Kung Bakit Magagaling na Mandirigma ang mga Bata
PUMATAY KA BA? “Hindi po.”
MAY BARIL KA BA? “Mayroon po.”
ITINUTOK MO BA ANG BARIL? “Opo.”
PINAPUTOK MO BA ITO? “Opo.”
ANO ANG NANGYARI? “Basta po sila nabuwal.”—World Press Review, Enero 1996.
ANG nakapangingilabot na usapang ito sa pagitan ng isang social worker at ng isang batang sundalo sa Aprika ay nagsisiwalat ng kalituhan sa isang murang isipan na nagsisikap na itugma ang kaniyang nakaraan.
Nitong nakaraang mga taon, sa 25 bansa, ang mga batang wala pang 16 na taóng gulang ay sumali sa pakikidigma. Noon lamang 1988, mga 200,000 bata ang aktibong nakibahagi sa mga digmaan. Sapagkat sila’y pinagsamantalahan ng mga nakatatanda, ang mga batang mandirigma ay mga biktima rin.
Ang Kanilang Kahalagahan Bilang mga Sundalo
Noon, kapag nakipaglaban ang mga hukbo na may mga sibat at mga tabak, walang kalaban-laban ang isang bata sa digmaan laban sa isang nakatatanda na humahawak ng gayunding sandata. Subalit ngayon ay panahon ng magagaang na sandata. Sa ngayon, ang isang batang nasasangkapan ng isang ripleng pansalakay—isang AK-47 na gawang-Sobyet o isang M16 na gawang-Amerika—ay maaari nang ilaban sa isang nakatatanda.
Hindi lamang magaan ang mga sandatang ito kundi madali rin namang gamitin at imantini. Ang isang AK-47 ay maaaring kalasin at muling pagkabit-kabitin ng isang sampung-taóng-gulang. Napakarami rin ng mga ripleng ito. Mga 55 milyong AK-47 ang naibenta na. Sa isang bansa sa Aprika, ipinagbibili ang mga ito sa murang halaga na $6 (U.S.). Napakarami rin at mura ang mga ripleng M16.
Bukod pa sa kakayahan nilang gumamit ng mga ripleng pansalakay, ang mga bata ay magagaling ding sundalo sa iba pang kadahilanan. Hindi sila humihingi ng suweldo, at bihira silang tumakas. Higit pa riyan, ang mga bata ay may masidhing mithiing palugdan ang mga nakatatanda sa kanila. Mas matimbang ang pagnanais nilang tanggapin ng anumang pangkat sa pagpapalaya o mga hukbong gerilya na naging “pamilya” nila kaysa sa pagkadama nila ng tama o mali.
Marami rin sa kanila ang wari bang walang takot. Ganito ang sabi ng isang nagmamasid sa militar sa Kanlurang Aprika: “Yamang sa wari’y iba ang pangmalas [ng mga bata] hinggil sa kamatayan kaysa sa mas nakatatandang mga sundalo, mas malamang na hindi pa rin sila susuko kahit wala na silang laban.” Ganito ang pagmamalaki ng isang batang lalaking taga-Liberia, na binansagang Captain Killing Machine: “Kapag natakot at umalis ang mga adulto, kaming mga bata ang naiiwan upang lumaban.”
Balintuna nga, bagaman ang mga bata ay magagaling na sundalo, karaniwan nang sila’y itinuturing na walang halaga. Noong panahon ng digmaan sa Gitnang Silangan, mga pangkat ng batang sundalo ang inutusang manguna sa daan na may mga nakabaong bomba.
Pangangalap at Pagkokondisyon
Ang ilang bata ay sumasali sa mga hukbo o sa rebeldeng mga kilusan sapagkat naghahanap sila ng pakikipagsapalaran. Gayundin, kapag may nagbabantang panganib at nagkakagulo ang mga pamilya, ang isang pangkat ng militar ay nag-aalok ng katiwasayan at nagiging isang kahaliling pamilya. Ganito ang sabi ng United Nations Children’s Fund: “Itinuturing ito ng mga batang lumaki na napaliligiran ng karahasan bilang isang permanenteng paraan ng pamumuhay. Palibhasa’y nag-iisa, ulila, takot, bagot at bigo, sa wakas ay kadalasan nang pipiliin nilang maging sundalo.”
Ang ibang mga bata ay sumasali sa mga hukbo sapagkat waring wala nang mas mabuting mapagpipilian. Kung minsan, kapag kaunti ang pagkain at nagbabanta ang panganib, ang pagsali sa isang hukbo ay waring siya lamang paraan upang mabuhay.
Kung minsan ay maaaring nakikita ng mga bata ang kanilang mga sarili bilang mga tagapagtanggol sa katarungang panlipunan, relihiyosong mga paniniwala, o kultural na pagkakakilanlan. Halimbawa, ang mga bata sa Peru na napilitang sumali sa mga pangkat ng gerilya ay sumailalim ng mahahabang panahon ng pagtuturo tungkol sa pulitika. Subalit, kadalasa’y hindi na iyan kailangan. Ganito ang sabi ni Brian Milne, isang antropologong panlipunan na pinag-aralan ang mga batang sundalo sa Timog-silangang Asia: “Ang mga bata’y walang prinsipyo o ideolohiya. Sila’y basta nahihikayat ng isang panig at pinagtatrabaho.”
