Kung Saan Mas Malala ang Krisis
SINISIMULAN ni Mary, na nakatira sa Estados Unidos, ang kaniyang araw sa pamamagitan ng paliligo, pagsisipilyo ng ngipin sa tubig na umaagos sa gripo, pagpa-flush ng kasilyas, at pagkatapos ay paghuhugas ng kaniyang kamay. Kahit na bago pa maupo upang mag-almusal, maaaring gumamit siya ng sapat na tubig upang punuin ang karaniwang bathtub. Sa pagtatapos ng araw, si Mary, tulad ng marami pang iba na nakatira sa Amerika, ay nakagamit na ng mahigit na 350 litro ng tubig, sapat upang punuin ang isang bathtub ng dalawa at kalahating ulit. Para sa kaniya, ang malinis, maraming suplay ng tubig ay madaling nakukuha sa pinakamalapit na gripo. Laging mayroon nito; anupat ipinagwawalang-bahala niya ito.
Para kay Dede, na nakatira sa Kanlurang Aprika, iba naman ang kalagayan. Bumabangon siya bago pa magbukang-liwayway, nagbibihis, tinitimbang ang malaking batya sa kaniyang ulo, at lumalakad ng walong kilometro sa pinakamalapit na ilog. Doon siya’y naliligo, pinupuno ang batya ng tubig, at saka umuuwi ng bahay. Ang pang-araw-araw na rutinang ito ay gumugugol ng mga apat na oras. Sa susunod na oras, sinasala niya ang tubig upang alisin ang mga parasito at saka hinahati ito sa tatlong sisidlan—isa para sa inumin, isa para sa gamit sa bahay, at isa pa para sa pampaligo niya sa gabi. Ang anumang paglalaba ng damit ay dapat gawin sa ilog.
“Ang kakapusan ng tubig ay pumapatay sa amin dito,” sabi ni Dede. “Palibhasa’y nagugol ko na ang halos kalahati ng umaga sa pag-iigib ng tubig, ilang oras na lang ang natitira para sa pagsasaka o sa iba pang gawain?”
Ang kalagayan ni Dede ay hindi natatangi. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang kabuuang panahon na ginugugol sa bawat taon ng maraming kababaihan at mga bata sa pag-iigib at pagbubuhat ng tubig mula sa malayo at kadalasa’y maruming pinagmumulan ng tubig ay umaabot ng mahigit na sampung milyong taon!
Ang Iba’y Mayroon, ang Iba’y Wala
Kaya bagaman maraming tubig-tabang sa buong daigdig, hindi ito pantay-pantay na naipamamahagi. Iyan ang unang malaking problema. Halimbawa, tinataya ng mga siyentipiko na bagaman ang Asia ay may 36 na porsiyentong tubig na pumupuno sa mga lawa at mga ilog ng daigdig, ang kontinenteng iyon ay tirahan ng 60 porsiyento ng mga tao sa mundo. Sa kabaligtaran naman, ang Ilog Amazon ay nagtataglay ng 15 porsiyento ng tubig-ilog sa daigdig, subalit 0.4 porsiyento lamang ng mga tao sa daigdig ang nakatira malapit sa ilog upang gamitin ito. Kapit din ang di-pantay na pagkalat ng patak ng ulan. Ang ilang rehiyon sa lupa ay halos permanenteng tuyo; ang iba naman, bagaman hindi laging tuyo, ay dumaranas paminsan-minsan ng mga panahon ng tagtuyot.
Maraming dalubhasa ang naniniwala na maaaring pangyarihin ng mga tao ang ilang pagbabago sa klima may kinalaman sa patak ng ulan. Ang pagkalbo sa kagubatan, labis na pagbungkal sa lupa, at sobrang panginginain ng damo ay pawang naglalantad sa lupa. Ang iba ay naghihinuha na kung mangyari iyan, ang ibabaw ng lupa ay magpapabanaag ng higit na liwanag ng araw pabalik sa atmospera. Ang resulta: Umiinit ang atmospera, naghihiwa-hiwalay ang mga ulap, at nababawasan ang patak ng ulan.
