Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 11/8 p. 12-17
  • Ang Taong Nagbukas sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Taong Nagbukas sa Daigdig
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mula sa Pahe ng Palasyo Tungo sa Walang-Takot na Marinero
  • Makikinig Kaya ang Hari ng Espanya?
  • “Ang Pinakadakilang Gawa sa Nabigasyon sa Kasaysayan”
  • Ang Kakila-kilabot na Karanasan sa Pasipiko
  • Trahedya–​Gumuho ang Pangarap
  • Sinalot ng Sakuna ang Paglalakbay Pauwi
  • Nananatili ang Pangalan ni Magellan
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1998
  • Ang Paghahanap ng Pampalasa, Ginto, mga Kumberte, at Kaluwalhatian
    Gumising!—1992
  • Salungatan ng mga Kultura
    Gumising!—1992
  • Ang Di-malilimutang Paglalakbay ni Vasco da Gama
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 11/8 p. 12-17

Ang Taong Nagbukas sa Daigdig

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

NANG unang magtungo ang tao sa buwan, isinaplano nila nang may matematikong katumpakan kung saan sila patungo at kung paano sila makararating doon. At maaari silang makipagtalastasan sa lupa. Subalit nang ang limang maliliit na barkong kahoy ni Ferdinand Magellana​—na ang karamihan ay mga 21 metro ang haba, kasinghaba lamang ng isang kasalukuyang semitrailer​—ay umalis ng Espanya noong 1519, ang mga ito’y naglayag sa lugar na di-alam. At sila’y ganap na nag-iisa.

Isa sa pinakamatapang at pinakamalakas ang loob na gawa ng nabigasyon sa lahat ng panahon, ang mga paglalayag ni Magellan ay isang katibayan sa Dakilang Panahon ng Panggagalugad​—isang panahon ng lakas-loob at takot, pagsasaya at trahedya, Diyos at Kayamanan. Kung gayon, balikan natin ang panahon noong 1480, nang isilang si Ferdinand Magellan sa gawing hilaga ng Portugal, at suriin ang kahanga-hangang tao na nagbukas sa daigdig at ang kaniyang makasaysayang mga paglalakbay.

Mula sa Pahe ng Palasyo Tungo sa Walang-Takot na Marinero

Ang pamilyang Magellan ay mga miyembro ng maharlika, kaya, gaya ng kaugalian, nang binatilyo pa si Ferdinand, siya’y tinawag bilang pahe ng hari at reyna. Dito, bukod pa sa pagkakaroon ng edukasyon, siya mismo ang nakabalita ng tungkol sa maniningning na gawa ng mga taong gaya ni Christopher Columbus, na kababalik lamang mula sa mga bansa sa Amerika pagkatapos hanapin ang kanluraning ruta sa dagat tungo sa kilalang Spice Islands (Indonesia). Di-nagtagal ay nangarap ang kabataang si Ferdinand na balang araw ay maririnig din niya ang hampas ng mga layag at madarama sa kaniyang mukha ang tilamsik ng hindi pa nagagalugad na mga karagatan.

Nakalulungkot nga, noong 1495 ang kaniyang patron, si Haring John, ay pataksil na pinatay at si Duke Manuel, na mahilig sa kayamanan ngunit hindi sa paggagalugad, ay lumuklok sa trono. Sa ilang kadahilanan, inis si Manuel sa 15-anyos na si Ferdinand at sa loob ng ilang taon ay winawalang-bahala ang mga kahilingan nitong maglayag. Subalit nang magbalik si Vasco da Gama mula sa India, na palibhasa’y maraming dalang mga espesya, nakaamoy si Manuel ng malaking kayamanan. Sa wakas, noong 1505, ay pinahintulutan niya si Magellan na maglayag. Si Magellan ay naglayag patungong Silangang Aprika at India sa isang armadang Portuges upang kunin ang pamamahala sa kalakalan ng espesya mula sa mga negosyanteng Arabe. Pagkatapos noon, siya’y naglayag pasilangan tungo sa Malacca kasama ng iba namang ekspedisyong militar.

Sa isang pakikipaglaban sa Morocco noong 1513, si Magellan ay malubhang nasugatan sa tuhod. Bunga nito, siya’y napilay sa buong buhay niya. Hiniling niya kay Manuel na dagdagan ang kaniyang pensiyon. Subalit ang matinding poot ni Manuel ay hindi man lamang nabawasan ng kamakailang maniningning na gawa, sakripisyo, at kagitingan ni Magellan. Pinauwi niya siya upang mamuhay na parang maralitang mahal na tao.

