Kuryente Mula sa Niyebe
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
KUNG minsan ay tinatawag itong ang pinakabubong ng Australia, ang Australian Alps ay bumabagtas sa mga estado ng New South Wales at Victoria. Naroroon sa loob ng matataas na bundok na ito ang Snowy Mountains, ang pinagmumulan ng Snowy River. Palibhasa’y inspirado sa matayog na kalupaan ng alpinong ito at sa malalakas at nauna roong mga bihasang mangangabayo nito, si A. B. (Banjo) Paterson ay sumulat ng tula, na nang maglaon ay ginawang pelikula, ang “The Man From Snowy River.”
Subalit, sa ngayon ay naroroon sa mapanganib na mga dalisdis ng maalamat na tinatakbuhan ng mangangabayo ang mga paagusan ng isang kababalaghan ng teknolohiya—ang Snowy Mountains Hydro-electric Scheme. Noong 1967 ibinilang ng American Society of Engineers ang magkakaugnay na gusali ng mga padaluyan ng tubig, tunel, prinsa, at mga planta ng kuryente na “isa sa pitong kababalaghan ng inhinyeriya ng modernong daigdig.” Gusto mo bang pasyalan ang “kababalaghan” na ito sa alpino? Subalit, alamin muna natin kung bakit ito itinayo at kung sino ang nagtayo nito.
Isang Uhaw na Lupain
Nakapagtataka, ang kuryente mula sa tubig (hydropower) ay hindi kailanman sumagi sa isip ng unang nanirahan doon na ang paghahangad para sa panustos na tubig ang siyang naging saligan ng Scheme. Palibhasa’y sinalanta ng mga tagtuyot, ang nais lamang ng ika-19-na-siglong mga magsasaka sa lunas ng Murray-Darling, ang pinakamahalagang dakong sakahan ng Australia, ay ang magkaroon ng mas maaasahang panustos ng tubig.
Alam nila kung nasaan ang tubig—nasa Snowy River. Subalit ang Snowy ay bumubulusok sa kabila, sa mayabong na panig ng matataas na bundok tungo sa Tasman Sea. Tila ito isang malaking pag-aaksaya. Kung, sa tuktok ng matataas na bundok, ang malamig at dalisay na tubig na ito ay maililihis tungo sa pinagmumulan ng agos ng di-maaasahang mga ilog ng Murray at Murrumbidgee, ang mga magsasaka ay magkakaroon ng isang bilyong-dolyar na pananggalang laban sa tagtuyot. Ito’y isang kapana-panabik na pangarap.
Noong 1908 ang pangarap ay lalong malapit nang magkatotoo nang piliin ng Pederal na Parlamento ang kalapit na distrito ng Canberra bilang ang dako ng pambansang kabisera ng Australia. Matutugunan kaya ng kuryente mula sa tubig ang mga pangangailangan ng lunsod na ito na itatayo pa lamang? Minsan pa, ang pansin ay bumaling sa Snowy Mountains.
Iba’t ibang mungkahi—ang ilan ay para sa kuryente mula sa tubig at ang iba pa ay para sa patubig—ang iniharap at ipinagwalang-bahala. Pagkatapos, noong 1944, ang unang plano para sa hydroelectric-irrigation ay isinumite, at ito’y agad na sinang-ayunan. Noong 1949 ang pamahalaang pederal ay nag-atas sa Snowy Mountains Hydro-electric Authority ng pananagutan na magdisenyo at magtayo ng dalawang plano.
Subalit paano maisasagawa ng isang bago at pangunahin nang agrikultural na bansa na walang kasanayan o reserbang mga manggagawa ang isang proyekto yamang hindi pa ito nakagagawa ng gayong kalaki at kasalimuot na proyekto?
Mula sa Abo Tungo sa Niyebe
Ang lunas ay pandarayuhan. Dahil sa nanghihilakbot pa mula sa Digmaang Pandaigdig II, ang Europa ay isang masamang panaginip ng mga abo, kawalan ng trabaho, at kawalan ng tirahan. Kaya sa pakikipagtulungan sa United Nations, inanyayahan ng Australia ang sinumang Europeo na may kinakailangang kasanayan na mag-aplay upang magtrabaho sa Scheme.