Maaari ring makabawas ang tigang na lupa sa patak ng ulan dahil sa ang maraming ulan na bumabagsak sa mga kagubatan ay tubig na unang sumingaw mula sa pananim mismo—mula sa mga dahon ng mga punungkahoy at mga palumpon. Sa ibang pananalita, ang pananim ay parang isang pagkalaki-laking espongha na sumisipsip at nagtitinggal ng ulan. Alisin mo ang mga punungkahoy at mga palumpon, at kaunting tubig ang mag-aanyong ulap-ulan.
Kung gaano nga lubhang naaapektuhan ng mga ginagawa ng tao ang patak ng ulan ay pinagtatalunan pa; higit pang pananaliksik ang kailangang gawin. Subalit ito ang tiyak: Laganap ang kakapusan sa tubig. Ngayon pa lamang, ang kakapusan ay nagbabanta sa mga kabuhayan at kalusugan ng 80 bansa, babala ng World Bank. At sa kasalukuyan, 40 porsiyento ng mga naninirahan sa lupa—mahigit na dalawang bilyon katao—ang walang makuhang malinis na tubig o sanitasyon.
Kapag napapaharap sa mga kakapusan sa tubig, karaniwang may mga pondo ang mayayamang bansa upang iwasan ang malulubhang problema. Nagtatayo sila ng mga dam, gumagamit ng mamahaling teknolohiya upang iresiklo ang kanilang tubig, o alisin pa nga ang asin mula sa tubig-dagat. Walang gayong mapagpipilian ang mahihirap na bansa. Kadalasang pipiliin nila alin sa irasyon ang malinis na tubig, na makahahadlang sa pag-unlad ng kabuhayan at bawasan ang produksiyon ng pagkain, o gamiting muli ang maruming tubig, na nagbubunga ng pagkalat ng sakit. Habang dumarami ang pangangailangan para sa tubig sa lahat ng dako, malamang na magkaroon ng malubhang kakapusan sa tubig sa hinaharap.
Isang Dekada ng Pag-asa
Noong Nobyembre 10, 1980, ang United Nations General Assembly ay may pagtitiwalang nagsalita tungkol sa dumarating na “International Drinking Water Supply and Sanitation Decade.” Ang tunguhin, na ipinahayag ng asamblea, ay maglaan, sa taong 1990, ng makukuhang malinis na tubig at sanitasyon para sa lahat ng mga nakatira sa nagpapaunlad na bansa. Sa pagtatapos ng dekada, mga $134 na bilyon ang nagugol upang maghatid ng malinis na tubig sa mahigit na isang bilyong tao at mga pasilidad ng pagtatapon ng duming nasa alkantarilya sa mahigit na 750 milyon—isang kahanga-hanga’t pambihirang nagawa.
Subalit, ang mga pagsulong na ito ay nahigitan ng dumaming populasyon na 800 milyong tao sa nagpapaunlad na mga bansa. Kaya naman, noong 1990, nanatili ang mahigit na isang bilyong tao na kulang ng malinis na tubig at sapat na sanitasyon. Para bang inuulit ng kalagayan ang sinabi ng reyna kay Alice sa kuwento ng mga bata na Through the Looking-Glass: “Alam mo, kailangang tumakbo ka nang mabilis, upang makapanatili ka sa iyong kasalukuyang dako. Kung gusto mong umabante, dapat na doblehin mo ang bilis ng iyong pagtakbo!”
Mula noong 1990, ang panlahat na pagsulong upang mapabuti ang kalagayan niyaong mga walang tubig at sanitasyon ay, ayon sa WHO, “mahina.” Si Sandra Postel, nang siya ang bise presidente ng pananaliksik sa Worldwatch Institute, ay sumulat: “Nananatiling isang malubhang moral na pagkukulang na 1.2 bilyong tao ang hindi makainom ng tubig nang hindi nanganganib na magkasakit o mamatay. Ang dahilan ay hindi dahil sa kakapusan sa tubig o di-sapat na mga teknolohiya kundi bagkus ang kakulangan ng sosyal at pulitikal na pakikibahagi upang masapatan ang mahalagang pangangailangan ng mahihirap. Mangangailangan ng tinatayang $36 na bilyon pa sa bawat taon, katumbas humigit-kumulang ng 4 na porsiyento ng ginagastos ng daigdig sa militar, upang dalhin sa lahat ng tao ang binabale-wala ng marami sa atin ngayon—ang malinis na tubig at malinis na paraan ng pagtatapon ng dumi.”