Sa pinakamiserableng yugtong ito sa buhay ni Magellan, siya’y dinalaw ng isang dating kaibigan, ang kilalang maglalayag na si João de Lisboa. Pinag-usapan ng dalawa kung paano mararating ang Spice Islands sa pamamagitan ng paglalayag sa timog-kanluran, na daraan sa el paso​—isang strait (kipot) na sinasabing bumabagtas sa Timog Amerika​—at pagkatapos ay sa karagatan na bago lamang natuklasan ni Balboa nang tawirin niya ang isthmus ng Panama. Naniniwala sila na nasa dulo ng karagatang ito ang Spice Islands.

Inasam-asam ngayon ni Magellan na gawin ang hindi nagawa ni Columbus​—ang masumpungan ang kanluraning ruta patungo sa Oryente, na pinaniniwalaan niyang mas maikling ruta kaysa sa silanganing ruta. Subalit kailangan niya ng pinansiyal na tulong. Kaya, palibhasa’y namimighati pa mula sa tindi ng poot ni Manuel, ginawa niya ang ginawa mismo ni Columbus mga ilang taon bago nito​—hinangad niya ang pagtangkilik ng hari ng Espanya.

Makikinig Kaya ang Hari ng Espanya?

Taglay ang mga nakaladlad na mga mapa, iniharap ni Magellan ang kaniyang mga argumento sa nasa kabataan pang soberanya ng Espanya, si Charles I, na interesadung-interesado sa kanluraning ruta ni Magellan patungo sa Spice Islands, sapagkat hahadlangan nito ang pagpasok nang walang pahintulot sa Portuges na mga ruta ng barko. Bukod pa riyan, sinabi sa kaniya ni Magellan na ang Spice Islands ay maaaring aktuwal na nasa teritoryong Kastila, hindi sa Portuges!​—Tingnan ang kahon na “Ang Kasunduan ng Tordesillas.”

Nakumbinsi si Charles. Binigyan niya si Magellan ng limang lumang barko upang tustusan ang ekspedisyon, anupat ginawa siyang kapitan-heneral ng plota, at pinangakuan siya ng bahagi sa mga pakinabang mula sa mga espesyang maiuuwi. Karaka-rakang nagtrabaho si Magellan. Subalit dahil sa pailalim na sinikap ni Haring Manuel na isabotahe ang proyekto, mahigit na isang taon ang ginugol bago sa wakas ay naging handa ang plota sa epikong paglalayag nito.

“Ang Pinakadakilang Gawa sa Nabigasyon sa Kasaysayan”

Noong Setyembre 20, 1519, ang San Antonio, ang Concepción, ang Victoria, at ang Santiago​—mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit​—ay sumunod sa barko ni Magellan, ang Trinidad, ang ikalawa sa pinakamalaking sasakyan, habang sila’y naglalayag patungo sa Timog Amerika. Noong Disyembre 13, narating nila ang Brazil, at habang nakaharap sa maringal na Pão de Açúcar, o ang Bundok ng Sugarloaf, pumasok sila sa look ng Rio de Janeiro para sa mga pagkukumpuni at mga pagkain. Pagkatapos ay nagpatuloy sila patimog sa ngayo’y Argentina, na alistung-alisto sa paghahanap sa el paso, ang mahirap-hanaping daanan tungo sa isa pang karagatan. Samantala, lumalamig ang panahon at lumitaw ang malalaking tipak ng yelo (iceberg). Sa wakas, noong Marso 13, 1520, si Magellan ay nagpasiyang magpalipas ng taglamig sa malamig na daungan ng San Julián.

Ang paglalayag ay anim na ulit na mas mahaba kaysa sa unang pagtawid ni Columbus sa Atlantiko​—at wala pa ring strait! Ang moral ay kasinlamig ng panahon sa San Julián, at ang mga lalaki, pati na ang ilang kapitan at mga opisyal, ay gustung-gusto nang umuwi. Hindi nga kataka-taka nang sumiklab ang paghihimagsik. Subalit sa pamamagitan ng mabilis at tiyak na pagkilos sa bahagi ni Magellan, ito’y nabigo, at dalawa sa mga nagpasimuno ay napatay.

