Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 3/22 p. 5-8
  • Maliliit na Armas, Malalaking Suliranin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maliliit na Armas, Malalaking Suliranin
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Sandatang Higit na Nagugustuhang Gamitin
  • Mga Baril, Droga, at Diamante
  • Kapag Hindi na Ginagamit sa Digmaan ang mga Baril
  • Ano ang Hinaharap ng Pagkontrol sa mga Armas?
    Gumising!—2001
  • Ang Anyo ng Makabagong Digmaan
    Gumising!—2001
  • Mga Baril—Bahagi Na ng Buhay
    Gumising!—1990
  • Sino ang Makapagdadala ng Namamalaging Kapayapaan?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 3/22 p. 5-8

Maliliit na Armas, Malalaking Suliranin

SA LOOB ng mga dekada, ang mga pag-uusap tungkol sa pagkontrol sa armas ay nakasentro sa mga sandatang nuklear. Hindi nga ito kataka-taka, yamang ang isang bombang nuklear ay maaaring magwasak sa isang buong lunsod. Gayunman, di-tulad ng maliliit na armas, ang pagkalalakas na mga sandatang ito ay hindi na ginamit sa digmaan sa nakalipas na 50 taon.

Ang kinikilalang historyador sa militar na si John Keegan ay sumulat: “Ang mga sandatang nuklear ay walang sinumang napatay mula noong ika-9 ng Agosto 1945. Ang 50,000,000 na namatay sa digmaan mula nang petsang iyan ay napatay, sa kalakhang bahagi, sa pamamagitan ng mga sandatang mumurahin na ginagawa nang maramihan at ng mga munisyon na mabababa ang kalibre, na mataas lamang ng kaunti ang halaga kaysa sa mga radyong transistor at mga batirya na dumagsa sa daigdig noong panahon ding iyon. Dahilan sa di-gaanong naapektuhan ng mumurahing mga sandata ang buhay sa mauunlad na bansa, maliban sa ilang nakabukod na lugar kung saan palasak ang pagbebenta ng droga at terorismo sa pulitika, ang populasyon ng mayayamang bansa ay mabagal sa pagkilala sa kakilabutan na idinudulot ng polusyong ito.”

Walang nakatitiyak kung gaano talaga karami ang maliliit na armas at magagaan na sandatang nasa sirkulasyon, ngunit tinataya ng mga dalubhasa na ang pumuputok na mga armas na pangmilitar ay maaaring may bilang na mga 500 milyon. Bukod pa riyan, sampu-sampung milyong riple at pistola na pansibilyan ang pag-aari ng pribadong mga mamamayan. Karagdagan pa, may mga bagong sandata na ginagawa at ibinebenta sa pamilihan taun-taon.

Mga Sandatang Higit na Nagugustuhang Gamitin

Bakit ba ang maliliit na armas ang mga sandatang higit na nagustuhang gamitin nitong nakalipas na mga digmaan? Isang dahilan ay ang kaugnayan ng digmaan at kahirapan. Karamihan sa pinaglabanang mga digmaan noong dekada ng 1990 ay naganap sa mga bansang mahihirap​—napakahirap anupat hindi makabili ng lubhang makabagong uri ng mga sandata. Ang maliliit na armas at magagaan na sandata ay talagang napakamura. Halimbawa, ang 50 milyong dolyar, na humigit-kumulang ay halaga ng isang makabagong eroplanong pandigma, ay maaaring maglaan ng 200,000 ripleng pansalakay sa isang hukbo.

Kung minsan, ang maliliit na armas at magagaan na sandata ay hamak na mas mura pa riyan. Sampu-sampung milyon ng mga sandatang ito ang basta ipinamimigay ng mga hukbo na nagbabawas ng tauhan at armas, o kaya nama’y muling ginagamit ang mga ito pagkatapos ng isang digmaan tungo sa isa pa. Sa ilang lupain ay napakarami ng mga ripleng pansalakay anupat ipinagbibili ang mga ito sa halaga lamang na anim na dolyar o maipagpapalit sa isang kambing, isang manok, o isang bag ng lumang mga damit.

Gayunman, bukod sa murang halaga at maraming mapagkukunan, may iba pang mga dahilan kung bakit ang maliliit na sandata ay napakapopular. Nakamamatay ang mga ito. Ang isang de-rapidong ripleng pansalakay ay maaaring magpaputok ng daan-daang bala bawat minuto. Madali ring gamitin at mantinihin ang mga ito. Ang isang batang sampung taóng gulang ay matuturuan na kalasin at muling buuin ang isang karaniwang ripleng pansalakay. Madali ring matututuhan ng isang bata na iasinta at paputukin ang ripleng iyan sa isang pulutong ng mga tao.