Bilang tugon, nilisan ng sampu-sampung libong manggagawa mula sa 33 bansa ang mga abo ng Europa at naglayag patungong Australia. Sila ang bubuo sa dalawang-katlo ng lahat ng manggagawa sa Scheme, at babaguhin din nila ang etnikong hitsura ng Australia magpakailanman. Ganito ang sabi ni Brad Collis sa kaniyang aklat na Snowy: “Ang isang bansang naitatag . . . mula sa lahi ng mga Britano ay naging isa sa may pinakamaraming iba’t ibang nasyonalidad sa daigdig sa loob lamang ng halos magdamag.” Ganito pa ang susog ni Collis: “[Ang mga lalaki] ay ipinadala sa kabundukan—kaaway at kaibigan, manlulupig at biktima—upang gumawang magkakasama.” Bagaman hindi sila magkasundo bilang isang pangkat sa loob ng magdamag, nagawa nila iyon sa paglipas ng panahon.
Buhay sa Matataas na Bundok
Noong mga unang araw ng Scheme, ang paglalakbay tungo sa matataas na bundok ay kinakitaan ng isang kahina-hinalang pagtanggap. Ang mayelo, maputik, matarik, at napakahirap na mga landas ang gumawa sa paglalakbay na isang mabagal at nakatatakot na karanasan. Oo, sa ilang bahagi ang kalupaan ay napakatarik at napakahirap anupat kahit ang mga kangaroo ay bihirang makita roon! Hindi nga kataka-taka na ang Snowy Authority, ayon kay Collis, “ay nakilala bilang ang unang organisasyon sa daigdig na nagpasimuno sa sapilitang pagsusuot ng mga sinturong pangkaligtasan.”
Ang mga tuluyan ay walang pinag-iba sa mga daan—mga sobrang tolda ng mga sundalo na walang sahig! Sa wakas, mahigit na 100 kampo at mga toldang lunsod ang naglitawang parang kabuti sa ibabaw ng bundok. Ang isa sa mga ito, ang Cabramurra—hindi na isang toldang lunsod—ay nagmamalaki sa pagkakakilala rito bilang ang pinakamataas na kabayanan sa Australia.
Gaya ng maguguniguni mo, ang paggawa at pagtulog sa di-komportable at mahirap na mga kalagayang ito ay sukdulang sumusubok sa katapangan ng isa. Ang mga bagyo ng niyebe kung taglamig ay nanunuot sa buto, ang nakapagpapahinang init ng tag-araw ay nagpapahirap sa bawat kilos at ang mga ulap ng nakasusuyang mga langaw ay nagpapaitim sa namamawis na mga mukha at likod. Gayon na lamang ang pagkarimarim ng mga Europeo sa mga langaw!
Ngunit pinagtiisan ng karamihan ang mahirap na kalagayan. Palibhasa’y manhid na dahil sa digmaan at naging matatag, determinado silang magtagumpay sa kanilang bagong buhay. Nakagiliwan pa nga ng marami ang ligaw na mga palumpong sa Australia, pati na ang kakatwang mga kinapal nito at mga ahas at ang mga ibon nito na tumitili at pumipiyak sa halip na sumipol at humuni. Nang maglaon, kainamang mga bahay na yari sa kahoy ang humalili sa mga tolda, at nagdatingan ang mga asawang babae at mga anak.
Subalit ano ang dapat gawin tungkol sa maraming wika? Isip-isipin ang mga lalaking nagpapatakbo ng malalaking makina at mga makinang pambarena o nagtatrabaho sa mga pampasabog na hindi magkaintindihan! Hahantong ito sa kasakunaan, kaya sinimulan ng Authority ang libreng mga klase sa wikang Ingles pagkatapos ng oras ng trabaho. Ang patuloy na pagtatrabaho ay nakasalalay sa kung matutugunan ng mga manggagawa ang pangunahing antas ng kasanayan sa wika, kaya hindi kataka-taka na marami ang dumalo sa mga klase!