Dumaraming Populasyon, Dumaraming Pangangailangan
Ang di-pantay na pamamahagi ng tubig ay pinalulubha pa ng ikalawang problema: Habang dumarami ang populasyon, dumarami rin ang pangangailangan para sa tubig. Ang patak ng ulan sa buong daigdig ay gayon pa rin, subalit dumarami ang populasyon. Ang pagkonsumo ng tubig ay dumoble ng di-kukulanging dalawang beses sa siglong ito, at tinataya ng ilan na maaaring dumobleng muli sa loob ng susunod na 20 taon.
Mangyari pa, ang dumaraming tao ay nangangailangan hindi lamang ng higit na maiinom na tubig kundi rin naman ng higit na pagkain. Ang produksiyon naman ng pagkain ay nangangailangan ng higit pang tubig. Subalit, ang agrikultura ay kailangang makipagkompetensiya sa mga pangangailangan ng industriya at mga indibiduwal para sa tubig. Habang lumalaki ang mga lunsod at mga dako ng industriya, kadalasang natatalo ang agrikultura. “Saan manggagaling ang pagkain?” ang tanong ng isang mananaliksik. “Paano natin matutugunan ang pangangailangan ng 10 bilyon katao gayong hindi nga natin matugunan ang pangangailangan ng 5 bilyon at talagang tayo mismo ang kumukuha ng tubig mula sa agrikultura?”
Karamihan ng mga pagdami ng populasyon ay nangyayari sa nagpapaunlad na mga bansa, kung saan kadalasang kaunti na nga ang tubig. Nakalulungkot nga, hindi kayang lutasin ng mga bansang ito, kapuwa sa pinansiyal at teknikal na paraan, ang mga problema sa tubig.
Polusyon
Idagdag pa sa mga problema ng kakapusan sa tubig at ng pangangailangan ng dumaraming populasyon ang ikatlong nauugnay na problema: ang polusyon. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “isang ilog ng tubig ng buhay,” subalit maraming ilog ngayon ang mga ilog ng kamatayan. (Apocalipsis 22:1) Ayon sa isang tantiya, ang dami ng maruming tubig—pantahanan at pang-industriya—na umaagos sa mga ilog sa daigdig sa bawat taon ay umaabot ng hanggang 450 kilometro kubiko. Maraming ilog at sapa ang marumi mula sa pasimula nito hanggang sa dulo nito.
Sa nagpapaunlad na mga bansa ng daigdig, dinudumhan ng hindi naprosesong dumi sa alkantarilya ang halos lahat ng malalaking ilog. Ipinakikita ng isang surbey sa 200 malalaking ilog sa Russia na 8 sa 10 ang napakaraming mapanganib na mga baktirya at virus. Ang mga ilog at mga water table ng industriyal na mga bansa, bagaman hindi binabaha ng mga dumi sa alkantarilya, ay kadalasang nalalason ng nakasasamang mga kemikal, pati na yaong mula sa abonong ginagamit sa pagsasaka. Sa lahat halos ng bahagi ng lupa, itinatapon ng mga bansang nasa tabi ng dagat ang hindi naprosesong dumi sa alkantarilya sa mababaw na mga tubig ng kanilang mga tabing-dagat, anupat labis-labis na dinudumhan ang mga dalampasigan.
Sa gayon, ang polusyon ng tubig ay isang pangglobong problema. Binubuod ang kalagayan, ganito ang sabi ng buklet ng Audubon Society na Water: The Essential Resource: “Sangkatlo ng sangkatauhan ay naghihirap dahil sa patuloy na pagkakasakit o panghihina bunga ng maruming tubig; ang sangkatlo pa ay nanganganib dahil sa pagpapalabas ng mga kemikal sa tubig na di-alam ang matagalang mga epekto nito.”