Ang isa pang dahilan kung bakit popular ang mga baril ay sapagkat matibay ang mga ito at tumatagal nang maraming taon. Ang mga ripleng gaya ng AK-47 at M16, na dala ng mga sundalo sa Vietnam War, ay ginagamit pa rin sa mga digmaan sa ngayon. Ang ilang riple na ginagamit sa Aprika ay mula pa noong Digmaang Pandaigdig I. Isa pa, ang mga baril ay madaling ibiyahe at itago. Ang isang kabayong pambagahe ay makapagdadala ng isang dosenang riple sa isang grupong tulad-militar na matatagpuan sa isang masukal na kagubatan o sa isang liblib na bundok. Ang isang hanay ng mga kabayo ay makapagdadala ng sapat na riple upang masuplayan ang isang maliit na hukbo.

Mga Baril, Droga, at Diamante

Ang pandaigdig na kalakalan ng baril ay masalimuot. Malalaking suplay ng baril ang legal na naitatawid sa iba’t ibang bansa. Matapos ang Cold War, ang mga hukbo kapuwa sa Silangan at sa Kanluran ay binawasan, at ipinamigay o ipinagbili ng mga pamahalaan ang labis na kagamitan sa mga kaibigan at mga kaalyado. Ayon sa isang manunulat sa Peace Research Institute sa Oslo, Norway, mula noong 1995 ang Estados Unidos lamang ay namigay na ng mahigit sa 300,000 riple, pistola, machine gun, at grenade launcher. Ipinangangatuwiran na ang pamimigay ng mga sandata ay mas mura kaysa sa pagkakalas o pagtatago at pagbabantay sa mga ito. Tinataya ng ilang tagasuri na maaaring halagang tatlong bilyong dolyar ng maliliit na armas at magagaan na sandata ang legal na nakatatawid sa mga hangganan ng mga bansa bawat taon.

Gayunman, ang ilegal na kalakalan ay maaaring mas malaki pa. Ang mga sandata sa ilegal na pamilihan (black market) ay kadalasang kailangang bilhin. Sa ilang digmaan sa Aprika, ang mga grupong tulad-militar ay bumili ng maliliit na armas at magagaan na sandata na nagkakahalaga ng daan-daang milyong dolyar, hindi kapalit ng salapi, kundi kapalit ng mga diamante na kinumpiska mula sa mga lugar na pinagmiminahan ng diamante. Ganito ang sabi ng The New York Times: “Sa mga lugar na tiwali ang mga pamahalaan, ang mga rebelde ay walang-awa at ang mga hangganan ay madaling malusutan . . . Ang maningning na mga batong ito ay naging sanhi ng sapilitang pagtatrabaho, pagpatay, pamumutol ng mga bahagi ng katawan, malawakang kawalan ng tahanan at malakihang pagbagsak ng ekonomiya.” Balintuna nga na ang isang hiyas na ipinagpalit ng mga ripleng pansalakay ay maaaring ipagbili sa dakong huli sa isang eleganteng tindahan ng alahas bilang isang mamahaling simbolo ng walang-hanggang pag-ibig!

Nauugnay rin ang mga sandata sa ilegal na kalakalan ng droga. Hindi bibihirang mangyari na gamitin ng kriminal na mga organisasyon ang parehong mga ruta upang magpuslit ng droga patungo sa isang direksiyon at magpuslit ng mga baril pabalik. Kaya ang mga sandata ay halos naging salapi, na ipinagpapalit sa droga.

Kapag Hindi na Ginagamit sa Digmaan ang mga Baril

Kapag nagwakas ang mga digmaan, ang mga baril na ginamit sa mga ito ay kadalasang napupunta sa kamay ng mga kriminal. Isaalang-alang ang naganap sa isang bansa sa timugang Aprika na dumanas ng pagbabago mula sa karahasang udyok ng pulitika tungo sa karahasang dahil sa krimen. Ang karahasan na idinulot ng pulitika roon ay kumitil ng buhay ng mga 10,000 katao sa loob lamang ng tatlong taon. Nang matapos ang alitang iyon, lumala ang karahasan dahil sa krimen. Ang kompetisyon sa pagitan ng mga drayber ng taksi ay naging sanhi ng “mga digmaan ng taksi,” kung saan inuupahan ang mga mamamatay-tao upang barilin ang mga pasahero at mga drayber ng mga karibal na kompanya. Nagiging mas madalas ang paggamit ng mga pangmilitar na ripleng pansalakay sa mga nakawan at iba pang krimen. Ang bilang ng pamamaslang na ginamitan ng baril ay umabot ng 11,000 sa isang nakalipas na taon, ang ikalawang pinakamataas na bilang sa daigdig para sa mga bansang hindi nakikipagdigma.

Ang pagkaalam na ang mga kriminal ay armado at mapanganib ay lumilikha ng takot at kawalang-katiwasayan. Sa maraming papaunlad na bansa, ang mayayaman ay halos nakatira na sa mga tanggulan, na napalilibutan ng mga pader at mga bakod na may kuryente na binabantayan araw at gabi. Ang mga residente ng mauunlad na mga bansa ay gumagawa rin ng mga pag-iingat. Totoo ito maging sa mga lugar na hindi pa nakaranas ng kaguluhang sibil.