Ang pagkanaroroon ng banyagang mga barko sa daungan ay likas na pumupukaw sa pag-uusyoso ng matitipuno​—at malalaking​—tagaroon. Dahil sa nagmumukha silang unano sa tabi ng mga higanteng ito, tinawag ng mga bisita ang lupaing iyon na Patagonia​—mula sa salitang Kastila na nangangahulugang “malalaking paa”​—ang pangalan nito hanggang sa ngayon. Napansin din nila ang ‘mga sea wolf na kasinlaki ng mga baka, at ang itim at puting gansa na lumalangoy sa ilalim ng tubig, kumakain ng isda, at may mga tuka na gaya ng mga uwak.’ Oo, nahulaan mo ito​—mga seal at penguin!

Ang mga latitud sa polo ay daanan ng pabigla-bigla, malalakas na bagyo, at bago pa matapos ang taglamig, naranasan ng plota ang unang sakuna​—ang maliit na Santiago. Gayunman, mabuti na lang at ang mga tripulante ay nasagip mula sa nawasak na barko. Mula noon, ang apat na natitirang barko, tulad ng nabugbog na mumunting pakpak ng gamugamo sa lakas ng walang-humpay na unos ng yelo, ay pahampas-hampas sa kanilang daan patimog sa mas napakalamig na tubig​—hanggang noong Oktubre 21. Habang naglalayag sa tilamsik ng tubig mula sa dagat at nagyelong ulan, lahat ng mata ay nakatutok sa isang puwang sa kanluran. El paso? Oo! Sa wakas, lumiko sila at pumasok sa strait na nang maglaon ay nakilala bilang ang Strait of Magellan! Subalit, maging ang sandaling ito ng tagumpay ay naduhagi. Ang San Antonio ay kusang umalis sa masalimuot na mga isla sa strait at nagbalik sa Espanya.

Ang tatlong natitirang barko, na napaliligiran sa magkabilang tabi ng malamig na mga fjord at mga tuktok ng bundok na natatakpan ng niyebe, ay pilit na bumagtas sa paliku-likong strait. Sa timog ay nakita nila ang di-mabilang na apoy, marahil mula sa mga kampo ng Indian, kaya tinawag nila ang lupaing iyon na Tierra del Fuego, ang “Lupain ng Apoy.”

Ang Kakila-kilabot na Karanasan sa Pasipiko

Pagkatapos ng limang linggo ng katakut-takot na hirap, sila’y naglayag sa isang karagatan na napakatahimik anupat pinanganlan ito ni Magellan na Pasipiko. Ang mga lalaki’y nanalangin, umawit ng mga himno, at nagpaputok ng kanilang mga kanyon bilang pagpupugay sa kanilang pananaig. Subalit ang kanilang kaligayahan ay panandalian lamang. Kaabahan na higit pa sa kanilang naranasan ang naghihintay sa kanila, sapagkat hindi ito ang maliit na dagat na inaasahan nila​—ito’y tila walang katapusan, at ang mga lalaki’y patuloy na nagutom, nanghina at nagkasakit.

Si Antonio Pigafetta, isang matipunong Italyano, ang nag-iingat ng isang talaarawan. Ganito ang sulat niya: “Miyerkules, ikadalawampu’t walo ng Nobyembre, 1520, kami’y . . . pumasok sa dagat Pasipiko, kung saan kami’y nanatili nang tatlong buwan at dalawampung araw nang walang panustos . . . Ang kinain lamang namin ay durog na lumang biskuwit, at punô ng uod, at namamaho sa dumi ng mga daga . . . , at ininom namin ang tubig na madilaw at mabaho. Kinain din namin ang mga balat ng baka . . . , ang pinaglagarian ng kahoy, at mga daga na nagkakahalaga ng kalahating crown ang isa, bukod pa riyan hindi rin sapat ang mga ito.” Kaya, habang hinihipan ng sariwang hangin ang kanilang mga layag at ang malinaw na tubig ay pumapasok sa ilalim ng kanilang kilya, ang mga lalaki’y nanghihina dahil sa sakit na scurvy. Labinsiyam ang namatay nang makarating sila sa Mariana Islands, noong Marso 6, 1521.

Subalit dito, dahil sa pakikipag-alit sa mga tagaisla, kaunting sariwang pagkain lamang ang kanilang nakuha bago maglayag. Sa wakas, noong Marso 16, nakita nila ang Pilipinas. Sa wakas, lahat ng lalaki ay nakakaing mabuti, nakapahinga, at nanumbalik ang kanilang kalusugan at lakas.