Maruming Tubig, Hindi Mabuting Kalusugan
Nang sabihin ni Dede, nabanggit kanina, na ang “kakulangan ng tubig ay pumapatay sa amin,” siya’y nagsasalita sa makasagisag na paraan. Gayunman, talagang nakamamatay ang kakulangan ng malinis, sariwang tubig, sa literal na paraan. Para sa kaniya at sa milyun-milyong katulad niya, walang ibang mapagpipilian kundi ang gamitin ang tubig mula sa mga sapa at mga ilog, na kadalasa’y halos katulad na ng mga imburnal. Hindi kataka-taka na, ayon sa WHO, isang bata ang namamatay sa bawat walong segundo dahil sa sakit na nauugnay sa tubig!
Ayon sa magasing World Watch, 80 porsiyento ng lahat ng sakit sa nagpapaunlad na mga bansa ay lumalaganap dahil sa pag-inom ng maruming tubig. Ang mga baktirya o virus na dala ng tubig ay pumapatay ng 25 milyon katao sa bawat taon.
Ang nakamamatay na mga sakit na nauugnay sa tubig—kabilang na ang sakit na pagkukurso, kolera, at tipus—ay kumikitil sa karamihan ng kanilang mga biktima sa Tropiko. Subalit, ang mga sakit na dala ng tubig ay hindi lamang nangyayari sa nagpapaunlad na mga bansa. Noong 1993, sa Estados Unidos, 400,000 katao ang nagkasakit sa Milwaukee, Wisconsin, pagkatapos makainom ng tubig sa gripo na may mikrobyong hindi napapatay ng chlorine. Nang taon ding iyon, nasumpungan din ang mapanganib na mga mikrobyo sa mga sistema ng tubig sa iba pang lunsod sa Estados Unidos—sa Washington, D.C.; New York City; at Cabool, Missouri—anupat napilitan ang mga residente na pakuluan ang tubig na nanggagaling sa kanilang mga gripo.
Mga Ilog na Pagsasaluhan
Ang magkakaugnay na mga problema sa kakapusan ng tubig, ang mahalagang pangangailangan ng dumaraming populasyon, at polusyon na humahantong sa sakit ay pawang mga salik na maaaring humantong sa tensiyon at alitan. Ang tubig, sa paano man, ay hindi isang luho. Ganito ang sabi ng isang pulitiko sa Espanya na nakikipagpunyagi sa krisis sa tubig: “Hindi na ito isang pakikipagpunyaging pangkabuhayan, kundi isang labanan upang mabuhay.”
Ang pangunahing dako ng tensiyon ay ang pagsasalo ng tubig mula sa mga ilog. Ayon kay Peter Gleick, isang mananaliksik sa Estados Unidos, 40 porsiyento ng populasyon ng daigdig ay nakatira sa 250 lunas ng ilog na ang tubig ay pinaglalabanan ng mahigit sa isang bansa. Ang mga ilog ng Brahmaputra, Indus, Mekong, Niger, Nilo, at Tigris ay dumadaloy sa maraming bansa—mga bansang gustong kumuha ng hangga’t maaari’y maraming tubig mula sa mga ilog na ito. Ngayon pa lang, may mga pagtatalo na.
Habang dumarami ang pangangailangan para sa tubig, dadami ang gayong mga tensiyon. Ang bise presidente ng World Bank para sa Pag-unlad na Hindi Makapipinsala sa Kapaligiran ay humuhula: “Marami sa mga digmaan sa siglong ito ay tungkol sa langis, ngunit ang mga digmaan sa susunod na siglo ay magiging tungkol sa tubig.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
Palipat-lipat na Molekula
Sundan natin ang mga paglalakbay ng isang molekula ng tubig sa walang-katapusang paglalakbay nito. Ang sunud-sunod na mga larawan, na ang bilang ay katugma ng nasusulat na pamagat, ay naglalarawan ng isa lamang sa laksa-laksang landas na maaaring daanan ng molekula ng tubig upang makabalik sa dakong pinagmulan nito.—Job 36:27; Eclesiastes 1:7.