Sa kabila ng napakaraming hadlang, pagkaraan ng 25 taon—1949 hanggang 1974—ang proyekto ay natapos nang nasa panahon at ayon sa badyet. Ang halagang $820 milyon, bagaman katamtaman sa mga pamantayan sa ngayon, ay hindi katamtaman noon, lalo na sa isang bansa na mayroon lamang walong milyong mamamayan na nagpupunyagi pang makabangon pagkatapos ng digmaan.
Bilang pagdiriwang sa tagumpay nito, ang Authority ay nagpaplano ngayon para sa 50-taóng anibersaryo sa 1999. Kabilang dito ang muling pagkikita-kita ng lahat ng nagtrabaho sa proyekto—kung sila’y masusumpungan. “Ang mga taong ito ay tumulong sa pagtatayo ng isa sa mga kababalaghan ng inhinyeriya sa daigdig at bumago sa landasin ng kasaysayan ng Australia,” sabi ng kasalukuyang komisyonado. “Nais namin silang pasalamatan.”
Ang Laki at Kapasidad ng Scheme
Ayon sa brosyur na The Power of Water, “ang Scheme ay umaandar sa lawak na 3,200 kilometro kuwadrado [1,200 milya kuwadrado] at kasali rito ang 80 km [50 milyang] mga padaluyan ng tubig, 140 km [87 milyang] mga tunel at 16 na malalaking prinsa.” Ang mga prinsang ito ay nag-iimbak ng dalawang libong bilyong galon ng tubig—13 ulit sa kapasidad ng Sydney Harbor, na naglalaman ng halos 140 bilyong galon—na ang Lawa ng Eucumbene ang pangunahing imbakan ng tubig. Ang pitong planta ng kuryente, na nakagagawa ng hanggang 6,400 gigawatt-hours ng kuryente sa isang taon, ay nakapagbibigay ng hanggang 17 porsiyento ng kuryenteng kinakailangan ng kontinente na Timog-silangang Australia, kasama na ang Sydney, Melbourne, at Canberra.
Ang mga makina ay hindi karaniwang tumatakbo ng 24 na oras isang araw, maliban kung malaki ang pangangailangan sa araw-araw, kapag nangangailangan ng tulong ang mga thermal power station. Ang kuryente mula sa tubig ay lalo nang angkop sa oras na nangangailangan ng matinding tulong sa kuryente dahil sa mabilis na tugon nito sa biglang pagdami ng pangangailangan—dalawa hanggang tatlong minuto, kung ihahambing sa ilang oras sa planta ng kuryenteng ginagatungan ng karbon.
Kung Paano Gumagana ang Snowy Scheme
Ang Scheme, sabi ng Snowy Authority, ay “kilala bilang ang may pinakamasalimuot, pinakamaraming layunin, at pinakamaraming pamamaraan sa pag-iimbak ng tubig sa daigdig.” Ito ay binubuo ng dalawang magkaugnay na bahagi—ang Snowy-Murray development at ang Snowy-Tumut development.
Inililihis ng Snowy-Murray development ang mga tubig ng Ilog Snowy mula sa Prinsa ng Island Bend sa pamamagitan ng isang tunel na bumabagtas sa bundok tungo sa Prinsa ng Geehi, na kumukuha rin ng tubig mula sa Ilog Geehi. Mula rito ang tubig ay bumubuhos ng 820 metro tungo sa dalawang planta ng kuryente sa Murray. Kasabay nito, ang Planta ng Kuryente sa Guthega ay kumukuha ng tubig mula sa sapa ng Snowy na malapit sa pinakamataas na bundok ng Australia, ang Bundok Kosciusko. Mula sa Guthega, ang tubig ay bumubuhos sa pangunahing sistema ng tunel sa Island Bend. Nakadaragdag pa sa pagkabumabagay ng Scheme, maraming tunel, pati na ang tunel ng Island Bend-Lawa ng Eucumbene, ay nagpapahintulot ng dalawang-daan na pagdaloy.