Trahedya–​Gumuho ang Pangarap

Palibhasa’y isang napakarelihiyosong tao, kinumberte ni Magellan ang maraming tagaroon at ang kanilang mga pinuno sa Katolisismo. Subalit ang kaniyang sigasig ang siya ring nagpahamak sa kaniya. Nasangkot siya sa isang alitan sa pagitan ng mga tribo at, kasama ng 60 katao lamang, ay sumalakay sa mga 1,500 katutubo, na naniniwalang ang busog, riple, at Diyos ang titiyak sa kaniyang tagumpay. Sa halip, siya at ang marami sa kaniyang tauhan ang napatay. Si Magellan ay halos 41 anyos. Ganito ang hinagpis ng matapat na si Pigafetta: ‘Pinatay nila ang aming huwaran, liwanag, kaaliwan, at tunay na patnubay.’ Pagkaraan ng ilang araw, mga 27 opisyal na nagmamasid lamang mula sa kanilang mga barko ay pinatay ng dating palakaibigang mga pinuno.

Nang mamatay si Magellan, namatay siya sa pamilyar na kapaligiran. Malapit-lapit sa gawing timog ang kinaroroonan ng Spice Islands at sa kanluran naman, ang Malacca, kung saan siya nakipaglaban noong 1511. Gaya ng inaakala ng ilang mananalaysay, kung naglayag siya patungo sa Pilipinas pagkatapos ng digmaan sa Malacca, kung gayon nga, naikot niya ang globo​—bagaman, mangyari pa, hindi naman sa isang paglalayag lamang. Narating niya ang Pilipinas mula kapuwa sa silangan at sa kanluran.

Sinalot ng Sakuna ang Paglalakbay Pauwi

Yamang kakaunting lalaki na lamang ngayon ang natitira, imposible ang pagtatrabaho sa tatlong barko, kaya pinalubog nila ang Concepción at naglayag sa natitirang dalawang barko sa kanilang huling patutunguhan, ang Spice Islands. Pagkatapos, palibhasa’y nakapagkarga na ng mga espesya, naghiwalay ang dalawang barko. Gayunman, ang tripulante ng nagpupunyaging Trinidad ay nabihag ng mga Portuges at ibinilanggo.

Subalit ang Victoria, sa ilalim ng pamamahala ng dating manghihimagsik na si Juan Sebastián de Elcano, ay nakatakas. Dahil sa iniiwasan ang lahat ng daungan maliban sa isa, sinuong nila ang panganib ng rutang Portuges sa palibot ng Cape of Good Hope. Gayunman, ang hindi paghinto para sa mga panustos na pagkain ay isang magastos na estratehiya. Nang sa wakas ay marating nila ang Espanya noong Setyembre 6, 1522​—tatlong taon mula nang sila’y umalis​—tanging 18 maysakit, payat na payat na mga lalaki lamang ang nakaligtas. Sa kabila nito, sila pa rin ang hindi mapag-aalinlanganang unang nakalibot sa lupa. At si De Elcano ay isang bayani. Hindi kapani-paniwala, ang 26 na toneladang espesya ng Victoria ay sapat na upang ibayad sa buong ekspedisyon!

Nananatili ang Pangalan ni Magellan

Sa loob ng mga taon si Magellan ay pinagkaitan ng kaniyang tunay na dako sa kasaysayan. Palibhasa’y natangay ng mga ulat ng mapaghimagsik na mga kapitan, siniraan ng mga Kastila ang kaniyang pangalan, na sinasabing siya ay malupit at walang kakayahan. Siya’y binansagan ng mga Portuges na isang traidor. Nakalulungkot nga, ang kaniyang talaarawan ay naglaho nang siya’y mamatay, malamang na sinira niyaong ilalantad nito. Subalit dahil sa di-mapasusukong si Pigafetta​—isa sa 18 naglayag palibot ng globo​—at halos 5 pang miyembro ng ekspedisyon, sa paano man ay may ulat tayo ng kalunus-lunos, gayunma’y pambihirang, paglalayag na ito.

Nang maglaon, binago ng kasaysayan ang palagay nito, at ngayon ang pangalan ni Magellan ay may karampatang pinararangalan. Isang strait ang nagtataglay ng kaniyang pangalan, gayundin ang tinatawag na Magellanic Clouds​—dalawang malabong galaksi sa gawing timog na unang inilarawan ng kaniyang tripulante​—at ang space probe Magellan. At, mangyari pa, utang natin ang pangalan ng pinakamalaking karagatan sa daigdig​—ang Pasipiko​—kay Magellan.