Magsisimula tayo sa isang molekula sa ibabaw ng dagat. (1) Habang sumisingaw ang tubig sa pamamagitan ng lakas ng araw, ang molekula ay pumapailanlang hanggang mga ilang libong piye sa ibabaw ng lupa. (2) Ngayon, sumasama ito sa iba pang molekula ng tubig upang mag-anyong isang maliit na patak ng tubig. Ang patak ng tubig ay naglalakbay na kasama ng hangin sa layong daan-daang milya. Sa kalaunan, ang mumunting patak ng tubig ay sumisingaw, at muling pumapailanlang ang molekula hanggang, sa wakas, sumasama ito sa isang patak ng ulan na sapat ang laki upang bumagsak sa lupa. (3) Ang patak ng ulan ay bumabagsak sa gilid ng burol na kasama ng bilyun-bilyong iba pang patak ng ulan; ang tubig ay humuhugos pababa sa isang sapa. (4)
Pagkatapos ay umiinom ang usa sa sapa, anupat dinadala ang ating molekula. (5) Pagkalipas na ilang oras ay iihi ang usa, at ang molekula ay magtutungo sa lupa kung saan nakukuha ito ng mga ugat ng isang puno. (6) Mula roon, ang molekula ay naglalakbay paitaas sa puno at sa wakas ay sumisingaw mula sa isang dahon tungo sa hangin. (7) Gaya ng dati, ito’y pumapailanlang paitaas upang mag-anyo na namang isang munting patak ng tubig. Ang maliit na patak ng tubig ay sumasalimbay na kasama ng hangin hanggang sa sumama ito sa isang madilim, mabigat na ulap ng ulan. (8) Ang ating molekula ay muling bumabagsak na kasama ng ulan, subalit sa pagkakataong ito ay nagtutungo ito sa ilog na dinadala naman ito sa karagatan. (9) Doon, gugugol ito ng libu-libong taon bago ito makarating sa ibabaw, sisingaw, at minsan pang tatangayin ng hangin. (10)
Ang siklo ay hindi kailanman natatapos: Ang tubig ay sumisingaw mula sa mga dagat, naglalakbay sa ibabaw ng lupa, bumabagsak bilang ulan, at nagbabalik sa dagat. Sa paggawa ng gayon, natutustusan ng tubig ang lahat ng buhay sa lupa.
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Ang Iminungkahi
Pagtatayo ng mga plantang mag-aalis ng asin sa tubig-dagat. Aalisin nito ang asin mula sa tubig-dagat. Karaniwan nang ito’y ginagawa sa pamamagitan ng pagbobomba ng tubig sa mga silid na mababa ang presyon, kung saan ito ay iniinit hanggang ito’y kumulo. Ang tubig ay sumisingaw at itinutuon sa ibang dako, anupat naiiwan ang mga kristal na asin. Magastos na proseso ito, hindi kaya ng maraming nagpapaunlad na mga bansa.
Pagtunaw sa mga namuong niyebe. Naniniwala ang ilang siyentipiko na ang pagkalaki-laking mga namuong niyebe (iceberg), na naglalaman ng dalisay at sariwang tubig, ay mahahatak mula sa Antartiko sa pamamagitan ng malalaking barkong panghila at tutunawin upang maglaan ng tubig para sa tigang na mga bansa sa Timugang Hemispero. Isang problema: Halos kalahati ng bawat namuong niyebe ay matutunaw sa dagat bago ito makarating sa patutunguhan nito.
Pagbutas sa mga aquifer. Ang mga aquifer ay mga batong naglalaman ng tubig sa ilalim ng lupa. Mula rito, mabobomba ang tubig, kahit sa pinakatuyong disyerto. Subalit magastos ang paraang ito ng pagkuha ng tubig at ibinababa ang hangganan ng water table. Isa pang disbentaha: Karamihan ng mga aquifer ay nagkakaroon lamang muli ng tubig nang dahan-dahan—ang ilan, ay hindi.
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Larawan: Mora, Godo-Foto
[Mga larawan sa pahina 5]
Ang pagkuha ng tubig ay maaaring gumugol ng apat na oras bawat araw
[Mga larawan sa pahina 8]
Mga 450 kilometro kubiko ng maruming tubig ang humuhugos sa mga ilog taun-taon