Kaya kapuwa sa mga lupaing may digmaan at sa mga lupaing may “kapayapaan,” ang mga baril ay nakadaragdag sa kawalang-katatagan. Walang tao ang makasusukat sa nakamamatay na epekto ng mga baril; ni mabibilang man natin ang mga namatay, nasugatan, naulila, at ang nawasak na mga buhay. Gayunman, alam natin na nagkalat ang mga armas sa daigdig at na ang mga ito ay patuloy na dumarami. Parami nang paraming tinig ang humihiling na gawan ito ng paraan. Ngunit ano ang maaaring gawin? Ano ang gagawin? Ito ang mga katanungang isasaalang-alang natin sa sumusunod na artikulo.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Isang Dating Mandirigma ang Nakadamang “Napakahangal” Niya

Isang batang sundalo na nakipaglaban sa digmaan ding iyon na naging dahilan upang magsilikas ang mga taong tinukoy sa unang artikulo ang biglang nawalan ng trabaho at pera sa lunsod na tumulong siya upang masakop. May hinanakit siyang nagsalita sa pagkakitang ang anak na lalaki ng kaniyang lider ay paroo’t parito sa bayan na sakay ng isang magarang motorsiklo at ang dating mga kumandante sa militar ay nakikipag-agawan sa kapangyarihan at nagsisikap na magtinging kagalang-galang. “Kapag naiisip ko ang limang taon na ginugol ko sa kagubatan, na pumapatay ng mga tao at binabaril, nadarama kong napakahangal ko,” sabi ng mandirigma. “Ibinubuwis namin ang aming mga buhay para sa mga tao na sa kinabukasan ay hindi makaaalaala kung paano sila nakarating sa kinaroroonan nila.”

[Credit Line]

PABALAT at pahina 7: Batang sundalo: Nanzer/Sipa Press

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

“Walang Lugar na Mapagtataguan”

Ang makabagong ripleng pansalakay, bagaman nakamamatay, ay may mga limitasyon. Nagpapaputok lamang ito ng mga bala. Hindi nito mapapatay ang mga taong nakatago sa likod ng matitibay na pader o mga barikada. Sa pagkataranta dahil sa labanan, ang pag-asinta ng isang sundalo ay maaaring hindi nakapirmi. Kapag hawak-hawak lamang, maging sa ilalim ng angkop na mga kalagayan ay asintado lamang ito hanggang 460 metro.

Ang militar ng E.U. ay may solusyon para sa gayong “mga suliranin”​—isang bago, napakamoderno at maraming-mapaggagamitang riple na tinatawag na Objective Individual Combat Weapon (OICW). Ang OICW ay magaan upang mahawakan ng iisang sundalo at makapagpapaputok hindi lamang ng mga bala kundi maging ng 20-milimetrong mga balang pampasabog​—mga granada. Isa pang kakaibang katangian: Kaya nitong patayin ang mga kalaban na nakatago sa likod ng mga barikada. Ang gagawin lamang ng sundalo ay iasinta ang baril sa mismong ibabaw o sa tabi ng nais niyang patamaan. Awtomatikong tatantiyahin ng baril ang distansiya hanggang sa piniling patamaan at patiunang isasaayos ang isang maliit na electronic fuse sa granada upang ito ay pumutok sa tamang-tamang distansiya, na pinasasabugan ang biktima ng shrapnel na tumatagos sa baluti. “Pangyayarihin ng kakaibang mga kakayahan nito na ang mga tropang pandigma ng E.U. ay halos makapagpaputok sa mga kurbada,” sabi ng isang kinatawan ng kompanya na gumagawa ng sandatang iyon. Dahil sa isang infrared na sipatan ay makaaasinta nang mahusay ang sandata maging sa dilim.

Laban sa baril na ito ay “walang lugar na mapagtataguan,” ang pagmamalaki ng mga gumagawa nito, na nagsasabi ring ang sandata ay magiging limang beses na mas nakamamatay kaysa sa M16 at sa M203 grenade launcher nang hanggang doble ang layo. Ang mga sundalong gagamit nito ay hindi na kailangang mabahala hinggil sa nakapirming pag-asinta; kailangan lamang nilang sumilip sa sipatan at kalabitin ang gatilyo upang magpaputok ng sunud-sunod na mga bala at mga granada. Kung magpapatuloy ang paggawa nito ayon sa iskedyul, ang unang yunit ng militar ay masasandatahan ng OICW sa taóng 2007.

Gayunman, nagbabangon ang mga kritiko ng mga katanungan: Paano gagamitin ang baril kapag nagpapatrulya ang mga sundalo sa mataong mga lugar kung saan ang mga kalabang mandirigma ay malamang na kasama ng mga inosenteng sibilyan? Ano ang mangyayari kapag ang OICW ay ipinagbili sa mga militar sa buong daigdig na maaaring gumamit nito laban sa kanilang sariling bayan? At ano ang mangyayari kapag ang sandata ay napunta sa kamay ng mga terorista at mga kriminal?

[Credit Line]

Alliant Techsystems

[Mga larawan sa pahina 6]

Ang maliliit na armas at magagaan na sandata ay kadalasang ipinagpapalit sa mga diamante at droga

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share