Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 3/22 p. 24-26
  • Ang Di-malilimutang Paglalakbay ni Vasco da Gama

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Di-malilimutang Paglalakbay ni Vasco da Gama
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Mahabang Paglalakbay
  • Nagtagpo ang Kanluran at ang Silangan
  • Isang Nagbagong Daigdig
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2000
  • Isang Tulay na Isinunod sa Pangalan ni Vasco Da Gama
    Gumising!—1998
  • Nabigasyon sa Pamamagitan ng Tubig, Kalangitan, at Hangin
    Gumising!—2003
  • Yungib ng mga Leon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 3/22 p. 24-26

Ang Di-malilimutang Paglalakbay ni Vasco da Gama

Humuhugis pabilog ang tubig-dagat habang sumasalpok sa mga alon ang proa ng barko na yari sa kahoy. Pagkaraan ng mga buwan sa dagat at ng maraming hirap, si Vasco da Gama at ang kaniyang mga tauhan ay malapit nang maging ang unang mga taga-Europa na makararating sa India sa pamamagitan ng paglalayag sa palibot ng timugang dulo ng Aprika. Mahirap ang gayong paglalakbay kahit na sa pamamagitan ng kasalukuyang kaalaman at kasangkapan sa nabigasyon. Ngunit sa mga lalaking nakasakay sa tatlong mumunting barko ni Da Gama 500 taon na ang nakalilipas, tiyak na iyon ay parang paglalakbay patungo sa buwan. Ano ba ang nag-udyok sa walang-takot na Portuges na manggagalugad na ito at sa kaniyang mga tauhan upang tahakin ang gayong pakikipagsapalaran? Paano iyon nakaapekto sa daigdig?

BAGO isilang si Da Gama, ang saligan para sa paglalakbay na iyon ay nailatag na ng Portuges na si Prinsipe Henry, na kung minsa’y tinatawag na ang Maglalayag. Sa ilalim ng pagtangkilik ni Henry, malalaking pagsulong ang nagawa sa pagdaragat at komersiyo sa karagatan. Para kay Henry at sa mga manggagalugad na sumunod sa kaniya, may malapit na kaugnayan ang pagtuklas, komersiyo, at relihiyon. Layunin ni Henry na paunlarin ang Portugal at itaguyod ang Katolisismo. Siya ang gobernador sa Orden ni Kristo, ang pinakamataas na grupong militar at relihiyoso sa Portugal. Tinangkilik iyon ng papa, at ang mga proyekto ni Henry ay pangunahin nang tinustusan ng mga pondo na nalikom sa pamamagitan ng orden na ito. Dahil dito, lahat ng kaniyang barko ay may pulang krus sa mga layag nito.

Nang mamatay si Henry noong 1460, nagalugad na ng mga Portuges ang kanlurang baybayin ng Aprika hanggang sa malayong timog na kilala ngayon bilang Sierra Leone. Noong 1488, naglayag si Bartholomeu Dias sa palibot ng dulo ng Aprika. Pagkatapos ay buong-pagtitiwalang iniutos ni Haring Juan II ang paghahanda para sa isang ekspedisyon sa India. Ang mga paghahanda ay ipinagpatuloy ng kahalili ni Juan, si Haring Manuel I. Noon, makukuha lamang sa Europa ang mga espesya ng India sa pamamagitan ng mga paglalakbay sa daan ng mga mangangalakal na Italyano at Arabe. Ang kalakalan sa Karagatan ng India ay hawak naman ng mga mangangalakal na Arabeng Muslim. Batid ni Manuel na ang lider ng ekspedisyon ay dapat na, ayon sa mga salita ng isang mananalaysay, “isang taong mapagsasama ang lakas ng loob ng isang kawal, ang katusuhan ng isang mangangalakal, at ang kahusayan ng isang diplomatiko.” Marahil iyon ang nasa kaniyang isip nang piliin ni Manuel si Vasco da Gama.

Isang Mahabang Paglalakbay

Noong Hulyo 8, 1497, sa ilalim ng bandila ng Orden ni Kristo, nagmartsa nang dala-dalawa si Da Gama at ang kaniyang 170 tripulante patungo sa kanilang katatapos na mga barko. Sa dalampasigan, isang pari ang nagkaloob sa kaniya at sa kaniyang mga tripulante ng pagpapawalang-sala. Sakaling may mamatay sa kanila sa paglalakbay, sila’y pawawalang-sala sa anumang kasalanang nagawa nila habang daan. Maliwanag na inaasahan ni Da Gama na magkakaroon ng gulo​—nagdala siya ng mga kanyon at maraming busóg, tulos, at mga sibat.

Ipinasiya ni Da Gama na iwasan ang di-kanais-nais na mga hangin at agos ng tubig na naengkuwentro ni Dias sampung taon bago nito. Sa Sierra Leone, minaniobra niya ang kaniyang mga barko patimog-kanluran hanggang sa naging mas malapit na siya sa Brazil kaysa sa Aprika. Saka siya tinangay ng malalakas na hangin ng Timog Atlantiko pabalik sa Aprika at mas malapit sa Cape of Good Hope. Wala pang napaulat noon na dumaan sa rutang ito, pero mula noon, dinaraanan na ito ng bawat naglalayag na barko patungo sa Cape.