Tunay, “walang gayong kahalagang paglalayag ng tao ang nagawa hanggang nang lumapag ang Apollo 11 sa Buwan 447 taon pagkalipas nito,” ang sulat ni Richard Humble, sa The Voyage of Magellan. Bakit napakahalaga ng paglalayag? Una, pinatunayan nito na ang mga bansa sa Amerika ay hindi bahagi ni malapit sa Asia, gaya ng akala ni Columbus. Ikalawa, sa pagtatapos ng paglalayag, ang isang araw na pagkakaiba sa mga petsa ay nagpapahiwatig ng pangangailangan ng isang international date line. At, sa wakas, gaya ng sinabi ng manunulat sa siyensiya na si Isaac Asimov, ipinakita nito na ang lupa ay bilog. Oo, tungkol sa huling banggit na ito, ipinakita ni Magellan sa praktikal na paraan kung ano ang sinasabi mismo ng Bibliya sa loob ng 2,250 taon. (Isaias 40:22; ihambing ang Job 26:7.) Walang alinlangang ang napakarelihiyosong taong nagbukas sa daigdig ay matutuwa riyan.

[Talababa]

a Ang kaniyang pangalang Portuges ay Fernão de Magalhães.

[Kahon sa pahina 14]

Ang Kasunduan ng Tordesillas

Dahil sa napakalawak na daigdig na nasa harapan nila, ang Portugal at Espanya ay nagkasundong maghahati sa kalakalan at mga karapatan sa pagkasoberanya sa bagong mga bansa. Kaya nga, sa ilalim ng pangunguna nina Papa Alexander VI at Papa Julius II, sila’y gumuhit ng isang linya ng longhitud sa kung tawagin ngayon ay Brazil. Ang mga bansang natuklasan sa silangan ng linyang ito ay magiging sa Portugal; ang natira ay sa Espanya. Hindi naging isang katalinuhan ang pagsasabi ni Magellan kay Haring Manuel ng Portugal na kapag ang linyang ito’y itutuloy sa mga polo sa kabilang panig ng globo, ang Spice Islands ay maaaring maging sakop ng Espanya. Ang matapat na obserbasyong ito, batay sa umiiral na ideya ng mas maliit na Karagatang Pasipiko, ay naging dahilan upang pagwikaan siya nang husto. Balintuna nga, napatunayan ni Magellan na siya’y mali. Gayunman, ang kaniyang paniniwala ay nagbigay sa kaniya ng karagdagang dahilan upang hingin ang pagtangkilik ng hari ng Espanya.

[Kahon/Larawan sa pahina 15]

Ang Kakila-kilabot na Karanasan ng Sinaunang Magdaragat

Lalo na sa matatagal na panggagalugad na mga paglalayag​—na kadalasang tumatagal ng mga taon​—ang buhay para sa hamak na magdaragat ay hindi naging kaayaayang paglalakbay-dagat. Narito ang isa lamang halimbawa ng pamumuhay ng isang magdaragat:

● Nakalulungkot na siksikang mga tuluyan at walang pribadong dako

● Madalas at malupit na parusa, depende sa kapritso ng kapitan

● Scurvy at kamatayan dahil sa kakulangan ng bitamina C

● Kamatayan dahil sa pagkawasak ng barko, gutom, uhaw, pagkalantad, mga katutubo

● Disintirya o tipus dahil sa marumi at mabahong tubig na iniinom

● Pagkalason sa pagkain dahil sa bulok at maruming kinakain

● Lagnat dahil sa kagat ng daga, mula sa ngipin ng gutom na mga daga

● Tipus, dahil sa kutong nagkukulumpon sa maruruming katawan at damit

● Sa lahat ng kalagayan, halos 50-50 tsansang makauwi nang buháy

[Credit Line]

Century Magazine

[Mapa/Mga larawan sa pahina 16, 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Paglalayag ni Magellan, 1519-22

⇦••• Ruta □ Pasimula at dulo ng ruta

Strait of Magellan

Si Magellan ay napatay sa Pilipinas

Ang huling yugto ng paglalayag ni Juan Sebastián de Elcano

[Credit Line]

Magellan: Giraudon/Art Resource, NY; mapa ng daigdig: Mountain High Maps® Karapatang-sipi © 1995 Digital Wisdom, Inc.; astrolabe: Sa kagandahang-loob ng Adler Planetarium

[Larawan sa pahina 16]

Ferdinand Magellan

[Larawan sa pahina 16]

Ang “Victoria,” ang unang barko na nakalibot sa globo. Sa kaniyang limang barko, ito ang ikaapat sa sukat at naglulan ng 45 lalaki. Ang barkong ito ay mga 21 metro ang haba

[Mga larawan sa pahina 17]

Mga instrumento sa nabigasyon: Ang hourglass ang sumusukat ng oras, samantalang ang astrolabe ang tumitiyak sa latitud ng barko

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share