Ang iba pang mga bata ay napupuwersang sumali. Sa ilang digmaan sa Aprika, nilulusob ng mga pangkat ang mga nayon upang bihagin ang mga bata, at pagkatapos ay ipinapapanood o ipinagagawa sa kanila ang pagpapahirap at pagpatay sa kanila mismong mga pamilya. Kung minsan ay pinupuwersa silang barilin ang kanilang mga magulang o laslasin ang lalamunan ng mga ito. Minsang masindak, ang mga bata’y naaakay na sindakin din ang iba. Ang pinagmalupitang mga kabataang ito ay kadalasang gumagawa ng kalupitan na hindi magagawa kahit ng sanáy na mga adultong sundalo.
Ang Pagbabalik sa Normal na Buhay
Hindi madali para sa mga batang iyon na makibagay sa isang buhay na walang karahasan. Ganito ang sabi ng direktor ng isang sentro para sa mga bata sa isang bansa sa Kanlurang Aprika: “Ang mga batang ginamot namin ay pawang nagkaroon ng trauma sa iba’t ibang antas. Sila’y nanghalay, pumatay at nagpahirap. Karamihan sa kanila ay binigyan ng alak o droga, karamihan ay marihuwana, subalit kung minsan ay heroin. . . . Maguguniguni ninyo ang kahila-hilakbot na epekto ng mga bagay na iyon sa isipan ng mga bata, ang ilan sa kanila ay kasimbata ng walo o siyam na taon.”
Gayundin ang kalagayan sa kalapit na bansang Liberia, kung saan ginugol ng sampu-sampung libong bata ang kanilang pagkabata sa pananakot sa lalawigan. Hindi madali para sa mga tin-edyer na kumandante at heneral na isuko ang katayuan at kapangyarihang ibinibigay sa kanila ng isang AK-47. Isang residente ng Somalia ang nagsabi: “Kung may baril ka, buhay ka. Kung wala kang baril, patay ka.”
Kadalasan, ang mga batang mandirigma ay hindi nakauuwi ng bahay dahil sa paghihiganti o pagtataboy ng kanilang pamilya. Ganito ang sabi ng isang tagapayo sa mga bata sa Liberia: “Sasabihin sa amin ng mga ina, ‘Diyan na siya sa inyo. Ayaw namin sa halimaw na iyan sa aming bahay.’”
Bagaman maraming bata ang natuto na ring makibagay sa mapayapang pamumuhay, ang paggawa ng gayon ay nangangailangan ng matinding pag-ibig, suporta, at pag-unawa mula sa mga nakapaligid sa kanila. Hindi ito madali para sa mga bata o sa kani-kanilang pamilya. Isang social worker sa Mozambique ang nagpapaliwanag: “Ihambing mo ang buhay noon na nakukuha mo ang anumang maibigan mo, nasasabi mo sa iba kung ano ang gagawin, sa iyong buhay pag-uwi mo sa nayon. Lalo na kung ikaw ay 17 anyos at hindi ka makabasa at wala kang mga kasanayan. Ikaw ay pinabayaan sa isang buhay ng pagkabagot. Napakahirap bumalik sa pamumuhay kung saan may magsasabi sa iyo ng kung ano ang gagawin mo at magsimula na naman sa unang baitang.”
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Ang trese-anyos na si Anwar ay nakatira sa Afghanistan. Beterano ng anim na digmaan, siya’y pumatay sa kauna-unahang pagkakataon noong ikapitong labanan. Binaril niya ang dalawang sundalo nang malapitan at saka sinundot ang kanilang mga katawan sa pamamagitan ng kulata ng kaniyang riple upang tiyaking sila’y patay na. Nang tanungin kung ano ang nadarama niya tungkol sa insidente, si Anwar ay para bang nalito sa katanungan. “Natutuwa ako sapagkat napatay ko sila,” aniya.
Noong digmaan ding iyon, nabihag ng kapuwa mga sundalo ni Anwar ang apat na sundalo ng kaaway. Ang mga bihag ay tinalian, piniringan, at binaril pagkatapos. Ano ang nadama ni Anwar tungkol diyan? Itinaas ng batang mandirigma ang kaniyang kilay at sumagot nang mabagal at maingat, na para bang nagsasalita sa isang utu-uto. “Masaya ako.”
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
Ang isang malapit-nang-palayaing bilanggo sa Kanlurang Aprika ay nakaposas, subalit naiwala ng kumandante militar ang mga susi. Nilutas ng kumandante ang problema sa pamamagitan ng pag-uutos sa isang batang sundalo na putulin ang mga kamay ng bilanggo. “Naririnig ko pa sa aking mga panaginip ang sigaw ng lalaking iyon,” sabi ng batang lalaki. “Tuwing maaalaala ko siya, nagsisisi ako.”