon.

Mag-ingat sa mga Palsipikadong Iniresetang Gamot

Sa taunang benta na mga 16 na bilyong dolyar, umuunlad ang negosyo ng palsipikadong gamot. Ayon sa pahayagang Le Monde sa Paris, “tinataya ng World Health Organization (WHO) na di-kukulangin sa 7 porsiyento ng mga gamot na ibinebenta sa buong daigdig bawat taon ay huwad.” Ang porsiyento sa Brazil ay baka sintaas ng 30 porsiyento, at sa Aprika, 60 porsiyento. Ang mga palsipikadong gamot ay mula sa mahihinang imitasyon ng tunay na produkto hanggang sa lubusang walang-kabuluhan o nakalalason pa nga na mga sangkap. Binanggit ng Le Monde ang halimbawa ng epidemya ng meninghitis sa Niger, kung saan libu-libo ang binakunahan ng napatunayang tubig lamang pala. At sa Nigeria, 109 na bata ang namatay nang sila’y painumin ng sirup na nagtataglay ng panghadlang sa pagyeyelo. “Ang mga ospital mismo ay bumabaling sa ilegal na pamilihan dahil nag-aalok ito ng mga produkto sa mas naaabot na mga presyo,” sabi ng pahayagan. Nahihirapan ang mga awtoridad sa kalusugan sa maraming bansa sa paghanap ng lunas sa suliranin dahil sa di-mabisa o tiwaling pagpapatupad ng batas.

Higit Pang Suliranin ng Klero

Mga 40 obispong Episkopalyano ang lumagda sa isang pahayag noong Nobyembre 1996 na nananawagan sa simbahan upang “maglaan ng malinaw at may-bisang mga pamantayan hinggil sa seksuwal na paggawi ng klero,” ulat ng magasing Christianity Today. Niyanig ang simbahan ng ilang iskandalo na nagsasangkot sa mga klerigo, na sinasabi ng mga konserbatibo na bunga ng “pagkabigong ipahayag nang maliwanag ang doktrina ng simbahan tungkol sa seksuwalidad.” Halimbawa, nagbitiw ang rektor ng isang simbahang Episkopal sa Brooklyn, New York, pagkatapos umamin na nagkaroon ng homoseksuwal na mga relasyon. Ganito ang sabi ni Todd Wetzel, ang ehekutibong direktor ng Episcopalians United: “Hindi nakakaharap ng simbahan ang isang iskandalo. Nakakaharap nito ang marami, na dito ay ito ang pinakanakapangingilabot.” Noon, napabalita nang husto ang simbahan nang akusahan nito ng erehiya ang retiradong obispo na si Walter Righter dahil sa paghirang sa isang aktibo sa seksong homoseksuwal na diakono. Binawi ang mga paratang pagkatapos na “ipasiya ng hukumang Episcopal na ang simbahan ay walang ‘saligang doktrina’ na nagtatakda na ang sekso ay para lamang sa mag-asawa.”

Amoy Bawang na Hininga

Kamakailan ay gumawa ng ilang bagong hakbang ang pamahalaan ng Taiwan upang mabawasan ang labis na suplay ng bawang. Pinasigla ng mga administrador ang publiko na “kumain ng mas maraming bawang,” sabi ng South China Morning Post. Ganito ang paliwanag ng isang opisyal ng Taiwan sa Konseho ng Agrikultura, si G. Ku Te-yeh: “Marami lamang tayong itinanim na bawang sa taong ito.” Sa pagsisikap na palakihin ang konsumo, naglalathala ang pamahalaan ng isang buklet ng mga resipe para sa bawang. Gayunman, inamin ni G. Ku na “hindi naman inaasahang lulunukin ng publiko ang buong suliranin,” sabi ng pahayagan.

Dumarami ang Isterilisasyon ng mga Babae

Noong mga taon ng 1960 ang karaniwang pamilyang taga-Brazil ay may 6.1 anak sa bawat sambahayan; ang karaniwan ngayon ay 2.5 anak. Bakit may malaking pagbaba? Ayon sa isang pag-aaral ng Applied Economy Research Institute, ang isang dahilan ay na “40% ng mga babaing may-asawa [sa Brazil] ay isterilisado,” sabi ng Jornal do Brasil. Bukod dito, ang pangkalahatang kausuhan ay isterilisasyon ng mga babae sa maagang edad. Halimbawa, ang katamtamang edad para maging isterilisado ang babaing taga-Brazil sampung taon na ang nakalipas ay 34; ngayon ito ay 29. Binanggit din ng pag-aaral na ang “karamihan sa mga isterilisasyon ay nagaganap sa panahon ng panganganak,” lalo na may kinalaman sa mga cesarean na pagsilang. Sa kabaligtaran, 2.6 porsiyento lamang ng mga lalaki sa Brazil ang sumailalim sa isterilisasyon.

Mga Digmaan May Kinalaman sa Isda

Ang napakaraming bangka na humahabol sa umuunting suplay ng isda ay “humantong sa maiinit na alitan sa pagitan ng mga plota ng mga barkong pangisda at lokal na mga barko ng hukbong-dagat,” sabi ng U.S.News & World Report. Ang mga plota ng mga barkong pangisda noong 1990 ay dumami ng mga tatlong milyong sasakyan, halos doble ng bilang noong 1970. Karagdagan pa, ang mga modernong kasangkapan sa pangingisda, tulad ng sonar sa paghanap ng isda at gahiganteng mga lambat, ay lubhang nagdagdag sa kahusayan ng mga mangingisda. “Ang pangwakas na resulta ay ang pagkakasangkot ng mga pamahalaan ng mga bansang nasa mga hangganan ng karagatan sa pakikipagsagupaan sa mga banyagang plota” habang sinisikap nilang ipagsanggalang ang kanilang umuunting suplay ng isda. Sa nakalipas na dalawang taon lamang, ang maliliit na labanan sa karagatan sa pagitan ng magkakaribal na plota ay humantong sa pagkamatay ng walong mangingisda.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share