Ang Pagbabata Ko sa Sakit na RSD
AKO’Y nasa kaagahan ng aking edad na 40 at nagtatrabaho bilang isang pambuong-panahong boluntaryo sa isang opisina na gumagamit ng computer. Ako’y naoperahan sa aking gulugod ilang taon na ang nakararaan, at inaakala ko na sanay na ako sa pakiramdam ng kirot. Kaya nang ako’y ooperahan noong Enero 1994 dahil sa ganglion cyst sa kaliwang sugpungan ng galanggalangan ko, inaasahan ko ang kirot at paghihirap—subalit iyong matitiis ko.
Sa loob ng ilang linggo pagkatapos ng operasyon, na matagumpay naman, napansin ko ang matinding kirot sa aking kaliwang braso. Ito rin ay namamaga at nagbabago ang kulay. Ang aking mga kuko ay humaba at madaling mabali, at dahil sa kirot, hindi ko ito magupit. Halos hindi ako makatulog. Noong una, hindi ito maipaliwanag ng mga doktor at ng therapist, subalit habang lumalala ang mga sintoma, natanto ng siruhano na ako’y may RSD (Reflex Sympathetic Dystrophy), na kilala rin bilang Chronic Regional Pain Syndrome. Tatlong buwan na ang nakalilipas noon sapol nang operasyon.
Ang Pakiramdam ng may RSD
Wala ako kailanmang nabalitaan tungkol sa RSD, subalit natuklasan ko mismo sa sarili ko ang lahat ng bagay tungkol dito—KIROT. Ang kirot na pinakamasakit sa lahat. Ang walang-katapusang kirot sa aking kamay at braso. Nadarama ko ang kirot habang ang aking kamay ay namamaga na tatlong ulit ang laki kaysa normal na laki nito. Ito’y mahapdi at nag-iinit na kirot na walang tigil. Para bang ako’y nasa isang nasusunog na bahay, at hindi ako makatakas. Hindi ako nagmamalabis sa pagsasalita! Para sa akin, ito ang pinakamatindi at pinakanagtatagal na kirot na maiisip ng isa. Napakarami ng uri ng kirot nito na may iba’t ibang katindihan. Kung minsan, ang kirot ay para bang kinagat ako ng isang kuyog ng bubuyog. Sa ibang pagkakataon naman, para akong iniipit ng gato at parang hinihiwa ako ng labaha. Hindi ko pa nga kaya na madait ang mahabang buhok ko sa aking balat—kapag dumait ito, para bang may tinik na dumuduro sa akin. Bigung-bigo na ako sa paghahanap ng lunas sa paghihirap na ito.
Minsan ay napakatindi ng paghihirap ko dahil sa walang tigil at pagkasakit-sakit na kirot anupat naisip ko nang putulin ang aking braso sa loob ng banyo. Iniisip ko kung gaano karaming putol ang gagawin ko upang maalis ang paghihirap na ito. (Nang maglaon, sinabi sa akin ng mga doktor na hindi makalulutas ng problema ang pagputol.) Pakiramdam ko’y para bang ako’y isang sorrang nabitag na naghahanap ng lunas sa pamamagitan ng pagngatngat sa nabitag na paa nito.
Isang Lunas sa Wakas!
Sa wakas, bilang kahuli-hulihang paraan, ako’y dinala sa isang pagamutan para sa kirot upang ipagamot. Doon ko nakilala si Dr. Mathew Lefkowitz, espesyalista sa kirot at anestisyologo na nanggagamot sa New York, sa Brooklyn Heights. Napakamahabagin at maunawain niya. Ang pagamutan sa kirot ang aking naging kanlungan, lalo na habang aking nauunawaan ang aking sakit at ang kagamutan nito.