Nang dumaraan sa dako kung saan bumalik si Dias, inugitan ni Da Gama ang kaniyang plota patungo sa silangang baybayin ng Aprika. Sa Mozambique at Mombasa, nagpakana ang mga sultan doon upang patayin si Da Gama at ang kaniyang mga tripulante. Kaya lumipat si Da Gama sa Malindi (ngayo’y timog-silangang Kenya). Doon ay nasumpungan niya sa wakas ang isang makaranasang piloto para akayin sila patawid sa Karagatan ng India.

Nagtagpo ang Kanluran at ang Silangan

Matapos maglayag ng 23 araw mula sa Malindi, noong Mayo 20, 1498, ang nagbubunying si Vasco da Gama at ang kaniyang mga tauhan ay dumaong sa Calicut, India. Nasumpungan ni Da Gama ang Hindung zamorin, o hari, na namumuhay sa labis na karangyaan at luho. Ipinaliwanag ng marinero na ang misyon niya ay pakikipagkaibigan at na siya at ang kaniyang mga tauhan ay naghahanap ng mga Kristiyano. Sa simula ay hindi siya bumanggit ng tungkol sa kalakalan ng espesya. Ngunit nahiwatigan kaagad ng mga mangangalakal na may kontrol sa kalakalan sa lugar na iyon ang banta sa kanilang katayuan at pinayuhan nila ang hari na patayin ang mga nagsidating. Kung makikipagkalakalan siya sa mga Portuges, ang babala nila, mawawala sa kaniya ang lahat. Palibhasa’y nabalisa sa payong ito, hindi malaman ng hari kung sino ang kaniyang papanigan. Sa wakas, ibinigay niya kay Da Gama ang ibig nito​—isang liham sa hari ng Portugal na doo’y nakasaad na sumasang-ayon ang zamorin na makipagkalakalan sa hari.

Isang Nagbagong Daigdig

Nagbalik si Da Gama sa Lisbon noong Setyembre 8, 1499​—anupat sinalubong na isang bayani. Agad-agad, nagsaayos si Haring Manuel ng marami pang misyon. Ang sumunod ay pinangunahan ni Pedro Álvares Cabral, na nag-iwan ng mahigit sa 70 kalalakihan sa Calicut upang ipagsanggalang ang kapakanan ng mga Portuges. Ngunit hindi mapapayagan ng mga mangangalakal ang gayong pakikialam sa kanilang hanapbuhay. Isang gabi, mahigit sa kalahati ng mga tauhan ang pinatay ng isang malaking grupo ng mga mang-uumog. Nang magbalik si Da Gama sa India bilang pinuno ng ikatlong ekspedisyon, gumanti siya, anupat binomba ang Calicut mula sa kaniyang lubhang armadong plota ng 14 na barko. Nabihag din niya ang isang barko na galing sa Mecca at sinunog ito, anupat pinatay ang daan-daang kalalakihan, kababaihan, at mga bata. Bagaman nagmakaawa sila, walang-habag na nagmasid lamang si Da Gama.

Nagpatuloy ang mga Portuges hanggang sa maging nangingibabaw na kapangyarihan sa Karagatan ng India. Nang maglaon, naglunsad sila ng mga ekspedisyon sa Malacca, Tsina, Hapon, at sa Moluccas (Spice Islands). Naniwala sila na ang mga taong nakasagupa nila ay “hindi sakop ng batas ni Jesu-Kristo” at sa gayo’y “hinatulan sa walang-hanggang apoy,” isinulat ng mananalaysay na si João de Barros noong ika-16 na siglo. Kaya nadama ng mga manggagalugad na malaya silang gumawa ng karahasan kailanma’t inaakala nilang kailangan ito. Ang gayong di-kristiyanong paggawi ay nagbunga ng malalim na pagkapoot sa Kristiyanismo sa Asia .

Ang naisakatuparan ni Da Gama ay nagbukas ng ruta sa dagat sa pagitan ng Europa at Asia. Kaya naman, nagsimula ang isang bagong yugto sa panahon ng panggagalugad, na nagdadala ng bagong mga ideya sa mga bayang natatagpuan ng mga manggagalugad. “Wala sa mga bayang ito,” ang isinulat ni Propesor J. H. Parry, “ang nakaligtas sa impluwensiya ng Europa, iyon ma’y panlipunan, relihiyoso, komersiyal, o teknikal.” Sa isang banda, ang mga ideyang Silanganin, na inihatid ng mga alulod ding iyon, ay nagsimulang magkaroon ng mas malaking impluwensiya sa Europa. Nang maglaon, ang pagpapalitang ito ng mga ideya ay nagpalawak sa kabatiran tungkol sa lubhang pagkakasari-sari ng kultura ng tao. Sa katunayan, anuman ang kinalabasan, nadarama pa rin ng modernong daigdig ang mga epekto ng di-malilimutang paglalakbay ni Vasco da Gama.

[Mapa sa pahina 24, 25]

Ang ruta ng unang paglalakbay ni Vasco da Gama

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 26]

Dibuho ng isa sa mga barko ni Da Gama

[Credit Line]

Cortesia da Academia das Ciências de Lisboa, Portugal

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Cortesia do Museu Nacional da Arte Antiga, Lisboa, Portugal, fotografia de Francisco Matias, Divisão de Documentação Fotográfica - IPM

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share