Mula sa Aming mga Mambabasa
Radyo Maraming salamat sa napakagandang artikulo na “Radyo—Isang Imbensiyon na Bumago sa Daigdig.” (Oktubre 8, 1996) Ako’y 18 taong gulang, at napakahilig kong makinig sa radyo. Talagang kawili-wili para sa akin ang pagtalakay tungkol sa pagsulong ng radyo. Lalo pang nakatutuwang malaman na noong nakalipas na panahon ay ginamit ng mga Saksi ni Jehova ang radyo upang palaganapin ang mabuting balita ng Kaharian.
F. B., Italya
Mga Paruparo Nag-iisa akong nangangaral noon sa isang kabukiran at ipinasiya kong itampok ang artikulong “Isang Maselan Ngunit Matibay na Manlalakbay.” (Oktubre 8, 1996) May nakilala akong isang magsasaka, isang napakalaking lalaki—hindi ang uri ng tao na karaniwang makakausap ko tungkol sa mga paruparo! Gayunman, pagkatapos na makita niya ang nakabibighaning mga larawan, kinuha niya ang mga magasin at sinabi niya na maraming uri ng paruparo ang masusumpungan sa kaniyang bukid. Nang ako’y umalis, binasa nang husto ng kaniyang maybahay ang magasin. Kaya, tulad ng paruparo, ako’y magbabalik—at ipakikita ko pa nang higit sa kanila ang tungkol sa Kaharian ng Diyos!
B. B., Inglatera
Isa ito sa pinakanakasisiyang artikulo na aking nabasa. Ilang araw pa lamang pagkatapos dumating ng magasin, napansin ko na ang aming mga puno ay namumutiktik sa mga paruparong monarch! Nagpasalamat ako sa Diyos dahil sa kaniyang kamangha-manghang paglalang.
S. M., Estados Unidos
Pinahintulutan ang Kabalakyutan Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Pinahihintulutan ng Diyos na Mangyari ang Masasamang Bagay?” (Oktubre 22, 1996) Pagkatapos kong maranasan ang pag-iisa, pagkapahiya, at labis na pagkalungkot sa loob ng 18 taon ng pag-aasawa sa isang di-tapat na kabiyak na hindi marunong gumalang sa mga babae, parang isang nakagiginhawang balsamo na mabasa na si Jehova ay isang maibiging Diyos na nagmamalasakit sa atin. Para bang si Jehova ang umaaliw sa akin.
H. T., Estados Unidos
Sigarilyo Nais kong magkomento tungkol sa artikulong “Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?” (Oktubre 22, 1996) Nakapanghihinayang nga na hindi ko nabasa ito sa ilang taong nagdaan! Ang aking asawang lalaki ay namatay dahil sa kanser sa baga nang taong ito. Napakalakas niyang manigarilyo sa loob ng 50 taon. Hindi ko mismo alam na ang mga sigarilyo ay may gayong nakapipinsalang epekto.
H. G., Alemanya
Akee Ang inyong artikulong “Akee—Pambansang Pagkain ng Jamaica” (Oktubre 22, 1996) ay napakahusay. Bilang isang katutubo ng Jamaica, hindi ako kailanman nag-ahin ng akee sa kaninumang tumatanggi rito. Hinihimok ko ang sinuman na magpupunta sa Jamaica na tikman ang akee!
E. B., Estados Unidos
Nakatutuwa nga na talakayin ang isa na namang mga gawa ng ating Maylalang! Napakaraming puno ng akee rito sa Ghana at ito’y nagsisilbing silungan sa ilang bayan at mga nayon. Sa ilang na kagubatan, ang mga ito’y tumataas nang husto. Ang mga paniki, loro, at iba pang mga ibon ay humahapon sa mga sanga nito. Ang punong akee ay isa pang kahanga-hangang kaloob mula sa Diyos.
P. A. E., Ghana
Mga Kabayo Kailangan kong sumulat upang ipahayag ang aking pagpapahalaga sa artikulong “Sinasaka Pa Rin Nila ang Lupa sa Pamamagitan ng mga Kabayo.” (Oktubre 22, 1996) Mahilig ako sa hayop, at napukaw nito ang isang bagay sa aking puso. Nagustuhan ko ang paraan ng inyong paghaharap sa kaugnayan na maaaring mamagitan sa tao at hayop, lalo na sa bahaging tungkol sa nakatutuwang “pakikipag-usap” ng isa sa kaniyang mga kabayo.
V. H., Estados Unidos
Ang buong buhay ko’y ginugol ko sa paninirahan sa metropoli, at ang aking pagnanais na maging malapit sa mga nilikha ni Jehova ay mangyayari sa hinaharap pa. Sa pagbabasa ng inyong artikulo, nagawa kong makasama ang mga kabayo sa aking imahinasyon. Maraming salamat sa gayong kaayaayang mga artikulo.
L. A. D., Estados Unidos