Mula sa Aming mga Mambabasa
Sakit sa Bato Ang artikulong “‘Pansamantala Lamang Ito!’—Ang Mabuhay Nang May Sakit sa Bato” (Nobyembre 22, 1996) ay matagumpay na nagpalakas ng loob naming mag-asawa sa totoong kritikal na yugto ng aming buhay. Tulad ng sumulat ng artikulo, ang aking asawang lalaki ay nagsimulang sumailalim sa peritoneal dialysis, at napakahirap nito. Kung minsan ay nalilipos kami ng kawalang-pag-asa. Subalit naging malaking kaaliwan ang inyong artikulo, na nagpapaalaala sa amin na ang sakit sa bato ay pansamantala lamang at hindi na magtatagal ay aalisin ito ng Kaharian ng Diyos, kasama ng iba pang mga sakit.
V. Q., Italya
Ang pagbabasa tungkol sa isang lalaki na hindi kailanman ipinagwalang-bahala ang alinman sa kaniyang pamilya o kaniyang pagsamba sa kabila ng habang-buhay na pakikipagpunyagi sa isang sakit ay nagpaluha sa akin. Ako’y malusog, 18-taong-gulang na buong-panahong ebanghelisador, at natanto ko kung gaano ko kalimit na ipinagwawalang-bahala ang aking kalusugan. Ang pananampalataya at saloobin ni Lee Cordaway ay talagang nakapagpapatibay ng loob na basahin.
J. S., Estados Unidos
Noong 1992, sa edad na 11, nalaman ko na ako’y maysakit sa bato, na sa dakong huli ay humantong sa pagkapinsala nito. Kinailangan akong mag-dialysis. Natutuwa ako at ipinaliwanag ninyo ang proseso nang gayong kahusay sapagkat laging itinatanong ng mga tao kung paano ito gumagana. Napatibay ang loob ko at ng aking mga kaibigan na aming mabasa na ang kalagayang kinakaharap ko sa ngayon ay hindi laging mananatili.
A. H., Estados Unidos
Nabagbag ang aking damdamin nang aking mabasa ang artikulo tungkol kay Lee Cordaway. Hindi ako makapaniwala na siya’y namatay! Kaming mag-asawa ay nagpapaabot ng aming pag-ibig sa kaniyang mapagmahal na maybahay at sa kaniyang pamilya. Natanto ko na maliliit na problema lamang ang ikinababahala ko sa aking buhay. Anong buti at tapat na Kristiyanong lalaki niya! Pinatibay-loob ako ng kaniyang halimbawa.
F. H., Estados Unidos
Bagaman ako’y sampung taong gulang lamang at wala akong sakit, nasisiyahan ako sa gayong nakapagpapatibay-loob na mga artikulo. Sana’y mabasa ni Lee Cordaway ang sulat na ito, pero alam kong hindi na niya mababasa ito hanggang sa siya’y buhaying-muli sa Paraiso.
E. T., Estados Unidos
Mga Peregrino Ibig kong ipabatid sa inyo kung gaano ko pinahahalagahan ang inyong artikulong “Ang mga Peregrino at ang Kanilang Pakikipagpunyagi Para sa Kalayaan.” (Nobyembre 22, 1996) Hindi ko nalaman ang tunay na salaysay tungkol sa mga Peregrino sa paaralan. Subalit marami akong natutuhan mula sa inyong mga artikulo!
S. B., Estados Unidos
Alternatibong Rock Ako’y 18 taong gulang, at ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Alternatibong Rock—Para sa Akin ba Ito?” ay napakahusay ang pagkakasulat. (Nobyembre 22, 1996) Gusto ko ang alternatibong rock, kaya ang akala ko ay makasisira ng loob ko ang artikulo. Subalit nang matapos ko ito, ang tanging nadama ko’y pagpapahalaga. Ako’y nanlulumo, at natanto ko na ang pinipili kong musika ay alin sa magpalala ng aking panlulumo o makatulong sa akin na mabata ito. Nagustuhan ko ang paraan ng pagtatanong ng artikulo, ‘Bakit hindi pumili ng musika na makapagpapasaya sa iyo?’ Salamat sa nakapagpapatibay at praktikal na payo.
J. D., Estados Unidos
Wastung-wasto at walang kinikilingan ang impormasyon. Nagugustuhan ko ang ilan sa musikang ito. Salamat sa pagbibigay ninyo ng mga hakbang sa pag-iingat nang hindi hinahatulan ang buong kaurian ng musika.
S. C., Estados Unidos
Salaysay ng Hayop Nagugustuhan kong basahin ang mga artikulong inyong inilalathala tungkol sa mga hayop. Yamang wala pa ako kailanmang nababalitaan tungkol sa platypus, ang artikulong “Ang Palaisipang Platypus” (Disyembre 8, 1996) ay nagpamangha sa akin! Sa labas ding iyon, ang artikulo tungkol sa napakagandang pagkakaibigan sa pagitan ng hayop at mga tao, “Naaalaala Pa ng Kudu na Ito,” ay nakaantig din sa akin. Anong inam kapag nagpakita ang tao ng pag-ibig at paggalang sa mga hayop!
F. A., Brazil