Nagsimula si Dr. Lefkowitz sa pain-numbing treatment—regular na pagtuturok sa nerbiyo sa aking leeg, na pansamantalang hahadlang sa paghahatid ng nerbiyo ng mensahe na nagdudulot ng kirot. Gaya ng paliwanag niya rito, ang kirot ay napupukaw ng sympathetic nervous system. Ito ang normal na reaksiyon ng utak upang magbigay proteksiyon sa kapinsalaan o operasyon. Ang teoriya ay na ang sistemang ito’y kumikilos na parang tarangkahan. Ang pagiging aktibo ng nerbiyo ay nagaganap lamang habang ang sugat ay gumagaling. Sa isang panahon, kapag wala nang inihahatid na mga mensahe ang nerbiyo, nagsasara ang tarangkahan at nawawala ang kirot. Sa RSD, ang tarangkahan ay hindi nagsasara. Hindi kailanman kumakalma ang sympathetic nervous system. Ito’y patuloy na kumikilos na para bang may sugat pa sa isang bahagi ng katawan. Sinabi sa akin ng doktor na ako’y bumalik agad sa pagamutan anumang oras na tumindi ang kirot. Kaya, pansamantalang naging regular ang rutin ko sa mga iniksiyon para mahadlangan ang kirot.
Natulungan ako ng mga iniksiyon na matiis ko ang terapi sa katawan, na nagpangyaring maikilos ko ang apektadong braso at totoong nakatulong ito sa kalagayang ito. Habang lumilipas ang panahon, nakagawa ako ng simpleng mga gawain, na parehong nagagamit ang aking mga braso at kamay. Mabuti itong pasimula.
Ano ang Maaaring Maging Kahihinatnan?
Ang patuloy na pagkirot ay nakaapekto sa akin sa iba’t ibang paraan. Ibig kong mapag-isa, lumayo; subalit saanman ako magpunta, kasama ko ang kirot. Kaya hindi iyan ang sagot. Ang braso ko ay para bang hiwalay na bahagi ng katawan na sumasalot sa aking buhay at sa aking buhay may-asawa. Hindi man lamang ako malapitan ng aking asawa upang magpadama ng paglalambing. Totoong siya’y matiisin at maawain. Ako’y naging maybahay na iisa ang kamay, walang kakayanang gumawa ng anuman. Ang pagsisikap lamang na pulutin ng aking kaliwang kamay ang isang pirasong papel ay katakut-takot na hirap na.
Hanggang sa ngayon, walang lunas para sa RSD, bagaman kung minsan ito’y basta humuhupa na lamang. Sa mga huling yugto, magkakaroon ng osteoporosis at lumiliit ang braso o paa. Kaya naman napakalaking tulong ng lubusang pagpi-physiotherapy. Mabuti naman, wala ako sa yugtong iyan.
Kung Paano Ako Nakapagbabata
Bagaman nakadarama pa rin ako ng kirot, hindi na ito kasintindi noong mga panahong napakalala nito. Gayunman, kung walang mga iniksiyon, hindi ko ito makakaya. Ano ang nakatulong sa akin na makapagbata? Ang positibong saloobin ng ilang doktor, therapist, at mga kaibigan. Natutuhan ko ring magtiis. Kung tungkol naman sa aking pagpapahalaga sa sarili at dignidad, kailangang maging normal ang aking buhay, sa kabila ng aking di-normal na kalagayan. Ang pagiging kasama ng mga katrabaho na tumutulong sa akin, nang hindi ako ginigipit, ay nakakumbinsi sa akin na ako’y maaari pa ring maging kapaki-pakinabang sa trabaho. Natuklasan ko rin, at ginagawa ko pa rin, na ang nakaaaliw na musika at nagpapaginhawang mga ehersisyo sa paghinga ay nakatutulong sa akin. Ang isa sa gustung-gusto kong ginagawa ay mahiga na komportable ang posisyon habang nakatanaw sa kalangitan at sa patuloy na nagbabagong mga ulap. Pagkatapos ako’y nagbubulay-bulay at sa aking diwa ay naglalakbay sa magagandang lugar. Ang pagtawa ay laging mabuting kagamutan, gaya ng positibong saloobin—at lalo na kung alam mong may pagmamahal na tinutulungan ka ng iyong pamilya at mga kaibigan. Mahalaga na matanto na hindi ka kailangang talunin ng RSD. Ang mahusay na paggamot ng mga propesyonal ay makatutulong sa iyo na magtagumpay sa pagpupunyaging iyan.