Sa Snowy-Tumut development, ang tubig mula sa Lawa ng Eucumbene, Prinsa ng Tooma, Prinsa ng Happy Jack, at Prinsa ng Tumut Pond ay bumubulusok sa mga paagusan at sa isang serye ng apat na planta ng kuryente bago lumabas sa Ilog Tumut, isang sangang-ilog ng Murrumbidgee. Ipinagmamalaki ng bahaging ito ang pinakamalaking planta ng kuryente, ang Tumut 3, na ang bawat isa sa anim na paagusan ay makapaglululan ng isang bus na double-deck!
Sa mga oras na hindi malaki ang pangangailangan, ang Scheme ay nagbobomba rin ng tubig paakyat mula sa Lawa ng Jindabyne tungo sa Lawa ng Eucumbene, at mula sa ibaba ng Tumut 3 Power Station, na isa ring istasyon na nagbobomba, tungo sa Talbingo Reservoir. Subalit bakit kailangang sayangin ang kuryente sa pagbomba ng tubig paitaas? Nakapagtataka, para sa pakinabang. Alam mo, ang mga bomba ay pinaaandar sa murang halaga na nabibili sa mga planta ng kuryente kapag hindi malaki ang pangangailangan. Pagkatapos, sa panahon na malaki ang pangangailangan, ang tubig ay muling inilalabas at ang kuryente mula sa tubig ay muling ipinagbibili sa mga namamahagi ng kuryente na may pakinabang. Mangyari pa, ang maraming tubig—mahigit na 500 bilyong galon taun-taon—ay inilalabas nang walang bayad sa sistema ng ilog sa kanluran.
Malinis na Kuryente ba Ito?
Oo, sapagkat ang tubig na nakukuha ay hindi nagpaparumi at muling nagagamit nang walang tumatapong dumi. Walang pangit na matataas na tsiminea at mga toreng palamigan na sisira ng tanawin sa matataas na bundok. Kaya nga, ang libu-libong nag-iiski sa palaruan ng alpinong ito kung taglamig o naglalakad sa landas nito kung tag-init ay walang kaalam-alam tungkol sa mga daan at mga planta ng kuryente sa ibaba nila.
Bukod pa riyan, kung ang kuryenteng nagagawa ng Scheme ay manggagaling sa mga thermal plant, karagdagang limang milyong tonelada metriko ng carbon dioxide ang ilalabas sa atmospera sa bawat taon.
Subalit, hindi rin lubusang nakaligtas ang kapaligiran, lalo na ang Snowy River. Dahil sa marami sa tubig nito ay nailihis, gapatak na lamang kung ihahambing sa dati. Isa pa, binaha ng malalaking prinsa ng Scheme ang ilang damuhan, at ang bagong taas ng tubig na naaabot ng mga ito ay nangahulugan na ang mga bayan ng Adaminaby at Jindabyne ay kailangang ilipat ng lugar.
Sa kabilang dako naman, ang Snowy Scheme ay lubhang mapananaligan—isang patotoo sa matalinong payo ng unang komisyonado ng Authority: “Ang kabutihang-loob at paggalang ay mula sa tagumpay, hindi sa propaganda.”
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Lahat ng larawan sa pahina 16-19: Snowy Mountains Hydro-electric Authority
[Larawan sa pahina 16]
Tanawin mula sa himpapawid ng Tumut 3 Power Station, ang pinakamalaking planta sa Snowy Scheme
[Larawan sa pahina 18]
Kailangang batahin ng mga manggagawa ang mahihirap na kalagayan sa pamumuhay
[Larawan sa pahina 18]
Upang magkasundo bilang isang pangkat, kailangang matuto ng Ingles ang mga manggagawa
[Larawan sa pahina 19]
Kasama sa konstruksiyon ng Scheme ang paggawa ng mga tunel sa mga bundok