Naturuan ako ng karanasan na higit na magkaroon ng empatiya sa sinumang nagdurusa dahil sa kirot, at ako’y naudyukang tumulong at magbigay ng kaaliwan sa iba. Naging malaking tulong ang aking mga paniwala. Alam ko kung bakit ito nangyayari. Hindi ako isang pantanging napiling biktima. Hindi dapat sisihin ang Diyos. Ang kirot ay isa sa masamang kalagayan ng buhay na maaaring maranasan ng sinuman. Ang taimtim na pananalangin ay malaking tulong sa akin. May pananampalataya ako sa Diyos na darating ang panahon na mawawala na ang kirot. Ako’y natulungan sa pamamagitan ng pagbabahagi ko ng kaisipang iyan sa iba na aking nakakasalamuha. Bagaman nananatili pa ring hamon sa akin ang RSD, ako’y nagpapasalamat sa pagbuti na aking nadarama. (Apocalipsis 21:1-4)—Gaya ng inilahad ni Karen Orf.
[Kahon sa pahina 22, 23]
Ang Pangmalas ng Isang Doktor
Kinapanayam ng Gumising! si Dr. Lefkowitz upang kaniyang ipaliwanag ang paggamot. Ganito ang kaniyang paliwanag: “Ginagamot namin ang lahat ng uri ng kirot, hindi lamang ang RSD. Ang pinakakaraniwang sakit na kirot ay ang pananakit ng balakang, na malimit na humahantong sa napakasakit na sciatica. Bagaman ang kirot ay totoong pisyolohiko ang pinagmumulan, malimit na may impluwensiya ito ng isip.”
Gumising!: Ang RSD ba ay maaaring dumapo sa lahat ng edad at walang pinipiling kasarian?
Dr. Lefkowitz: Oo, walang itinatangi ang sakit na ito. Gayunman, hindi natin masasabi kung sino ang mas malamang na maapektuhan. Ang alam ko ay karaniwang mas nakapagbabata ng kirot ang mga babae kaysa mga lalaki. Waring sila’y mayroong mas malaking pagbabata sa kirot.
Gumising!: Anong kagamutan ang inyong inirerekomenda para sa kirot?
Dr. Lefkowitz: May iba’t ibang paraan tayong magagamit, depende sa pinagmulan at katindihan ng kirot. Sa paano man, ang kirot ay nangangahulugan ng pagdurusa, at kailangan nating ibsan ang pagdurusang iyan. Sa ilang kalagayan kami’y gumagamit ng mga pildoras na nonsteroid, gaya ng aspirin, at iba pang mapagpipilian. Sa ilang kalagayan, gaya kay Karen, gumagamit kami ng gamot na humahadlang sa nerbiyo ng apektadong bahagi. Sa grabeng kalagayan maaaring gumamit kami ng opiate. Ang disbentaha riyan ay kailangang subaybayan namin ang posibilidad ng pagiging sugapa rito.
Gumising!: Hindi ba maiiwasang madaanan ang lahat ng yugto ng paglala ng RSD?
Dr. Lefkowitz: Maiiwasan naman. Kung ating masusuri ang sakit sa maagang yugto, mahahadlangan natin ang paglala nito. Kuning halimbawa si Karen. Siya’y nasa intermediate stage, at hindi niya kinakailangang dumaan sa panghuling yugto kung saan lumiliit ang braso o paa.
Gumising!: Ano ang inyong maimumungkahi upang matulungan ang pasyente na mabata ang kalagayan?
Dr. Lefkowitz: Iyon mismong ginawa ni Karen. Nakayanan niya ang kaniyang kirot sa isip lamang dahil sa nililibang niya ang kaniyang isip ng magagandang isipin at tanawin. Siya rin ay tineterapi sa katawan. At naniniwala ako na naging malaking tulong sa kaniya ang kaniyang pananampalataya. Natulungan siya nitong pagtuunan ng pansin ang kaniyang kalagayan sa positibong paraan. Oo, malaki ang ginagampanang bahagi ng pananampalataya.
Gumising!: Maraming salamat po sa iyong panahon at pagtitiyaga.
[Larawan sa pahina 23]
Kasama si Dr. Lefkowitz sa kaniyang pagamutan